Bakit Mananatili na Walang Karanasan sa Sekso?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Mananatili na Walang Karanasan sa Sekso?
“ANG kawalan ng karanasan sa sekso,” sabi ng manunulat na si Lesley Jane Nonkin, “ay naging tulad sa unang tubong mga ngipin, ‘bagay na naiwawala bago ang gradwasyon.’ ” Ang mga pahayag na gaya nito ay nagpapakita ng maluwag, iresponsableng saloobin na taglay ng mga kabataan hinggil sa sekso. Sa ngayon, ang isang kabataan na wala pang karanasan sa sekso ay maaaring pagtakhan, kakatuwa. Sa isang surbey sa mga kabataan, inamin ng mga batang lalaki na sila ay “sabik na sabik” na magkaroon ng karanasan sa sekso. Ang mga babaing wala pang karanasan sa sekso ay umamin ng pagkadama ng pagiging “di-normal.”
Gayunman, gaya ng ipinakita ng nakaraang artikulo ang kawalan ng karanasan sa sekso ay mabuti sa paningin ng Diyos. a Kaniyang pinahahalagahan iyon at hinahatulan ang pagtatalik bago ang kasal na moral na mali at nakapipinsala. (1 Tesalonica 4:3-8) Sa gayon, ang pananatiling walang karanasan sa sekso ay humihiling ng pagharap sa matinding panggigipit. Bakit kailangang gawin ng isang kabataan iyon? May mga bentaha ba ang pananatiling walang karanasan sa sekso?
Ang Paraan na Makasumpong ng Pag-ibig?
Maraming kabataan ang nag-iisip na ang sekso ay isang paraan ng pagpapahayag ng pag-ibig—o upang ibigin ng isa. Natural lamang na magnais na ibigin. At ang mga kabataan ay kadalasang may pantanging pangangailangan sa bagay na ito. Nagpapaliwanag ang aklat na Coping With Teenage Depression: “Ang umuunting pagmamahalan at pangangalaga sa maraming pamilya ang siyang dahilan upang ang mga tin-edyer ay maghanap sa ibang dako para sa gayong kaaliwan at pagkamalapít. Maraming pamilya sa ngayon ang abala sa buhay anupa’t kakaunti ang panahon nila sa isa’t isa at sa magkakasamang gawain at pagtitiwalaan. . . . Pagka hindi makasumpong ang tin-edyer ng pag-ibig at pangangalaga sa tahanan, kaniyang . . . makikita ang seksuwal na gawain bilang ang sukdulang hakbang tungo sa pagmamahal at ang katunayan kung paano ibigin at pahalagahan.”
Ito’y naging totoo sa isang kabataang babae na ang pangalan ay Ann. Siya’y nagpaliwanag: “Maraming kabataan ang nakadarama na para bagang hindi sila iniibig, marahil dahilan sa ang kanilang mga magulang ay hindi sila gaanong pinagpapakitaan ng maraming atensiyon. Di-magtatagal sila’y nangangailangan at nagnanais na ibigin o maging malapít sa isa. Ito ang nangyari sa akin. Ako’y bumaling sa isang lalaki para sa pag-ibig.”
Gayunman, ang tunay na pag-ibig ay “hindi nag-uugaling mahalay, hindi hinahanap ang sariling kapakanan.” (1 Corinto 13:4, 5) Sa loob ng marangal na pag-aasawa, ang sekso ay nagsisilbi sa kagalang-galang at magandang layunin. (Genesis 1:28; Kawikaan 5:15-19) Ngunit sa labas ng pag-aasawa, iyon ay wala kundi isa lamang pampaginhawa sa mga sugat ng damdamin, isang pagtakas sa mga panggigipit, isang paraan upang palakasin ang nanghihinang pagkamakaako, isang pagtugon sa panggigipit ng kasama, o pagkakataon na magtamasa ng ugnayang pangmag-asawa nang hindi tinatanggap ang mga pananagutan nito. Si Dr. Louis Fine ay naghinuha na: “Karaniwan na, ang seksuwal na paggawi ng isang nagdadalaga o nagbibinata ay malupit, galit, at mapangwasak; hindi iyon pagpapakita ng pagmamalasakit, pagbibigay, o pagmamahal.”—“After All We’ve Done for Them”—Understanding Adolescent Behavior.
Nasumpungan ni Ann na ito’y totoo sa kaniyang kaso. “Ako’y nagdalang-tao,” kaniyang gunita. “At nang nangyari iyon, natalos kong talagang nagmalasakit ang aking mga magulang, na talagang mahal nila ako. Ang mga magulang ko ang nagtaguyod sa akin sa panahon ng aking pagdadalang-tao—hindi ang lalaking aking minahal. Siya’y nawala.”
Kahit walang nakatatakot na mga resulta, gaya ng pagdadalang-tao, ang bawal na ugnayan ay kadalasang iniiwan ang isa na nasaktan at walang kabuluhan. Ang sabi ng aklat na The Private Life of the American Teenager: “Ang ilan ay nakadarama na pinagsamantalahan ng mga kasintahan na nananakot na iwanan sila malibang pumayag silang makipagtalik. At kung sila’y pumayag, sila’y kadalasang nakadarama na sila’y ginamit lamang, lalo na kung ang relasyon ay magwawakas o magpapatuloy batay lamang sa sekso.”
Pagka Napakabata Pa Para Mag-asawa
Ang ilan ay nakadarama na ang pagtatalik ay nakatutulong upang ang lalaki’t babae ay maging malapít sa isa’t isa. Ngunit kung ang dalawa ay napakabata pa upang mag-asawa, sa anong layunin magsisilbi ang pagiging malapít sa isa’t isa? Ang bunga ay maaaring kirot lamang ng damdamin pagka ang relasyon ay humantong na sa di-maiiwasang paghihiwalay. Sa kaniyang aklat na How to Raise Parents, ang manunulat na si Clayton Barbeau ay nagpaalaala sa atin na “ang pagbibinata o pagdadalaga ay pagka pinauunlad mo ang iyong sarili, tinutuklas mo kung sino ka.” Siya’y nagtanong: “Kung hindi mo kilala kung sino ka, paano mo maiibig, at sa gayo’y makilala, ang iba?”
Bukod pa rito, ang pagtatalik sa panahon ng pagliligawan ay sumusupil, hindi nagpapaunlad, ng isang makabuluhang pakikipagtalastasan. Kasabay nito, ang pagkadama ng kasalanan ay magpapangyari na maglayo ang dalawa. (Roma 2:15) “Ang aking pagkadama ng pagkakasala ang naging dahilan ng mas malawak na agwat sa aming kaugnayan,” ang pagtatapat ng isang babae. “Kinamuhian ko [ang aking nobyo] dahil sa nadama kong ako’y masama. Hindi na ako makatingin sa mata ng aking mga magulang dahil ako’y hiyang-hiya.” Isa pang kabataan na nagsisisi: “Ipinagwalang-bahala ko lahat ng aking pinaniwalaan, ang aking mga pinahahalagahan at paggalang-sa-sarili, at ang aking malinis na budhi—lahat upang ako’y ibigin lamang.”
Ang manunulat na si Clayton Barbeau ay binuod nang mahusay iyon nang kaniyang sabihin: “Sa palagay ko ang mga tin-edyer na naglalaro lamang sa sekso ay gaya ng mga sanggol na nakahawak ng dinamita.”
Ang Susi sa Isang Maligayang Pag-aasawa?
Ang ilang kabataan ay nag-aakala na ang pagkakaroon ng karanasan sa sekso ay gagawin silang mas handa sa pag-aasawa. Ang kabaligtaran ang ipinakikita ng katotohanan. Sa isang bagay, ang mga suliranin sa sekso sa pag-aasawa ay karaniwan nang nauugnay sa emosyonal na mga salik—hindi ang kakulangan ng karanasan sa sekso. Sa ano pa man, ang pagtatalik bago ang kasal ay nakapipinsala sa pag-aasawa. Sinisira niyaon ang pagtitiwala sa isa’t isa at tinuturuan ang mag-asawa na makipag-ugnayan1 Corinto 7:3; ihambing ang Gawa 20:35.
sa isa’t isa sa pisikal na paraan lamang; ang emosyonal na pagkamalapít ay pinabayaan na. Gaya ng sabi ng aklat na Building a Successful Marriage: “Ang pagtatalik bago ang kasal ay hindi dapat na sa pisikal na antas lamang, ipinakikilala ng kasakiman sa halip na pagdaramayan.” Sa wakas, ang sakim na pangmalas sa sekso ay magbubunga ng kadalamhatian sa pag-aasawa. Ang kasiyahan sa pag-aasawa ay dumarating pagka ang mag-asawa ay nagkakapit ng mga simulain sa Bibliya at higit na nababahala sa pagbibigay kaysa pagtanggap.—Binabanggit ng aklat na Why Wait Till Marriage? ang isa pang suliranin: “Ang mga lalaki at babae na naging maluwag sa sekso bago nag-asawa ay hindi maaasahang makahimalang magbago pagka sila’y nagpakasal. Sa ilang eksemsiyon, sila’y nagpapatuloy sa kanilang mga kapusukan sa sekso gaya ng kanilang ginagawa bago sila ikasal.” Ang aklat ay nagtatapos: “Kung ang katapatan sa pag-aasawa ay mahalaga sa iyo, kung gayon kilalanin na iyon ay may kaugnayan sa katapatan bago mag-asawa.” Ang pananatiling walang karanasan sa sekso bago mag-asawa ay maaaring tumulong sa iyo na paunlarin mo ang moral na kalakasan na kailangan upang masunod ang utos ng Bibliya: “Hayaang ang pag-aasawa’y maging marangal sa lahat, at huwag nawang madungisan ang higaan ng mag-asawa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mapakiapid at mga mangangalunya.”—Hebreo 13:4.
Isang artikulo sa isang iginagalang na magasing pangmedesina ay naghihinuha: “Maliwanag na ang mga walang karanasan sa sekso ay may mabuting pagkakataon para sa isang matagumpay na pag-aasawa sapagkat kalimitang sila’y may iba pang mga kagalingan, gaya ng higit na debosyon sa tungkulin, mas may kakayahan na iantala ang pagbibigay-kasiyahan, higit na pagkabahala sa pagsunod sa mga tuntunin, at katulad na mga katangian.” Yaong may kahangalang ipinagwawalang-bahala ang kanilang kalinisan sa moral kung magkagayo’y may higit na ipagsisisi. b Ang sabi ng isang babae: “Ako’y 14 anyos at naiwala ko na aking pagka-dalaga. Sa aking buong puso at kaluluwa, taimtim kong pinagsisisihan iyon. Sumasama ang aking loob dahil nais kong maging babaing birhen na hinahangad ng aking mapapangasawa.”
Iwasang Gawan Nang Masama ang Sarili
May isa pang huling bentaha ang kawalan ng karanasan sa sekso na dapat mong isaalang-alang. Ipinakikita ng Bibliya na yaong mga humahamak sa mga kautusan ng Diyos ay “nagpapakasamâ sa kanilang sarili bilang ganti sa gawang masama.” (2 Pedro 2:13) Paanong ang pagtatalik bago ang kasal ay magbubunga sa gayong paggawa ng masama sa sarili? Halimbawa, isaalang-alang ang isang artikulo sa magasing Seventeen: “Ang mga mananaliksik sa AIDS ay nagsabi na sila’y lubusang nangangamba sa kanilang nakikitang paglaganap ng virus ng AIDS sa mga tin-edyer.” Gayunman, sa kabila ng lahat ng publisidad hinggil sa nakamamatay na sakit na ito, isinisiwalat ng isang pag-aaral na “halos sangkatlo lamang [ng mga kabataang sinurbey] ang nagbago sa kanilang paggawi sa sekso bilang resulta ng pagkatakot sa sakit.”
Hindi rin natalos ng gayong mga kabataan na ang imoral na paggawi ay maaaring magbunga ng pagdadalang-tao, napakaraming sakit na naililipat ng pagtatalik karagdagan pa sa AIDS, trauma sa emosyon, manhid na budhi, at—pinakamasama sa lahat—isang nasirang kaugnayan sa Diyos. Huwag gawan nang masama ang iyong sarili. Ang Kawikaan 14:16 ay nagsasabi: “Ang pantas ay natatakot at humihiwalay sa kasamaan.” Huwag kang padalang maniwala sa kuwento ng “ligtas na pagtatalik” (safe sex). Kung ang Diyos ang tatanungin, ang tanging ligtas at kaaya-ayang pagtatalik ay nasa loob ng buklod ng pag-aasawa. Hanggang sa panahong iyon, pakaingatan ang iyong kalinisan sa moral. Huwag padala sa iba na ikahiya iyon o pahimok ka na ipagwalang-bahala iyon.
[Mga talababa]
a Tingnan ang Marso 22, 1992, na labas ng Gumising!
b Yaong mga naiwala ang kanilang pagka-dalaga dahilan sa panggagahasa o pag-abuso sa bata ay maaaliw na malaman na sila’y minamalas pa rin ng Diyos bilang “walang-sala at walang-malay.” (Filipos 2:15) Sinuman na nakiapid bago nagtamo ng kaalaman sa mga simulain ng Bibliya ay maaaliw rin na malaman na dahilan sa pananampalataya sa pantubos ni Jesus, sila’y “nahugasan nang malinis” sa paningin ng Diyos. (1 Corinto 6:11) Ang isang Kristiyano na nahulog sa imoralidad ngunit taimtim na nagsisisi at nanunumbalik ay maaari ring makapagtamo ng malinis na katayuan sa harap ng Diyos. Ang maibigin, maunawaing asawa ay kadalasang handang magpatawad sa ilalim ng ganitong mga kalagayan.
[Larawan sa pahina 26]
Maraming nagtalik bago ikasal ay nakadamang sila’y ginamit at pinagsamantalahan