May Layunin ba ang Buhay?
May Layunin ba ang Buhay?
“‘Bakit tayo narito?’ ay ang pinakamahalagang tanong na kailangang harapin ng isang tao. . . . Ako’y naniniwala na ang buhay ay may kabuluhan sa kabila ng nakita kong walang-saysay na kamatayan. Ang kamatayan ay walang-kabuluhan, ang buhay ay mayroon.”
ANG mga salitang ito ay isinulat ni Elie Wiesel, kilalang manunulat at nakaligtas sa mga kampong piitan ng Nazi. Isa siya sa marami na sumagot sa tanong na iniharap ng magasing Life: “Bakit tayo narito?” Nakita niya ang buhay sa sukdulang kasamaan nito, subalit siya’y kumbinsido na ang buhay ay may kabuluhan.
Gayunman, hindi lahat ay sumasang-ayon. Isang tsuper ng taksi na nagngangalang José Martínez ang sumagot sa tanong ding iyon nang ganito: “Narito tayo upang mamatay, basta mabuhay at mamatay. Ako’y nagmamaneho ng taksi. Ako’y nangingisda, at inilalabas ko ang aking kasintahan, nagbabayad ng buwis, nagbabasa nang kaunti, pagkatapos ay naghahandang mamatay . . . Ang buhay ay isang malaking pagkukunwari.” Para kay José, maliwanag na ang buhay ay walang kabuluhan, walang layunin.
Kataka-taka, maraming edukadong tao ang waring sumasang-ayon sa tsuper ng taksi sa halip na sa manunulat. Ang ebolusyunistang sina Richard E. Leakey at Roger Lewin, sa kanilang aklat na Origins, ay nagsabi: “Marahil ang uring tao ay isa lamang na nakakatakot na biyolohikal na pagkakamali, na sumulong sa isang punto na kung saan maaaring umunlad kaayon ng kaniyang sarili at ng ginagalawang daigdig.” Para sa kanila, ang buhay ay walang-kabuluhan.
Katulad nito, ang ebolusyunistang si Stephen Jay Gould ay sumulat: “Tayo ay naririto dahil ang isang naiibang grupo ng mga isda ay may pantanging anatomiya ng palikpik na maaaring mabago at maging mga binti para sa mga kinapal sa lupa; . . . sapagkat ang maliliit at mahihinang uri, na nagmumula sa Aprika sa nakalipas na dalawang daan at limampung libong mga taon, ang nagpapatuloy, hanggang ngayon, upang makapanatili anuman ang mangyari. Tayo’y maaaring magnais ng ‘mas mataas’ na kasagutan—subalit walang umiiral na mas mataas na kasagutan.” Para kay Gould, ang buhay ng tao ay isang walang-saysay na aksidente.
Si Gould ay tama sa paano man sa isang bagay. Marami ang nagnanais ng “mas mataas” na kasagutan kaysa kaniyang iminungkahi. Sa panahon ng kasakunaan, marami ang nag-iisip gaya ng 11-anyos na si Jason. Ang batang lalaking ito ay sumulat hinggil sa kamatayan ng kaniyang kaibigan: “Nang mamatay ang aking kaibigang si Kim dahil sa kanser tinanong ko ang aking Inay na kung ginawa lamang ng Diyos si Kim para mamatay nang siya’y 6 na taon lamang, bakit pa siya ipinanganak?” Nadama ni Jason na ang buhay ay dapat na may layunin, at waring binigo ng malungkot na kamatayan ng kaniyang batang kaibigan ang layuning iyan.
Ang Kahalagahan ng Katanungan
Mahalaga ba na malaman kung may layunin ang buhay o wala? Ito ba ay basta isang pilosopikal na tanong, o isa na dapat mong isaalang-alang? Marami ang nabubuhay na hindi lubusang pinag-iisipan ang bagay na iyan. At kung tama si José, ang kanilang landas ay maaaring ang matalinong landas na dapat sundin.
Gayunman, kung tama si Elie Wiesel at ang buhay nga ay may kabuluhan, tiyak na dapat nating alamin kung ano iyon. Kung hindi, maaaring mawala natin ang pinakamahalagang punto ng kahanga-hangang
karanasan sa buhay. Gaya iyon ng pamamasyal sa isang galerya na hindi tumitingin sa mga larawan o nauupo sa isang restauran na hindi umuorder ng pagkain.Paano natin masusumpungan kung may layunin ang buhay o wala? Sa susunod na artikulo, ating tatalakayin ang ilang katotohanan na tumutulong upang malutas ang suliraning ito.