Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Kailangan Kong Maging Iba?

Bakit Kailangan Kong Maging Iba?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Bakit Kailangan Kong Maging Iba?

“MAHIRAP na maging iba.” Ganiyan ang sabi ng isang Kristiyanong kabataan. Kung ikaw mismo ay isang Kristiyano, walang alinlangang nauunawaan mo ang kaniyang damdamin. Gaya ng karamihan ng kabataan, nais mong ikaw ay maibigan at tanggapin ng iba. Ang problema ay, karaniwan nang ang pagkatanggap ay nangangahulugan ng pagtulad​—sa pagsasalita, pananamit, at pagkilos gaya ng iyong mga kasama. Ang isang kabataan na nangangahas mapaiba ay nanganganib sa pagtakwil at pagkutya.

Kung gayon ang mga kabataan sa gitna ng mga Saksi ni Jehova ay nakaharap sa isang mahirap na kalagayan. Tiyak, bilang mga Kristiyano, sila ay naiiba sa ibang mga kabataan. Ito’y hindi dahilan sa sila ay may nakahihigit na saloobin o nag-iisip na sila’y mas mahusay kaysa ibang tao. Bagkus, dahilan sa kanilang pagsasanay sa Bibliya, kadalasan na sila’y di-sumasang-ayon sa kanilang mga kasama pagdating sa moral. Ang kanilang pangmalas sa patriyotikong mga pagdiriwang, ang pagdiriwang ng relihiyosong mga kapistahan, at pagde-date ay maaaring gumawa sa kanila na maging kapansin-pansin at mailang ang ilan sa kanilang mga kasama. a

Tinawag ng isang kabataang Saksi ang pagiging naiiba na “ang pinakamahirap na bahagi ng pagiging isang Kristiyano.” Isa pa ang nagsabi: “Minamata ka ng mga kabataan. Ako’y maraming beses na tinatawag na mahina at walang sinabi.” Maaari pang igiit ng iyong Kristiyanong mga magulang na ikaw ay maging iba hindi lamang sa iyong moral na pag-uugali kundi pati na rin sa mga bagay na gaya ng pananamit, pag-aayos, at pagpili sa musika.

Ang Bayan ng Diyos ay Naiiba!

‘Anong masama kung maging gaya ka ng ibang kabataan?’ maaaring itanong mo. Bueno, ang pagiging naiiba ay nagpakilala sa bayan ng Diyos mula pa sa simula. Noong minsan, pinili ng Diyos ang sinaunang Israel upang maging kaniyang “tanging pag-aari.” (Exodo 19:5) Iyan ay nangahulugan ng pagiging iba sa ibang mga bayan. Sa Levitico 18:3, ang Diyos ay nag-utos: “Huwag kayong gagawa ng gaya ng ginagawa sa lupain ng Ehipto, na inyong tinahanan; at huwag din kayong gagawa ng gaya ng ginagawa sa lupain ng Canaan, na pinagdadalhan ko sa inyo; at huwag kayong lalakad ng ayon sa mga palatuntunan nila.”

Ang sinaunang mga Ehipsiyo ay lulong sa napakasamang pagsamba sa mga hayop. Ang paniniwala sa kawalang-kamatayan ng kaluluwa ay laganap sa kanilang pamumuhay. Ang insesto ay karaniwan. Gayundin, ang Canaan ay lupain na tigmak sa idolatriya, seksuwal na kalisyaan, pagbububo ng dugo, paghahandog ng bata, at prostitusyon. “Huwag kayong magpakarumi sa alin man sa mga bagay na ito,” babala ng Diyos. “Huwag kayong gagawa ng anuman sa lahat ng mga karumal-dumal na bagay na ito.”​—Levitico 18:24-26.

Itinaguyod ni Jehova ang tagubiling ito sa isang kodigong Kautusan na pumapatnubay sa bawat aspekto ng kanilang pamumuhay: sa kanilang pagkain (Levitico 11), sa kanilang mga gawaing pangkalinisan (Deuteronomio 23:12, 13), sa kanilang seksuwal na mga gawain (Levitico 18:6-23). Ang Kautusan ay pinamamahalaan pa man din ang kanilang pananamit at pag-aayos! “Sila’y kailangang gumawa ng mga tirintas sa mga laylayan ng kanilang mga damit sa buong panahon ng kanilang mga lahi,” sabi ni Jehova, “at kanilang papatungan ang tirintas ng bawat laylayan ng isang panaling bughaw.” (Bilang 15:38) Ang mga lalaki ay hinilingang magpatubo ng balbas at pinagbawalang gupitin ang kanilang “mga patilya.” (Levitico 19:27; 21:5) Ang batas na ito ay susundin kahit na ayaw ng isang Judio ang damit na may tinirintas o mas gusto niya ang nakaahit.

Ngayon, isip-isipin na ikaw ay pinagsabihan na kailangang magpatubo ka ng balbas at magsuot ng pantanging damit. Ito ba’y kayayamutan mo bilang paglabag sa iyong personal na karapatan? Subalit, ang mga batas ng Diyos ay nagsilbi sa mahalaga at kapaki-pakinabang na layunin. Sabi ni Jehova: “Ang layunin ay upang inyong maalaala at gawin ang lahat ng aking mga utos at maging banal kayo sa inyong Diyos. Ako si Jehova na inyong Diyos.” (Bilang 15:38-41) Ang kodigo sa pananamit ay nagsilbing isang malakas na nakikitang paalaala na ang mga Judio ay naiiba​—isang bayang ibinukod na banal kay Jehova. Ang mga pagbabawal sa pagkain ay hindi lamang nag-ingat sa kanilang kalusugan kundi tumulong na iwasan nila ang masangkot nang sosyal o relihiyoso sa mga di-Judio. Aba, talagang imposible na makisama sa isang pagano nang hindi nilalabag ang ilang aspekto ng Kautusan ng Diyos. Sa gayon ang Kautusang Mosaiko ay nagsilbing isang “pader” na inihiwalay ang Kaniyang bayan mula sa ibang mga bansa.​—Ihambing ang Efeso 2:14.

Ang mga Kristiyano ay Kailangang Maging Iba

Ang mga Kristiyano sa ngayon ay “napalaya na mula sa Kautusan” ni Moises at nagtatamasa ng kalayaan sa personal na pagpili. (Roma 7:6) Gayumpaman, sinabi ni Jesu-kristo sa kaniyang mga tagasunod: “Kayo’y hindi bahagi ng sanlibutan . . . Kayo’y pinili ko sa sanlibutan, [at] dahil dito ay napopoot sa inyo ang sanlibutan.” (Juan 15:19) Hindi sinabi ni Jesus na ang mga Kristiyano ay kailangang umalis sa planetang Lupa. (Ihambing ang 1 Corinto 5:10.) Ang ibig niyang sabihin ay na kailangan nilang maging hiwalay sa “sanlibutan”​—ang bahagi ng sangkatauhan na hiwalay sa Diyos. Bakit? Sapagkat gaya ng sinabi ng apostol na si Juan sa dakong huli, “ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot.”​—1 Juan 5:19.

Ngayon isaalang-alang ang ilang kabataan na kilala mo sa paaralan. Kumusta ang kanilang kaisipan, ang kanilang paggawi, ang kanilang pagsasalita, ang kanilang pinipiling musika o pananamit? Sa wari mo ba ang gayong mga kabataan ay pinapatnubayan ng maka-Diyos na mga pamantayan​—o sila ba ay pinapatnubayan ng itinakdang mga pamantayan ng “diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” si Satanas na Diyablo? (2 Corinto 4:4) Kung totoo ang huling banggit, anong laking panganib nga na itulad ang iyong sarili sa kanilang kilos, salita, o maging maruming tingnan na gaya nila! Sa paano man, sinisira mo ang iyong pag-aangkin sa pagiging isang Saksi kay Jehova. Mas masama pa, maaaring masumpungan mo ang iyong sarili na napadadala sa masasamang impluwensiya.

“Ang iyong mga kaibigan ay talagang nakaaapekto sa iyong paggawi,” inamin ng isang kabataang babae na nagngangalang Kim. “Nang ako’y nag-aaral pa, hindi ako masyadong matibay sa [Kristiyanong] katotohanan, kaya napakarami kong kaibigang tagasanlibutan. Ngunit iyan ay di-mabuti sapagkat ako’y napasangkot sa maraming masamang bagay.” Subalit hindi mo kailangang masangkot sa malubhang pagkakasala upang isapanganib ang iyong kaugnayan sa Diyos. Maingat na pansinin kung ano ang sinasabi ng Bibliya sa Santiago 4:4: “Hindi ba ninyo alam na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos? Kaya, ang sinumang nagnanais maging kaibigan ng sanlibutan ay nagiging kaaway ng Diyos.”

Talaga bang nais mong makipagsapalaran na maging kaaway ng Diyos? Tiyak na hindi! Kung gayon gawing maliwanag na ikaw ay hindi bahagi ng sanlibutan. Gayunman, ito’y nangangahulugan ng higit pa sa pag-iwas lamang sa droga at imoral na sekso.

Kung Paano Maging Naiiba

Halimbawa, isaalang-alang ang iyong pagpili sa pananamit. Kung ano ang iyong isinusuot ay nagpapahiwatig hinggil sa kung sino ka, ano ang iyong pinaninindigan, ano ang iyong pinaniniwalaan. Gayunman, di-tulad ng kaayusang Judio, ang Kristiyanismo ay nagpapahintulot sa iyo ng higit na sariling kakanyahan at personal na pagpili. Subalit, ang ibig bang sabihin niyan ay sumunod sa kung ano ang uso sa pananamit?

Isang Kristiyanong babae ang nais na sumunod sa uso noon na pagsusuot ng punit na pantalon. Natural, walang nagnanais na maging makaluma. Gayunman, ang iyong mga magulang ay matalino upang ikaw ay takdaan sa mga istilo na burara, mahalay, kakatuwa, o masagwa. Kung ikaw ay mananamit ng gayon, anong impresyon ang iyong ibinibigay sa iba? Nasumpungan ito ng isang kabataang babae na nagngangalang Jeffie nang ipagupit niya ang kaniyang buhok sa usong istilo. “Akala ko iyon ay mukhang ‘naiiba,’” ang kaniyang gunita. “Ngunit ang mga tao ay nagsimulang magtanong sa akin, ‘Ikaw ba talaga ay isang Saksi ni Jehova?’ at iyan ay nakakahiya.”

Ang timbang na payo ay ibinigay sa 1 Timoteo 2:9, kung saan ang mga Kristiyano ay hinimok na manamit “na may kahinhinan at katinuan ng isip.” Ikaw ay maaaring maging mahinhin nang hindi nagmumukhang makaluma. Totoo, marahil hindi ka kanais-nais sa iba dahil sa iyong konserbatibong pananamit, ngunit ito ay tutulong sa iyo na lumitaw na naiiba​—at iyan ay isang bagay upang iyong matamo ang pagsang-ayon ng Diyos!

Kumusta naman ang iyong pinipiling musika? Ang musika ang pumupuno sa mga oras ng maraming kabataan. Pagka napanatiling timbang, ang musika ay maaaring maging kasiya-siya at nakapagpapatibay. Gayunman, ang Exodo 32:17-22 ay nagpapakita na maaari ring pukawin ng musika ang emosyon at silakbo ng damdamin. At karamihan ng musika ngayon ay hindi angkop para sa pandinig ng isang Kristiyano. Halimbawa, ang tugtuging rap at heavy-metal ay popular ngayon, ngunit ang marami​—kung hindi man lahat—​niyaon ay umiinog sa imoral na sekso, paghihimagsik, karahasan, o espiritismo pa nga. Ginagawa mo ba ang ginagawa ng ibang tin-edyer sa iyong pagpili ng musika, o ikaw ba ay may tibay ng loob na maging mapamili?

Oo, kailangan ang tibay ng loob upang maging naiiba. Pagka iyong tinanggihan na diktahan ka ng iyong mga kaibigan at kaklase sa pagpili ng libangan, pananalita, o pananamit, tiyak na iyan ay lilikha ng reaksiyon. Si Jesus ay nagbabala: “Sapagkat kayo’y hindi bahagi ng sanlibutan, . . . napopoot sa inyo ang sanlibutan.” (Juan 5:19) Sa gayon ang pagiging naiiba ay maaaring isa sa pinakamahirap na bagay na kailangan mong gawin​—ngunit iyan ay hindi imposible. Ito ang landasin na nagtataguyod sa mga pamantayan ng Diyos. Ito’y nagdudulot sa iyo ng paggalang-sa-sarili at isang malinis na budhi. Ang tanong ay, Paano ka makasusumpong ng tibay ng loob na maging iba? Tatalakayin ng aming susunod na labas ang tanong na iyan.

[Talababa]

a Para sa detalye sa gayong mga labas, tingnan ang brosyur na School and Jehovah’s Witnesses, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Mga larawan sa pahina 18]

Sinisira ng isang kabataan na hindi nagiging iba sa kaniyang mga kasama ang kaniyang pag-aangkin bilang isang Kristiyano