Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Mapagtitiisan ang Arthritis

Kung Paano Mapagtitiisan ang Arthritis

Kung Paano Mapagtitiisan ang Arthritis

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Britaniya

Si David, 72 anyos, ay nahihirapang kumilos. Ipinakikita ng pingkaw na mga siko at galanggalangan ang nakalulumpong mga epekto ng isang sakit na karaniwan sa mga may edad.

Si Peggie, nasa mga huling taon ng 60, ay hirap na hirap lumakad. Siya man ay pinahihirapan, gaya ng ipinakikita ng kaniyang pingkaw na mga kamay. Gayunman, nakagagawa pa rin siya ng kaunting mga gawain sa bahay at nasisiyahan sa pagguguntsilyo.

Si Isa, na nakaratay sa kaniyang silyang de gulong sa loob ng 37 taon, ay kaunti lamang ang nagagawa para sa kaniyang sarili. Gayunman, ang kaniyang nakahahawang ngiti ay nagbabadya ng kapansin-pansing kasiglahan.

SI David, Peggie, at Isa​—tatlo sa anim na milyong Britano na pinahihirapan ng arthritis. Sang-ayon sa The Times ng London, taun-taon ang sakit na ito “ang dahilan ng pagkawala ng 88 milyong araw ng paggawa . . . , higit kaysa mga pagkalugi dahil sa mga welga.” Ang arthritis ang “pinakamalaking dahilan ng kapansanan” sa Britaniya.

Saan ka man nakatira, ang arthritis ay maaaring umatake. Walang dako sa daigdig ang hindi tinatablan nito. Tungkol sa sakit na ito, ang doktor sa medisina na si Vernon Coleman ay sumulat: “Kakaunting sakit ang nakaaapekto sa maraming tao . . . Kakaunti ang nagdudulot ng labis na kirot at pagsalanta, at kakaunti ang paksa ng napakaraming alamat at napakaraming maling pagkaunawa na gaya ng arthritis.”​—Tingnan ang kahon sa pahina 14.

Hindi kataka-taka na maraming may arthritis, gaya ni David, ay nakasusumpong na ang buhay ay nakapanlulumo. Sa kabilang panig naman, napagtiisan ni Peggie at ni Isa, at ng mga iba pa ang kanilang mga kapansanan, sila’y optimistiko pa nga. Paano nangyari ito? Kumusta ka naman? Kung ikaw ay may arthritis, o inaakala mong ikaw ay may arthritis, anong mga hakbang ang maaari mong kunin na makatutulong sa iyo na matagumpay na mapagtiisan ang sakit?

Kung Ikaw ay Isang Biktima

Una, magpatingin agad. “Mahalaga,” sabi ng The Arthritis Book, “na ang maagang pagpapatingin sa doktor ay makatutulong upang bawasan ang kirot at kapansanan sa dakong huli.” Oo, ang paggamot sa arthritis ay tunay na “isang pakikipagbaka sa panahon.” Si Dr. Coleman ay sumasang-ayon: “Kung . . . ang paggamot ay sisimulan nang maaga at may kasiglahan ang hinaharap ay lubhang bubuti.”

Kaya huwag ipagpabukas-bukas. Alamin ang mga detalye ng iyong problema sa kalusugan. Pagkatapos, kung ito nga ay arthritis, gumawa ng mga kaayusan na simulan agad ang paggamot.

Pagtiisan ang Kirot

Para sa mga pinahihirapan ng arthritis, napakahalagang maibsan ang kirot. Gayunman, sa ilang kaso ng osteoarthritis, ganito ang ipinapayo ng ilang doktor: ‘Patuloy na pagtiisan ang kirot.’ Bakit? Sapagkat pinipigil ng mga gamot na nag-aalis-kirot ang natural na mga hudyat ng alarma ng katawan. Ang hindi pagpansin sa mga hudyat na ito ay maaaring humantong sa hindi na maisasaayos na pinsala sa kasukasuan.

Ang posibleng masamang epekto ng gayong mga gamot na nag-aalis-kirot ay dapat ding isaalang-alang. Ang The Lancet ay nagbabala na ang “panganib ng pagpasok [sa ospital] na may nagdurugong peptic ulcer . . . sa kalahatan ay dumarami sa mga umiinom ng NANSAID [nonaspirin nonsteroidal anti-inflammatory drugs].” Kaya, pinipili ng marami na huwag gaanong uminom ng gamot. Ang iba ay nakasusumpong ng ginhawa sa kirot sa pagtutuon ng isip sa mga bagay na nakatatawag ng kanilang interes. Ganito ang sabi ng Nursing Mirror: “Ang pang-abala ay maaaring gamitin bilang isang panangga sa pandamdam sa pamamagitan ng paglihis ng pansin at pagtutuon ng isip sa isang bagay na walang kaugnayan sa kirot.”

Hindi naman ibig sabihin nito na mabuting iwasan ang lahat ng pamawi ng kirot. Sa ilang kaso ang hindi pagsupil sa kirot ay maaaring humadlang sa paggamit ng masasakit na kasukasuan, na humahantong sa paninigas, pagkatuyot ng katawan, at sa wakas ay ang hindi pagkilos ng kasukasuan. Ang NANSAID at aspirin ay malawakang ginagamit upang guminhawa ang kirot. Inirereseta rin ito upang bawasan ang pamamagâ at pamumula. Itinuturing ng maraming pinahihirapan ng arthritis at ng kanilang mga doktor ang dalawang ito na mabisa.

Gayunman, dahil sa potensiyal na mga panganib, hangga’t maaari’y alamin ang tungkol sa isang paggamot bago simulan ito. Alamin kung ano ang mga panganib. Ipakipag-usap ito sa iyong doktor.

Bagaman ang matinding lamig at kahalumigmigan ay hindi nagpapangyari ng arthritis, ang mga salik na pangklima ay waring nakaiimpluwensiya sa tindi ng kirot na nadarama ng mga pinahihirapan nito. Kaya, para sa ilan, ang paglipat sa isang mainit, tuyong klima ay nagdulot ng ginhawa. Subalit kung ang gayong pagbabago ay hindi praktikal, may ibang mapagpipilian.

Si Dr. Frederic McDuffie, isang nangunguna sa pananaliksik tungkol sa rheumatoid arthritis, ay bumabanggit na ang tuwirang “paglalagay ng malamig at mainit ay maaari ring maging kapaki-pakinabang.” Sa isang pag-aaral, ang mga pasyente ay naglagay ng isang bag ng yelo sa mga kasukasuan sa tuhod na may rheumatoid arthritis sa loob ng 20 minuto. Ginawa nila ito nang tatlong beses isang araw sa loob ng apat na linggo, at iniulat nila na sila’y mas nakakikilos na walang kirot at mas lumakas ang kalamnan. Sila’y naging mas masigla at nakatulog nang mas mabuti. Bakit? Ipinaliliwanag ni McDuffie na “binabawasan ng lamig ang paglilipat ng nerbiyos ng mga impulso ng kirot.”

Nakalulungkot nga lang, ang nakabubuti sa isang tao ay maaaring hindi mabisa sa iba. Nasusumpungan ng marami na pinahihirapan ng arthritis na nakatutulong ang marahang masahe. Sabi ni Isa: “Kapag pinahihirapan ako ng aking sakit, ipinamamasahe ko nang husto sa mister ko ang dakong masakit. Ito’y masakit, subalit kung minsan napagiginhawa nito ang kirot.”

Ang tinatawag na heat therapy ay itinuturing din na kapaki-pakinabang. Inirerekomenda ng ilang doktor ang paggamit ng isang bote ng mainit-na-tubig o isang heating pad para guminhawa ang kirot. Ang reumatologong si Dr. F. Dudley Hart ay nagpapaliwanag: “Pinarerelaks ng init ang mga kalamnan, binabawasan ang paninigas at binabawasan ang kirot.”

‘Gamitin o Mawala Ito!’

“Isa sa pinakamahalagang bagay . . . upang tulungan ang iyong arthritis ay . . . ang ehersisyo,” sabi ng The Arthritis Helpbook. ‘Oo,’ sabi mo, ‘ngunit napakasakit niyan.’ Totoo, subalit gawing timbang.

Ang paglalakad, paglangoy, at pagbibisikleta ay paboritong mga anyo ng panlahat na ehersisyo. Gayunman, upang maging mabisa ang iyong ehersisyo, kakailanganin mo ang isang programa na bagay sa iyong uri ng arthritis. Ipakipag-usap ito sa iyong doktor o physiotherapist upang matiyak kung aling mga pagkilos ang pinakamabuting tutulong sa iyo.

Kapag ikaw ay nakadarama ng kirot sa panahon ng ehersisyo, magpahingang sandali. Kung ang apektadong kasukasuan ay mainit at namamaga, dapat mong ihinto ang ehersisyo sa oras ding iyon​—maaaring ito ay mahirap na gawain. Tandaan, ang iyong tunguhin ay dapat na ang makakilos sa halip na lakas. Ang pagkilos sa mga kasukasuan sa ganap na pagkilos hangga’t maaari nang hindi kukulanging dalawang beses isang araw ay maaaring maging tulong sa patuloy na malayang pagkilos.

Natatanaw na Lunas?

“Ang lunas para sa arthritis ay ‘napakalapit na,’ ” pahayag ng Daily Post ng Liverpool noong Mayo 28, 1980. Gayunman, binanggit ng ulat na kasunod nito na “walang itinakdang tiyak na panahon.”

Pagkalipas ng mahigit na 12 taon, ang pananaliksik ay nagpapatuloy. Para sa rheumatoid arthritis, ang pansin ngayon ay nakatutok sa paggawa ng mga gamot upang paandarin ang “may depektong” mga gene na pinaniniwalaang sanhi nito. Si Propesor Ravinder Maini ng Arthritis and Rheumatism Council ay umaasang ang mga ito ay maaaring gamitin “sa loob ng lima hanggang 10 taon.”

Samantala, upang maisauli ang kadaliang kumilos at bawasan ang paghihirap, pinili ng ilang biktima ng arthritis ang pagpapalit ng kasukasuan sa pamamagitan ng operasyon. Nasumpungan naman ng iba na ang ilang pagkain ay nakatulong. Ang acupuncture, homeopathy, at osteopathy ay pawang may kani-kaniyang tagapagtaguyod sa larangang ito ng arthritis.

Ang mga opinyon tungkol sa wastong paggamot ay iba-iba. Ang ilang uri ay binansagang “pandaraya” ng mga propesyonal sa medisina dahilan lamang sa ang gayong mga paggamot ay itinuturing na di-karaniwan, hindi dahilan sa ang mga ito ay hindi mabisa. Gayumpaman, maraming tinatawag na mga lunas na kahina-hinala ang halaga ay iniaalok sa mga pinahihirapan ng arthritis.

Sa kasalukuyan, ang medikal na propesyon ay wala pang nasumpungang lunas para sa nakalulumpong sakit na ito. Kaya, makabubuting maingat na timbangin ang lahat ng salik kapag pumipili ng isang partikular na anyo ng paggamot. Minsang magawa ito, manatili sa kung ano ang pinakamabisa para sa iyo.

Kung Paano Makatutulong ang Iba

Kung ikaw ay may kamag-anak o kaibigang may arthritis, marami kang magagawa upang tulungan ang isang iyon na matiis ang mga limitasyong nararanasan. Papaano?

Bagaman namumuhay na mag-isa, nasusumpungan ni Peggie na ang kaniyang mga anak ay umaalalay nang husto. Inaalam nila ang kalagayan niya sa pamamagitan ng sulat at ng tawag sa telepono. Kailanma’t ang kaniyang mga anak na babae, na nakatira sa ibang bansa, ay dumadalaw, masayang tumutulong sila sa pag-aayos at sa iba pang gawain sa bahay na ngayo’y napakahirap na para sa kaniya na gawin. Ang kaniyang tin-edyer na apo ay nagtutungo roon linggu-linggo upang asikasuhin ang paglilinis sa bahay.

Ang asawa ngayon ni David ay higit na nagpapakita ng interes sa pangangalaga sa kaniya. Sa pamamagitan ng tagubilin buhat sa isang nars sa pamayanan, natutuhan niya ngayon kung paano tutulungan si David sa pangangalaga sa kaniyang personal na kalusugan. Si David ngayon ay mas maligaya, at mas maraming bagay ang nagagawa nila ngayon na magkasama.

“Ang karamihan ng mga bagay na ginagawa ng ibang tao,” sabi ni Isa bago ang kaniyang kamatayan, “ay hindi ko magawa sa aking sarili.” Labis na pinasasalamatan, kung gayon, ang maibiging pangangalaga ng kaniyang asawang lalaki, na nagpaligo sa kaniya, nagbihis sa kaniya, at sinuklay pa nga ang buhok niya!

Karaniwang pinahahalagahan ng mga pinahihirapan ng arthritis ang anumang pagsasarili na ipinahihintulot pa rin ng kanilang sakit. Hindi dapat maliitin ito ng mga kamag-anak at mga kaibigan. Ang kailangang-kailangan, ayon kay Dr. Hart, ay “praktikal na simpatiya at katiyakan.” Kaya, gumawa ng isang bagay para sa isa na pinahihirapan ng arthritis na hindi niya magawa sa kaniyang sarili. Ang maikling mga pagdalaw, nakapagpapatibay-loob na mga salita, at ang pagtulong sa mga gawain sa bahay at sa pamimili ay tiyak na pasasalamatan.

Magkaroon ng Optimistikong Pangmalas

‘Sa isa na may sakit na gaya ng arthritis, iyan ay mas madaling sabihin kaysa gawin,’ maaaring sabihin mo. Totoo, subalit malaki ang nasasalalay sa kung ano ang nakikita mo, ng iyong mga kamag-anak, at ng iyong mga kaibigan para sa hinaharap.

Isaalang-alang sina Peggie at Isa. Sabi ni Isa: “Inihinto ko ang pag-aalala tungkol sa aking kapansanan.” Sa halip, siya at si Peggie ay humanap ng mga pagkakataon upang tulungan ang iba. Si Peggie ay gumugugol ng panahon sa pagsasagawa ng nakapagpapasiglang mga pagdalaw sa kaniyang mga kapitbahay. Si Isa, sa tulong ng kaniyang mga anak at mga apo, ay buong-panahong nakibahagi sa pagsasabi sa iba tungkol sa mga pangakong inihula sa Bibliya. Si Peggie ay isa sa mga Saksi ni Jehova, gayundin si Isa.

Oo, si Peggie at si Isa ay nakasumpong ng malaking kaaliwan sa malapit-nang-matupad na pangako na “walang sinuman na nakatira sa aming lupain ay muling magrereklamong maysakit.” (Isaias 33:24, Today’s English Version) Para sa mga pinahihirapan ng arthritis, anong pagkaligayang araw nga iyon!

[Kahon sa pahina 14]

Rayuma o Arthritis?

Lahat tayo ay nakararanas ng mga sakit at kirot sa pana-panahon. Maaaring waling-bahala natin ito bilang “rayuma.” Sa medikal na paraan, ang reumatismo ay isang panlahat na paglalarawan ng 200 o higit pang makirot na mga kalagayan, bagaman halos kalahati niyan ang bumabagsak sa kategorya ng arthritis. Ang apat na karaniwang uri ng arthritis ay:

Osteoarthritis (lumulubhang arthritis o osteoarthrosis) na karaniwang nangyayari sa mas matatandang tao at kakikitaan ng panghihina ng cartilage sa kasukasuan, paglaki ng buto sa gilid ng mga kasukasuan, at pagbabago sa synovial, o ang gumagawa-likido, na lamad ng isang kasukasuan. “Pagdating natin sa edad na 65, 80 porsiyento sa atin ay makaaasa na magkaroon ng osteoarthritic na pagbabago sa isa o higit pang mga kasukasuan; sangkapat sa atin ay makararanas ng higit o kaunting kirot at kapansanan mula rito.”​—New Scientist.

Rheumatoid arthritis ay karaniwang ipinakikilala ng pamamaga ng ilang kasukasuan at ng kanilang gumagawa ng likidong lamad at sa pamamagitan ng paninigas, o pag-aaksaya, sa mga kalamnan at buto na nakapaligid sa isang kasukasuan. Kung minsan, ito ay maaaring bunga ng isang pinsala. “Maaari itong magsimula sa anumang edad subalit mas karaniwan sa mga babae kaysa mga lalaki sa katumbasan na halos 3:1.”​—Nursing Mirror.

Ankylosing spondylitis (o arthritis sa gulugod) “ay pangunahin nang nakaaapekto sa gulugod na humahantong sa isang matigas o ‘poker’ na likod. . . . mas karaniwan sa mga lalaki.”​—101 Questions and Answers About Arthritis.

Gota (gout) ay isang namamanang anyo ng arthritis na kakikitaan ng labis na uric acid (hyperuricemia) sa dugo na nagbubunga ng mga pag-atake ng grabeng arthritis na karaniwang kinasasangkutan ng isang kasukasuan, na sinusundan ng ganap na pagbabawas. “Halos 20 ulit na madalas na apektado ang mga lalaki kaysa mga babae.”​—Nursing Mirror.

[Kahon sa pahina 15]

PAGKAIN PARA SA ARTHRITIS?

Ang sumusunod na halaw buhat sa mga aklat at mga balita ay nagsisiwalat ng malaking pagtatalo sa pagitan ng mga eksperto. Ang pagtatasa at pasiya samakatuwid ng indibiduwal ay mahalaga.

“Mahalaga kung ano ang hindi mo kinakain. . . . Huwag kang kumain: Ng anumang klaseng karne, pati na ang sabaw na pinaglagaan; anumang uri ng prutas; mga dairy products . . . ; pula ng itlog; suka, o anumang asido; anumang klaseng paminta . . . maaanghang na pampalasa; tsokolate; inihaw na mga tuyong nuwes; inuming may alkohol, lalo na ang alak; mga soft drink . . . ; lahat ng additive, preserbatibo, kemikal, lalo na ang betsin.”​—New Hope for the Arthritic, 1976.

“Ang pinakamabuting pagkain para sa isang may arthritis ay kaayaayang pagkain na kinabibilangan ng mahahalagang nutriyente​—protina, carbohydrates, taba, bitamina, at mineral​—na kinakain sa regular, mahusay na mga pagitan. Ang sariwang prutas, madahong gulay, at mga binutil ay dapat na kasali sa pagkain kung ikaw ay hindi alerdyik dito.”​—Arthritis—​Relief Beyond Drugs, 1981.

“Ang tunay na allergic arthritis ay bihira subalit ito ay nangyayari paminsan-minsan sa isa na sensitibo sa arina ng trigo (gluten) o sa mga produktong galing sa gatas (keso) o iba pang sustansiya. Kung nag-aalinlangan ay makabubuting mag-ingat ng isang talaarawan ng pagkain upang itala kung ano ang kinain sa mga araw kapag ang arthritis ay sumusumpong o lumalala.”​—101 Questions and Answers About Arthritis, 1983.

“Ang Pantanging Pagkain Para sa Arthritis. Kalimutan mo ito. Wala nito. Walang siyentipikong katibayan na ang arthritis ay malulunasan o mapalulubha ng anumang bitamina, mineral, protina, taba, o carbohydrate. Kung ang pasyente ay magpasiyang simulan ang pagkain ng yoghurt, organikong mga pagkain, katas ng gulay, mga pagkaing alkalino, o mga pagkaing maasido, malamang na hindi ito makapipinsala sa kanila.”​—The Arthritis Book, 1984.

“Natuklasan ng mga mananaliksik na ang pagkain ng isda at laman lamang ng karne, kasama ang mga suplemento ng langis na galing sa isda, ay nakababawas sa paninigas at kirot sa mga kasukasuan na dala ng rheumatoid arthritis.”​—The Sunday Times, London, 1985.

Ang mga awtoridad ay nagkakaisa sa isang bagay: Iwasan ang pagiging mataba, na nagpapalala lamang sa mga problema sa kasukasuan, lalo na sa balakang, tuhod, at bukung-bukong.