Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Pag-alembong Salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Maiiwasan ang Pinsala ng Pag-alembong?” (Disyembre 8, 1991) Naranasan ko kamakailan ang kirot at pagtataksil na resulta ng pag-alembong nang bigla at walang kadahi-dahilang wakasan ng binatang katipan ko ang aming kaugnayan. Nang maglaon ay napag-alaman ko na siya ay may reputasyon sa pagiging alembong at marami na rin siyang sinaktan bago pa ako. Ngayon ko natanto na dapat din akong sisihin sa masakit na kalagayang ito sapagkat napakabilis kong napasangkot sa kaniya sa emosyonal na paraan. Sana’y mayroon nang impormasyong gaya nito noon pa.

G. T., Estados Unidos

Isang binata ang nagsabi sa akin na gusto niya ako bilang isang kaibigan, at sumang-ayon naman ako. Subalit patuloy siyang dumadalaw at inilalabas ako. Nang magtagal ay tinanong niya ako kung mapag-iisipan ko ba siyang maging kabiyak, gayon na lamang ang tuwa ko! Ngunit pagkalipas ng isang taon sinabi niya sa akin na talagang wala siyang balak mag-asawa. Sinabi niya na sana’y hindi ako masyadong naging emosyonal tungkol sa mga bagay-bagay yamang sa simula pa’y sinabi na niya sa akin na hindi siya handang mag-asawa. Pagkatapos upang “pagtakpan” ang kaniyang sarili, sabi niya na gusto pa rin niya akong mapangasawa​—ngunit sa bagong sanlibutan. Nasasaktan pa rin ako, subalit ang artikulo ay tumutulong sa akin na harapin ang kalagayan.

S. Y., Estados Unidos

Mga Pamilya Maging Malapít sa Isa’t Isa Ako’y isa sa mga ama na hindi kailanman nagkaroon ng interes sa kaniyang mga anak. Hindi ko natanto ang pangmatagalang resulta na maaaring gawin nito. Ang pagbasa sa inyong mga artikulo tungkol sa “Mga Pamilya Maging Malapít sa Isa’t Isa Bago Maging Huli ang Lahat” (Setyembre 22, 1991) ay agad nakabagbag sa aking damdamin! Ako’y nangangakong magbabago at gagawin ko ang lahat ng magagawa ko upang magpakita ng higit na pagmamahal sa aking mga anak.

J. B. M., Gabon

Binabanggit ng mga artikulo ang tungkol sa pagtugon sa iyak ng sanggol. Nangangahulugan ba ito na dapat nating tugunin ang bawat pag-iyak? Kung gayon, hindi kaya nito hahayaang maneobrahin ng sanggol ang kaniyang mga magulang​—sa kaniyang kapahamakan sa dakong huli?

S. H., Estados Unidos

Hindi kami nagsabi ng mahigpit na tuntunin kundi kami ay nagbigay ng panlahat na pampasigla sa mga ina na tugunin ang pangangailangan ng kanilang mga sanggol. At bagaman maaaring may ilang lehitimong pagkabahala tungkol sa pagpapalayaw sa mas nakatatandang mga sanggol at mga bata, karamihan ng mga doktor ay naniniwala na hindi mo naman pinalalayaw ang napakabatang mga sanggol sa pamamagitan ng pagtugon sa kanilang mga pag-iyak.​—Tingnan ang artikulong “Johnny, Tahan Na!” sa Pebrero 8, 1983 na labas ng “Gumising!”​—ED.

Panlilinlang sa Siyensiya Ako’y lalo nang interesado sa artikulong “Mga Panlilinlang sa mga Institusyon ng Pananaliksik sa Siyensiya.” (Nobyembre 22, 1991) Ako’y kaugnay sa isa sa mga institusyong nabanggit sa artikulo, at nakagugulat malaman na ang gayong senaryo ay lilitaw sa pinagkakatiwalaang siyentipikong pamayanan. Kapag nahigitan ng kompetisyon at ng panggigipit na maging numero uno ang katapatan, nangyayari ang mga bagay na iyon. Hinahangaan ko ang tibay-loob at katapatan ni Dr. O’Toole​—na naging dahilan ng pagkawala niya ng kaniyang trabaho! Ang saloobin ay waring, ‘Sino ba si Dr. O’Toole upang ituwid si Dr. Imanishi-Kari?’ Ang pagiging bukas-isip ay dapat sanang siyang katangian ng mga siyentipiko, ngunit kung minsan ang kabaligtaran ang nangyayari.

O. O., Estados Unidos

Lana Nais ko kayong pasalamatan sa artikulong “Ang Kahanga-hangang Lana.” (Setyembre 22, 1991) Ako ngayo’y nag-aaral maging mananahi, at napag-aralan namin ang tungkol sa lana. Ginawa kong saligan para sa aking proyekto sa paaralan ang artikulong ito. Medyo nag-aalala ako sa paggawa nito yamang pinagtatawanan ako ng aking mga kaklase sa pagiging isa sa mga Saksi ni Jehova. Ang aming prinsipal ay nagpahayag pa nga upang babalaan ang mga estudyante tungkol sa mga Saksi ni Jehova! Subalit binasa ng aking guro ang artikulo taglay ang interes at humingi ng isang personal na kopya ng Gumising!

P. A., Czechoslovakia