Bakit Kailangan Kong Umuwi Nang Napakaaga?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Kailangan Kong Umuwi Nang Napakaaga?
“MAY curfew ba ang sino man sa inyo?” tanong ng Gumising! sa isang grupo ng mga kabataan. Ang nagkakaisang sagot ay oo! Gayunman, ang sumunod na tanong ay lumikha ng iba’t ibang kasagutan. Kami’y nagtanong: “Sa palagay ninyo gaano kagabi kayo dapat payagang manatili sa labas?”
“Sa palagay ko dapat mong sundin ang sinasabi ng iyong mga magulang,” wika ng tin-edyer na si Monica. a Ang kabataang si Bill ay di-sumang-ayon. “Sa palagay ko’y hindi nila dapat sabihin kung kailan ka uuwi,” ang tutol niya. “Tutal, baka sila rin ay ginagabi noong sila’y mga bata pa.” Isang tin-edyer na nagngangalang Sally ang nagsikap na lumagay sa gitna: “Sa palagay ko dapat kang umuwi kung kailan nais ng iyong mga magulang—basta ba iyon ay hindi na aaga pa sa ika-8:00 n.g.” Sa wakas, nariyan si Jerry, na waring may pinakamapusok na damdamin sa kanilang lahat. Ang sabi niya: “Sa halip na sabihin sa atin na dumating sa isang takdang oras, bakit hindi na lamang natin tawagan sila at sabihin kung nasaan tayo? Dapat na sila’y maging higit na maunawain.”
Anuman ang iyong personal na opinyon, malamang na ipasunod sa iyo ng iyong mga magulang ang ilang curfew. Maaaring iyon ay ang hindi mababaling utos: ‘Umuwi ka ng 10:00 n.g. kung hindi ikaw ay maparurusahan!’ O marahil ang iyong mga magulang ay nagtatakda ng mga curfew batay sa iba’t ibang kalagayan. “Pagkatapos na kanilang malaman kung sino ang aking mga kasama at kung saan kami pupunta,” sabi ng isang 16-anyos na babae na sinipi sa magasing ’Teen, “sila’y magtatakda ng oras na kailangang ako’y umuwi. Lahat ng ito ay depende sa mga kasama at lugar.” Maging ang bihirang kabataan na nagtatamasa ng waring walang-takdang kalayaan ay karaniwan nang ipinaaalam sa kaniyang mga magulang ang ilang ideya kung nasaan siya at kung kailan siya uuwi.
Karamihan sa mga kabataan ay waring hindi lubusang nababahala sa gayong paghihigpit. Ngunit ang ilan ay minamalas ang curfew bilang isang maliit na abala o nakaiiritang hadlang sa personal na mga balak. Ang aklat na Teens Speak Out, ni Jane Rinzler, ay sumipi sa isang 16-anyos na babae na nagrereklamo: “Nadarama ko na parang ako’y isang bata at na wala akong sariling buhay na piliin ang aking mga gawain.” Ang iba ay labis na nayayamot sa mga abala na nililikha ng mga curfew sa kanilang mga buhay. Ang sabi ng isang kabataan: “Bago ako umalis ng bahay kailangang sabihin ko pa sa aking ina kung saan ako pupunta, sino ang kasama ko, paano ako makararating doon, paano ako uuwi.”
Mga Curfew—Ang Pangmalas ng mga Magulang
Bakit hindi ka na lamang basta hayaan ng iyong mga magulang na umalis at dumating ayon sa gusto mo? Bueno, isaalang-alang ang limitasyon na minsang itinakda ng Diyos sa bansang Israel. SaExodo 12:12, 22) Ang Diyos ba’y di-makatuwiran? Hindi. Ito’y isang proteksiyon laban sa pagpuksa ng anghel ni Jehova!
gabi ng unang pagdiriwang ng Paskuwa noong 1513 B.C.E., nag-utos ang Diyos sa mga Israelita: “Sinuman sa inyo ay huwag lalabas ng pinto ng kaniyang bahay hanggang sa kinaumagahan.” (Bagaman ang ating kalagayan sa ngayon ay maaaring hindi gayong kapanganib, karamihan sa mga magulang ay may mabubuting dahilan na ingatan ang kanilang mga anak na tin-edyer. Sa papaano man, natural lamang sa mga magulang na mag-alala sa kanilang mga anak. Ang mga magulang ni Jesu-Kristo ay “nabalisa” nang hindi nila malaman kung nasaan siya—at siya ay isang sakdal na bata! (Lucas 2:41-48) Alam ng iyong mga magulang na ikaw ay di-sakdal. Kaya sila’y talagang mag-aalala tungkol sa iyo paminsan-minsan, kahit na hindi ikaw ang tipong palaaway. Bakit nga ganito?
Sapagkat alam ng iyong mga magulang kung gaano kalakas ang “masasamang pita ng kabataan.” (2 Timoteo 2:22) Maaaring alam din nila mula sa kanilang karanasan na “ang isang batang lalaki [o isang babae] na binabayaan ay humihiya sa kaniyang ina.” (Kawikaan 29:15) Inamin ng isang magulang: “Ako’y napakagulong tin-edyer noon. Alam ko kung ano ang maaaring itago mo sa iyong mga magulang.” Kaya pagka nakabalita ang iyong mga magulang ng tungkol sa kahandalapakan ng mga tin-edyer, pag-abuso sa droga at alkohol, o magugulong parti sa purok, sila ay may katuwirang maghinuha na ang ilang mga pagbabawal ay wasto.
Ang iyong mga magulang ay makatuwiran lamang na mag-alala sa iyong kaligtasan. Ang Bibliya ay nagsasabi sa atin na nang ang mga anak ng patriyarkang si Jacob ay naantala sa pag-uwi mula sa lugar ng Shechem, sinabi ni Jacob sa kaniyang anak na si Jose: “Yumaon ka, pakisuyo. Tingnan mo kung ligtas at mabuti ang lagay ng iyong mga kapatid . . . , at balitaan mo ako.” (Genesis 37:13, 14) Hindi ito basta isang pag-aalala. Dahilan sa mga pangyayaring naganap noong nakalipas na mga ilang taon, ang Shechem ay isang mapanganib na lugar para sa anak ni Jacob!—Genesis, kabanata 34.
Ang sanlibutan sa ngayon ay higit na mapanganib kaysa noong panahon ng Bibliya—o maging nang bata pa ang iyong mga magulang. Tayo ay nasa dulo na ng “mga huling araw,” isang panahon na inihula ng Bibliya na kakikitaan ng “mapanganib na mga panahon na mahirap pakitunguhan.” Ang Griegong salita na isinaling “mahirap pakitunguhan” ay maaari ring isalin na “peligroso,” “mapanganib,” “napakasama,” at “mahirap.” (King James Version, Douay, English Revised Version, Moffatt) Maraming tao ngayon ang “walang pagpipigil-sa-sarili,” o “marahas.” (2 Timoteo 3:1-5; Today’s English Version) Ang mararahas na krimen, kasali na ang panggagahasa at pagpatay, ay karima-rimarim na mga katotohanan ng buhay sa ngayon.
Alam din ng iyong mga magulang na lumalaki ang posibilidad na magkaproblema ka habang lumalalim ang gabi. “Maaaring mangyari ang masasamang bagay sa gabi,” inamin ng isang kabataang babae sa Gumising!, “at ang iyong mga magulang ay nagsisikap na pangalagaan ka.” Ganito ang paliwanag ng isa pang kabataan: “Pagkatapos ng hating-gabi, maraming lasing na mga tsuper sa daan,
at makabubuting huwag nang magpakagabi sa daan.”Ngunit may moral na mga panganib din. Habang lumalalim ang gabi, ang mga pagpipigil ay waring nababawasan, at ang magulong paggawi ay tumitindi. Kaya, may mabuting dahilan na iniuugnay ng Bibliya ang mahalay na pag-uugali sa mga oras sa gabi. Sa Isaias 5:11, ipinahayag ng Diyos na “sa aba” niyaong mga “nagtatagal hanggang hating-gabi anupa’t pinagniningas sila mismo ng alak.” (Ihambing ang 1 Tesalonica 5:7.) Kung gayon ang iyong mga magulang ay natatakot na habang mas ginagabi ka, mas malaki ang panganib na mapasangkot ka sa magugulong parti, pag-abuso sa alkohol, o seksuwal na imoralidad. Kaya pagka wala ka pa sa bahay sa oras na inaakala ng magulang mo na dapat ay naroroon ka na, sila’y talagang nag-aalala. At sila’y kailangang pagpaliwanagan.
Ganito ang gunita ng isang kabataang babae: “Minsan ako’y ginabi sa bahay ng isang kaibigan. Hindi alam ni inay kung nasaan ako, kaya hinanap niya ako. Siya’y nagsimulang lumakad sa aming lugar na tinatawag ang aking pangalan!” Nakakahiya? Walang alinlangang gayon nga. Subalit gaya ng paliwanag ng isang ina, “Nasusumpungan ko ang aking sarili na nag-iisip ng pinakamasamang maaaring nangyari sa tuwing [ang aking mga anak na babae] ay ginagabi sa pag-uwi.”
Ito’y Nangangahulugan na Sila’y Nagmamalasakit
Ngunit ano kung ang mahalay na paggawi ay pinakamalayong bagay sa iyong isipan? Paano kung nais mo lamang na magpalipas ng oras na kasama ng iyong mga kaibigan? Sabihin pa, maaaring nakaiinis na manatili sa bahay habang ang iyong mga kasing edad ay pinapayagang lumabas. Nakakahiya rin na ipaliwanag sa iyong mga kaibigan na hindi ka makalalabas kasama nila sapagkat kailangang umuwi ka nang maaga. Ngunit pagka talagang pinag-isipan mo ito, napakaraming bagay na totoo sa ipinahayag ng isang kabataan na nagngangalang Leslie. Ang sabi niya: “Ano ang gagawin mo sa alas dose ng gabi na hindi mo magagawa sa alas otso?” Sa ibang salita, hindi ba’t ang kaaya-ayang mga anyo ng paglilibang ay nagagawa sa panahon na ang lahat ay gising? Kaya bakit makikipagsapalaran sa pagpapagabi?
Isa pang punto na dapat pag-isipan: Ang pagpapagabi ba ay mabuting paggamit ng iyong panahon? Hinihimok ng Bibliya ang mga Kristiyano: “Mag-ingat nga kayong lubos kung paano kayo lumalakad na huwag gaya ng mga mangmang kundi ng marurunong, na lubusang sinasamantala ang pagkakataon para sa inyong sarili, sapagkat ang araw ay masasama.” (Efeso 5:15, 16) Bukod dito, mapabubuti ba ng pagpapagabi ang iyong gawain sa paaralan o tutulungan ka ba nito na tapusin ang iyong mga gawaing-bahay? Ito ba’y makasasagabal sa iyong kakayahan na magtuon ng pansin sa mga pulong Kristiyano?
Sa wakas, maaari mong malasin ang paghihigpit sa iyo bilang kapahayagan ng pagmamahal ng iyong mga magulang. Sa kaniyang aklat na How to Raise Parents, ang manunulat na si Clayton Barbeau ay nagtanong: “Ano sa palagay ninyo kung ako, bilang inyong magulang, ay nagsabi sa inyo, ‘Wala akong pakialam kung ikaw ay nagdodroga o umiinom o naninigarilyo. Wala akong pakialam kung mabilis kang magmaneho. Wala akong pakialam kung ginagabi ka. . . .’ Ano ang sinasabi ko sa iyo? Mangyari pa: Ang sinasabi ko ay, ‘Hindi kita mahal. Hindi ako nagmamalasakit sa iyo. Hindi ka mahalaga sa akin.’” Totoo, minsan ay maaaring makadama ka ng pagkainggit sa mga kabataan na nagtatamasa ng higit na kalayaan. Ngunit tandaan: “Siyang nag-uurong ng kaniyang pamalo ay napopoot sa kaniyang anak, ngunit siyang umiibig ay nagpaparusang maminsan-minsan.”—Kawikaan 13:24.
Sa buong buhay mo kailangang mamuhay ka sa mga tuntunin at mga pagbabawal. Kaya bakit tatanggihan ang simpleng curfew? Totoo, kung minsan ang mga curfew ay maaaring di-makatuwiran, at ang hinaharap na artikulo ang tutulong sa iyo na makitungo sa kalagayang iyan. Gayunman, karaniwan nang makabubuti kung makikipagtulungan ka sa iyong mga magulang at uunawain mo ang kanilang mga damdamin. Ang Kawikaan 28:7 ay nagsasabi: “Sinumang nag-iingat ng kautusan ay pantas na anak.” Marahil balang araw iyong mamalasin ang mga bagay na gaya ng pangmalas ng isang dalaga na nagsabi: “Hindi ko maunawaan kung bakit sina inay at itay ay napakahigpit sa akin at nagagalit sa akin pagka ako’y ginagabi. Ngayong ako’y isang magulang na, alam ko na kung bakit nagpupuyat ang aking ina sa paghihintay sa akin. Dahil siya’y nagmamalasakit sa akin!”
[Talababa]
a Ang mga pangalan ay pinalitan.
[Larawan sa pahina 21]
Madalas na ang mga kabataan ay nayayamot sa pag-uwi nang maaga