“Ako’y Disididong Mamatay Para sa Emperador”
“Ako’y Disididong Mamatay Para sa Emperador”
1. “Ang sundalo ay dapat na gawing tungkulin niya ang katapatan.
2. Ang sundalo ay dapat na gawing paraan ng buhay niya ang kagandahang-asal.
3. Ang sundalo ay dapat na lubhang pahalagahan ang kagitingang militar.
4. Ang sundalo ay dapat na magkaroon ng mataas na paggalang sa katuwiran.
5. Ang sundalo ay dapat na mamuhay ng simpleng buhay.”
ANG limang kapahayagang ito ay mga artikulo ng isang panunumpa ay ginawa upang bigyang-inspirasyon ang mga bagong tinawag na magsundalo sa Japanese Imperial Army. Ang nakatataas na mga opisyal ay dumarating araw-araw upang ipabigkas sa bawat kinalap ang limang artikulo sa ilalim ng banta ng mga suntok kung hindi ito masabi nang tama. Idiniin lalo na ang matatag na katapatan sa emperador at sa bansa.
Ako’y tinawag na magsundalo noong 1938, nang ang Hapón ay nasa kalagitnaan ng Digmaang Sino-Hapones noong 1937-45. Sa bawat okasyon, kami ay pinatitibay ng ideya na ang digmaan ay sagrado at na kung paanong tinangay ng “banal na hangin” (kamikaze) ang mga Mongol nang salakayin nila ang Hapón noong dakong huli ng ika-13 siglo, ang mga diyos, o kami, ng Hapón ay magbibigay sa amin ng tagumpay.
Pagkatapos ng martial at “espirituwal” na pagsasanay, kami’y nagtungo sa larangan ng digmaan noong 1939. Ako’y binigyan ng aking mga magulang ng isang sinturong may sanlibong-tahi upang itali sa palibot ng aking balakang. Ito’y ginawa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang libong iba’t ibang tao na nagtahi ng isang tahi ng pulang sinulid bilang isang dasal para sa tagumpay at sa aking patuloy na mabuting kapalaran bilang isang sundalo. Patungo sa Tsina at namamaalam sa aking bansa, ako’y nakadarama ng halong tuwa at kalungkutan. ‘Maaaring ito na ang huling pagkakataon na makita ko ang aking inang-bayan,’ naisip ko. Kasabay nito, ako’y disididong mamatay para sa emperador.
Kahabag-habag na Kalagayan sa Tsina
Noong Hulyo 1939, sa matinding init na kakatuwa sa mainland ng Tsina, aming isinagawa ang panghuling operasyon sa sentral Tsina. Ako’y nagmartsa na lubusang nasasangkapan ng isang 30-kilong backpack subalit lagi kong suot ang aking sanlibong-tahi na sinturon. Sa pagtatapos ng isang araw na martsa, mga 40 kilometro, halos kaladkarin ko ang aking paa sa pagod. Tinuklap ko ang mga paltos sa aking paa sa pamamagitan ng isang tabak at binuhusan ko ito ng salicylic acid. Halos mapalundag ako sa kirot! Gayunman ay inulit ko ang gayong pagpapahirap-sa-sarili hanggang sa ang mga paltos ay maging kalyo at hindi na ako nakadarama ng anumang kirot.
Ang pagmamartsa sa init ay tumuyo sa akin. Lalagyan ko ng maruming tubig buhat sa isang sapa ang aking kantín, daragdagan ito ng bleaching powder, at papawiin ang aking uhaw. Ang anumang inumin ay kaagad na nagiging pawis, binabasa ang aking mga damit at nag-iiwan ng puting batik ng asin sa aking uniporme. Di-magtatagal ako’y mangangati at makadarama ng kirot sa aking buong katawan. Isang araw ay hinubad ko ang aking uniporme at nasumpungan kong gumagapang ang mga kuto at nangingitlog ng mga lisa! Isa-isa ko itong tiniris, subalit walang paraan upang madaig ko ito sa dami ng kuto. Lahat kami ay may kuto. Kaya pagdating namin sa isang sapa, kami’y lumundag at naligo. Ang lahat ay punô ng namamagang pulang pantal dahil sa kagat ng kuto. Pagkatapos maligo, binabad namin ang aming uniporme
sa kumukulong tubig upang mamatay ang mga kuto.Nang maglaon, ako’y inilipat sa punong-tanggapan ng sangay sa Shanghai at naging isang noncommissioned payroll officer. Ang aking trabaho bilang pagador ay mag-ingat ng mga kuwenta para sa mga kawal at ingatan ang kahon ng salapi. Isang araw nakita kong itinatakas ito ng dalawang obrerong Intsik. Binabalaan ko sila, ikinasa ko ang aking baril, at binaril sila. Sila kapuwa ay namatay karaka-raka. Sa dakong huli ng buhay binagabag ng insidenteng ito ang aking budhi sa loob ng maraming taon.
Patungo sa Singapore
Noong dakong huli ng 1941, nasasangkapan nang husto, kami ay inutusang sumakay sa isang barko. Walang sinabi kung saan ang aming patutunguhan. Pagdating sa Hong Kong, ikinarga ang mga bisikleta, tangke, at pangmalayuang baril. Ang mga maskara para sa gas at mga unipormeng pantag-araw ay ibinigay, at kami minsan pa’y naglayag sa dagat. Pagkaraan ng ilang araw, kami’y sinabihan: ‘Tayo’y makikipagbaka ng siyentipikong pakikipagbaka na walang katulad sa laki. Tiyakin ninyong mag-iwan ng isang liham ng pamamaalam sa inyong pamilya.’ Ako’y sumulat ng isang huling liham sa aking mga magulang, nagsusumamo sa kanila na patawarin nila ako dahil sa wala akong ginawa upang tuparin ang aking pananagutan sa kanila. Sinabi ko sa kanila na isasakripisyo ko ang aking buhay para sa emperador at ako’y mamamatay alang-alang sa aking bayan.
Maaga noong umaga ng Disyembre 8, 1941, ang mismong araw nang salakayin ng mga eruplanong Hapones ang Pearl Harbor, kami ay gumawa ng pagsalakay sa baybayin ng Lalawigan ng Songkhla, Thailand, samantalang madilim pa. a Ang dagat ay nagngangalit. Isang hagdan na lubid ang umimbay mula sa barko. Kailangan naming bumaba nang dalawang-katlo sa haba nito at saka lulundag sa isang bangkang pansalakay, na inihahagis na parang dahon sa hangin. At ginawa namin iyon na dala-dala ang aming mabibigat na dalahin! Binomba kami ng kaaway, subalit nagtagumpay ang aming pagsalakay. Nagsimula na ang aming pagsugod sa kagubatan patungo sa Singapore.
Bilang pagador, ang aking pangunahing trabaho sa panahon ng maneobra ay humanap ng mga panustos para sa mga sundalo. Kukunin namin ito sa lokal na paraan, yamang hindi kami maaaring umasa sa mga panustos galing sa Hapón. Nangangahulugan iyan na ang mga pagador ay kailangang sumugod na kasama ng mga sundalo sa unahan, maghanap ng mga suplay ng pagkain, at kunin ito para sa aming gamit. Bagaman hindi ako nakadama ng pagkakasala sa paggawa niyaon noon, wala itong pinag-iba sa malakihang pagnanakaw.
Kamatayan Kaysa Sumuko
Noong panahon ng mainit na sagupaan sa Alor Setar malapit sa hangganan ng Thailand at Malaya, nakasumpong kami ng isang pagkalaki-laking bodega na punô ng pagkain. Naisip ko, ‘Ang magandang balitang ito ay kailangang maihatid sa Tanggapan ng Pagador sa likuran.’ Umalis ako sakay ng isang kotse na kinuha namin sa mga Britano, kasama ang isa sa aking mga tauhan bilang tsuper. Kami’y masayang nagmamaneho sa kahabaan ng daan nang kami’y lumiko at nakita namin ang isang linya ng mga tangkeng Britano. Nalihis kami sa landas at nasumpungan namin ang aming mga sarili na kaharap ang mga 200 sundalong Indian at Britano! Ito na ba ang aming wakas? Kung
hindi kami makadaraan, kami’y magiging kahiya-hiyang mga bihag. Bilang mga sundalong Hapones, sa halip na mabuhay sa kahihiyan bilang mga bilanggo ng digmaan, kami ay disididong mamatay. Itinutok ko ang aking baril sa sintido ng tsuper, at itinutok naman niya ang kaniyang patalim sa aking tiyan. Iniutos ko sa kaniya na patakbuhin nang deretso ang kotse. Pinaulanan kami ng mga bala ng machine-gun. Bagaman hindi kami tinamaan, kami’y natulala. Nakarating kami sa putol na daan, iniwan namin ang sasakyan, at naglakad kami sa kagubatan. Sinalakay kami ng mga ahas at tinutugis ng mga kaaway, kami’y nakipagpunyagi sa loob ng ilang araw upang marating namin ang aming tropa. Pagdating namin ay nasumpungan namin na nakasulat na sila ng isang report na nagsasabing kami ay napatay sa labanan.Sa Kuala Lumpur, Malaya, nakita namin ang maraming Britanong mga bilanggo ng digmaan. Kaibang-kaiba sila sa mga sundalong Hapones na nag-aakalang ang maging bilanggo ng digmaan ay kahiya-hiya at kadusta-dusta. Ang mga Britano ay punô pa rin ng pag-asa at nagsabi na balang araw ang kalagayan ay mababaligtad. Hindi namin pinansin ang kanilang mga salita, yamang kami ay umaabante na may mabilis na kasiglahan.
Ang Pagbihag sa Singapore
Di-nagtagal nakaharap namin ang isla ng Singapore. Nakalinya sa pampang ang di-mabilang na mga sumasabog na mina at bakod na barbed-wire. Ang pagtutuon ng pagpapaputok ng aming pangmalayuang baril sa isang panig ng pampang ay nakatulong upang makuha namin ang panig na ito, at kami’y lumunsad.
Ang Singapore ay isang maliit na isla, subalit lahat-lahat, 160,000 sundalo ang nakipagbaka rito. Habang kami ay umaabante, kami’y natitisod sa mga katawan ng aming patay na mga kasamahan. Kinatakutan ng mga Britano ang aming mga pagsalakay sa gabi. Ang suicide squad ng Hapones na Kesshitai (Disididong Mamatay), bawat isa’y may mga isang dosenang miyembro, ay sunud-sunod na sumalakay na ang kanilang mga tabak ay nakahugot. Nang ipahatid ang isang panawagan para sa higit pang mga boluntaryo, ang lahat ay nagboluntaryo. Inaakala naming isang karangalan na mamatay para sa emperador.
Nang tawirin namin ang Johor Strait mula sa Malay Peninsula noong Pebrero 1942, nasumpungan namin na itinutok ng kaaway ang ipinagmamalaki nilang Changi artilerya na palayo sa amin, inaakalang kami’y darating mula sa dagat. Gayunman, nang ituon nila ito sa amin, ito nga’y talagang kakila-kilabot.
Ang mga bala mula sa artilerya ng kaaway ay gumawa ng malalaking butas sa daan sa unahan namin, ginawang imposible para sa mga sasakyang militar na umabante. Isang dosenang mga bilanggo ng digmaan ang inutusang tumayo sa paligid ng butas. Isang firing squad na may mga machine-gun ang tumutok sa kanila at binaril sila. Isa pang dosenang mga bilanggo ang sinabihang ihagis ang mga bangkay sa butas at tabunan ito ng lupa. Sa sumunod pang putok ng machine-gun, sila ang naging kasunod na pantabon sa daan. Ang paraang ito ay nagpatuloy hanggang sa ang daan ay ganap na naisauli. (Napakasakit ngayon para sa akin na gunitain ang ilan sa mga kalupitan na ginawa namin, subalit ang mga ito ay bahagi ng kakila-kilabot na katotohanan ng nakapangingilabot na digmaang iyon.) Noong panahong iyon ang aking budhi ay “hinerohan . . . ng nagbabagang bakal,” wika nga, napakamanhid anupa’t wala akong naramdamang anuman sa pagkakita sa kalupitang ito.—1 Timoteo 4:2.
Noong Pebrero 15, 1942, isang mataas-ang-ranggo na Britanong opisyal na may puting bandera ang lumalakad patungo sa amin na kasama ang ilan sa kaniyang mga tauhan. “Iyan si Heneral Percival!” ang sigaw ng isang kasamahang sundalo. ‘Nagtagumpay kami!’ nasabi ko sa aking sarili. Ang punong komandante ng mga hukbong Britano sa Malaya ay sumuko. Tandang-tanda ko pa na nasaksihan ko ang makasaysayang pangyayaring ito. Ang pagtitiwala ko sa kapangyarihan ng sinaunang mga diyos ng Hapones ay napatibay.
Nang masakop namin ang Singapore, ako’y ipinadala sa iba’t ibang lugar, kasali na ang New Guinea. Pagkatapos, noong 1943, ako’y tumanggap ng isang utos na magbalik sa Hapón. Tuwang-tuwa ako sa pag-asang makita ang aking mga magulang. Gayunman, ang aming barko ay kailangang maghintay dahil sa mga submarino ng kaaway sa dagat. Noong panahong iyon ang daluyong ng digmaan ay bumabaling laban sa amin. Nagunita ko ang sinabi sa amin ng mga bilanggong Britano sa Kuala Lumpur. Oo, ang mga mesa ay bumaligtad.
Pagkasaksi sa Trahedya sa Hiroshima
Nang sa wakas ay dumating ako sa Hapón, ako’y daup-palad na nanalangin bilang pasasalamat sa mga diyos at kay Buddha. ‘Tiyak na ipinagsanggalang ako ng kapangyarihan ng sinturong may sanlibong-tahi at ng sinaunang mga diyos,’ naisip ko. Habang kami ay pinauuwi, kami ay inutusan ng komandante na magpamilya. “Kung kayo’y hindi magpapamilya,” sabi niya, “hindi kayo makabayan.” Upang isagawa ang atas na ito, ako’y disididong mag-asawa. Inayos ng isang kamag-anak ang pag-aasawa para sa akin, at napangasawa ko si Hatsuko noong Disyembre 1943.
Naglilingkod ako bilang bantay sa bilangguan sa labas ng bayan ng Hiroshima nang pasabugin ng isang bomba atomika ang lungsod noong Agosto 6, 1945. Kailangang may magtungo roon at tulungan yaong mga nasa kagibaan. “Kung sinuman sa inyo ang handang pumaroon na disididong magtagumpay anuman ang mangyari, pakisuyong magsama-sama kayo,” pakiusap ng aking superbisor. Bagaman ang aking asawa ay nagdadalang-tao sa aming panganay, ang aking kaisipang nasanay-sa-hukbo ay nag-udyok sa akin na pumaroon. Kami’y tumanggap ng mga tali sa ulo na may malaking pulang bilog sa gitna at mga sulat na kababasahan ng Kesshitai.
Ang aming misyon ay iligtas ang mga bilanggo sa piitan sa Hiroshima. Habang kami’y patungo sa direksiyong iyon, nadaanan namin ang mga ilog na barado ng mga bangkay. Dahil sa hindi matiis ang init na galing sa pagsabog, ang mga tao ay tumalon sa mga ilog. Pagdating namin sa bilangguan, binigyan namin ng pangunang lunas ang mga bilanggo at isinakay namin sila sa isang trak patungo sa isang ospital. Wala akong kamalay-malay na si Katsuo Miura, isa sa mga Saksi ni Jehova na iningatan ang kaniyang Kristiyanong neutralidad sa Hapón noong panahon ng digmaan, ay nasa bilangguang iyon nang panahong iyon dahil sa kaniyang relihiyon.
Nawala ang Paniwala sa mga Diyos
Pagkaraan ng isang linggo ako ay magrereport sa Paymaster’s Office ng Engineering Corps sa Hiroshima. Habang ako’y naglalakad patungo sa kotse na sasakyan ko, inihatid ng isang lokal na paaralan ang isang pantanging brodkast sa laudispiker nito. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na narinig ang tinig ni Emperador Hirohito sa radyo. Tumayo ako nang tuwid at nakinig sa kaniyang patalastas. Nangilid ang luha sa aking mga mata at tumulo sa aking mga pisngi. Para ba akong nawalan ng lahat ng aking lakas. Sinabi niya na ‘titiisin niya ang hindi matitiis.’ Siya ay mapagpakumbabang hihingi ng tawad at susuko sa Allied Forces! Ang di-mapatatawad na salitang “susuko” sa mga labi ng diyos-emperador!
Ang “banal” na hangin ay hindi na kailanman umihip, at ang Hapón, ang “banal” na bayan, ay natalo. Ang pagtitiwala ko sa emperador at sa bansa ay nawasak. Ang mga araw ay lumipas na walang layunin at walang pag-asa. Inaakalang ang tunay na Diyos ay wala sa mga diyos na aking pinaniwalaan, sinuri ko ang iba’t ibang relihiyon. Gayunman, lahat ng mga ito ay nagbubuyo sa kasakiman, nagtatampok ng mga pagpapagaling sa pamamagitan ng pananampalataya at masakim na pakinabang. Ako’y nagwakas sa paniniwala sa aking sariling relihiyon. Ang ultimong tunguhin sa buhay, hinuha ko, ay magpakita ng pag-ibig sa kapuwa sa pamamagitan ng gawain ng isa. Yamang ang negosyo ko ay mga bisikleta, sinikap kong magbili ng de kalidad na mga bisikleta sa makatuwirang halaga at ako’y nagbibigay ng mabilis na pagkukumpuni sa mabait na paraan. Kinuha
ng trabaho ko ang dako ng mga diyos na dating naghahari sa aking puso.Pagkasumpong sa Tunay na Diyos
Maaga noong 1959, nang ako’y gumagawa sa aking tindahan, ako’y dinalaw ng mag-asawa at inalok ako ng mga magasing Bantayan at Gumising! Sila’y mga Saksi ni Jehova, at sila’y nagbalik pagkalipas ng ilang araw upang himukin akong mag-aral ng Bibliya. Yamang sa tuwina’y nais kong makaalam nang higit tungkol sa Diyos, ako’y sumang-ayon. Inanyayahan ko rin ang aking asawa na makisama sa lingguhang pag-aaral.
Sa wakas, nakita ko na ako’y naniwala sa isang bagay na walang kabuluhan. Nauunawaan ko ngayon kung gaano kakatuwa na taimtim na italaga ko ang aking sarili sa isa na hindi makapagliligtas. Pinawi ng Awit 146, mga talatang 3 at 4, ang anumang pagmamahal sa emperador na nanatili sa aking puso. Ito’y kababasahan: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga dakilang tao, ni sa anak man ng makalupang tao, na hindi makapagliligtas. Ang espiritu niya ay pumapanaw, siya’y nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding iyon ay nawawala ang kaniyang pag-iisip.” Ang walang pasubaling katapatan na ibinigay ko sa emperador at sa bansa noong panahon ng digmaan ay itinuon ko ngayon sa dakilang Soberano ng Sansinukob at sa Pinagmulan ng buhay, ang Diyos na Jehova.
Gayunman, may mabigat na pasanin pa ako sa aking puso. Ito’y ang pagkakasala sa dugo na nagawa ko sa mga digmaan sa Tsina—at lalo na sa Singapore. Paano kaya makapaglilingkod ang isang taong maysala sa dugo na gaya ko sa dakilang Soberano ng Sansinukob? Ang problemang ito ay nalutas noong 1960, nang isang pansirkitong asamblea ay ganapin sa Iwakuni, kung saan kami nakatira. Pinatuloy namin ang misyonerong si Adrian Thompson at ang kaniyang asawa, si Norrine, samantalang siya’y dumadalaw sa lungsod upang pangasiwaan ang asamblea. Kinuha ko ang pagkakataong ito na ipahayag ang mga bumabagabag sa akin sa pagsasaysay ng mga karanasan ko sa Singapore. “Napakalaki ng pagkakasala ko sa dugo. Ako kaya’y kuwalipikadong magkaroon ng pag-sang-ayon ng Diyos?” tanong ko sa kaniya. Sa bagay na iyan ay basta sinabi niya: “Nilalakaran mo ang landas ng unang-siglong Romanong opisyal na si Cornelio.” Nilinaw ng kaniyang mga salita ang huling pasubali na taglay ko, at ako’y nabautismuhan kinabukasan kasama ng aking asawa.—Gawa 10:1-48.
Kagalakan ng Matapat na Paglilingkod sa Kataas-taasang Diyos
Anong laking kagalakan na makapaglingkod sa Pinakadakilang Persona sa sansinukob, si Jehova, na nakahihigit sa lahat ng ibang diyos na napaglingkuran ko! At anong laking pribilehiyo na makibahagi sa espirituwal na pakikipagbaka bilang isang sundalo ni Jesu-Kristo! (2 Timoteo 2:3) Sinimulan kong ipakita ang aking katapatan sa Diyos sa aking pamilya. Kapagdaka pagkatapos kong mabautismuhan, naulinigan ko ang aking tatay na nagsasabi sa aking nanay: ‘Si Tomiji ay ayaw yumukod sa Budistang dambana, at hindi na rin siya nagdaraos ng memoryal na paglilingkod sa libingan ng ating pamilya.’ Alam mo, itinuturing ng mga Hapones na kapahayagan ng pag-ibig kung ang kanilang mga anak ay magdaraos ng taunang memoryal na paglilingkod upang parangalan ang kanilang mga magulang. Ang pagkarinig sa mga salita ng aking tatay ang nag-udyok sa akin na ibahagi sa kaniya ang katotohanan. Siya’y nakipag-aral ng Bibliya sa akin at nabautismuhan noong taglagas ng 1961, kasama ng aking anak na babaing si Eiko at ng aking anak na lalaki, si Akinobu. Si Masako, ang aking bunsong anak na babae, ay sumunod sa kanilang halimbawa. Ang aking ina ay may kaniyang sariling relihiyon at sa simula’y hindi sang-ayon na mag-aral ng Bibliya, subalit pagkalipas ng ilang taon, siya ay nakisama rin sa amin sa paglilingkod kay Jehova.
Noong 1975, ako’y sumama sa aking asawa sa buong-panahong ministeryo bilang isang regular payunir. Mula noon, ako’y nakapaglingkod bilang isang kawal ni Jesu-Kristo sa larangan ng kongregasyon. Kapag ako’y napapagod nang kaunti, ginugunita ko ang sigasig ko sa paglilingkod sa emperador at sa bansa at iniisip ko, ‘Kung ako’y naglingkod sa emperador at sa bansa na may gayong sigasig, paanong hindi ko mapaglilingkuran nang higit pa ang dakilang Soberano ng Sansinukob?’ At ako’y muling lumalakas upang magpatuloy. (Isaias 40:29-31) Hindi na ako naglilingkod sa kaninumang tao sa pamimilit ng limang artikulo ng panunumpa, kundi ako’y naglilingkod sa Kataas-taasang Diyos, si Jehova, taglay ang taos-pusong debosyon na batay sa tumpak na kaalaman. Siya ay karapat-dapat sa ating buong-kaluluwang katapatan.—Gaya ng inilahad ni Tomiji Hironaka.
[Talababa]
a Ang pagsalakay sa Pearl Harbor ay nangyari noong Disyembre 7, 1941, sa oras sa Hawaii, na Disyembre 8 naman sa Hapón gayundin sa Thailand.
[Larawan sa pahina 15]
Si Tomiji Hironaka noong panahon ng digmaan
[Mga larawan sa pahina 16]
Mga manggagawang depensa-sibil na nakikipagbaka sa digmaan sa Singapore
Ang pagsuko ni Heneral Percival sa mga Hapones
[Credit Line]
The Bettmann Archive
[Larawan sa pahina 17]
Ang Hiroshima pagkatapos bumagsak ang isang bomba atomika noong 1945
[Credit Line]
USAF photo
[Larawan sa pahina 18]
Kaming mag-asawa taglay ang aklat na bumago sa aming buhay—ang Bibliya