Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Panalangin—Paulit-ulit o Bukal sa Loob?

Mga Panalangin—Paulit-ulit o Bukal sa Loob?

Ang Pangmalas ng Bibliya

Mga Panalangin​—Paulit-ulit o Bukal sa Loob?

ISANG jumbo jet ang lumilipad sa taas na 12,500 metro. Sa ibaba ay naroroon ang malamig na tubig ng Pasipiko. Walang anu-ano, huminto ang isang makina. Pagkatapos, ang tatlo pa ay huminto rin. Ang eruplano ay bumulusok nang 10 kilometro sa loob ng dalawang minuto! Ngunit sa taas na 2,700 metro ang makina ay umandar na muli at ligtas na lumapag sa San Francisco. Isang pasahero ang nagbuntunghininga: “Ako’y nanalangin nang mas marubdob higit kailanman sa aking buhay.”

Sa panahon ng kasakunaan, panganib, o matinding kalumbayan, maraming tao, maging ang mga di-relihiyoso, ay bumabaling sa Makapangyarihan-sa-lahat para humingi ng tulong. Sa kabaligtaran, ang mga relihiyoso ay palaging nag-uulit ng mga panalangin sa mga simbahan at templo o sa tahanan. Sa tulong ng mga rosaryo, marami ang umuusal ng Ama Namin at Ave Maria. Ang iba ay gumagamit ng mga aklat-dasalan. Milyun-milyong taga-Silangan ang nagpapaikot ng mga paikot na may mga panalangin sa loob bilang paraan ng mabilis na pag-uulit ng mga panalangin.

Iyo na bang napag-isipan, ‘Paano tayo dapat manalangin? Ang mga panalangin ba ay dapat na inuulit o bukal sa loob?’

Kung Ano Dapat ang Panalangin

Ipagpalagay na ang iyong pinakamamahal na ama, na namumuhay sa ibang bansa, ay hinimok ka na tumawag sa telepono kailanma’t nais mo​—nang walang bayad. Hindi ka ba tatawag nang madalas? Hindi ka ba matutuwa na mapanatili, mapalakas pa nga, ang inyong mahalagang ugnayan? Hindi mo ba ipakikipag-usap ang iyong mga kabalisahan at ipahayag ang taimtim na pagpapasalamat sa anumang tulong at pagpapatibay-loob na ibinigay niya sa iyo sa buong buhay mo? Ang personal na kaugnayang iyan ay magiging mahalaga sa iyo, hindi ba?

Sa iyong mga tawag sa telepono, maaaring paulit-ulit mong banggitin ang ilang bagay, ngunit hindi mo ipapahayag ang iyong sarili sa pamamagitan ng pagbabasa mula sa isang aklat o ng pormal na pag-uulit ng mga sinabi mo, hindi ba? Samakatuwid, hindi rin dapat maging gayon ang Kristiyanong panalangin. Sa katunayan, si Kristo Jesus ay nagsabi na ang mga panalangin ay hindi dapat maging gayon.

Ano ba ang Sinabi ni Jesus?

“Ngunit sa panalangin, huwag kayong gagamit ng paulit-ulit na salita, gaya ng ginagawa ng mga tao ng mga bansa, sapagkat inaakala nila na diringgin sila sa marami nilang kasasalita.” a (Mateo 6:7) Ang ibang salin ay nagpapahayag ng ganito: “Sa inyong mga panalangin, huwag napakaraming sinasabi gaya ng mga pagano.” (The New English Bible) “Sa pananalangin huwag magpaulo nang walang saysay na mga salita gaya ng mga Gentil.”​—Revised Standard Version.

Ang ilang tao ay napagkakamalian ang maraming kasasalita na kabanalan, ang pagkamatatas na debosyon, ang pag-uulit at haba na may katiyakan sa kasagutan. Gayunman, hindi sinusukat ng Diyos ang kahalagahan ng panalangin sa haba. Maliwanag, hindi nais ni Jesus na ang kaniyang mga alagad ay gumamit ng mga pormula o umusal ng mga panalangin. Kung gayon, ano ang kabuluhan ng mga rosaryo, aklat-dasalan, o mga paikot na panalangin?

Pagkatapos masabi ang nasa itaas, ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad ang isang modelong panalangin​—ang kilalang Panalangin ng Panginoon. (Mateo 6:9-13) Subalit nilayon ba niya na ulit-ulitin nila ang mga salitang iyon? Hindi. Sa katunayan, nang sabihin niya muli iyon pagkalipas ng mahigit na isang taon, ni hindi man lamang ginamit ni Jesus ang eksaktong mga salita. (Lucas 11:2-4) Mayroon bang anumang ulat ng sinaunang mga Kristiyano na gumagawa ng gayon o ng kanilang pag-uulit ng ibang pormal na mga panalangin? Minsan pa, wala.

Ibig bang sabihin nito na hindi natin maaaring banggitin ang parehong punto o humiling nang maraming ulit? Hindi naman, sapagkat sinabi rin ni Jesus: “Patuloy na humingi, at kayo’y bibigyan; patuloy na humanap, at kayo’y makasusumpong.” (Mateo 7:7) Kadalasan nang kailangan nating gumawa ng parehong paghiling ng maraming ulit. Si Jehova sa gayon ay nakakikita kung gaano tayo kataimtim sa ating mga kahilingan at kung gaano katindi ang ating nadarama sa bagay na iyon.

Halimbawa, noong ikalimang siglo B.C.E., isang tapat na lalaking nagngangalang Nehemias ang namumuhay bilang isang miyembro ng pamayanan ng itinapong mga Judio sa Babilonya. Siya ang maharlikang tagapagdala ng alak sa hari ng Persia. Nang siya’y balitaan na ang kaniyang mga kamag-anak, ang mga naninirahan sa Judea, ay nanganganib, siya’y nanalangin “araw at gabi” para sa kanilang kaginhawahan. (Nehemias 1:6) Ang kaniyang mga panalangin ay dininig. Pinakilos ni Jehova ang maawaing pinuno ng Persia upang pagkalooban ng awtoridad si Nehemias na maglakbay tungo sa Jerusalem upang ayusin ang mga bagay-bagay. Ito’y kaniyang ginawa, sa kaligayahan ng kaniyang bayan at sa pag-iingat ng kanilang pananampalataya.​—Nehemias 1:3–2:8.

Kung Paano ang Taos-pusong Panalangin ay Tumutulong

Bagaman siya ang Pinakamataas na Kapangyarihan sa buong sansinukob, inaanyayahan ni Jehova ang kaniyang “mga anak” na lumapit sa kaniya nang buong-puso. “Magsilapit kayo sa Diyos, at siya’y lalapit sa inyo,” sabi ng alagad ni Jesus na si Santiago. (Santiago 4:8) Subalit paano? Bueno, kailangan nating manalangin sa pangalan ni Jesus. (Juan 14:6, 14) Higit pa, gaya ng sinabi ni Pablo: “Kung walang pananampalataya ay hindi makalulugod na mainam sa kaniya, sapagkat ang lumalapit sa Diyos ay kailangang sumampalataya sa kaniya at na siya ang tagapagbigay-gantimpala sa mga nagsisihanap nang masikap sa kaniya.”​—Hebreo 11:6.

Yaong may mga suliranin, maging yaong mga nakagawa ng malubhang pagkakasala, ay maaaring humingi at tumanggap ng tulong at kapatawaran. Inilarawan ito ni Jesus sa kaniyang salaysay tungkol sa isang relihiyosong lider na, nang nananalangin, ay nagpasalamat sa Diyos na siya’y higit na banal kaysa iba; ngunit ang isang maniningil ng buwis (kinaiinisan at minamalas bilang isang lubhang makasalanan noong mga kaarawang iyon) ay nagsabi lamang: “O Diyos, ikaw ay mahabag sa akin na isang makasalanan.” Tiyak, ang simple, taos-pusong panalanging iyan ay hindi nagmula sa isang aklat. At hinatulan ni Jesus ang relihiyosong mga mapagpaimbabaw ngunit sinabi tungkol sa isa: “Siya na nagpapakababa sa kaniyang sarili ay matataas.”​—Lucas 18:10-14.

Ang masamang kausuhan ng sanlibutan ay nagpapangyari sa marami na mabahala at magdusa dahil sa panlulumo. Ang mga Kristiyano ay maaari pa ngang mag-alala tungkol sa kanilang katayuan sa harap ng Diyos. Ngunit ang regular, madalas, bukal sa loob na pagbaling kay Jehova upang humingi ng tulong ay makapagdadala ng mga pakinabang na higit sa inaasahan. Sumulat si Pablo: “Huwag kayong mabalisa sa ano mang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipabatid ninyo sa Diyos ang inyong kahilingan; at ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip ay mag-iingat sa inyong mga puso at sa inyong mga kaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”​—Filipos 4:6, 7.

Ang pagsusumamo ay nangangahulugan ng taimtim na pamamanhik, nagsusumamo ng tulong sa Diyos, ipinagtatapat ang nilalaman ng ating mga puso sa kaniya gaya ng isang bata sa kaniyang mapagmahal at maunawaing magulang. Ang gayong mga panalangin ay hindi nagmumula sa mga aklat, ni iyon man ay inuulit na parang loro. Iyon ay nagmumula sa mga puso na nangangailangan ng tulong at may tunay na pananampalataya kay Jehova, ang “Dumirinig ng panalangin.”​—Awit 65:2.

[Talababa]

a Ang salitang isinalin na “gagamit ng paulit-ulit na salita” (bat·ta·lo·geʹo) ay minsan lamang ginamit sa Bibliya at nangangahulugang “ ‘magsasalita’ sa diwa na sinisikap mong maabot ang tagumpay sa panalangin sa pamamagitan ng pag-uulit-ulit ng mga salita.”​—Theological Dictionary of the New Testament.

[Picture Credit Line sa pahina 20]

Mga guhit ni Albrecht Dürer/Dover Publications, Inc.