Higit na Pakinabang Kaysa Yamang Hindi Pinagpaguran
Higit na Pakinabang Kaysa Yamang Hindi Pinagpaguran
HALOS lahat ng sugarol ay nagwawakas na mas mahirap kaysa noong sila’y magsimulang magsugal. Kadalasan, nasusumpungan kahit na ng ilan na nananalo ng malaking halaga na ang kanilang mga panalo ay hindi isang pasaporte sa kaligayahan.
Isang 36-anyos na binata sa Hapón ay nanalo ng $45,000 sa isang loterya. Binalak niyang bumili ng isang bahay sa kaniyang napanalunan, subalit siya ay lubhang kinainggitan at siniraan anupat ipinasiya niyang hindi sulit ang pagkapanalo niya. Sa pagtataka ng kaniyang mga kasama sa trabaho, sinunog niya ang kaniyang nanalong tiket samantalang pinagmamasdan siya ng kaniyang mga kasama.
Dinakip ng pulisya sa Florida ang isang babae na, sa kabila ng pagwawagi ng $5 milyon sa loterya, ay lihim na nagpakanang patayin ang kaniyang manugang na babae. Ang kaniyang anak na lalaki ay nagsabi na ang babaing ito ay balisang-balisa dahil sa masamang pamumuhunan at labis-labis na paggasta na umubos ng kaniyang kayamanan.
Isang Talunan na Nagwagi
Si Domingo ay isang pusakal na sugarol at ama ng limang anak. Sabi niya: “Kung ako’y nananalo, ito’y masahol pa. Inaakala ko na ako’y isang uri ng henyo, at hindi ako makapaghintay na bumalik sa mga mesang pasugalan upang patunayan na ito’y hindi tsamba lamang.
“Nang ako’y magapi ng masidhing pagnanais na magsugal, para bang ako’y lango. Handa akong iwan ang aking asawa at mga anak upang patuloy na magsugal. Bagaman paulit-ulit akong sumumpa sa aking asawa na hinding-hindi na ako muling magsusugal, batid ko sa aking puso na ang mga pangakong ito ay walang-halaga. Natatandaan ko minsan ay tiniyak ko sa aking asawa na inihihinto ko na ang aking pagsusugal, samantalang nang mga sandaling iyon, ako’y nagbabalak kung paano makakukuha ng perang pamusta.
“Naiwala ko ang lahat ng pera ko, ang pera ng aking asawa, at ang aking negosyo, at ako’y nabaon sa utang. Hindi lumilipas ang isang araw na ako’y hindi pumupusta, hanggang sa may nangyari anupat napilitan akong suriin ang aking sarili. Ako’y nagsimulang mag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Hangang-hanga ako sa aking natututuhan, subalit hindi ako kaagad huminto ng pagsusugal. Ako’y nagpapasalamat na ang Saksi na nakikipag-aral sa akin ay napakatiyaga.
“Subalit hindi nagtagal ang mensahe ng Bibliya ay nakaapekto sa akin. Tinulungan ako nito na talikdan ang aking pangarap na daigdig at tingnan ang aking sarili kung paano ako minamalas ng Diyos. Nakagugulat. Hiyang-hiya ako, tulad niyaong sinulatan ni apostol Pablo noong unang siglo: ‘Ano nga, kung gayon, ang ibinunga ninyo sa panahong yaon? Sa mga bagay na ngayo’y ikinahihiya ninyo. Sapagkat ang wakas ng mga bagay na yaon ay kamatayan.’—Roma 6:21.
“Ang pagkakilala sa Diyos, sa kaniyang pangalan, sa kaniyang personalidad, at lalo na sa kaniyang awa ay nagpakilos sa akin na baguhin ang aking mga daan, ang isipin ang iba sa halip na ang aking sarili. Sa wakas ako’y lubusang nakaalpas sa bisyo ng pagsusugal, at kaming mag-asawa ay nabautismuhan.
“Sinabi ni Jesus na ang katotohanan ay magpapalaya sa atin. (Juan 8:32) Totoo iyan sa aking kaso. Ang katotohanan ng Salita ng Diyos ang nagbigay sa akin ng isang bagay na karapat-dapat pamuhayan, ibinalik nito sa akin ang aking paggalang-sa-sarili, at nagdulot ito sa akin ng malaking kasiyahan. Nagawa ko pa ngang tulungan ang isa sa aking dating mga kaibigan sa pagsusugal upang baguhin ang kaniyang buhay na gaya ng ginawa ko. Nang siya at ang kaniyang asawa ay mabautismuhan, ito’y nagbigay sa akin ng higit na katuwaaan kaysa katuwaan na nagawa ng anumang panalo sa sugal.
“Sa nakalipas na 20 taon, hindi na ako pumusta ng anumang bagay, kahit na kaunting halaga. Hindi ko masasabing ito’y madali, subalit hindi rin ito mahirap. At ang ibinigay sa akin ng Diyos ay nasapatan nang higit pa ang mga pangangailangang iyon na hinangad kong sapatan sa pamamagitan ng pagsusugal.” a
Ang maka-Kasulatang pangmalas ay napakahalaga sa mga nagnanais na gawin ang kalooban ng Diyos. Hindi lamang naiiwasan niyaong sumusunod sa payo ng Diyos ang dalamhati na dulot ng pagsusugal kundi nasusumpungan nila na siya’y may ibinibigay na nakahihigit sa anumang panalo sa pagsusugal.
Mas Mahalagang Kayamanan
Si Pablo, na sumusulat kay Timoteo noong unang siglo, ay nagsabi: “Turuan mo [sila] na huwag maglagak ng kanilang pag-asa sa bagay na walang katiyakan na gaya ng salapi, kundi sa Diyos, na saganang nagkakaloob sa atin ng lahat ng bagay na ating ikasisiya. Pagsabihan mo sila na gumawa ng mabuti . . . , handang magbigay at magbahagi, sa ganitong paraan ay matatamo ang kayamanan na magiging mabuting pundasyon para sa hinaharap. Sa gayon makapananangan sila sa tunay na buhay.”—1 Timoteo 6:17-19, The New English Bible.
Ang isang kayamanan na dapat panangnan ay ang mabuting pangalan sa Diyos. Ito’y umaakay sa “tunay na buhay”—buhay na walang-hanggan, ang pinakadakilang gantimpalang kailanma’y iniaalok. Sinabi ni Jesus sa panalangin sa Diyos: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.”—Juan 17:3.
Di-tulad ng walang katiyakang mga gantimpalang salapi, ang gantimpalang iniaalok ng Diyos ay maaaring mapanalunan ng sinuman at ng lahat na gumagawa ng kalooban ng Diyos. Isa pa, ang paggawa ng kalooban ng Diyos ay nagbibigay ng lahat ng katuwaan na mahahangad ng sinuman, at ito’y nagbibigay sa tao ng paggalang-sa-sarili at ng isang makabuluhang buhay. Samantala, dahil sa masaklap na kabayaran ng pagsusugal, tandaan ang payo ng isang matandang kawikaang Ingles: “Ang pinakamahusay na hagis ng dais ay itapon ito.”
[Talababa]
a Natulungan ng mga Saksi ni Jehova ang maraming pusakal na mga sugarol na pagtagumpayan ang kanilang pagkasugapa. Ang iba ay natulungan ng mga pangkat na gaya ng Gamblers Anonymous.
[Larawan sa pahina 10]
Ang buhay na walang-hanggan sa isang lupang paraiso ay nakahihigit na gantimpala kaysa anumang gantimpalang natamo sa pagsusugal