Palipás Na ba ang Pantí na Pangingisda?
Palipás Na ba ang Pantí na Pangingisda?
TINATAWAG ito ng UN General Assembly sa New York na “totoong walang pinipili at maaksaya.” Inilalarawan ito ng base-London na tanggapan sa Europa ng IIED (International Institute for Environment and Development) bilang ang “malaking banta sa buhay-dagat.” Binatikos ito ng labing-anim na mga bansa sa Pasipiko bilang “hindi matuwid na pandarambong.” Maliwanag, ang pantí na pangingisda ay sinasalakay sa buong globo. Bakit?
Ang mga pantí—patayo’t nakabiting mga lambat sa dagat na parang mga kurtina—ay inilalagay sa mga karagatan sa loob ng libu-libong taon. Gayunman, noong dakong huli ng 1970’s, lubhang dumami ang pantí na pangingisda sa dagat anupat ngayon isang armada ng mahigit na isang libong sasakyang-dagat mula sa Hapón, Taiwan, at Republika ng Korea ang sumusuyod sa mga karagatan sa Pasipiko, Atlantiko, at Indian ng mga pusit, albakora, billfish, at salmon. Yamang ang bawat bapor, ayon sa tantiya, ay gumagamit ng mga lambat na umaabot ng 11 metro sa ilalim at sumasakop ng 50 kilometro, ang pinagsamang haba ng mga lambat ng mga sasakyang-dagat ay umaabot ng mga 50,000 kilometro—mahigit pa sa distansiya sa palibot ng lupa!
“Mga Kurtina ng Kamatayan”
Ang halos hindi nakikitang nylon na mga lambat na ito ay napakahusay anupat ayon sa babasahing IIED Perspectives, “sa kasalukuyang kalakaran maaaring sirain ng lambat ang pangingisda ng albakora sa Timog Pasipiko sa loob ng dalawang taon.” Ang pagpapantí, sabi ng biyologong pandagat na si Sam LaBudde, ay walang pinipili na gaya “ng pagkaingin sa isang gubat upang umani ng isang uri ng punungkahoy o pagputol ng isang punong encina upang umani lamang ng mga bunga nito.” Oo, samantalang nagpapantí, sinusuyod rin ng maraming sasakyang-dagat na ito sa daigdig ang tone-toneladang hindi hangad hulihing mga uri ng isda, gaya ng bluefin at skipjack tuna, marlin, espada, at dumadayong steelhead trout.
Ayon kay James M. Coe, isang mananaliksik sa National Marine Fisheries Service sa Estados Unidos, may katibayan na ang mga sasakyang-dagat mula sa Asia ay ilegal na nanghuhuli ng maraming salmon na hinding-hindi na makararating sa kanilang pinangingitlugang mga sapa sa Hilagang Amerika.
Masahol pa, nasasalabid, napuputol, at nalulunod din ng mga pantí ang libu-libong otter, seal, dolphin, porpoises, balyena, pawikan, at mga ibong-dagat. Hindi kataka-taka na tinutukoy ng maraming mananaliksik ang pagpapantí bilang “pagkalbo sa dagat” at ang mga pantí bilang “mga kurtina ng kamatayan”!
Ang mga bansag ay waring angkop. Isang report kamakailan buhat sa kalihim ng komersiyo ng E.U. ay nagsabi na sa tatlong pangingisda lamang, tatlong sasakyang-dagat ang di-sinasadyang nakahuli ng ‘isang guhitang dolphin, 8 Dall porpoises, 18 northern fur seals, 19 na Pacific white-sided dolphins, at 65 northern right whale porpoises.’
Noon lamang nakaraang taon isang report na isinumite sa United Nations ay nagsabi na ang pantí na pangingisda ng mga Hapones, sa paghuli ng 106 milyong pusit, ay nakapatay ng 39 na milyong isda na hindi gusto ng mga mangingisda. Karagdagan pa, kabilang sa nahuli nilang hindi nila gusto ang 700,000 pating, 270,000 ibong dagat, 26,000 mga hayop sa dagat, at 406 pawikan, na nanganganib malipol.
Ang mga biyologong pandagat ay kumbinsido
na kung magpapatuloy ang pagpapantí, “tiyak na sasairin nito ang likas na yaman na dati-rati’y itinuturing na hindi mauubusan.” Sa katunayan, napakalaking pinsala na ang nagawa. Noong 1988 sinabi ng isang kapitan sa pangingisda sa biyologong si LaBudde: “Marahil iyan ay dahilan sa wala nang gaanong natitira upang patayin.”Lumilitaw ang Pangglobong mga Kasunduan
Gayunman, kamakailan lamang ay narinig ang mga panawagan laban sa pagpapantí mula sa London hanggang sa Washington, D.C., at mula sa Alaska hanggang sa New Zealand, at isinagawa ang ilang hakbang upang gipitin ang mga mangingisda na bawasan ang kanilang mga sasakyang dagat at huwag nang gamitin pa ang ilan sa kanilang mga lambat. Upang banggitin ang ilan: Pinagtibay ng isang pangkat ng mga Estado sa Timog Pasipiko ang tinatawag na Wellington (New Zealand) Convention, pinahihintulutan silang alisin ang pagpapantí sa loob ng kanilang 320-kilometrong sonang pangisdaan at pinagbabawalan ang kanila mismong mga mangingisda sa paggamit ng mga pantí saanman sa Timog Pasipiko.
Noong Disyembre 1989 inirekomenda ng isang resolusyon ng UN ang isang pagpapatigil sa malawakang pagpapantí sa karagatan sa Hunyo 30, 1992. Ang World Watch Institute ay nagsabi na kung hindi patitigilin ang pagpapantí, “ang sangkatauhan ay [magkakaroon] ng kaunting pag-asa na pangalagaan ang mga karagatan nito para sa mga salinlahi sa hinaharap” at sabi pa nito: “Dapat tayong gumawa ng malawakang pangglobong mga kasunduan.” Kaya ang mga Estado sa Timog Pasipiko, na kasama sa Forum Fisheries Agency, ay nagmungkahi sa pagtatag ng isang internasyonal na komisyon na mangangasiwa sa pangingisda at hihimok sa mga mangingisda na sundin ang responsableng pangingisda.
Ngunit nagkakabisa ba ang internasyonal na panggigipit? Oo, napakabisa!
Noong Nobyembre 26, 1991, ang Hapón ay sumang-ayon na “susunod sa pagpapatigil ng United Nations sa paggamit ng pagkalalaking mga lambat sa pangingisda sa gawing hilaga ng Karagatang Pasipiko na sinasabi ng mga siyentipiko ay siyang dahilan ng malawakang pagkalipol ng mga buhay sa dagat.” Ang pasiya “ay nagpakalma sa isang kontrobersiya na nagbabantang gagawa ng higit na pinsala sa reputasyon ng Hapón tungkol sa mga bagay na may kaugnayan sa kapaligiran.” Ang Hapón ay sumang-ayon na wakasan ang kalahati sa mga pagpapantí nito sa Hunyo 1992 at ang natitirang kalahati sa pagtatapos ng taon.
Pagkaraan ng isang araw isang editoryal sa The New York Times ay nagsabi: “‘Isang matamis na tagumpay para sa pangglobong kapaligiran’ ang paglalarawan ng isang tuwang-tuwang biyologong pandagat sa pahayag ng Hapón noong Martes na isasara nito ang industriya ng pagpapantí sa pagtatapos ng susunod na taon [1992].”
Isang report sa magasing Time, ng Disyembre 9, 1991, ay nagsabi na ang Taiwan at Republika ng Korea ay nagpahiwatig na kanila ring ihihinto ang paggamit nila ng pantí.
“Kung tungkol sa dagat na itong napakalaki at napakaluwang, doon ginagalawan ng di-mabilang na mga bagay, nabubuhay na mga kinapal, ng mga munti at mamalaking hayop din naman.”—Awit 104:25.
[Mga larawan sa pahina 15]
Sasakyang-dagat na nagpapantí
[Credit Line]
Larawan: Steve Ignell, ABL
Kalansay ng sea otter na nasalabid sa pantí
[Credit Line]
Larawan: T. Merrell
[Mga larawan sa pahina 16]
Mga ibong-dagat na nahuli at napatay ng mga pantí
[Credit Line]
Larawan: A. Degànge
Nasilong Dall porpoise
[Credit Line]
Larawan: N. Stone