Pinalaya Ako ng Katotohanan
Pinalaya Ako ng Katotohanan
ANG aking tatay ay namatay nang ako ay pitong taon, at ang aking sawing-palad na ina ang naiwan upang magpalaki sa anim na mga anak. Kami’y lumaki sa lungsod ng Johannesburg, Timog Aprika. Bilang isang kabataan, hindi ko natamasa ang pakikisama ng iba. Alam mo, ako’y hiyang-hiyang makipag-usap sapagkat ako’y utal.
Ngunit ang kapansanang ito ay tumulong sa akin na linangin ang ibang kakayahan. Sa paaralan, madalas akong makakuha ng pinakamataas na marka sa aming klase sa pagsulat ng mga sanaysay. Kung minsan ay babasahin pa nga ng mga guro ang aking sanaysay sa ibang klase. Gayundin, hindi naapektuhan ng pagkautal ang aking kakayahang kumanta. Sa bahay, ginugugol ko ang aking libreng panahon sa kuwarto sa pagtugtog ng gitara at pag-awit.
Sa katapusan, ang musika ang naging tanging interes ko. Hangad kong tumugtog sa isang banda ng rock, at naapektuhan nito ang aking gawain sa paaralan. Sa katunayan, huminto ako ng pag-aaral nang hindi tinatapos ang saligang edukasyon. Nagtayo ako ng isang banda, at ginugol namin ang lahat halos ng dulo ng sanlinggo sa pagtugtog sa iba’t ibang lugar sa palibot ng Johannesburg. Di-nagtagal humaba ang buhok ko, at ako’y nagsimulang uminom ng maraming alak.
Natatandaan ko pa ang pagtugtog sa isang nightclub sa Johannesburg sa loob ng ilang linggo. Isa sa mga empleado, na sa tingi’y isang magandang babae, ay nagkagusto sa akin at ibinibili ako ng inumin. Gayon na lamang ang suya ko nang malaman ko na ang taong ito ay isa palang lalaki na nagbibihis babae! Oo, ang nightclub ay nagbibigay ng kaaliwan lalo na sa mga bakla. Upang matugunan ang iskedyul sa nightclub na ito, mula alas–9:00 n.g. hanggang alas–5:00 n.u., anim na gabi sa isang linggo, kami’y naging mga umaasa sa droga.
Pagkaraan ng limang taon na pagtugtog sa banda, may nangyari na nagpangyari sa akin na seryosong pag-isipan ang tungkol sa relihiyon. Inanyayahan ng isang paring Katoliko ang aming banda na tumugtog para sa isang organisasyon ng kabataan sa kaniyang simbahan. Mahigit na 500 tin-edyer ang naroroon, at ang paring Katoliko ang kahero. Kami’y tumutugtog ng talagang maiingay na musika, at marami sa mga kabataan ang nasa ilalim ng impluwensiya ng alak. Subalit ang isa pang grupo ng mga kabataan ang nakatawag ng aking pansin. Sila’y nakaupo na pabilog sa sayawan at nagpapasa ng mga droga. Nagsimula akong magtanong kung umiiral nga ba ang Diyos.
Mayroon Bang Diyos?
Sa aking paghahanap, nagtungo ako sa Seventh-Day Adventist, Metodista, Katoliko, at sa iba pang relihiyon. Subalit inakala ko na wala silang maibibigay, at di-nagtagal huminto na ako ng pagdalo. Ang pagkadama ko ng kawalan ng pag-asa ay pinagtibay pa ng nangyari noong isang Linggo ng gabi sa isang disco. Ang mga ilaw ay malamlam at ang musika ay maingay, at nakita ko ang bartender, ang lokal na paring Katoliko. Siya’y nakasuot ng jeans, isang tsaleko na walang kamisedentro, at isang malaking krus sa kaniyang leeg. Wala siyang pinag-iba sa amin, at tinawag namin siyang paring hippie.
Ako’y naging interesado sa Budismo at bumili ako ng isang munting istatuwa ni Buddha, na inilagay ko sa aking silid na malapit sa aking kama. Araw-araw ako’y lumuluhod sa harap nito at nagsasabi, “Oh Buddha, pakisuyong tulungan mo ako.” Naniniwala rin ako na ang mga tao ay may humihiwalay na kaluluwa na nakakabit sa katawan sa pamamagitan ng isang taling pilak at na sa pamamagitan nito ang isang tao ay maaaring maglakbay sa sansinukob kailanman niya naisin.
Ang maling paniniwalang ito sa pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ay nakaapekto sa aming musika. (Ihambing ang Eclesiastes 9:5, 10 at Ezekiel 18:4.) Nagsimula akong kumatha ng mga awit sa ilalim ng impluwensiya ng droga. Natutuhang tugtugin ng banda ang aking musika, at nagkaroon kami ng propesyonal na pagrekord nito. Ang rekording ay tumagal ng dalawang oras, at ang mga awit ay sumunod sa isang paksa na tungkol sa buhay ng isang guniguning tao na naglakbay sa panahon. Ang isa sa mga awit ay tungkol kay Satanas; itinaguyod nito ang mapamusong na idea na ang Diyablo ay mas makapangyarihan kaysa Diyos.
Ang okulto at droga na laging sumasagi sa isip ko ay nakapipinsala sa akin. Magigising ako sa gabi at may makikita akong mga tao na paroo’t parito sa aking silid. Isang gabi ako ay lubhang nahintakutan anupat ang aking mga kamay ay nanlambot, at hindi ako makakilos habang ang nakatatakot na bagay ay lumalapit sa akin. Noong minsan, ako’y nakahiga sa kama nang biglang lumitaw sa kuwarto ang kakatuwang mga bagay. Nais kong makaalpas sa pagkaaliping ito.
Isang Araw na Bumago sa Aking Buhay
Nang panahong ito ang aking kuya Charles at ang kaniyang asawa, si Lorraine, ay naging mga Saksi ni Jehova. Kung Sabado ng umaga, ako’y kadalasang magigising na may hangover at masusumpungan ko ang isang munting papel sa tabi ng aking kama. Isinulat dito ni Charles ang ilang teksto sa Bibliya na nauugnay sa aking lisyang istilo ng buhay.
Pagkatapos isang Linggo, inanyayahan ako ni Charles at ni Lorraine na sumama sa kanila upang panoorin ang isang drama sa Bibliya na gagampanan ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang taunang pandistritong kombensiyon sa Pretoria. Mausyoso tungkol sa drama, ako’y nagpasiyang sumama. Anong laki ng pagtataka ko na makita ang gayong kalaking pulutong ng malilinis na tao! Nasiyahan ako noong araw na iyon bagaman 90 porsiyento sa narinig ko ang hindi ko naintindihan. Nang ipakilala ako ni Charles sa kaniyang mga kaibigan, humanga ako sa masiglang pagbati nila sa akin, bagaman mahaba ang buhok ko at hindi ako nakadamit nang angkop para sa okasyon. Gumawa ng mga kaayusan para sa isang Saksi na makipag-aral ng Bibliya sa akin.
Sumunod na linggo, sa halip na dumalo sa ensayo ng banda, ako ay nagtungo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang Kingdom Hall. Sa pagtatapos ng linggo, nagpasiya akong umalis sa banda at ipagbili ang aking kagamitan sa musika. Nang magkahiwa-hiwalay ang banda, naipasiya namin na ako ang mag-iingat sa orihinal na tape ng aming mga rekording sapagkat ako ang sumulat ng lahat ng awit at ako rin ang kumatha ng tugtugin. Hindi ko matanggihan ang udyok na itago ito. Iningatan ko rin ang aking acoustic na gitara at patuloy kong pinatutugtog ang musikang okulto na kinatha ko sa ilalim ng impluwensiya ng droga.
Habang ako’y nagpapatuloy sa pag-aaral ng Bibliya at sa pagdalo sa mga pulong Kristiyano, ang aking pagkaunawa tungkol sa mga kahilingan ng Diyos ay unti-unting sumulong. Di-nagtagal ay natanto ko na upang palugdan ang Diyos, kailangang kong makibahagi sa mga pulong Kristiyano at sa pagpapalaganap ng mabuting balita sa bahay-bahay bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. (Gawa 5:42; Roma 10:10) Ang isipin lamang ang paggawa nito ay nakatatakot. Gayon na lamang kalala ang aking pagkautal anupat ako’y umiiwas sa mga tao, karaniwan nang umaasa ako sa iba na magsalita para sa akin.
Hindi Ako Napahinto ng Pagkautal
Kapag dumadalo sa mga pulong, sinasabi ko sa aking sarili, ‘Kung sana’y makapagkokomento lamang ako na gaya ng iba.’ Sa wakas ay nagkomento ako, subalit gayon na lamang ang pakikipagpunyagi ko upang masabi ang ilang salitang iyon! Nang matapos ang pulong, marami ang lumapit sa akin at ako’y pinapurihan. Ipinadama nila sa akin na para ba akong isang manlalaro ng soccer na nakaiskor ng isang goal. Nadarama ko ang tunay na pag-ibig na siyang tanda ng tunay na pagka-Kristiyano.—Juan 13:35.
Ang susunod na pagtatagumpayan ay dumating nang ako’y sumali sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro at kailangan kong bumasa sa Bibliya sa harap ng kaunting mga tagapakinig. Nautal ako nang husto anupat hindi ko natapos ang atas sa itinakdang oras. Pagkatapos ng pulong may kabaitang binigyan ako ng tagapangasiwa sa paaralan ng praktikal na payo. Iminungkahi niya na ako ay magsanay ng pagbabasa nang malakas. Ginawa ko ito, araw-araw, nagbabasa nang malakas buhat sa aking Bibliya at sa magasing Bantayan. Ang pagtitiwalang natamo ko mula sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay nakatulong sa akin upang harapin ang hamon ng pakikipag-usap sa mga estranghero sa bahay-bahay na ministeryo. Noong Oktubre 1973, ako ay nabautismuhan bilang sagisag ng aking pag-aalay sa Diyos na Jehova.
Paghinto sa Dating Pamumuhay
Gayunman, ako ay bago, wala pang gulang na Kristiyano. Halimbawa, pagkatapos makibahagi sa bahay-bahay na pangangaral kung malamig na Linggo, ako’y papasok sa aking kotse at isasara ang mga bintana. Samantalang nasisiyahan sa init ng araw, pinakikinggan ko ang isang cassette rekording ng master tape ng aking musika. Kasabay nito, ako’y lumiligaw sa isang mabait na dalaga, si Debbie, na nakikibahagi sa buong-panahong gawain ng Saksi. Minsan, samantalang ako’y nakikinig sa tape na iyon, si Debbie ay lumapit sa kotse, at agad kong inihinto ang tape. Sa loob ko ay batid ko na hindi ito ang musika na angkop para sa isang Kristiyano.
Hindi nagtagal pagkatapos na kami ni Debbie ay magpakasal, nagsimula kaming magkaproblema. Madalas akong magising sa kalagitnaan ng gabi na pawis na pawis at nanginginig. Ako’y may masamang panaginip na lumalakad nang painut-inot sa dagat ng dugo samantalang hinahabol ng mga demonyo. Nahirapan ang aking kawawang asawa sa loob ng maraming buwan dahil sa mga pagsalakay na ito ng demonyo. Bagaman walang kaalam-alam si Debbie sa nilalaman ng aking musika, may hinala siya na ito ay may masamang impluwensiya sa akin, at ipinahayag niya ang opinyong iyon. Subalit may katigasang iginiit ko: “Iingatan ko ang tape na ito magpakailanman bilang isang alaala.”
Nagtalo rin kami tungkol sa marami pang ibang bagay, at madalas ko siyang nasisigawan. Dahil sa madalas kaming mag-away, may katalinuhang nilapitan ni Debbie ang matatanda sa kongregasyon upang humingi ng tulong. Kung minsan ay dadalaw ang isang matanda at sinisikap na tulungan kami, subalit pag-alis ng matanda, magagalit na naman ako kay Debbie. Masyadong mapagmataas na aminin na kami’y nangangailangan ng tulong, sasabihin ko: “Anong karapatan mong magtungo sa matatanda at makipag-usap sa kanila. Pananagutan ko iyan. Ako ang ulo ng sambahayan.” Oo, mayroon akong di-timbang na pangmalas tungkol sa pagka-ulo. Saka ako magmumukmok at hindi ko siya kakausapin sa loob ng ilang araw. Ngayon ay natalos ko na sinisikap niya lamang na iligtas ang kaniyang asawa at ang kaniyang pag-aasawa.
Pagkatapos noong isang gabi si Debbie1 Timoteo 1:5, 19.
ay nakipag-usap sa matatanda tungkol sa aking pagtugtog ng gitara at ang uri ng musika na pinakikinggan ko. Kaya isang matanda ang pumasyal at nakipag-usap nang matagal sa akin. Natatandaan kong ako’y tinanong niya: “Mayroon ka bang isang bagay sa inyong tahanan na maaaring maging sanhi ng iyong mga problema?” Sa wakas ako’y nakipag-usap at sinabi ko sa kaniya ang tungkol sa tape, inaamin ko na binabagabag nito ang aking budhi.—Nang gabi ring iyon, pagkaalis ng matanda, naipasiya kong sirain ang tape. Dinala namin ito ni Debbie sa likod ng bahay at sinikap naming sunugin ito, subalit hindi ito masunog. Kaya naghukay kami at ibinaon namin ito. Ipinagbili ko rin ang aking gitara. Naisip ko: ‘Kung ako’y aalpas sa masamang musika, kung gayon kailangan kong gawin ito nang lubusan.’ At nakapagtataka, nawala na ang mga masamang panaginip. Mula noon, ang aming pagsasamang mag-asawa ay unti-unting bumuti.
Ang Hamon ng Pagsasalita sa Madla
Bagaman ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay nagbigay sa akin ng higit na pagtitiwala, masyado pa rin akong utal. Nais kong makapagpahayag sa kongregasyon nang hindi nauutal. May kabaitang iminungkahi ni Debbie na ako’y magtungo sa isang speech therapist. Ako’y sumang-ayon, at sa loob halos ng apat na buwan, ako’y tumanggap ng propesyonal na tulong minsan sa isang linggo. Sa pagkakapit ng terapi at ng mabuting payo buhat sa organisasyon ni Jehova, ako ay nakagawa ng pagsulong sa pagsasalita sa madla.
Noong 1976, ako’y nagkapribilehiyo na mahirang bilang isang matanda sa aming kongregasyon. Pagkaraan ng dalawang buwan, ibinigay ko ang aking kauna-unahang 45-minutong pahayag pangmadla. Pagkalipas ng ilang taon, ako’y nagkapribilehiyo na ibigay ang aking unang pahayag sa programa sa isang pansirkitong asamblea. Nang maglaon ako’y naatasang magpahayag sa halos bawat pansirkitong asamblea. Pagkatapos, noong Disyembre 1990, narating ko ang tugatog ng aking karanasan bilang isang tagapagsalita sa madla. Ako’y nagkapribilehiyo na magbigay ng isang 20-minutong pahayag tungkol sa Kristiyanong buhay pampamilya sa isang tagapakinig na mahigit na apat na libo sa sesyon sa Ingles ng “Dalisay na Wika” na Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Johannesburg.
Kailangan kong patuluyang makipagpunyagi sa aking problema ng pagkautal. Kung hindi, maaari itong lumitaw na muli, at minsang ako’y magsimulang mautal, mahirap na umalpas dito. Paminsan-minsan, nagkakaproblema pa rin ako, subalit ang pagtitiwala kay Jehova ay talagang nakatutulong. Kailanma’t ako’y nagtutungo sa plataporma upang magpahayag, ako’y nananalangin kay Jehova na tulungan ako upang ako’y maging mahinahon at maiharap ko nang mahusay ang impormasyon. Gayunman, masasabi ko na kailanman ay hindi ko nakakaligtaang pasalamatan si Jehova pagkatapos ng isang pahayag sapagkat sa pamamagitan ng tulong niya na nagawa ko ito.
Kami ni Debbie ay pinagpala ng dalawang kaibig-ibig na mga anak, si Pendray, 15 anyos, at si Kyle, 11 anyos. Bilang isang pamilya, kami’y nakasusumpong ng malaking kagalakan sa paglabas sa bahay-bahay na ministeryo. Ang kasiglahan na ipinakikita nina Pendray at Kyle sa gawaing ito ay isang tunay na pampatibay-loob sa amin ni Debbie.
Habang ginugunita ko ang aking buhay, ako’y nakadarama ng kaligayahan at ng pagsisisi. Pinagsisisihan ko ang masamang impluwensiya ng aking musika sa iba subalit naliligayahan ako na nasumpungan ko ang katotohanan, inihinto ko ang pagtugtog ng masamang musika, at napagtagumpayan ko ang hadlang ng pagkautal. Madalas kong isipin ang mga salita ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Inyong malalaman ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32) Sa pamamagitan ng di-nararapat na awa ni Jehova, iyan din ang naranasan ko.—Gaya ng inilahad ni William Jordaan.
[Mga larawan sa pahina 26]
Sina Debbie at William Jordaan ngayon
Kailangan kong patuluyang makipagpunyagi sa aking problema ng pagkautal