Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Dayuhan—Isang Pangglobong Problema

Mga Dayuhan—Isang Pangglobong Problema

Mga Dayuhan​—Isang Pangglobong Problema

“KAMI’Y nagtutungo sa Johannesburg upang humanap ng pera sapagkat walang trabaho rito,” sabi ng isang manggagawang nandayuhan mula sa lalawigan ng timugang Aprika. Sabi niya: “Kung may trabaho nga lang dito ay hindi na kami pupunta pa sa Johannesburg.” Inilalarawan ng kaniyang makabagbag-damdaming paliwanag ang problema na nakakaharap ng maraming dayuhan at mga manggagawang nandayuhan.

Subalit ang napakaraming pandarayuhan sa nakalipas na mga dekada ay nakatatakot sa ilang tao. (Tingnan ang kahon, pahina 5.) Ang pahayagang Kastila na El País ay nag-ulat: “Ang pagtatangi ng lahi at takot at pagkapoot sa mga dayuhan ay biglang lumitaw-muli sa bagong Alemanya.” Sinalakay ng marahas na mga mang-uumog, na inilarawan ng pahayagan na neo-Nazi skinheads (mga rebeldeng kabataan na maka-Nazi na inaahit ang kanilang ulo), ang mga mandarayuhan.

Inaamin ng ilang opisyal ng imigrasyon na sinusunod nila ang isang patakaran ng di-pagtanggap. Ipinahayag ng isang opisyal ng imigrasyon sa isang bansa sa Asia na ang kaniyang trabaho ay ‘itaboy ang mga dayuhan.’ Gayundin, nagkokomento tungkol sa biglang pagdagsa ng mga takas mula sa isang bansa sa Silangang Europa, binabanggit ng magasing Time ang tungkol sa isang opisyal na mataas ang ranggo na nagsabi: “Ayaw naming maging napakaginhawa para sa kanila sapagkat nais namin silang umuwi.”

Mas masakit pa nga ang sinabi ng isang peryodista sa Pransiya na kumbinsidong ang ‘mga nandarayuhan ay isang panganib.’ Ang kaniyang katuwiran? Sila ay kabilang sa “kakaibang lahi, [nagsasalita] ng ibang wika, at [may ibang] pamantayan.” Ang kaniyang konklusyon? “Dapat nating ipatapon ang marami hangga’t maaari, [at] ibukod ang iba.”

Dahilan sa gayong mga damdamin laban sa mga dayuhan na nakapaligid sa kanila, hindi kataka-taka na nakakaharap ng mga dayuhan ang isang pader ng masamang opinyon buhat sa lokal na mga pamayanan na nakadaramang sila’y nanganganib mula sa biglang pagdagsa ng mga estranghero. Karaniwan na, idinaraing ng isang galit na Israeli ang bagay na “mas gusto ng mga may-ari ang mga mandarayuhang Sobyet” sapagkat pinaglalaanan ng gobyerno ang mga ito ng kaloob na salapi kapag sila ay nanirahan sa Israel. Bunga nito, ang mga mamamayan doon ay napipilitang lumipat ng bahay dahil sa pagtaas ng upa.

Nalalaman ng lahat na karaniwang kinukuha ng mga dayuhan ang hamak na mga atas na minamaliit ng mga mamamayan doon. Dahil dito, maraming bagong dating ang kailangang magtrabaho sa ilalim ng malupit na mga kalagayan na may napakababang kita​—lalo na kung sila ay ilegal na mga mandarayuhan. Isa pa, sa dako ng trabaho ang mga dayuhan ay kadalasang dumaranas ng labis na pang-aapi dahil sa kanilang katayuan bilang mga dayuhan.

Maging sino man sila o saan man nila subuking manirahan, nakakaharap ng karamihan na mga mandarayuhan ang masakit na proseso ng pagpapagaling sa kanilang matinding kalungkutan dahil sa paglisan sa kanilang lupang tinubuan at paggawa ng bagong mga buklod para sa hinaharap. Ang babasahing U.S.News & World Report ay nagsasabi na ang mga dayuhan ay “kadalasang nagsisimula sa pagkadama na nabubukod at nalulungkot.” Para sa iba ang pagsisikap ay napakalaki. Tungkol dito, ang report ay nagpapatuloy: “Ang malungkot na pangyayari na mawalan ng lupang tinubuan ay nadaragdagan pa ng kabiguang makasumpong ng ikalawang lupang tinubuan.” Para sa marami ang diwang ito ng pagkawalay ay may malaking kaugnayan sa pag-aaral ng bagong wika.

Paano Mo Sasabihin . . . ?

Nasubukan mo na bang mag-aral ng ibang wika at makibagay sa ibang kultura? Ano ang epekto nito sa iyo? Malamang na “ang pangwakas na resulta ng iyong mga pagpapagal ay paulit-ulit na pagkadama ng kakulangan,” sagot ni Stanislaw Baranczak, ang mandarayuhang Polako at manunulat sa Estados Unidos. Oo, ang wika ay mahalaga upang maging bahagi ng isang lipunan. Ang pag-aaral ng isang bagong wika ay maaaring maging isang partikular na mahirap na aspekto ng pagsasama, lalo na para sa mas nakatatandang dayuhan.

Para sa mga mandarayuhang ito, ang pagkatuto ng isang wika ay kadalasang isang mahirap na siklo. Ang babasahing Aging ay nagsasabi na kapag hindi mapagtagumpayan ng mga dayuhan ang wika at kawalan ng kultura, karaniwang ito’y pinagmumulan ng panlulumo, na hindi nagpapangyari sa kanila na magtuon ng isip sa mga kahilingan ng pagkatuto ng bagong wika. Sa wakas, ang dayuhan ay higit at higit na nag-aatubiling subukin ang panganib at kung minsan ang pagkahiya sa pag-aaral ng wika. Ang problema ay pinalulubha pa kapag ang mga anak ay mas mabilis na natututo ng wika at kultura kaysa kanilang mga magulang. Ito ay kadalasang humahantong sa alitan at generation gap sa mga pamilyang nandayuhan, yaon ay, kung ang buong pamilya ay sama-samang nandayuhan.

Nawasak na mga Pamilya

Isa sa walang gaanong dokumentasyon gayunma’y pinakakalunus-lunos na resulta ng lansakang pandarayuhan ay ang nakapipinsalang epekto nito sa yunit ng pamilya. Kadalasan na, ang mga pamilya ay nababahagi kapag iniwan ng isa o ng kapuwa mga magulang ang kanilang mga anak sa pangangalaga ng ibang miyembro ng pamilya samantalang sila’y naghahanap ng mas mabuting kabuhayan sa ibang dako. Ang mga tuklas ng Second Carnegie Inquiry Into Poverty and Development in Southern Africa ay nagkokomento na ang uring ito ng pandarayuhan ay “sumisira . . . sa kayarian ng pamilya.” Ang report ay may mga dokumento ng espisipikong mga kaso ng kung paanong ang mga pamilya ay nawasak nang magkahiwalay na nandayuhan ang indibiduwal na mga miyembro ng pamilya.

Ilan lamang ito sa mga problema na nakakaharap ng mga mandarayuhan sa buong daigdig, bukod pa sa halaga ng pandarayuhan, paggawang legal sa pandarayuhan, at mga pasiyang gagawin may kaugnayan sa kalusugan, pabahay, edukasyon, at iba pang miyembro ng pamilya.

Kaya, sa harap ng lahat ng mga problemang ito, bakit nga ba nandarayuhan ang mga dayuhan?

[Kahon sa pahina 4]

Mga Kasama sa Trabaho

BAGAMAN may ilang problemang nauugnay sa di-mapigil na pagdagsa ng mga dayuhan, marami ring katibayan na maipakikita na sa maraming kaso ang mga dayuhan ay isang yaman sa bansang kumupkop sa kanila. “Ang Kanlurang Alemanya at ang mga manggagawang dayuhan nito ay maliwanag na nakinabang sa isa’t isa,” sabi ng magasing Time, isinusog pa na “ang mga pagawaan ng bakal ng Ruhr at ang pagawaan ng kotseng Mercedes sa labas ng Stuttgart ay tinatauhan ng mga manggagawang dayuhan.” Gayundin, ayon sa National Geographic, “ang industriya ng damit ng New York ay babagsak” kung walang mga manggagawang dayuhan.

Kinikilala ng mga ekonomista ang mahalagang tulong ng mga nandayuhang ito sa kanilang mga bansang tinutuluyan. Sa kabila ng pagdanas ng masidhing masamang pagtrato, ang mga Turko, Pakistani, at taga-Algeria sa Europa ay natutong makibagay. “Nagawa nilang makibagay,” sabi ng U.S.News & World Report, at patuloy na makikibagay “hanggang . . . matuklasan ng Europa, sa kadahilanang pang-ekonomiya, na kailangan nila ang mga ito.”

Gustung-gustong magtagumpay sa kanilang mga bagong bansa, ang mga dayuhan ay mas nagkakasiya-sa-sarili at hindi gaanong umaasa sa mga sistema ng suporta ng gobyerno kaysa mga tagaroon. “Wala nang higit pang walang batayang paratang kaysa paratang na ang mga dayuhan ay umaasa sa tulong ng gobyerno,” sabi ng isang tagapayo sa pandarayuhan sa E.U. na humahawak sa kaso ng mahigit na 3,000 dayuhan.

Kadalasan, ang buong purok ay binago ng mga dayuhan na nagsisikap na pagbutihin ang kanilang kapaligiran. Nang maranasan ng Timog Aprika ang biglang pagdagsa ng mga takas na Portuges pagkatapos sumiklab ang digmaan sa Angola at Mozambique, ang buong arabal sa Johannesburg ay tumulad at naimpluwensiyahan ng pamayanang Portuges.

[Kahon sa pahina 5]

Ilang Pangunahing Estadistika ng Pandarayuhan:

▶ 4.5 milyong nandayuhan, kasali na ang 1.5 milyong taga-Hilagang Aprika, ang bumubuo sa 8 porsiyento ng populasyon ng Pransiya

▶ Sa isang bahagi lamang ng hangganan ng Mexico-E.U., 800 opisyal ng Border Patrol ang nakadarakip, sa katamtaman, ng 1,500 ilegal na mga mandarayuhan gabi-gabi

▶ Mga 20 porsiyento ng populasyon ng Australia ay ipinanganak sa ibang bansa

▶ Isang milyong Polako ang maaaring ilegal na nagtatrabaho sa Kanlurang Europa

▶ Kamakailan lamang, 350,000 lalaki ang legal na nandayuhan sa Timog Aprika bilang kontratang mga manggagawa. Ang bilang ng ilegal na mga dayuhan ay halos 1.2 milyon

▶ Hindi kukulanging 185,000 Judiong Sobyet ang nandayuhan sa Israel noong 1990

▶ Mahigit na 900,000 taga-Timog-Silangang Asia ang nagtungo sa Estados Unidos mula noong 1975

▶ Linggu-linggo, hindi kukulangin sa sanlibo katao ang nandarayuhan buhat sa Hong Kong