Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Paghanap ng Isang Bagong Sanlibutang Kaayusan
Sa kauna-unahang pagkakataon sa mahigit na 40 taon, pinasigla-muli ang Nagkakaisang mga Bansa (UN) bilang isang instrumento ng panlahat na seguridad. Noong Enero 31, ang New York City ay naging tanawin ng isang makasaysayang pagtitipon ng matataas at makapangyarihan at ng maliliit at mahihirap habang pinasisimulan ng mga pinuno ng mga pamahalaan ang unang summit miting ng UN Security Council. Ang layon ng pantanging isang-araw na asambleang ito ng Security Council ay upang humanap ng tinatawag ng mga lider ng daigdig na isang bagong sanlibutang kaayusan na hahalili sa mga panganib ng mga labanan ng Cold War. Tinawag ng Britanong punong ministrong si John Major ang summit na isang “malaking pagbabago sa daigdig at sa Nagkakaisang mga Bansa.” Nais ng mga lider sa daigdig na paghusayin ang kakayahan ng UN sa pananatili ng kapayapaan. Sa gayon, ang pahayag ng summit miting ay nagsabi: “Ang mga miyembro ng Council ay sumasang-ayon na ang daigdig ngayon ay may pinakamabuting pagkakataon ng pagtatamo ng pandaigdig na kapayapaan at katiwasayan mula sa pagkatatag ng Nagkakaisang mga Bansa.”
“Baby Killers”
Ang mga sakit sa palahingahan, gaya ng brongkitis at pulmunya (kahit na kung ito’y dala ng bahagyang sakit na gaya ng karaniwang sipon), ang “pangunahing pumapatay sa mga bata na wala pang limang taon,” ayon sa ipinakikita ng estadistika ng United Nations. “Walong bata ang namamatay bawat minuto dahil sa mga sakit na ito, na may kabuuang apat na milyong kamatayan ng mga sanggol sa bawat taon,” ulat ng lingguhang suplemento na Corriere salute. Ang solusyon? Ayon sa mga eksperto, “ang mas maagang paggamit ng mga antibayotik, at, karagdagan pa, ang pagpapalakas sa mga panlaban ng mga bata sa sakit, pagpapabuti ng kanilang pagkain, at ang higit na pagpapalaganap ng pagbabakuna.”
Pagpapasuso sa Ina at ang AIDS
“Di-magtatagal ang gatas ng ina ang pangunahing papatay ng mga bata sa Third World,” babala ng magasing Time International. Minsan pa, ang sinisisi ay ang AIDS. Ayon sa limitadong pagsusuri na ginawa sa gitnang Aprika at iniulat sa New England Journal of Medicine, 8 sa 15 mga sanggol na nagkaroon ng AIDS sa panahon ng pagsusuri ay nahawa sa pagsuso sa kanilang ina. Kung ang pagsusuring ito ay mapatunayan, ang mga opisyal sa kalusugan ay napapaharap sa isang suliranin: Dapat ba nilang itaguyod ang pagpapasuso sa bote, na sa ilalim ng di-malinis na mga kalagayan ay nagpaparami sa pagkamatay ng mga sanggol nang 500 porsiyento, o dapat ba nilang patuloy na himukin ang pagpapasuso sa ina na may panganib na maipasa ang virus ng AIDS? Si Dr. Jean Mayer, isang eksperto sa nutrisyon, ay namimighati: “Walang mabuting solusyon . . . Ito ay isang napakalubhang kapahamakan.”
Sa Bingit ng Digmaang Nuklear
Noong nakalipas na tatlumpung taon ang daigdig ay muntik-muntikanan na sa bingit ng digmaang nuklear, ayon sa impormasyon na isiniwalat noong nakaraang Enero ng isang mataas-ang-ranggong opisyal ng militar na Sobyet sa isang pribadong komperensiya sa Havana. Noong 1962 na krisis sa missile sa Cuba, ang Cuba ay may mga sandatang nuklear na may katumbas na mga warhead sa pagitan ng 6 na libo at 12 libong tonelada ng TNT. Ang Unyong Sobyet ay nagpadala ng mga nuclear-tipped missile sa Cuba at pinahintulutan ang paggamit nito sakaling magkaroon ng isang militar na pag-atake ang Amerika sa isla. Ayon sa The New York Times, si Robert S. McNamara, kalihim ng tanggulan ng E.U. sa ilalim ng Pangulong John F. Kennedy, ay nagpahiwatig sa miting na walang alinlangan na “si Kennedy ay mag-uutos ng nuklear na pagganti sa Cuba—at marahil sa Unyong Sobyet—kung ang nuklear na mga armas ay pinaputok sa hukbo ng Estados Unidos.” Ang daigdig ay nakahinga nang maluwag nang sumang-ayon ang mga Sobyet na alisin ang intermediate-range missiles. Bilang paggunita, si Philip Brenner, isang propesor sa American University at isang kalahok sa komperensiya, ay nagkomento: “Tayo ay higit na malapit sa nuklear na digmaan kaysa inaakala ng sinuman.”
Sistemang Imyunidad Natulungan ng Terapi
Ang katunayan ay waring dumarami na ang isip ay nakaiimpluwensiya sa paglaban sa kanser minsang magkaroon nito, ulat ng The Harvard Mental Health Letter, isang publikasyon mula sa Harvard Medical School. Halimbawa, sa isang pagsusuri ang isang grupo ng kababaihan na may malalang kanser sa suso ay may lingguhang panggrupong terapi sa loob ng isang taon upang tulungan silang harapin ang kanilang mga pagkatakot at makipagtalastasan nang mahusay sa kanilang mga pamilya, samantala ang ibang grupo ng mga kababaihan ay tumanggap lamang ng karaniwang medikal na pangangalaga. “Ang resulta ay kapansin-pansin,” sabi ng ulat. “Ang mga babae sa mga support group ay hindi lamang nakadama na naibsan ng pagkabalisa, panlulumo, at kirot kundi nabuhay sa katamtaman ng halos doble ang haba—37 buwan laban sa 19 na buwan.” Sa isang pang pagsusuri, ngayon naman ay sa mga pasyente na nasa maagang yugto ng nakamamatay na melanoma (kanser sa balat), yaong nasa anim-na-linggong support group ay hindi lamang nakadama ng di-gaanong
pagkahapo, pagkalito, at panlulumo kundi “ang pagkilos ng kanilang imyunidad ay bumuti ng higit sa ilang paraan” kaysa roon sa mga pasyenteng may katulad na sakit na tumanggap lamang ng karaniwang medikal na paggamot.Ang mga “Killer Bee” ng Brazil
Gaano kapanganib ang mga “killer bee” ng Brazil? Bagaman ang 26 na mga inanak ng mga African queen bee ay di-sinasadyang napakawalan noong 1956, ang Newsweek ay nag-uulat na “ang mga taga-Brazil ay natutong makipamuhay na kasama ng mga bubuyog na galing sa Aprika . . . Ang paggawa ng pulot-pukyutan—na umaani ng mga 3,000 tonelada bawat taon bago dumating ang mga bubuyog na galing sa Aprika—ay nagkaroon ng kabuuang 42,000 tonelada noong nakaraang taon.” Sa wari, ang lihim ay “turuan ang mga tagapag-alaga ng mga bubuyog kung paano pangangasiwaan nang maingat ang mga bubuyog na galing sa Aprika at turuan ang publiko kung paano lalayo sa panganib.” Ang magasin ay nagsasabi: “Yamang totoo na ang mga ito’y pumapatay ng daan-daang hayop sa isang taon, waring ang mga tao ay hindi naman lubhang nanganganib.”
Ang Maraming Pakinabang na Neem
“Ang kaloob ng Diyos sa sangkatauhan” ang taguri ng ilan sa tropikal na punong neem at may mabuting dahilan! Kabilang sa iba’t ibang produkto na nakukuha ng tao sa punong neem ay tooth powder, toothpaste, mantika, cattle-worm powder, mga pamatay-insekto, mga panlunas sa sakit sa balat, at mga gamot sa diabetes at malaria. Ang langis ng neem ay ginagamit sa paggawa ng sabon, gamot sa buhok, at mga pantaboy ng insekto (insect repellent). Kamakailan, ayon sa magasing New African, ang mga mananaliksik sa Kenya ay nagsagawa ng mga pagsusuri upang tuklasin kung ano pang mga katangiang pangmedisina at pantaboy ng insekto ang maaaring makuha sa kahanga-hangang neem.
Numinipis na Ozone
Ipinakikita ng pananaliksik na ang pagnipis ng suson ng ozone ay lumalala kapuwa sa Hilaga at Timog hemispero. Ayon sa The Diplomatic World Bulletin, ang bagong mga tuklas ng isang panel ng 80 siyentipiko mula sa 25 bansa ay nagpapakita na ang 3 porsiyento ng ozone ay nasisira sa Europa at Hilagang Amerika sa nakalipas na sampung taon. Ang karagdagang pagkasira ng 3 porsiyento ay inaasahan sa pagtatapos ng siglo. Ang pagkasira ng ozone sa Antartika, na dati’y nagaganap lamang kung taglamig, ay umabot na rin ngayon sa ibang mga panahon. Naniniwala ang mga siyentipiko na ang pagnipis ng ozone, karamihang dahil sa kagagawan ng tao, ay maaaring magbunga ng kapansin-pansing pagbabago sa klima, nasirang mga pananim, at pagdami ng mga kaso ng kanser sa balat.
Marahas na Edukasyon
Limang estudyante sa Kobe Municipal Industrial Technical College sa Hapón ang lumagpak pagkatapos ng kanilang unang taon ng pag-aaral. Pinipilit sila ng kolehiyo na manatili sa gayunding grado sapagkat sila’y tumangging makisali sa pagsasanay sa eskrimahang kendo. Ayon sa The Daily Yomiuri, ang mga estudyante ay “nagsabi na ang pagsali nila sa mga isports na labanan ay lalabag sa mga turo ng Bibliya.” Ang mga estudyante, na mga Saksi ni Jehova, ay nagsampa ng demanda na nagsasabing “ang pasiya ng paaralan na ilagpak sila ay paglabag sa kalayaan sa relihiyon na iginagarantiya ng konstitusyon,” ulat ng Mainichi Daily News.
Tinuligsa ang Iglesya sa Espanya
Ang Iglesya Katolika Romana ba ay nagbibigay ng kasiya-siyang patnubay sa pakikitungo sa mga suliranin may kaugnayan sa buhay pampamilya? Tanging 35 porsiyento ng mga Kastila ang naniniwala na gayon nga, ayon sa kamakailang surbey na isinagawa ng Centro de Investigaciones sobre la Realidad Social (Sentro para sa Pagsusuri ng mga Saloobing Panlipunan). Kumusta naman ang tungkol sa pagtugon sa espirituwal na pangangailangan ng mga tao? Tanging 42 porsiyento lamang ng mga tao na sinurbey ang naniniwalang tinutupad ng simbahan ang pananagutang ito. Sa kabilang panig, ang Bibliya—ang aklat na tunay na nakatutugon sa espirituwal na mga pangangailangan at nagbibigay ng malinaw na patnubay kung paano magtatamasa ng maligayang buhay pampamilya—ay regular na binabasa ng 4 na porsiyento lamang ng populasyon.
Paglisan sa Eruplano Siniyasat
Ano ang iyong mga tsansa na masaktan kung ikaw ay piliting lisanin ang eruplano sa panahon ng kagipitan? Ang mga kritiko ng airline ay nagsasabi na ito ay lumalala at na ang suliranin ay lumalaki yamang sinisiksik ng mga airline ang mas maraming upuan sa kanilang mga eruplano. Halimbawa, isang airline na nagpapalipad ng isang 747 na eruplano mula sa Los Angeles, E.U.A., patungo sa Sydney, Australia, ay nakapaglululan ng 378 pasahero, ngunit ang isa pa na gumamit ng gayunding eruplano sa pagitan ng Osaka at Tokyo, Hapón, ay naglululan ng 533 pasahero. Bagaman ipinakikita ng estadistika na ang paglalakbay sa himpapawid ay 19 na beses na mas ligtas kaysa paglalakbay sa kotse, ang potensiyal na panganib sa mga eruplano ay dumarami habang ang mga eruplano ay nasisiksik ng mas maraming pasahero. Sa isang pagsubok na paglisan kamakailan upang tiyakin kung ang isang eruplanong McDonnell Douglas MD-11 ay ligtas na makapaglululan ng 410 sa halip ng karaniwang 287 ay nag-iwan ng isang babaing paralisado mula sa kaniyang leeg pababa nang ang kaniyang gulugod ay mabali; 46 pa ang nasaktan—6 ang nabalian ng buto. Ang kasalukuyang pamantayan ng pamahalaan ng E.U. ay humihiling sa mga gumagawa ng eruplano na ipakitang ang kanilang mga eruplano ay maaaring lisanin sa loob ng 90 segundo na kalahati ng mga labasan ay nahaharangan.