Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Mga Asong Diyablo”?

“Mga Asong Diyablo”?

“Mga Asong Diyablo”?

ANG mga pagsalakay ng mga pit-bull (isang uri ng aso) sa Canada, Inglatera, at Estados Unidos ay lubhang napalathala sa nakalipas na ilang taon. Ang U.S. Centers for Disease Control ay nag-uulat na 42 porsiyento ng 157 konpirmadong mga kamatayan dahil sa kagat ng aso na nangyari sa Estados Unidos sa pagitan ng 1979 at 1988, ay kinasangkutan ng mga pit bull. Sa Britaniya ay tinukoy ng media ang masamang mga pit-bull terrier bilang “mga Asong Diyablo.” Tinatawag ng magasing Equinox ang aso na “isang magaling na pampatay.”

Sa ilegal na laro na labanan ng aso, ang pit bull ay itinuturing na “ang siga sa mga asong pumapatay,” dahil sa lakas, liksi, tigas, at kabangisan nito. Ang The Globe and Mail ng Toronto, Canada, ay nagsasabi na ‘ang mga pit bull ay pinararami upang patayin ang ibang aso.’

“Ang mga panga nito na parang gato ay maaaring lubhang makapinsala sa ibang hayop at mga tao, lalo na sa mga bata, na hindi kayang ipagtanggol ang kanilang sarili,” komento ng The Toronto Star. Kabilang sa nakatatakot na mga ulat ng pagsalakay ay yaong sa siyam-na-taóng-gulang na batang babae na nangailangan ng limang oras ng plastic surgery sa kaniyang mukha pagkatapos na siya’y salakayin ng isang pit bull. Isang 13-anyos ang kinailangang gamutin dahil sa mga kagat sa mukha, katawan, paa, singit, at puwitan. Isang 21-anyos na modelo ang nagkasugat-sugat ang mukha, na nangailangan ng halos 70 tahi, nang siya’y sakmalin ng pit bull ng kaniyang kaibigan nang kaniyang hahalikan sana ang aso. Sa Inglatera isang 54-anyos na lalaki ang sinalakay ng dalawa sa “mga Asong Diyablo” na ito at kinagat ang kaniyang ilong.

Si Kathleen Hunter, ehekutibong direktor ng Toronto Humane Society, ay dating naniniwala na kung sasanayin nang wasto ang mga pit bull ay maaaring maging gaya ng ibang alagang aso. Gayunman, inaamin niya ngayon na “ang pit bull ay may henetikong kodigo na gumagawa ritong hayop na totoong di-mahulaan ang gawi. Talagang ito’y isang agresibong aso . . . , pinararami upang sumalakay kahit hindi ginagalit.” a Ang general manedyer ng paglilingkod sa pagsupil sa mga hayop na sangay ng Kagawaran ng Kalusugang Pambayan ng Toronto, si Jim Bandow, ay nagsabi: “Ang pit bull ay isang time bomb. Hindi mo matiyak kung kailan ito sasalakay.”

Sinisikap lutasin ng mga mambabatas ang problema sa pagtatatag at pagpapatupad ng iba’t ibang regulasyon. Ang mga may-ari ng pit bull sa Edmonton, Canada, ay hinihilingan na magdala ng sa pinakamababa ay $500,000 na seguro at magbayad ng $100 sa lisensiya. Sa Winnipeg, Canada, walang bagong pit bull ang pinahihintulutan sa mga hangganan ng lungsod, at dapat talian o busalan ng mga may-ari ang kanilang aso at ipakita ang katibayan ng $300,000 seguro. Ang Parlamentong Britano ay nagpasa ng isang panukalang batas na may kahawig na mga pananagutan para sa mga may-ari ng pit bull. Ang paglabag ay maaaring magbunga ng multa at pagkabilanggo.

Ayon sa Kautusan ng Diyos sa sinaunang Israel, ang mapanganib na mga hayop ay dapat ikulong. Kung ang isang mapanganib na hayop ay hahayaang nakakawala, ang may-ari ay mananagot sa pinsalang gawin nito. Kung ang hayop ay makapatay ng tao, ang may-ari ay magkakaroon ng pagkakasala sa dugo, at maaaring mangahulugan ng kaniyang buhay. (Exodo 21:29) Dahil sa binabanggit sa Kautusan ng Diyos, makabubuti para sa mga Kristiyano na kumuha ng kinakailangang mga hakbang upang panatilihing nasusupil ang mga aso na agresibo, di-mahulaan ang gawi o magpasiya na huwag mag-alaga nito.

[Talababa]

a Para sa mas detalyadong pagtalakay rito, tingnan ang Gumising! ng Marso 22, 1988, pahina 25.