Ang Kamelyong Arabe—Ang Maraming-Gamit na Sasakyan sa Aprika
Ang Kamelyong Arabe—Ang Maraming-Gamit na Sasakyan sa Aprika
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Chad
ANG pagkakita ng isang kamelyo sa unang pagkakataon habang inilalakad nito ang mahahaba nitong mga paa, taas-ilong na nakatingala at ang mga umbok nito sa likod na umiindayog sa magkabi-kabila, ang isa ay talagang hahanga. Ang ilan ay nagkakaroon pa nga ng impresyon na ang kamelyo ay gawa mula sa mga piyesa na naiwan mula sa paglalang!
Bakit ang kakatuwang umbok, ang mahabang leeg, ang mahahaba’t mapapayat na mga paa, at ang napakalaking bilog na paa, huwag nang banggitin pa ang mahahaba, malalantik na pilikmatang iyon? Bagaman asiwa sa tingin, ang kamelyong Arabe ay lubhang pinahahalagahan sa nakalipas na mga dantaon.
Ang Kapaki-pakinabang na Nilalang Noon . . .
Noon pang panahon ni Abraham, ang kamelyo, o kamelyong Arabe (isang umbok sa likod), ay waring malawakang ginagamit. Si Abraham mismo ay nagkaroon ng marami nito noong panahon ng paglagi niya sa Ehipto. (Genesis 12:16) Sa katunayan, malamang na ginawa niya ang kaniyang bantog na paglalakbay mula sa Ur ng mga Caldeo tungo sa lupain ng Canaan sakay ng isang kamelyo.
Si Job ay nagmamay-ari ng mga kamelyo. Ang kaniyang kawan ay 3,000 kamelyo at nakatulong sa kaniyang pagiging isa sa pinakamayamang lalaki sa kaniyang bahagi ng daigdig. (Job 1:3) Kaya ang mga kamelyo ay pinahalagahan ng mga tao sa Ehipto at saanman sa loob ng di-kukulanging 4,000 taon.
Ang mga ito ay ipinakilala sa iba pang bahagi ng Hilagang Aprika noong ikadalawang siglo C.E. Ito ang nangpangyari sa mga may-ari nito na magkaroon ng lagalag na paraan ng pamumuhay sa Disyerto ng Sahara, na magiging imposible kung walang kamelyo.
Sa wakas, ang mga lagalag na ito ay nagkaroon ng mga ruta sa ibayo ng disyerto at sinimulan ang kalakalan ng alipin. Sila’y kumuha ng mga alipin sa sub-Saharan Aprika at pinagtrabaho ang mga ito sa isang nabubukod na oases kung saan hinding-hindi sila maaaring tumakas sa pamamagitan ng paglakad lamang.
Ang mahabang linya ng mga kamelyo ay nagdadala ng asin sa ibayo ng disyerto sa mga dako kung saan bihirang-bihira ang panindang ito at samakatuwid ay mahal. Bagaman ang papel nito sa kalakalan ng alipin ay huminto na, at ang papel nito sa kalakalan ng asin ay lubhang nabawasan, ang kamelyong Arabe ay hindi pa rin lipas.
. . . at Ngayon
Ang mahabang linya ng mga kamelyo ay karaniwan pa rin sa rehiyon ng Sahel-Sahara sa Aprika—isang anyo ng transportasyon na hindi nagbago buhat pa noong panahon ni Abraham. Ang mga tribong lagalag ay lubhang dumedepende sa kanilang mga kamelyo, napakahalaga pa rin sa kanilang istilo-ng-buhay na gaya noong naunang mga milenyo.
Palibhasa’y mga lagalag, ang kanilang unang pangangailangan ay transportasyon—ng kanilang mga sarili, ng tubig, ng pagkain, at ng anumang bagay na kailangan ng sambahayan. Ginagatasan din nila ang kamelyo at maingat na itinatabi ang buhok nito upang gawing tela, kumot, at tolda. Ang balat ay ginagamit para sa katad, at ang laman nito para sa karne.
Ang pangkat ng mga kamelyo ay naglalakbay ng katamtamang 40 kilometro isang araw. Subalit sa isang kagipitan ang ilang kamelyo ay maaaring maglakbay ng 160 kilometro sa isang araw. Ito ay isang mahalagang bagay kung isasaalang-alang na ang mga bukal ng tubig ay maaaring maraming kilometro ang layo.
Ang gamit nila ay hindi limitado sa malalayong dako ng disyerto. Ang kamelyo ay isang karaniwang tanawin pa rin, at ang halinghing, taghoy, at laguklok nito ay karaniwang tunog pa rin sa maraming palengke rito sa Sahel. Ang mga kamelyo ay ginagamit
upang magsakay ng mga tao at paninda mula sa lalawigan tungo sa palengke, kadalasang nagkakarga ng mga pasan na 200 kilo o higit pa.Ang pag-aalaga ng mga kamelyo upang ipagbili ang karne nito ay pinasisigla bilang isang praktikal na mapagpipilian sa karne ng baka yamang ang pag-aalaga ng baka ay nagiging mas mahirap dahil sa lumalawak na mga disyerto. Halos 1,300 kamelyo ang naubos sa N’Djamena, ang kabiserang lungsod ng Chad, noong 1990, pati na ang di-alam na bilang sa rural na mga dako. Isang walang-karanasang taga-Kanluran ang nagulat na malaman na ang murang “karne ” na nasumpungan niya sa palengke ay sa katunayan karne ng kamelyo.
Sa lungsod ding ito, karaniwan nang makasalubong ang isa o higit pang kamelyo na paroo’t parito sa mga lansangan, dala-dala ang malalaking sako ng bigas at isang taong tagaakay. Ang tagaakay ay maaaring nagrarasyon sa mga tahanan o marahil ay basta naghahanap ng mga parokyano.
Ang ibang mga nayon sa mas tuyong dako ng bansa ay gumagamit ng mga kamelyo upang mag-igib ng tubig sa napakalalim na mga balon. Isang malaking timba o sisidlang yari sa balat ng hayop ang itinatali sa isang mahabang tali at ibinababa sa balon. Ang kabilang dulo
ng tali ay inilalagay sa isang kalô (pulley) na mga isang metro o higit pa sa bibig ng balon at saka itinatali sa kamelyo. Isang bata sa likod ng kamelyo ang nag-uutos na hilahin, at ang timba na may mahalagang likido ay tumataas at lumalabas sa balon.Naiwang mga Piyesa?
Ipinakikita ng maikling pag-aaral sa kamelyo na ang iba’t ibang bahagi nito ay maliwanag na idinisenyo sa paraan na magpapangyari rito na makabagay sa isang mainit, tigang na klima. Ang mga bahaging ito ay hindi nagkataon lamang. Ang mga ito ang nagbigay sa kamelyo ng natatanging bentaha sa mahirap na bahaging ito ng daigdig.
Bakit ang gayong mahabang leeg? Ito ang nagbibigay sa kamelyo ng bentaha na kahawig niyaon sa giraffe, pinangyayari itong kumain sa mga punungkahoy. Tulad ng giraffe, ito ay kadalasang kumakain ng matinik, uring-acacia na mga punungkahoy na karaniwan sa Sahel. Sa karamihan ng taon, hindi umuulan, kaya walang gaanong pananim sa lupa; ang mga punungkahoy ay nabubuhay dahil sa kanilang mahahabang ugat at siyang nagiging pagkain para sa mga kamelyo.
Bakit ang mahahaba at kakatuwang paa? Kung paanong ito’y nakatutulong sa taas ng kamelyo na kapaki-pakinabang sa pagkain nito, ang mahahabang paa nito ay nagbibigay rito ng karagdagang pakinabang na bilis. Mula sa malayo ang kamelyong Arabe ay para bang banayad na naglalakad-lakad, subalit agad na natatalos ng mga taong sumusubok na makiagapay sa isang kamelyo na ang bawat hakbang ng kamelyo ay sumasaklaw ng malaking lupa.
Ang malaki, bilugang paa ay lubhang malambot at para bang lumalapad habang tumatapak ang kamelyo, binibigyan ito ng bentaha na madaling makalakad sa buhangin. Ang maliit, matigas na paa ng baka o ng kabayo ay lulubog sa buhangin, subalit ang paa ng kamelyo ay nananatili sa ibabaw. Ang ilalim ng paa ay natatakpan ng isang makapal na kalyo mula sa pagsilang, at ito ang humahadlang na mapasò sa mainit na buhangin ng disyerto.
Gayunman, ang mga kamelyo ay nahihirapang lumakad sa putikan; kaya sila’y naglalaho sa timugang Sahel sa panahon ng tag-ulan. Dinadala sila ng kanilang mga amo sa disyerto upang hindi sila madulas o mabalian kaya ng paa o kaya’y masaktan ang kanilang mga sarili.
At ang kilalang umbok sa likod? Ang ilan ay magsasabi sa iyo na ito ay para sa pag-iimbak ng tubig, subalit sa katunayan ito ay binubuo ng taba at ito ay talagang imbakan ng pagkain. Ang hindi gaanong napakaing kamelyo ay kadalasang may impis na umbok sa likod, na kung minsan ay lumuluyloy pa nga o kumakawag, subalit pagkalipas ng ilang linggo ng mabuting pagkain, ang umbok sa likod ay sa wakas naisasauli.
Isa pa, ang Bactrian, o dalawang-umbok, na kamelyo, na mas angkop sa mas malamig na mga disyerto sa gitnang Asia, ay madaling lahian ng isang-umbok na kamelyo. Ipinakikita nito na ang dalawang uri ay ibang anyo lamang ng iisang “uri.”—Genesis 1:24; tingnan din ang Gumising! ng Disyembre 8, 1988, pahina 25.
At yaong mahahaba’t malalantik na pilikmata? Bago pa naimbento ng modernong kausuhan ang mahaba, huwad na mga pilikmata, taglay na ng mga kamelyo ang tunay na mahahaba’t malalantik na pilikmata, at hindi lamang basta para sa kagandahan. Iniingatan nito ang mga mata mula sa nililipad na buhangin, sa gayo’y pinangyayari ang kamelyo na patuloy na lumakad kung saan ang ibang hayop ay maaaring mapuwing at kailangang huminto. Ang mahaba, parang hiniwang mga butas ng ilong ay katulad ng mga mata sa pagsala sa buhangin kapag ang kamelyo ay humihinga papasok at sa pagtakda sa pagkaubos ng tubig sa pag-aalis ng halumigmig kapag ito ay humihinga palabas.
Ito, at ang iba pang mga katangian, ay nagbibigay sa kamelyo ng bantog na kakayahan nitong lumakad ng ilang araw nang walang tubig. Walang hirap na maaari nitong maligtasan na maubusan ng tubig nang hanggang sangkatlo ng timbang ng katawan nito. Subalit kapag ito ay uminom, humanda ka. Ang mga kamelyo ay kilalang nakakukunsumo ng hanggang 135 litrong tubig sa loob ng sampung minuto upang halinhan ang tubig na naiwala nila. Kaya si Rebecca ay nagboluntaryo sa isang pambihirang atas nang alukin niyang painumin ng tubig ang sampung kamelyo!—Genesis 24:10, 19.
Kaya, bagaman waring hindi karaniwan sa mga walang kabatiran sa mga kamelyo, ang kamelyo ay hindi aksidente o tira-tira ng paglalang. Hindi ito kakatuwang pagsasama-sama ng mga tira-tirang bahagi na hindi magamit ng ibang hayop. Maaaring hindi ito kasingkisig ng kabayo o makulay na gaya ng paboreal, subalit lubusang pinahahalagahan ng mga maninirahan sa hilagang Aprika ang kamelyong Arabe bilang isang pagpapala buhat sa Diyos, patotoo ng isang matalinong Maylikha.—Apocalipsis 4:11.
[Mga larawan sa pahina 23]
Taglay ang mahaba nitong leeg, umbok sa likod, paang may sapin, at mahahabang pilikmata, ang kamelyo ay angkop sa buhay sa disyerto