Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magkasalungat na mga Landas ng Paglipad

Magkasalungat na mga Landas ng Paglipad

Magkasalungat na mga Landas ng Paglipad

Ang 266 na mga pasahero sa Conair ay pabalik sa Denmark pagkatapos ng isang bakasyon sa Kastilang isla ng Ibiza. Ang kanilang dalawang-makinang pampasaherong eruplanong jet ay katataas pa lamang sa daanan ng eruplano nang magkaroon ng isang pagputok sa kaliwang makina. Ang napinsalang eruplano, na isang makina na lamang ang umaandar, ay nagpunyaging pumailanglang sa itaas. Dahil sa kasanayan ng piloto, pagkatapos ng nakaninerbiyos na paglipad sa loob ng 24 minuto, ang eruplano ay matagumpay na lumapag.

Naiwasan ang isang trahedya. Gayumpaman, gustong malaman ng mga opisyal ukol sa kaligtasan sa himpapawid kung ano ang sanhi ng pagputok ng makina sa gayong kritikal na sandali ng paglipad. Ang malamang na sanhi ng pagputok? Isang sea gull (isang uri ng ibon).

Sa nakalipas na mga taon ang kalangitan ay sarili ng mga ibon. Gayunman, sa dakong huli ng siglong ito, ang kanilang espasyo sa himpapawid ay higit at higit na naging siksikan dahil sa dami ng eruplano sa himpapawid. Hindi kataka-taka, ito ay humantong sa pagdami ng mga banggaan sa pagitan ng mga ibon at ng mga eruplano. Ang panganib sa mga pasahero ay pinakamalala kapag ang mga ibon ay mahigop ng makina paglipad nito, gaya ng maliwanag na nangyari sa Ibiza.

Yamang ang karamihan ng mga banggaan sa mga ibon ay nangyayari malapit sa mga paliparan, ang mga awtoridad sa paliparan ay gumugol ng malaking pera sa iba’t ibang paraan upang itaboy ang mga ibon. Sa isang paliparan sa Vigo, sa hilagang-kanlurang baybayin ng Espanya, isang bagong paraan ang sinusubok. Ito ay gumagamit ng mga maninila ng ibon, karaniwan nang mga goshawks (isang uri ng lawin), upang patrolyahan ang daanan sa paliparan. Upang pagbutihin ang pagiging mabisa ng paraang ito, ang inirekord na nakatatakot na sigaw ng mga seagull ay ibinobrodkast habang lumilipad ang mga goshawk. Ang nakatatakot na tanawin ng lawin na lumilipad sa itaas pati na ang nakatatakot na sigaw ay humihimok sa mga seagull na humanap ng ibang kanlungan.

Hanggang sa ngayon, ang mga goshawk ay kapansin-pansing matagumpay sa pagtaboy sa mga seagull. Inaasahan na sa pamamagitan ng bagong sistemang ito, ang mga eruplano ay hindi na mahahadlangan ng mga seagull sa paglipad, kung paanong ang mga seagull ay magpapatuloy rin sa paglipad. Tutal, ang mga ibon ay nauna sa himpapawid.