Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Si Moises ba’y Isang “Water Dowser”?

Si Moises ba’y Isang “Water Dowser”?

Si Moises ba’y Isang “Water Dowser”?

“SI Moises, na nagpalabas ng tubig sa paghampas sa bato sa pamamagitan ng isang tungkod (Bilang 20:9-11), ay tinawag na ang unang water dowser.” (The Encyclopedia Americana) Ito ang ideya na madalas na lumilitaw kapag tinatalakay ang paksang dowsing. Kamakailan, maliwanag na tinawag ng magasing National Wildlife ang tungkod ni Moises na “isang divining rod.” At naniniwala ang ilang dowser na ang kanilang kapangyarihan ay galing kay Moises.

Gayunman, kabaligtaran nito, si Moises ang siyang sumulat ng kautusan laban sa huwad na panghuhula! (Deuteronomio 18:10) At ang himala sa Meribah ay malayung-malayo sa water dowsing. Maraming dowser ang nagtitiwala sa isang patpat upang hanapin ang natatagong tubig; sinusundan nila ito, hinihintay na ito’y kumilos o kumalog. Subalit si Moises ay hindi kailanman sumunud-sunod sa kaniyang tungkod na naghihintay na ito’y kumilos; sa katunayan, hindi siya kailanman naghanap ng tubig. Si Jehova, ang Maylikha ng lupa at ng natatago nitong mga bukál ng tubig, ang nagsabi kay Moises kung saan at kung paano makukuha ang tubig: “Magsalita ka sa bato,” utos ng Diyos, “upang ibigay niyaon ang kaniyang tubig.”​—Bilang 20:8.

Isa pa, karaniwang sinasabi lamang ng mga dowser sa mga tao kung saan maghuhukay. Nang hampasin ng tungkod ni Moises ang bato, isang malakas na agos ng tubig ang lumabas​—sapat upang pawiin ang uhaw ng isang buong bansa. Galit ng Diyos ang napala ni Moises nang kunin niya ang kredito sa himalang ito. Masahol pa nga kung ibigay niya ang kredito sa kaniyang tungkod​—isang walang-saysay na piraso ng kahoy!