Paano Makatutulong ang Pamilya?
Paano Makatutulong ang Pamilya?
“Sa simula ang tao ay umiinom, at pagkatapos ang pag-inom ay nasusundan ng isa pa, at sa wakas ang inumin ang sumusupil sa tao.”—Oryental na kasabihan.
IKAW ay naglalakad sa kahabaan ng gilid ng isang latian. Walang anu-ano, ang lupa ay bumuka. Sa loob ng ilang sandali ikaw ay lumulubog sa isang kumunoy. Mientras nagpupunyagi ka, lalo ka namang lumulubog.
Gayon sinasakmal ng alkoholismo ang buong pamilya. Ang asawang kasamang dumedepende ay lubhang nagpupunyaging baguhin ang alkoholiko. Udyok ng pag-ibig, binabalaan siya ng babae, ngunit patuloy pa rin siya sa pag-inom. Itinatago ng babae ang kaniyang alak, subalit bumibili siya ng higit. Itinatago ng babae ang pera, subalit siya’y nangungutang sa isang kaibigan. Ang babae ay sumasamo sa kaniyang pag-ibig sa pamilya, sa buhay, at sa Diyos pa nga—subalit sa walang kabuluhan. Mientras nagpupunyagi ang babae, lalo lamang nababaon ang buong pamilya sa silo ng alkohol. Upang tulungan ang alkoholiko, dapat munang maunawaan ng mga miyembro ng pamilya ang kalikasan ng alkoholismo. Kailangang malaman nila kung bakit ang ilang “lunas” ay halos tiyak na mabibigo, at na kailangan nilang malaman kung anong mga paraan ang talagang mabisa.
Ang alkoholismo ay higit pa sa basta pagkalasing. Ito ay isang talamak na problema sa pag-inom na kakikitaan ng pagkaabala sa alkohol at kawalan ng kontrol sa pag-inom nito. Bagaman ang karamihan ng mga eksperto ay sumasang-ayon na ito ay hindi maaaring gamutin, ang alkoholismo ay maaaring sugpuin sa pamamagitan ng isang programa ng habang-buhay na abstinensiya.—Ihambing ang Mateo 5:29.
Sa iba ang kalagayan ay maihahambing sa isang diabetiko. Bagaman hindi niya maaaring baguhin ang kaniyang kalagayan, ang diabetiko ay maaaring makipagtulungan sa kaniyang katawan sa pag-iwas sa asukal. Sa gayunding paraan, hindi maaaring baguhin ng alkoholiko ang pagtugon ng kaniyang katawan sa pag-inom, subalit maaari siyang kumilos na kasuwato ng kaniyang sakit sa pamamagitan ng lubusang pag-iwas sa alkohol.
Gayunman, mas madali itong sabihin kaysa gawin. Ang alkoholiko ay nabubulagan ng pagkakaila. ‘Hindi naman ako ganiyan kasama.’ ‘Ang pamilya ko ang nagtutulak sa akin na uminom.’ ‘Kung ang amo mo ba naman ay gaya ng amo ko, sino ang hindi mauudyukang uminom?’ Ang pangangatuwiran niya ay kadalasang lubhang nakakukumbinsi anupat ang buong pamilya ay maaaring sumama sa proseso ng pagkakaila. ‘Ang tatay mo ay kailangang magrelaks sa gabi.’ ‘Kailangang uminom ni Itay. Kaniyang pinagpapaumanhinan ang labis-labis na paninisi ni Inay.’ Hinding-hindi nila ihahayag ang sekreto ng pamilya sa ilalim ng anumang kalagayan: Si Itay ay isang alkoholiko. “Iyan lamang ang paraan upang sila ay magkasamang umiral,” paliwanag ni Dr. Susan Forward. “Mga kasinungalingan, pagdadahilan, at mga sekreto ay karaniwan na sa mga sambahayang ito.”
Hindi maiaahon ng mga miyembro ng pamilya
ang alkoholiko sa kumunoy hanggang sila mismo ay makaahon muna. Ang iba ay maaaring tumutol, ‘Ang alkoholiko ang nangangailangan ng tulong, hindi ako!’ Subalit isaalang-alang: Ilan sa iyong mga damdamin at kilos ang nauugnay sa paggawi ng alkoholiko? Gaano kadalas na ang kaniyang mga kilos ay nagpapangyari sa iyo na makadama ng galit, pag-aalala, kabiguan, takot? Gaano kadalas kang nananatili sa bahay upang pangalagaan ang alkoholiko kung kailan dapat ay nagsasagawa ka ng mas mahalagang gawain? Kapag ang hindi alkoholikong mga miyembro ng pamilya ay kumuha ng mga hakbang upang pagbutihin ang kanila mismong buhay, maaaring sumunod ang alkoholiko.Huwag sisihin ang sarili. ‘Kung mas mabuti ang pakikitungo mo sa akin, hindi ako iinom,’ maaaring sabihin ng alkoholiko. “Gusto ng alkoholiko na patuloy na paniwalaan mo ito upang maisisi niya ang kaniyang pag-inom sa iyo,” sabi ng tagapayo na si Toby Rice Drews. Huwag kang maniwala rito. Ang alkoholiko ay dumedepende hindi lamang sa alkohol kundi sa mga tao na maniniwala sa kaniyang pagkakaila. Kaya malamang na walang malay na pinananatili ng mga miyembro ng pamilya ang pag-inom ng alkoholiko.
Ang binabanggit ng isang kawikaan ng Bibliya tungkol sa pagkagalit ay maaaring kumapit din sa alkoholiko: “Dapat siyang pagdusahin. Kapag iniligtas mo siya sa gulo nang minsan, gagawin mo ito nang paulit-ulit.” (Kawikaan 19:19, Today’s English Version) Oo, hayaan mong tawagan ng alkoholiko ang kaniyang amo, bumangon siya sa higaan, linisin niya ang kaniyang suka. Kung ginagawa ng pamilya ang mga bagay na iyon para sa kaniya, tinutulungan lamang nila ang alkoholiko na mamatay sa kaiinom.
Humingi ka ng tulong. Mahirap at marahil ay imposible pa nga para sa isang miyembro ng pamilya na makaalis sa kumunoy sa ganang sarili. Kailangan mo ng alalay. Umasa sa mga kaibigan na hindi itinataguyod ang pagkakaila ng alkoholiko ni hahayaan ka man sa pagkakalubog.
Kung ang alkoholiko ay sumang-ayon na patulong, ito ay dapat na ikagalak. Subalit pasimula pa lamang ito ng proseso ng paggaling. Ang pagdepende ng katawan sa alkohol ay maaaring itigil sa loob ng ilang araw sa pamamagitan ng hindi pag-inom ng inuming nakalalasing. Subalit ang sikolohikal na pagdepende ay mas mahirap pagtagumpayan.
[Kahon sa pahina 5]
Naiibang Katangian ng mga Alkoholiko
Pagkaabala: Ang alkoholiko ay buong pananabik na inaasam ang kaniyang mga panahon ng pag-inom. Kapag hindi siya umiinom ng alkohol, siya ay nag-iisip tungkol sa alkohol.
Kawalan ng Kontrol: Ang kaniyang pag-inom ay kadalasang naiiba sa balak niya, gaano man katatag ang pasiya niya.
Paghihigpit: Ang mga patakaran na sariling-pataw (“Hinding-hindi ako umiinom na mag-isa,” “hinding-hindi kung panahon ng trabaho,” at iba pa) ay mga pagkukunwari lamang para sa aktuwal na tuntunin ng alkoholiko: “Huwag hayaang hadlangan ng anumang bagay ang aking pag-inom.”
Pagpapahintulot: Ang pambihirang kakayahang ‘uminom ng maraming alak’ ay hindi isang pagpapala—kadalasan ito ay isang maagang palatandaan ng alkoholismo.
Negatibong mga Resulta: Hindi sinisira ng normal na mga kaugalian ang pamilya, karera, at pisikal na kalusugan ng isa. Sinisira ito ng alkoholismo.—Kawikaan 23:29-35.
Pagkakaila: Ipinangangatuwiran, minamaliit, at ipinagdadahilan ng alkoholiko ang kaniyang gawi.