Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagkidnap Salamat sa inyong artikulong “Huwag Kang Gumawa ng Anumang Kahangalan, Kung Hindi’y Papatayin Kita.” (Nobyembre 22, 1991) Ako man ay naging biktima ng isang nakawan kung saan ako’y ikinulong sa loob ng aking kotse. Alam ng mga kumidnap sa akin na ako’y isa sa mga Saksi ni Jehova sapagkat lagi kong tinatawag ang pangalan ni Jehova nang malakas. Mabuti na lamang, hindi ako dumanas ng pisikal na pag-abuso maliban sa namamagang galanggalangan dahil sa pagkakatali sa akin at ilang galos dahil sa paghagis sa akin sa likuran ng kotse. Nanatili akong mahinahon at nagawa kong makalabas sa likuran ng kotse sa pamamagitan ng likurang upuan ng kotse ko. Napabalita ang insidente at ang paglilitis. Pinapurihan ng aking abugado, mga kapitbahay, kaibigan, at pamilya si Jehova dahil sa aking kaligtasan.
E. M., Estados Unidos
Ang Bibliya ay hindi nangangako ng makahimalang proteksiyon para sa bayan ng Diyos ngayon. Gayumpaman, angkop lamang na magpasalamat sa Diyos kapag ang isang Kristiyano ay nailigtas mula sa isang nagbabanta-buhay na kalagayan. (1 Tesalonica 5:18)—ED.
Kape Ang inyong artikulong “Ang Problema sa Kape” (Abril 22, 1991) ay nagsabi na ang tsa, cocoa, at mga inuming cola ay naglalaman ng caffeine. Maaaring totoo ito sa tsa at cola, ngunit hindi sa cocoa. Ang cocoa ay naglalaman ng theobromine, na naiiba sa caffeine. Ang isang tasa ng cocoa ay maaaring magbigay sa iyo ng lakas, subalit ito ay dahilan sa asukal na taglay nito.
E. B., Israel
Ang “theobromine” ay isang kemikal na may pisyolohikal na mga katangian na kahawig ng caffeine. Sang-ayon sa “The Encyclopedia Americana,” ang mga balatong ng cocoa ‘ay naglalaman ng hanggang 3% theobromine at kaunting caffeine.’ Ang “Compton’s Encyclopedia” ay nagsasabi na “sa ilang taong sensitibo ang nilalamang theobromine [ng tsokolate] ay maaaring gumawa ng mga epekto na katulad ng ginagawa ng caffeine.”—ED.
Mga Babala ng Katawan Ang doktor ko ay nasa bakasyon nang ako’y magkaroon ng inaakala ko’y kaunting medikal na mga problema. Hindi ko na sana papansinin ang nagbababalang mga palatandaan nang tanggapin ko ang artikulong “Pagbibigay-Pansin sa mga Babala ng Katawan.” (Oktubre 8, 1991) Gaya ng iminumungkahi, ako’y nagpatingin, at ang kinalabasan ng pagsusuri ay kanser. Sapagkat binigyang-pansin ko ang mga babala ng aking katawan, ito ay maagang nakita at nagamot.
S. S., Estados Unidos
“Cricket” Maraming salamat sa ekselenteng paglalarawan ng larong cricket sa artikulong “Cricket o Baseball—Ano ang Pagkakaiba?” (Nobyembre 8, 1991) Isang kaayaayang pagbabago mula sa paraan kung paanong madalas na ginagawang katatawanan ang cricket sa mga subenir mula sa bansang ito. Para sa kapakinabangan ng mga Britano, marahil balang araw ay magkaroon ng isang artikulo na magbibigay ng gayunding maliwanag na paglalarawan ng larong baseball. Di-gaya ng Amerikanong football, ang larong ito ay hindi naging popular dito.
A. E., Inglatera
Pagbomba ng Terorista Natapos kong basahin ang artikulong “Naligtasan Namin ang Bomba ng Mamamatay-Tao.” (Enero 8, 1992) Talaga, hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko! Tunay na ito ay isang halimbawa ng pagtitiis. Ang pananampalataya at determinasyon ni Sue Schulz may kaugnayan sa isyu ng pagsasalin ng dugo ay napakahalaga; gayundin kung paano ipinahayag ng kaniyang asawa, si Peter, ang kaniyang pag-ibig kay Sue sa kabila ng pisikal na kapintasan na likha ng pagsabog. Tiyak, hindi lamang ako ang natutuwa sa artikulong ito!
G. J. S., Brazil
Radon Yamang ako’y propesyonal na nagsasagawa ng pagsukat ng radon sa mga tahanan, ang artikulong “Radon—Isang Panganib sa Inyong Tahanan?” (Oktubre 22, 1991) ay partikular na kawili-wili sa akin. Binanggit ninyo na mas apektado ng radon ang mga bagà ng mga maninigarilyo kaysa roon sa mga hindi maninigarilyo. Kapaki-pakinabang ding banggitin na pinararami ng usok ng sigarilyo ang dami ng alabok na maaaring kapitan ng radyoaktibong mga produkto, o “mga anak.” Pinararami nito ang mga panganib sa kalusugan ng mga hindi maninigarilyo sa isang kapaligirang punô-ng-usok.
O. B., Alemanya