Ang Masaklap na Kabayaran ng Pagsusugal
Ang Masaklap na Kabayaran ng Pagsusugal
Si Bobby ay nasumpungang patay sa loob ng isang nakaparadang kotse sa isang kalye sa hilagang London. Mga 23 anyos lamang, siya ay nagpatiwakal.
Isang may edad nang lalaki ang natutulog sa mga lansangan sa loob ng ilang panahon bago humarap sa isang welfare center. Siya ay mahinang-mahina, yamang siya ay hindi kumain sa loob ng apat na araw, ni nainom man niya ang iniresetang gamot para sa isang sakit sa puso.
Si Emilio, ama ng limang anak, ay nagdadalamhati. Siya ay iniwan ng kaniyang asawa at mga anak. Ngayon ay ayaw pa nga nilang makipag-usap sa kaniya.
ISANG pagpapatiwakal, isang palaboy, at isang inayawang ama: tatlong malulungkot na kaso, maliwanag na walang kaugnayan subalit karaniwan sa lipunan ngayon. Ngunit ang bawat kalunus-lunos na pangyayari ay may iisang salik—isang pagkasugapa sa pagsusugal.
Ayaw aminin ng maraming pusakal na mga sugarol na sila ay may problema, at kadalasan nang pinagtatakpan sila ng mga miyembro ng pamilya upang maiwasan ang dungis sa karangalan sa lipunan. Subalit araw-araw nakakaharap ng milyun-milyong sambahayan sa buong daigdig ang dalamhati at kawalan ng pag-asa dahilan sa mapangwasak na pagkasugapang ito.
Walang nakaaalam kung gaano karami ang pusakal na mga sugarol. Sa Estados Unidos, ang sampung milyon ay itinuturing na isang katamtamang tantiya. Ang mga bilang ay nakatatakot at dumarami saanman habang ang mga pagkakataon sa pagsusugal ay dumarami sa bansa at bansa. Ang pusakal na pagsusugal ay inilarawan bilang “ang pinakamabilis na pagkasugapa.”
Maraming bagong mga sugapa ang nagsimula bilang di-sinasadyang mga sugarol na nagnanais lamang na “subukin ang kanilang suwerte.” Sila’y natangay ng masamang panaginip ng pagkasugapa sa pagsusugal.
Kapag ang Pagsusugal ay Hindi Masupil
Ano ang bumabago sa di-sinasadyang sugarol tungo sa pusakal na sugarol? Ang mga dahilan ay iba-iba, subalit sa paano man, ang mga sugarol ay dumarating sa isang punto sa kanilang buhay kung kailan nadarama nila na hindi sila maaaring mabuhay nang hindi nagsusugal. (Tingnan ang kahon sa pahina 7.) Natuklasan ng ilan sa pagsusugal ang katuwaan na nawawala sa kanilang buhay. Ganito ang paliwanag ng isang sugarol: “Hindi mahalaga sa akin kung ako ay manalo o matalo. Kapag ako ay tumatayâ, lalo na kung ako ay pumupusta nang higit kaysa roon sa nakapaligid sa akin, nadarama kong ako ang pinakaimportanteng tao sa daigdig. Ginagalang ako ng mga tao. Tuwang-tuwa ako!”
Ang iba ay bumabaling sa pagsusugal dahil sa kalungkutan o panlulumo. Si Ester, ina ng apat na
anak, ay kasal sa isang lalaking militar na madalas ay wala sa bahay. Siya ay nalulungkot at nagsimulang maglaro ng mga slot machine sa mga sentro ng libangan. Hindi nagtagal, siya ay naglalaro na ng ilang oras araw-araw. Ang perang pamalengke niya ay ginamit niya sa pagsusugal, at dumami ang problema. Sinikap niyang ilihim sa kaniyang asawa ang tungkol sa perang ginagamit niya sa pagsusugal samantalang balisang sinisikap niyang mangutang ng pera sa mga bangko o sa ibang tao upang panatilihin ang kaniyang 200 dolyar-isang-araw na pagkasugapa.Mayroon ding iba na ang pagkahibang sa pagsusugal ay dahil sa malaking panalo. Si Robert Custer, isang awtoridad tungkol sa pusakal na pagsusugal, ay nagpapaliwanag: “Karaniwan nang yaong nananalo nang maaga at palagi sa kanilang pagsusugal ang siyang nagiging pusakal na mga sugarol.” Pagkatapos, ang pagnanais na laging manalo ay nagiging napakasidhi.
Ang Tusong Patibong ng Pamahiin
Maraming sugarol ang nahihikayat ng mga kutob sa halip ng lohika. Ang payak na pagtantiya ay dapat na pumigil sa isa na magsusugal kung siya ay makikinig lamang sa katuwiran. Upang ilarawan, sa Estados Unidos, ang mga tsansa na mapatay sa pamamagitan ng kidlat ay halos 1 sa 1,700,000. Ang manalo sa isang loterya ng Estado ay sa paano man dalawang ulit na malayong mangyari.
Sino ang umaasang tatamaan ng kidlat? Tanging ang mga pesimista lamang. Gayunman, halos lahat ng bumibili ng isang tiket sa loterya ang nangangarap na mapili sana ang kaniyang numero. Totoo, ang pagkapanalo sa loterya ay mas kaakit-akit kaysa tamaan ng kidlat, subalit ang dahilan kung bakit ang marami ay umaasa sa halos wala nang pag-asa ay ang pamahiin. Ang kanilang napiling paboritong “suwerteng numero” ay kumukumbinsi sa kanila na baka sila manalo bagaman malayong mangyari iyon.—Tingnan ang kahon sa pahina 8.
Si Claudio Alsina, isang matematikong Kastila, ay bumanggit na kung ang mga pasugalan at ang mga loterya ay gagamit ng mga titik sa halip ng mga numero sa mga sapalarang laro, ang tsansang manalo ay mananatiling gayon pa rin, subalit ang panghalina nito—at malamang ang di-mumunting katumbasan ng mga resibo—ay maglalaho. Ang pagkahalinang dulot ng ilang numero ay pambihira. Ang mga numerong 9, 7, 6 at 0 ay paborito ng ilan, samantalang pinipili naman ng iba ang kanilang “suwerteng numero” mula sa mga bagay na gaya ng isang kompleano o isang pagbasa sa horoscope. At mayroon namang ginagabayan ng ilang kakatuwang mga pangyayari.
Isang araw isang lalaki ang nagkaroon ng hindi kaayaayang sorpresa habang papalapit siya sa isang pasugalan sa Monte Carlo. Dinumhan ng isang kalapating lumilipad ang kaniyang sombrero. Nang araw ding iyon siya ay nanalo ng $15,000. Kumbinsido na ang mga dumi ng kalapati ay isang kaayaayang palatandaan, hinding-hindi siya pumapasok na muli sa pasugalan nang hindi muna naglalakad-lakad sa labas sa pag-asang tumanggap ng isa pang “tanda mula sa langit.” Kaya, nililinlang ng pamahiin ang maraming sugarol sa pag-iisip na ang panahon ng panalo ay hindi magwawakas. Gayunman, ito ay karaniwang kasama ng walang-awang mahigpit na hawak ng isang masidhing pagkahalina na sumusupil sa kanila at sa wakas ay maaaring magpahamak sa kanila.
Dahil sa Pag-ibig sa Salapi
Ang mga tao ay nagsusugal upang manalo ng pera, maraming pera hangga’t maaari. Subalit sa kaso ng pusakal na sugarol, ang perang napananalunan niya ay nagkakaroon ng pantanging halina. Sa kaniyang paningin, gaya ng paliwanag ni Robert Custer, “ang pera ay pagkamakabuluhan. . . . Ang pera ay ang pagkakaibigan. . . . Ang pera ay gamot.” At bakit gayon na lamang kahalaga sa kaniya ang pera?
Sa gitna ng mga sugarol, hinahangaan ng mga tao ang malakas manalo o ang malakas gumasta. Nais nilang kasa-kasama siya. Kaya, ang perang napanalunan niya ay nagsasabi sa sugarol na siya ay mahalaga, na siya ay matalino. Ang pera ay gumagawa rin sa kaniya na malimutan niya ang kaniyang mga problema, tinutulungan siyang magrelaks, at pinasasaya siya. Sa pananalita ng mananaliksik na si Jay Livingston, ang pusakal na mga sugarol “ay umaasa sa pagsusugal upang matupad ang lahat niyang emosyonal na pangangailangan.” Isa itong kalunus-lunos na pagkakamali.
Kapag ang di-makatotohanang kalagayan ng ‘laging panalo’ ay magwakas at siya ay paulit-ulit na natatalo, ang pera ay lalo pang nagiging mahalaga. Ngayon ay gustung-gusto niyang mabawi ang naiwala niya. Paano niya makukuha ang sapat na pera upang ibayad sa mga pinagkakautangan niya, upang makuhang muli ang sunud-sunod na panalo? Hindi magtatagal ang kaniyang buhay ay sumasamâ tungo sa palaging paghahanap ng pera.
Ang gayong kahabag-habag na kalagayan ay
isang katunayan ng buhay para sa angaw-angaw na mga sugarol. Sila’y mga lalaki’t babae, mula sa lahat ng gulang, at mula sa lahat ng kalagayan sa buhay. At lahat ay mahina, gaya ng makikita sa biglang pagdami kamakailan ng pagkasugapa sa pagsusugal sa gitna ng mga tin-edyer at mga maybahay.Mga Sugapang Tin-edyer at Maybahay
Ang mga kabataan ay madaling biktima ng nakabibighaning mga slot machine o iba pang sapalarang laro na nagbibigay sa kanila ng pera sa sandaling panahon. Isiniwalat ng isang surbey sa isang lungsod sa Inglatera na 4 sa 5 ng mga 14-anyos ang regular na naglalaro ng mga slot machine at na ang karamihan ay nagsimula sa gulang na 9. Ang iba ay nagbubulakbol sa klase upang magsugal. Isiniwalat ng isang surbey sa mga estudyante sa high school sa E.U. na 6 na porsiyento ay “nagpakita ng palatandaan ng malamang na talamak na pagsusugal.”
Si Manuel Melgarejo, pangulo ng isang pangkat ng mga tao na nag-aaral kung paano tutulungan at pagbubutihin ang kanilang sarili, na binubuo ng mga dating-sugarol sa Madrid, Espanya, ay nagsabi sa Gumising! na ang isang madaling hubuging kabataan ay maaaring magumon sa pamamagitan ng pananalo lamang ng isang malaking jackpot sa isang slot machine. Sa sandaling panahon, ang pagsusugal ay nagiging isang palipasan ng oras at isang kinahihiligan. Hindi nagtatagal, ang sugapang kabataan ay maaaring ipinagbibili na ang mga minanang gamit ng pamilya o nagnanakaw sa pamilya, bumabaling pa nga sa pagnanakaw ng malilit na bagay o sa prostitusyon upang tustusan ang pagkasugapa.
Napapansin din ng mga eksperto ang pagdami ng mga maybahay na mga pusakal na sugarol. Sa Estados Unidos, halimbawa, ang mga babae ngayon ay kumakatawan sa halos 30 porsiyento ng kabuuang bilang ng pusakal na mga sugarol, subalit tinataya na sa taóng 2000, ito ay magiging 50 porsiyento.
Si Maria, isang nagtatrabahong-ina ng dalawang anak na babae, ay karaniwan sa maraming maybahay na naging pusakal na mga sugarol. Sa nakalipas na pitong taon, siya ay gumugol ng $35,000—pera ng pamilya—sa bingo at sa slot machines. “Nawala na ang pera,” buntunghininga niya. “Inaasam-asam ko ang araw na ako’y maaaring pumasok sa isang kapihan na may $50 sa aking pitaka at magkaroon ng lakas na gugulin ito sa aking mga anak [sa halip na ilagay ito sa slot machine].”
Mga Pangarap na Naging Masamang Panaginip
Ang pagsusugal ay natatayo sa mga pangarap. Para sa ilang sugarol, ang mga pangarap na kayamanan ay panandalian, subalit para sa mga pusakal na sugarol, ang mga pangarap na kayamanan ang kaniyang masidhing hangad, isang hangarin na walang lubag na hinahabol niya, hanggang sa punto ng pagkabangkarote, pagkabilanggo, at kamatayan pa nga.
Ang pagsusugal ay nangangako na punan ang lehitimong mga pangangailangan—isang kaayaayang libangan, kaunting katuwaan, ilang karagdagang pera, o pagtakas sa araw-araw na mga alalahanin—subalit ang natatagong kabayaran ay maaaring maging napakamahal, gaya ng natuklasan ng pusakal na mga sugarol sa kanilang kalungkutan. Ang mga pangangailangan bang ito ay maaaring sapatan sa ibang paraan?
[Kahon sa pahina 7]
Larawan ng Isang Pusakal na Sugarol
ANG sugarol ay patuloy na nagsusugal gaano man ang natatalo sa kaniya. Kung siya’y manalo, ginagamit niya ang pera upang patuloy na magsugal. Samantalang sinasabi niyang maaari siyang huminto kailanma’t ibigin niya, ang pusakal na sugarol na may pera sa kaniyang bulsa ay ilang araw lamang na hindi pupusta sa isang bagay. Siya ay may masidhing pagnanais na magsugal.
Madalas siyang mangutang. Kapag hindi niya mabayaran ang kaniyang mga pinagkakautangan, balisang-balisa siyang nanghihiram ng higit pang pera upang pagbayaran ang mga pagkakautang at patuloy na magsugal. Sa malao’t madali siya ay nagiging di-tapat. Maaari pa nga niyang isugal ang pera ng kaniyang amo. Karaniwan na, siya’y napapaalis sa kaniyang trabaho.
Ang lahat, pati na ang kaniyang asawa at mga anak, ay sunud-sunuran sa kaniyang pagsusugal. Ang kaniyang pagkapusakal ay tiyak na hahantong sa alitan ng mag-asawa at maaaring magbunga sa wakas ng paghihiwalay o diborsiyo.
Ang matinding mga damdamin ng pagkakasala ay gumagawa sa kaniya na maging higit at higit na lumalayo sa mga tao. Nahihirapan siyang makipag-ugnayan sa ibang tao. Sa wakas, siya ay dumaranas ng matinding panlulumo at malamang na subukin pa ngang magpatiwakal; wala siyang makitang lunas para sa kaniyang problema.
[Kahon/Larawan sa pahina 8]
Ang Lalaking Nanalo Nang Labis sa Sugal sa Monte Carlo
SI Charles Wells, isang Ingles, ay dumalaw sa pasugalan ng Monte Carlo noong Hulyo 1891. Mga ilang araw lamang, nagawa niyang isang milyon ang sampung libong francs sa pamamagitan ng pagsusugal, at kataka-taka, inulit niya ang kahanga-hangang pagkapanalo pagkalipas ng apat na buwan. Sinikap tuklasin ng maraming iba pang sugarol ang kaniyang “sistema” subalit hindi nila natuklasan. Sa tuwina’y iginiit ni Wells na kailanman’y hindi siya nagkaroon ng isang sistema. Sa katunayan, nang sumunod na taon natalo ang lahat niyang pera, at siya’y namatay na walang kapera-pera. Balintuna, ang insidenteng ito ay naging isang matagumpay na publisidad para sa pasugalan. Nagkaroon ito ng internasyonal na kabantugan na ito ay hinding-hindi natalo.
Ang Maling Akala ng Monte Carlo
Maraming sugarol ang naniniwala na ang mga slot machine o mga gulong ng ruleta ay may memorya. Kaya, inaakala ng isang naglalaro ng ruleta na kung ang isang sunud-sunod na bilang ay lumabas, humigit-kumulang ang gulong ay patuloy na magiging pabor sa mga numero na tumutugon sa pagkakasunud-sunod na iyon. Sa katulad na paraan, ipinagpapalagay ng ilan na naglalaro ng mga slot machine na kung ang jackpot ay hindi pa napapanalunan sa loob ng ilang panahon sa isang partikular na makina, malapit na itong lumabas. Ang gayong maling palagay ay tinatawag na maling akala ng Monte Carlo.
Kapuwa ang gulong ng ruleta at ang mekanismo na nag-uukol ng jackpot ng slot machine ay lubusang kumikilos sa pamamagitan ng tsansa. Kaya, kung ano ang naunang nangyari ay walang kaugnayan. Sa mga sapalarang laro na ito, gaya ng pagkakasabi rito ng The New Encyclopædia Britannica, “ang bawat laro ay may katulad na probabilidad na gaya ng bawat isa sa paggawa ng isang resulta.” Kaya ang kalamangan laban sa pagwawagi ay magkapareho sa bawat panahon. Gayunman, naipahamak ng maling akala ng Monte Carlo ang maraming sugarol samantalang pinupunô ang kaban-yaman ng mga pasugalan.