Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tulong sa Adultong mga Anak ng Alkoholiko

Tulong sa Adultong mga Anak ng Alkoholiko

Tulong sa Adultong mga Anak ng Alkoholiko

“Kung ikaw ay lumaki sa isang sambahayang alkoholiko, kailangang ayusin mo ang maling pagkatuto at kalituhan ng damdamin na dala ng pagpapalaking iyon. Hindi ito maiiwasan.”​—Dr. George W. Vroom.

ISANG sundalong malubhang nasugatan ang nagdurugo sa larangan ng digmaan. Agad na dumating ang saklolo, at ang nasugatang kawal ay isinugod sa isang ospital. Ang sundalo ay nakaligtas, subalit may problema pa rin siya. Ang kaniyang mga sugat ay kailangang gamutin, at ang trauma ng kaniyang kakila-kilabot na karanasan ay maaaring tumagal ng mga taon.

Para sa mga anak ng isang magulang na alkoholiko, ang tahanan ay maaaring maging gaya ng isang larangan ng digmaan kung saan ang mahalagang pangangailangan ng tao ay sinasalakay. Ang ilang mga bata ay seksuwal na inabuso; ang iba ay pisikal na sinaktan; ang marami ay emosyonal na pinabayaan. “Ito ay katulad ng matinding takot na maaaring madama ng isang bata kapag naririnig niya ang pagbagsak ng mga bomba o pagpapaputok ng mga machine gun sa palibot ng kaniyang bahay,” sabi ng isang binata, ginugunita ang kaniyang kabataan. Hindi kataka-taka na maraming anak ng mga alkoholiko ang nagpapakita ng gayunding mga sintomas na dala ng matinding kaigtingan na nararanasan ng mga beterano sa digmaan!

Totoo, naligtasan ng maraming bata ang mga traumang ito at sa wakas ay umaalis ng bahay. Subalit pinapasok nila ang pagkamaygulang na may mga sugat ng damdamin na, bagaman hindi nakikita, ay tunay at namamalagi na gaya niyaong sa nasugatang sundalo. “Ako ngayon ay 60 anyos na,” sabi ni Gloria, “gayunman ang aking buhay ay apektado pa rin ng mga trauma na nauugnay sa pagkasilang ko sa isang sambahayan na may alkoholikong magulang.”

Ano ang maaaring gawin upang tulungan ang mga iyon? ‘Makiramay sa kanilang kalungkutan,’ mungkahi ng Bibliya. (Roma 12:15, Phillips) Upang gawin ito, dapat maunawaan ng isa ang mga sugat ng damdamin na karaniwang bunga ng pamumuhay sa isang alkoholikong kapaligiran.

“Kailanman ay Hindi Ako Nakaranas ng Pagkabata”

Ang isang bata ay kailangang arugain, pangalagaan, at laging tiyakin. Sa sambahayan ng alkoholiko, ang gayong atensiyon ay karaniwang wala. Sa ilang kaso ang papel ay nababaligtad, at ang bata ay inaasahang aaruga sa magulang. Si Albert, halimbawa, ang bumubuhay sa pamilya sa gulang na 14 anyos! Kinukuha ang dako ng alkoholikong magulang, dinala ng isang batang babae na nagngangalang Jan ang pasanin ng mga gawain sa bahay. Siya rin ang tagapag-alaga ng kaniyang mga nakababatang kapatid na lalaki at babae​—lahat ng ito ay nagsimula noong siya ay anim na taóng gulang lamang!

Ang mga bata ay hindi mga adulto, at tiyak na hindi sila makakikilos na parang mga adulto. Kapag ang mga papel na magulang-anak ay nabaligtad, ang kanilang normal na mga pangangailangan bilang mga bata ay hindi nasasapatan. (Ihambing ang Efeso 6:4.) Ang tagapayo sa pamilya na si John Bradshaw ay sumulat: “Sila’y lumalaki na may mga katawan ng adulto. Sila’y mukhang adulto at nagsasalitang parang adulto, subalit mayroon sa loob nila ng isang walang kasiyahang munting bata na hindi kailanman natugunan ang mga pangangailangan.” Maaaring madama ng mga iyon ang gaya ng nadama ng isang Kristiyano: “Dala-dala ko pa rin ang matinding kirot sapagkat ang aking pinakamahalagang emosyonal na pangangailangan bilang isang bata ay hindi natugunan.”

“Kasalanan Ko Ito”

Nang si Robert ay 13 anyos lamang, ang kaniyang tatay ay namatay sa isang aksidente. “Sinikap kong maging mabuti,” gunita ni Robert na ang kaniyang mga mata ay nakatingin sa ibaba. “Alam ko na ginawa ko ang mga bagay na ayaw niya, subalit hindi naman ako masamang bata.” Dala ni Robert ang mabigat na pasanin ng pagkadama ng pagkakasala sa pagiging alkoholiko ng kaniyang tatay at dinala niya iyon sa loob ng maraming taon. Nang inilalahad ang nasa itaas, si Robert ay 74 na taóng gulang na!

Karaniwan na sa mga bata na akuin ang pananagutan sa pagiging alkoholiko ng magulang. Ang pagsisi-sa-sarili ay nagbibigay sa isang bata ng ilusyon ng pagsupil sa kalagayan. Gaya ng sabi ni Janice: “Naisip ko kung ako sana ay mas mabait na bata, hindi na muling iinom ang aking tatay.”

Ang katotohanan ay na walang bata​—o adulto—​ang maaaring magpangyari, sumupil, o magpagaling sa pag-inom ng sinuman. Kung ang iyong magulang ay isang alkoholiko, anuman ang sinabi sa iyo o anuman ang ipinahiwatig ng isang tao, hindi ka dapat sisihin! At maaaring maingat na isaalang-alang mo kung bilang isang adulto, ikaw ay nakadarama pa rin ng pananagutan sa mga kilos at gawi ng iba.​—Ihambing ang Roma 14:12; Filipos 2:12.

“Wala Akong Mapagkatiwalaan”

Ang tiwala ay natatayo sa pagiging prangka at sa katapatan. Ang kapaligiran ng alkoholiko ay natatayo sa paglilihim at pagkakaila.

Bilang isang kabataan, batid ni Sara ang pagiging alkoholiko ng kaniyang tatay. Gayunman, natatandaan niya: “Ako’y nakokonsensiya kahit na sa pag-iisip sa salitang alkoholiko sapagkat walang isa man sa aming pamilya ang bumabanggit nito.” Gayunding karanasan ang inilalahad ni Susan: “Walang sinuman sa pamilya ang nagsasalita tungkol sa kung ano ang nangyayari, kung gaano sila kalungkot, o ang galit namin sa aking alkoholikong amain. Sa palagay ko basta hindi namin pinapansin ang kalagayan.” Sa gayon ang katotohanan tungkol sa pagiging alkoholiko ng magulang ay kadalasang tinatakpan ng pagkakaila. “Natutuhan kong huwag tingnan ang mga bagay sapagkat sapat na ang nakita ko,” sabi ni Susan.

Ang tiwala ay sinisira pa ng pabagu-bagong ugali ng alkoholiko. Kahapon siya ay masaya, subalit ngayon siya ay nagngangalit. “Hindi ko alam kung kailan magsisimula ang bagyo ng galit,” sabi ni Martin, isang adultong anak ng isang alkoholikong ina. Sinisira ng alkoholiko ang mga pangako, hindi dahil sa kapabayaan, kundi dahil lamang sa alkohol. Si Dr. Claudia Black ay nagpapaliwanag: “Ang pagkaabala sa pag-inom ang pangunahin sa alkoholiko. Ang lahat ng iba pa ay pangalawahin.”

“Itinatago Ko ang Aking mga Damdamin”

Kapag ang mga damdamin ay hindi maginhawang maibabahagi sa iba, natututuhan ng mga bata na supilin ito. Sila’y pumapasok sa paaralan na may “mga ngiti sa kanilang mga mukha at mga buhol sa kanilang sikmura,” sabi ng aklat na Adult Children​—The Secrets of Dysfunctional Families, at hindi sila nangangahas na ibahagi ang kanilang mga kaisipan sa takot na ihayag ang lihim ng pamilya. Sa labas, ang lahat ay mabuti; sa loob, ang napigil na mga damdamin ay nagsisimulang maghimagsik.

Sa pagkaadulto ang anumang pagsisikap na sugpuin ang mga damdamin sa pamamagitan ng pakitang-tao na ‘mabuti-naman-ang-lahat’ ay karaniwang nabibigo. Kung ang mga damdamin ay hindi maihayag nang berbal, ang mga ito ay maaaring lumabas sa katawan​—yaon ay, sa pamamagitan ng mga ulser, talamak na mga sakit ng ulo, at iba pa. “Literal na sinisira ako ng mga damdamin,” sabi ni Shirley. “Mayroon ako ng lahat halos ng sakit.” Ganito ang paliwanag ni Dr. Timmen Cermak: “Ang paraan ng paglutas ng adultong mga anak sa kaigtingan ay ang ikaila ito, subalit hindi mo maloloko ang Kalikasan. . . . Ang katawan na laging maigting, nininerbiyos sa loob ng mga taon ay nagsisimulang masira.”

Higit Pa sa Pagkaligtas

Ang adultong mga anak ng alkoholiko ay malalakas; ang pagkaligtas nila buhat sa trauma sa pagkabata ay nagpapatunay sa bagay na iyan. Subalit higit pa ang kinakailangang kaysa pagkaligtas. Dapat matutuhan ang bagong mga idea sa mga kaugnayang pampamilya. Ang mga damdamin ng pagkakasala, galit, at mababang pagpapahalaga-sa-sarili ay baka kailangang tukuyin. Dapat gamitin ng adultong mga anak ng alkoholiko ang kanilang lakas upang isuot ang tinatawag ng Bibliya na “ang bagong pagkatao.”​—Efeso 4:23, 24; Colosas 3:9, 10.

Hindi ito madali. Si LeRoy, isang adultong anak ng isang alkoholiko, ay nagpunyaging ikapit ang mga simulain ng Bibliya sa kaniya mismong pamilya sa loob ng 20 taon. “Nang tanggapin ko ang lahat ng maibiging payo mula sa Samahan sa pamamagitan ng aklat na Pampamilya at ng iba pang publikasyon, hindi ko maunawaan ang panlahat na idea. a Ang resulta ay na hindi mahusay ang pagkakapit ko ng impormasyon. . . . Walang damdamin, mekanikal na sinisikap kong hanapin at ikapit ang mga tuntunin, na gaya ng mga Fariseo.”​—Tingnan ang Mateo 23:23, 24.

Sa isang taong gaya ni LeRoy, ang mga kahilingan na “maging higit na maibigin” o “makipagtalastasan” o “disiplinahin ang inyong mga anak” ay maaaring hindi sapat. Bakit? Sapagkat maaaring hindi naranasan ng isang adultong anak ang mga katangian o mga kasanayang ito, kaya paano nga niya maipahahayag o matutularan ito? Si LeRoy ay humingi ng payo upang maunawaan ang epekto ng pagiging alkoholiko ng kaniyang tatay. Inayos nito ang daan para sa espirituwal na pagsulong. “Kahit na ito ay napakasakit na panahon sa aking buhay, ito’y isang panahon ng malaking espirituwal na pagsulong,” sabi niya. “Sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay ko, talagang nadarama kong natututuhan ko nang wasto kung ano ang ibig sabihin ng pag-ibig sa Diyos.”​—1 Juan 5:3.

Isang babaing Kristiyano na nagngangalang Cheryl ang nakinabang sa tulong ng isang social worker na may karanasan sa mga isyu tungkol sa alkoholismo sa sambahayan. Ipinagtapat din niya ito sa isang madamaying elder. “ Tanging nang masabi ko ang lahat ng ‘nakahihiyang lihim’ saka ako nakadama ng kapayapaan kay Jehova at sa aking sarili,” sabi niya. “Ngayon ay itinuturing ko si Jehova bilang aking Ama (isang bagay na hindi ko magawa noon), at hindi ko na nadaramang ako’y nadaya sapagkat hindi ako tumanggap ng pag-ibig at patnubay na kailangan ko mula sa tatay ko dito sa lupa.”

Nasumpungan ni Amy, isang adultong anak ng isang alkoholiko, na ang pagsisikap na linangin “ang mga bunga ng espiritu” ay lubhang nakatulong sa kaniya. (Galacia 5:22, 23) Natutuhan din niyang ipagtapat ang kaniyang mga kaisipan at mga damdamin sa isang maunawaing elder. “Ipinagunita niya sa akin ang pagsang-ayon na talagang hinahanap ko,” sabi ni Amy, “yaong sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo. Ang paghahangad ng kanilang pag-ibig at pagsang-ayon ay hindi kailanman nakasisira-sa-sarili.”

Ganap na Paggaling

Ang Bibliya ay naglalaman ng nasusulat na pangako ni Jesu-Kristo na yaong mga lumalapit sa kaniya na nabibigatan ng mga kabalisahan ay magiginhawahan. (Mateo 11:28-30) Isa pa, si Jehova ay tinatawag na “ang Diyos ng buong kaaliwan, na siyang umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian.” (2 Corinto 1:3, 4) Ganito ang sabi ni Maureena: “Nakilala ko si Jehova bilang ang Isa na hindi kailanman tatalikod sa akin sa pisikal, mental, o emosyonal na paraan.”

Tayo’y nabubuhay sa isang panahon na tinatawag ng Bibliya na mga huling araw, isang panahon kung saan ang marami​—kahit sa loob ng sambahayan—​ay magiging ‘abusado, walang katutubong pag-ibig, at mababangis.’ (2 Timoteo 3:2, 3, The New English Bible) Ngunit ang Diyos ay nangangako na malapit na niyang dalhin ang isang mapayapang bagong sanlibutan na doo’y papahirin niya ang bawat luha at kalungkutan. (Apocalipsis 21:4, 5) Ganito ang sabi ng isang Kristiyano na pinalaki sa isang sambahayan ng alkoholiko: “Inaasahan namin na kaming lahat ay sama-samang makatatawid tungo sa bagong sanlibutang iyon, kung saan tayo ay tatanggap ng ganap na paggaling na si Jehova lamang ang makabibigay.”

ISANG HALIMBAWANG KASO

“Ako’y isang adultong anak ng isang alkoholiko. Ang aking tatay ay naging alkoholiko nang ako ay walong taóng gulang. Kapag siya’y lasing, siya’y nagiging marahas. Natatandaan ko ang takot na nadama ng buong pamilya. Nang panahong iyon kung kailan dapat akong magkaroon ng maligayang kabataan, natutuhan kong itago ang aking mga damdamin, kagustuhan, nasa, at pag-asa. Sina Inay at Itay ay abalang-abala sa kaniyang problema upang magkaroon ng panahon para sa akin. Hindi ako sulit sa panahon nila. Nadama kong ako’y walang-halaga. Sa gulang na walo dahil sa papel na ibinigay sa akin ako’y napilitang huminto sa pagiging bata​—bigla akong lumaki at pinasan ang mga pananagutan ng pamilya. Ang buhay ko ay nakabitin.

“Ang gawi ng aking tatay ay kahiya-hiya anupat ang kaniyang kahihiyan ay nakaapekto sa akin. Upang makabawi ay sinikap kong maging sakdal. Ako’y nagpakita ng pagmamahal, sinisikap kong bilhin ang pag-ibig, kailanman ay hindi ko nadamang karapat-dapat ako sa walang-pasubaling pag-ibig. Ang buhay ay naging isang palabas, na ang mga damdamin ay malamig. Pagkalipas ng ilang taon sinabi sa akin ng aking asawa at mga anak na ako ay isang robot, mekanikal. Sa loob ng 30 taon ako’y nagpaalipin sa kanila, isinakripisyo ko ang aking emosyonal na mga pangangailangan alang-alang sa kanilang pangangailangan, ako’y nagbigay sa kanila na gaya ng laging pagbibigay ko sa aking mga magulang. At ito pa ang napala ko? Ito ang sukdulang sugat ng damdamin!

“Sa galit, kalituhan, at kawalan ng pag-asa, inalam ko kung ano ang mali sa akin. Habang ako’y nakikipag-usap sa iba na pinalaki sa mga sambahayang alkoholiko, maraming nakimkim na mga damdamin ang nagsimulang lumabas, mga bagay na hinding-hindi ko naalaala noon, mga bagay na nagpangyari ng aking malimit na pakikipagbaka sa nakapanghihinang panlulumo. Ito’y parang pag-aalis ng mga pasanin, isang pampaginhawa. Anong laking ginhawa na malaman na hindi ako nag-iisa, na ang iba ay nakaranas din nito at nauunawaan ang trauma ng pagpapalaki sa akin sa isang sambahayang alkoholiko!

“Bumaling ako sa isang grupo na tinatawag na Adult Children of Alcoholics at sinimulan kong ikapit ang ilan sa kanilang terapi. Ang mga aklat ay nakatulong upang baguhin ang maling mga palagay. Isinulat ko ang araw-araw na mga damdamin, mga damdamin na nakatago sa loob ng mga taon. Nakinig ako sa mga tape na nagtuturo sa isa kung paano tutulungan ang sarili. Pinanood ko ang isang seminar sa TV ng isang tao na isang adultong anak mismo ng isang alkoholiko. Ang aklat na Feeling Good, mula sa University of Pennsylvania School of Medicine, ay nakatulong sa akin na magkaroon ng pagpapahalaga-sa-sarili at pagbutihin ang aking maling mga huwaran ng pag-iisip.

“Ang ilan sa bagong mga huwarang ito sa pag-iisip ay naging mga kasangkapan, mga salita upang makayanan ang buhay at mga kaugnayan. Ang ilan sa mga ito na natutuhan at ikinapit ko ay: Hindi mahalaga kung ano ang nangyari sa atin, kundi kung paano natin minamalas o inuunawa ang nangyari. Ang mga damdamin ay hindi dapat itago sa loob kundi kailangang suriin at positibong ipahayag o alisin. Ang isa pang kasangkapan ay ang pariralang ‘kumilos ka sa tamang paraan ng pag-iisip.’ Ang inuulit na aksiyon ay maaaring bumuo ng bagong mga huwaran sa utak.

“Ang pinakamahalagang kasangkapan sa lahat ay ang Salita ng Diyos, ang Bibliya. Mula rito at mula sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, pati na ang kanilang hinirang na matatanda at iba pang maygulang na mga Saksi, ako’y tumanggap ng pinakamahusay na espirituwal na paggaling, at natutuhan kong magkaroon ng wastong pag-ibig sa aking sarili. Natutuhan ko rin na ako’y natatangi, na walang katulad ko sa sansinukob. Higit na mahalaga, alam kong mahal ako ni Jehova, at si Jesus ay namatay alang-alang sa akin gayundin naman sa iba.

“Ngayon, pagkalipas ng isa at kalahating taon, masasabi ko na ako’y 70 porsiyentong mas mahusay. Ang ganap na paggaling ay darating kapag hinalinhan na ng bagong sanlibutan ng katuwiran ni Jehova ang kasalukuyang balakyot na sanlibutang ito at ang diyos nito, si Satanas na Diyablo.”

KONKLUSYON

Ang Bibliya ay nagsasabi: “Payo sa puso ng tao ay parang malalim na tubig, ngunit iigibin ng taong may unawa.” (Kawikaan 20:5) Kailangang may unawa upang magtagumpay ang isa na tumutulong sa pag-igib mula sa malalim na tubig ng puso ang mga bagay na bumabagabag sa isa na nanlulumo. Mahalaga “sa karamihan ng mga tagapayo” kung sila ay may unawa. (Kawikaan 11:14) Ipinakikita rin ng sumusunod na kawikaan ang halaga ng paghingi ng payo mula sa iba: “Ang bakal ay nagpapatalas sa bakal. Gayon ang tao ay nagpapatalas sa mukha ng kaniyang kaibigan.” (Kawikaan 27:17) Kapag nakipagtalastasan ang mga may problema, “maaaring magkaroon na pagpapatibayan ng loob sa gitna [nila].” (Roma 1:12) At upang tupdin ang payo ng Bibliya na “aliwin ang mga kaluluwang namamanglaw,” dapat maunawaan ng isa na umaaliw ang sanhi at mga sanga ng panlulumo na dinaranas ng isa na aaliwin.​—1 Tesalonica 5:14.

[Talababa]

a Pinaliligaya ang Inyong Buhay Pampamilya, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Blurb sa pahina 8]

Maraming anak ng alkoholiko ang nagpapakita ng gayunding mga sintomas na dala ng matinding kaigtingan na nararanasan ng mga beterano sa digmaan!

[Blurb sa pahina 10]

Ang kapaligiran ng alkoholiko ay natatayo sa paglilihim at pagkakaila

[Blurb sa pahina 10]

Sila’y pumapasok sa paaralan na may “ngiti sa kanilang mga mukha at mga buhol sa kanilang mga sikmura”

[Blurb sa pahina 11]

“Minamalas ko ngayon si Jehova bilang aking Ama (isang bagay na hindi ko magawa noon)”

[Blurb sa pahina 12]

Ang pinakamahalagang kasangkapan sa lahat ay ang Salita ng Diyos, ang Bibliya

[Larawan sa pahina 9]

“Literal na sinisira ako ng mga damdamin”