Subalit Tunay ba Ito?
Subalit Tunay ba Ito?
KUNG ano ang maaaring gawin ng isa, maaari namang palsipikahin ng isa. Kung ano ang nakikita mong iniaalok ay maaaring magtinging siyang nais mo, subalit tunay ba ito? Kung minsan, ang mahigpit na mga lunas ay ginamit upang sugpuin ang panghuhuwad. Isang Alemang may-ari ng tuluyan noong ika-14 na siglo ay binitay sa pagtitinda ng mababang uring alak bilang tunay na alak na Rüdesheimer. Sa Britaniya, 140 taon bago 1832, mahigit na 300 katao ang binitay dahil sa panghuhuwad. Noong 1597 dalawang panday-ginto ang ipinako ang tainga sa pangawan dahil sa huwad na pagmamarka sa mababang uri ng itinubog sa ginto.
“Ang mga nahihibang sa pangongolekta ay lumikha ng isang paraiso para sa madayang mga negosyante,” sabi ni Mark Jones, na nagtatrabaho sa eksibisyon ng British Museum na Fake? The Art of Deception. Kahit na ang may kabatirang mga tao ay nagiging mga biktima. Ang “fossil” ng Piltdown man (umano’y sinaunang tao) ay gawa-gawa lamang at nilinlang ang samahan ng mga siyentipiko sa loob ng mga taon. Ang “mga talaarawan” ni Hitler ay nagbibigay ng maliwanag na katibayan sa kakayahan ng mga manghuhuwad na dayain kahit na yaong dapat sana’y higit na nakaaalam.
“Ang malaking dako ng pagsulong sa panghuhuwad ngayon,” sabi ni Mark Jones, “ay . . . ang lansakang panghuhuwad ng kilalang mga kalakal.” Halimbawa, tinatayang mula sa 10,000 hanggang 15,000 huwad na Apple computers ang naibenta buwan-buwan sa Estados Unidos noong 1987. Isang $33 milyong panghuhuwad ng kristal na Waterford (Tatak ng mamahaling kristal na mga babasagin na gawa sa Waterford, Ireland.) ang ibinunyag kamakailan. “Mga kahawig ng pinakabantog na mga kristal sa daigdig ay ginagawa sa isang pagawaan sa isang liblib na nayon sa Pransiya,” sabi ng The Sunday Times sa Britaniya.
Iniimbot ng salinlahing ito ang mga panindang luho. “Ngayon,” sabi ni Vincent Carratu, isang beterano sa pakikipagbaka laban sa mga manghuhuwad, ang komersiyal na manghuhuwad “ay gagawa ng huwad na mga pabangong Chanel, bukas siya naman ay gagawa ng huwad na mga kasuutang pang-isports na Fila, pagkatapos siya ay mag-aangkat ng huwad na mga raketa ng tenis na Dunlop.” Anuman ang gusto ng mámimili, ay ginagawa ng manghuhuwad. Subalit, babala ng Anti-Counterfeiting Group ng Britaniya, “kadalasan na . . . ang ‘baratilyong’ may pangalan na relo na ibinebenta sa halagang £50 ay sa katunayan nagkakahalaga lamang ng £5.”
Mga Huwad na Nagsasapanganib-Buhay
Binabanggit din ng Anti-Counterfeiting News ang isa pang problema, ang panganib ng mas mababang uri na mga paninda: “Ang mapanganib at mababang-uri na mga kalakal ay naghaharap ng isang tunay na banta sa kaligtasan ng mámimili.” Gaano kapanganib ang bantang ito? Ibinibigay ng Trademark World ang mga halimbawang ito: “Labing-apat na mga pagbagsak ng eruplano at hindi kukulanging dalawang kamatayan ang natunton sa huwad na mga bahagi ng eruplano.” Ibinunyag ng National Consumer Council sa Britaniya kung paanong ang libu-libong mababang-uring plag ng koryente at huwad na mga brake cylinder ng kotse na may mababang uri ng rubber seals ay nakapasok sa pamilihan. “Lahat ng ito,” sabi nito, “ay maaaring magharap ng panganib sa mámimili.”
Lalo nang walang damdamin yaong mga gumagawa ng huwad na mga gamot. “Hanggang 70% ng lahat ng gamot na ipinagbibili sa mga bahagi ng Aprika ay huwad,” sabi ng The Anti-Counterfeiting Group sa Britaniya. Ang mga pampatak sa mata na nasumpungan sa Nigeria, halimbawa, ay walang sangkap na pangmedisina at gawa mula sa maruming tubig. Ang mga ito ay maaaring pagmulan ng pagkabulag. “Kung ang mga tao ay kailangang umasa sa ‘antibayotiks’ na hindi naglalaman ng antibayotiks,” sabi ng World Health Organization noong 1987, “magkakaroon ng mga kamatayan at ang panghuhuwad ay nangangahulugan ng lansakang pagpatay.”
Kahit na nga ang mga perang papel na hawak mo ay maaaring huwad. Kamakailan, sa loob lamang ng isang taon, $110 milyon ng huwad na dolyar ang nakumpiska sa buong daigdig. Ang huwad na $100 perang papel na gumagala sa Ireland ay gayon na lamang kataas ang kalidad “anupat ang 155 [ay] pumasa sa lahat ng malalaking bangko,” sabi ng The Irish Times.
Ano ang magagawa mo upang maingatan ang iyong sarili buhat sa mga huwad? Isang eksperto sa mga bagay na may kaugnayan sa mga mámimili ay nagsabi na “ang pinakamagaling na proteksiyon laban sa mga huwad ay ang isang may kabatirang mámimili.” Susog pa niya: “Kung ito ay waring hindi kapani-paniwalang totoo, malamang na gayon nga ito.”
[Larawan sa pahina 20]
Ang Piltdown “fossil” ay isang panghuhuwad na luminlang sa mga siyentipiko sa loob ng mga taon