Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Dayuhan—Bakit Sila Nandarayuhan?

Mga Dayuhan—Bakit Sila Nandarayuhan?

Mga Dayuhan​—Bakit Sila Nandarayuhan?

“HINDI maiisip ng sinuman ang mga panganib na nakakaharap namin sa mga bansang kabilang sa Third World . . . at ang mga kahirapang nakakaharap namin dito sa bansang aming dinayo upang maging matagumpay at suportahan ang aming mga pamilya doon sa amin.” Gayon ang sulat ni Elizabeth, isang Aprikanong mandarayuhan, sa editor ng magasing National Geographic. Ang kaniyang mga salita ay nagsisiwalat ng pangunahing dahilan kung bakit milyun-milyon katao ang handang iwan ang kanilang mga lupang tinubuan upang magpanibagong-buhay sa isang banyagang bansa.

Siyempre pa, ang bawat mandarayuhan ay mayroong kaniyang sariling kalagayan at dahilan ng pandarayuhan. Ang ilan, tulad ng babaing nabanggit kanina, ay maaaring nandayuhan upang takasan ang mahirap na mga kalagayan na umiiral sa kanilang mga bansang pinanggalingan. Sa kaniyang aklat na Population, Migration, and Urbanization in Africa, si William Hance ay nagpapaliwanag na ang mga salik na iyon na gaya ng sakit, pamumutiktik ng mga insekto, pagkasaid ng lupa dahil sa sobra ang gamit, tagtuyot, pagbaha, gutom, digmaan, at alitang pantribo ang pangunahing mga sanhi ng lansakang pag-aalisan sa Aprika. Sa ibang bahagi ng lupa ang gayunding mahirap na mga kalagayan ay naging dahilan ng pandarayuhan ng maraming tao.

Gayunman, nakilala ng mga sosyologo na ang pagnanais na takasan ang mahirap na mga kalagayan sa buhay ay bahagi lamang ng dahilan ng nauusong pandarayuhan ngayon.

Epekto ng Pagkasiphayo-Pang-akit

Ang pang-akit tungo sa mga bansa na nag-aalok ng mas mabuting pagkakataon sa buhay ay isa ring malakas na pangganyak na mandayuhan. Ito, pati na ang pagnanais na takasan ang masasamang kalagayan, ang gumagawa ng kinikilalang epekto ng pagkasiphayo-pang-akit. Ang mga kahirapan sa isang lugar ay siyang nagtutulak at ang mga pakinabang sa ibang bansa ang waring umaakit, o humihila, sa tao na mandayuhan. Kunin halimbawa ang kaso ni Nguyen Van Tue, isang karaniwang takas na Vietnamese sa Hapón. Bagaman siya ay dumanas ng maraming kahirapan habang nakikibagay bilang isang dayuhan, ganito ang sabi ni Nguyen: “Ako’y nasisiyahan. Kasama ko ang aking pamilya at kami’y buháy at mabuti naman ang aming kalagayan sa isang bansa na may kalayaan at nagtatamasa ng kapayapaan.”

Ang pang-akit ng kabuhayan ay isa sa pinakamalakas na salik na humihikayat ng pandarayuhan. Sa pagtalakay sa pamayanang Italyano sa isang bayang Ingles, ganito ang sabi ng awtor na si John Brown sa kaniyang aklat na The Un-melting Pot: “Ang kanilang pangunahing layunin ay upang kumita.” Sabi pa niya na ginagawa nila ito sa pamamagitan ng pagtatrabaho nang “puspusan at mahusay.” Kung susuriin ng isa ang napakalaking pagkakaiba sa pagitan ng mga sahod sa iba’t ibang bansa, hindi nakapagtataka na ang mga tao ay nandarayuhan. Nagkokomento tungkol sa mga manggagawang Mexicano sa Estados Unidos, isinisiwalat ng National Geographic na “ang isang oras ng trabaho sa timog ng hangganan [ng E.U.] ay nagdadala ng sangkalima hanggang sangkasampu ng suweldo na tinatanggap sa Estados Unidos.”

Ang Pang-akit ng Pamilya at mga Kaibigan

Mangyari pa, marami ang nandayuhan upang mapalapit sa pamilya at mga kaibigan na nauna sa kanila. Halimbawa, maraming Judiong Sobyet ang nandayuhan sa Israel sapagkat inaakala nilang sila’y ligtas sa gitna ng maraming Judio. Ang iba ay handa pa ngang makipagsapalaran sa ginigiyagis-ng-labanan na West Bank ng Israel.

Ang pangganyak mula sa mga kaibigan at mga kamag-anak ay nakaiimpluwensiya sa marami na mandayuhan. Ang Australia ay inirekomenda sa maraming prospektibong mga mandarayuhan. Ngayon halos 22 porsiyento ng populasyon nito ay isinilang sa ibang bansa.

Samantalang dumadalaw mula sa Estados Unidos, isang dayuhan buhat sa Barbados ang nagsabi sa kaibigan niya: “Akala mo ay mabuti ang kalagayan mo rito,” subalit iginiit niya na ang kaniyang kaibigan ay “nag-aaksaya ng . . . panahon” sa pananatili sa isla. Pagkalipas ng maraming taon, inamin ng kaniyang kaibigan na ang mga salitang ito ay naghasik ng binhi ng pagkadiskontento, na sa wakas ay nagpangyari sa kaniya na mandayuhan.

Nakalulungkot nga lang, kadalasan tanging ang positibong bahagi lamang ng larawan ang inihaharap sa prospektibong mandarayuhan. Sabi ni Ron, isang binata na nandayuhan sa Canada upang takasan ang tumitinding kaguluhan sa Timog Aprika: “Sinasabi sa iyo ng mga kaibigan at mga kamag-anak ang lahat ng dakilang mga bagay . . . at hindi binabanggit ang negatibong mga bagay.”

Anuman ang pangganyak sa pandarayuhan, kadalasan na, ang mga dayuhan ay dumaranas ng malaking hirap. Habang ang ganap na implikasyon ng pandarayuhan ay lubusan nilang nauunawaan, ang iba ay masidhing nagnanais na umuwi. Kaya, paano ba matagumpay na makababagay ang isang dayuhan sa kaniyang bagong kapaligiran samantalang pinagtatagumpayan ang kaniyang pangungulila, pagkaputol ng ugnayang pampamilya, pagkasindak o kalituhan sa lubhang naiibang kultura, pagkakaiba ng wika, at marami pang nauugnay na mga problema?

[Blurb sa pahina 6]

Ang pang-akit ng kabuhayan ay isa sa pinakamalakas na salik ng pandarayuhan

[Blurb sa pahina 6]

“Ako’y nasisiyahan. Kasama ko ang aking pamilya at kami’y buháy at mabuti naman ang aming kalagayan sa isang bansa na may kalayaan at nagtatamasa ng kapayapaan.”​—Isang Vietnamese sa Hapón

[Blurb sa pahina 7]

Kung susuriin ng isa ang labis na pagkakaiba sa pagitan ng mga sahod sa iba’t ibang bansa, hindi nakapagtataka kung bakit ang mga tao ay nandarayuhan

[Larawan sa pahina 7]

Sa bagong mandarayuhan, ang lahat ay para bang kakaiba at mahirap