Dapat Bang Magsugal ang mga Kristiyano?
Dapat Bang Magsugal ang mga Kristiyano?
DAPAT bang magsugal ang isang Kristiyano upang makakuha ng isang bagay nang walang pinagpaguran? Hindi, sapagkat ang Salita ng Diyos ay humihimok sa kaniya na magtrabaho upang paglaanan ang kaniyang sarili at ang kaniyang pamilya: “ ‘Kung ang sinuman ay ayaw gumawa, huwag siyang pakainin.’ . . . Sila’y magtrabaho nang tahimik at kumain ng pagkaing pinaghanapbuhayan nila.”—2 Tesalonica 3:10, 12.
Tinawag ng isang sosyologo ang loterya na ‘isang paraan kung saan pinayayaman ng maraming mahihirap na tao ang ilang tao,’ at totoo ito sa pagsusugal sa pangkalahatan. Nanaisin ba ng isang Kristiyano na payamanin ang kaniyang sarili sa kapinsalaan ng iba na hindi makayanan ito? Ang mga Kristiyano ay dapat na ‘ibigin ang kanilang kapuwa na gaya ng kanilang sarili.’ (Marcos 12:31) Subalit ang pagsusugal ay nag-uudyok ng kasakiman sa halip ng pag-ibig, kawalang-malasakit sa halip ng pakikiramay.
Ang pagsusugal ay karaniwan nang udyok ng kaimbutan—kasakiman—isang espiritu na hindi ugaling Kristiyano. Sa Roma 7:7, sinabi ni Pablo: “Huwag kang mananakim.” Ang salitang “manakim” ay nangangahulugan ng “asamin, magmasakim.” Hindi ba inilalarawan niyan ang sobrang pagnanais na mapanalunan ang pera ng kaniyang kapuwa? Ang gayong pagnanais ay hindi kasuwato ng huwarang Kristiyano na pagbahagi at pagbibigay.
Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uring kasamaan, at sa pagsusumakit sa pag-ibig na ito ang iba ay . . . tinuhog ang kanilang sarili ng maraming pasakit.” (1 Timoteo 6:10) Inilalarawan nito ang problema ng pusakal na sugarol, na alipin ng isang bisyo na masakit na tumutuhog sa kaniya, nang paulit-ulit.
Sinabi ni Jesus na ang mga tao ay makikilala sa pamamagitan ng “kanilang mga bunga.” (Mateo 7:20) Bukod sa hirap na dinaranas ng pusakal na mga sugarol at ng kanilang mga pamilya, ang pagsusugal ay malaon nang iniuugnay sa pagdaraya at krimen. Ganito ang sabi ng The New Encyclopædia Britannica: “Karamihan ng batik sa pangalan na iniuugnay sa pagsusugal ay mula sa pagdaraya ng mga tagapagtaguyod nito.” Ang organisadong krimen ay iniugnay kapuwa sa legal at ilegal na mga gawaing pagsusugal. Itataguyod ba ng isang Kristiyano ang industriyang ito, kahit na sa di-tuwirang paraan?
Gaya ng ipinaliwanag ng ikalawang artikulo sa seryeng ito, ang pagsusugal ay karaniwang nagsasangkot ng mapamahiing paghahanap ng suwerteng numero, suwerteng araw, o sunud-sunod na suwerte. Si Lady Luck ay sinusuyo sa loob ng mga dantaon ng mga sugarol na naglalangis sa kaniya. Siya ay tinatawag na Fortuna ng mga Romano, at ang lungsod ng Roma sa wakas ay may 26 na mga templong itinayo sa kaniyang karangalan.
Si propeta Isaias ay tumukoy ng kahawig na diwata, na tinatawag na gadh, na sinamba ng apostatang mga Israelita. Siya’y sumulat: “Inyong iniwan si Jehova, . . . na naghahanda ng dulang para sa diyos ng Kapalaran [Hebreo, gadh].” (Isaias 65:11) Sa huling araw ng taon, kaugalian nang maghanda para sa diyos ng Kapalaran ng isang dulang na punô ng iba’t ibang uri ng pagkain. Sa ganitong paraan inaasahan ng mga tao noong una na makatitiyak sila ng mabuting kapalaran sa darating na taon.
Hindi sinang-ayunan ng Diyos yaong mga walang-muwang na nagtiwala kay gadh, o kay Lady Luck, upang lutasin ang kanilang mga problema. Ang pagtitiwala sa kapalaran ay katumbas ng pagtalikod sa tunay na Diyos, si Jehova. Sa halip na magtiwala sa kapritso ng Kapalaran, ang mga Kristiyano ay dapat na magtiwala sa tunay na Diyos, kay Jehova, ang Isa na nangangako sa atin ng mas mahalagang kayamanan, ang Isa na kailanma’y hindi bibigo sa atin.