Pagiging Kaliwete—Disbentaha o Bentaha?
Pagiging Kaliwete—Disbentaha o Bentaha?
KUNG ikaw ay kaliwete, naaasiwa ka ba na ikaw ay naiiba sa mga taong hindi kaliwete? Totoo na ang mga kaliwete ay isang minoridad, bagaman ang eksaktong persentahe ay mahirap matiyak. Ang mga tantiya sa bilang ng mga taong kaliwete ay mula 1 hanggang 30 porsiyento.
Si Michael Barsley, na lubusang sinaliksik ang paksang ito, ay sumulat sa kaniyang aklat na Left-Handed People: “Sa pagitan ng 1 porsiyento at 30 porsiyento, maliwanag na dapat ay may eksaktong bilang, subalit walang estadistika ng sinuman ang pansansinukob na tinatanggap. Maaari nating kalkulahin na 4 o 5 porsiyento ay kaliwete sa sibilisadong demokrasya na may naliwanagang pangmalas sa edukasyon.”
Inilalagay ng Grolier’s Encyclopedia International ang pandaigdig na bilang niyaong mga kaliwete na halos 6 na porsiyento. Subalit kahit na ang 5 o 6 na porsiyento ng populasyon ng daigdig ay aabot ng mga 300 milyon katao. Kaya hindi ka natatangi kung ikaw ay isang kaliwete.
Maaaring ikagalit ng isang taong kaliwete ang napakaraming kagamitan sa tahanan na maliwanag na idinisenyo para sa kaginhawahan niyaong mga hindi kaliwete. Halimbawa, ang gripo ng malamig na tubig ay karaniwang nakalagay sa gawing kanan ng lababo, maliwanag na sapagkat ito ang gripong madalas gamitin. Ang mga pihitan at kontrol ng TV ay karaniwan ding makikita sa gawing kanan. Kaya kailangan pang abutin ng mga kaliwete upang mapaandar ang mga bagay na iyon.
Ano ang mga Sanhi ng Pagiging Kaliwete?
Bakit ginagamit ng iba ang kanilang kaliwang kamay sa halos lahat ng bagay na gawin nila? May iba’t ibang paliwanag. Ipinakikita ng mga pag-aaral na ang katangian ay namamana, bagaman ang kapaligiran ng bata sa maagang taon ay maaaring siyang dahilan ng higit na paggamit sa kanan o kaliwang kamay.
Sa nakalipas na mga taon lumitaw ang ilang kawili-wiling teoriya. Iminungkahi ni Paul Broca, neurosiruhanong Pranses noong ika-19 na siglo, ang teoriya na ang taong kaliwete ay kabaligtaran ng isang taong hindi kaliwete kung tungkol sa pagkilos ng utak.
Higit pa ang paniwala ng iba tungkol sa teoriyang ito, naniniwala na ito ay maaaring kumapit din sa pisikal na paraan. Kaya inaasahan nila na ang puso ng isang taong kaliwete ay nasa gawing kanan ng katawan. Di-nagtagal napatunayan ng mga anatomista na ito ay hindi totoo. Gayunman, waring may malakas na kaugnayan sa pagitan ng mga huwaran o kaayusan sa utak at ng pagiging kaliwete o hindi kaliwete, at ang mga neurosiyentipiko
ay gumagawa pa ng higit na pananaliksik tungkol sa paksang ito.Ang bawat panig ng utak ng tao ay inilalarawan bilang isang hemispero, at sapol noong ika-19 na siglo, naunawaan na ang mga hemispero sa utak ay nagdadalubhasa sa iba’t ibang atas. Ipinakikita ng pananaliksik na para sa karamihan ng tao ang kaliwang hemispero ng utak ang siyang kinaroroonan ng berbal, matematikal, lohikal, at iba pang gawang pagsusuri, samantalang ang kanang hemispero ay waring pabor sa mga bagay na gaya ng musika at sining. Gayunman, yaong mga kaliwete ay waring iba-iba sa kung paano nila pinoproseso ang impormasyon at ginagamit ang dalawang hemispero.
Mayroon Bang Masamang Opinyon?
Sa naliwanagang lupain ngayon, bukod sa pana-panahong pagtukso, walang tunay na masamang opinyon laban sa mga kaliwete. Gayunman, hindi laging ganito ang kalagayan. Ang ilang mga bansa ay hindi nagpaparaya sa mga kaliwete. Ang kaliweteng pagsulat ay ipinagbabawal pa nga sa ibang paaralan. Hindi pa natatagalan na ang mga magulang at mga guro sa paaralan ay nabalitaang itinatali ang “maling” kamay ng bata sa likuran upang pilitin siyang gamitin ang kaniyang “tamang” kamay.
Noon, ang likas na pag-ayaw ng tao sa anumang bagay na kakaiba ay udyok ng relihiyosong mga alamat. Noong minsan ay sinasabi ng ilan na ang Diyablo ay kaliwete, samantalang ang Diyos naman ay hindi kaliwete. Ito ay maaaring makita sa maraming dantaong-gulang na ipinintang mga larawan. Habang minamasdan ninyo ang mga ito, pansinin kung aling kamay ang ginagamit sa pagkumpas o humahawak ng mga bagay. Ang pagiging kaliwete ay sinasabi rin na katangian ng pangkukulam.
Dapat pansinin na ang gayong mga alamat ay hindi sinusuhayan saanman sa Banal na Bibliya. Noong panahon ng Bibliya ang mga lalaking kaliwete gayundin ang mga hindi kaliwete ay nagsasagawa ng mga maningning na mga gawa na sinasang-ayunan ng Diyos. Isang mainam na halimbawa nito ay ang ulat tungkol kay Hukom Ehud. Sapagkat sila’y inaapi ni Haring Eglon ng Moab, ang mga Israelita ay bumaling sa Diyos upang humingi ng tulong. Ginamit ni Jehova ang kaliweteng si Ehud upang patayin ang matabang si Haring Eglon, at ang pagiging kaliwete ni Ehud ay napatunayang isang tiyak na bentaha sa kaniyang estratehiya.—Hukom 3:15, 21.
Gayundin, ang Israelitang tribo ni Benjamin ay may piling pangkat ng 700 mandirigma na mga kaliwete at kilala sa kanilang kagalingan sa nakamamatay na hilagpos. (Hukom 20:16) Nang maglaon, ang mga mandirigmang nagagamit kapuwa ang kaliwa’t kanang kamay ay binanggit na naglilingkod sa hukbo ni Haring David. (1 Cronica 12:2) Kaya ang sinuman na nagpapakita ng masamang opinyon sa mga kaliwete ay kumikilos nang walang kamalay-malay.
Hindi Dapat Makadama ng Pagiging Nakabababa
Isaalang-alang din ang ilan sa mga tagumpay ng mga kaliwete sa ating modernong lipunan. Marami sa kanila ang nagkaroon ng reputasyon sa larangan ng isports. Si Babe Ruth, ipinalalagay na isa sa mga dakila sa buong kasaysayan ng baseball, ay kaliwete, gayundin ang marami pang ibang manlalaro ng baseball.
Sa larong cricket marami ring matagumpay na mga kaliwete, kapuwa sa paghagis ng bola at sa pagpalo ng bola. Sa isang pagsubok sa serye ng cricket sa Inglatera, ang pangkat ng West Indies
ay mas maraming kaliwete kaysa hindi kaliwete. Isa sa pinakamahusay sa lahat ng aspekto ng laro, ang West Indian na si Sir Gary Sobers, ay pumalo at naghagis ng bola na gamit ang kaliwang kamay.Ang popular na isport sa Olympic na eskrima ay mayroon ding maraming kalahok na kaliwete. Sa 1980 Olympic Games, 3 sa 4 na lalaking tumanggap ng medalyang ginto sa pag-iskrima ay mga kaliwete.
Ang ilang kilalang mang-aaliw sa modernong panahon ay mga kaliwete. Si Charles Chaplin, sa isa sa kaniyang matagumpay na mga pelikula, ay kaliweteng tumugtog ng biyulin. Ang iba ay si Harpo Marx at ang maraming-talinong si Danny Kaye.
Sa daigdig ng sining, malamang na wala nang mas kilala pa sa kaniyang kaliweteng gawa kaysa kay Leonardo da Vinci. Bagaman may ilang alinlangan sa kung siya ba ay kaliwete mula sa pagsilang, waring may sapat na katibayan na siya ay sumulat at gumuhit sa pamamagitan ng kaniyang kaliwang kamay, bagaman kung minsan ipinakikita rin niya ang kaniyang kahusayan sa paggamit ng kaniyang kanang kamay.
Pagsulat sa Salamin
May malapit na kaugnayan sa pagitan ng pagiging kaliwete at ng pagsulat sa salamin, kung saan ang mga letra ay isinusulat sa baligtad na anyo at ang pagsulat ay mula kanan pakaliwa. Ganito ang sabi ni Dr. Macdonald Critchley sa kaniyang pulyetong Mirror-Writing: “Ang katagang pagsulat sa salamin . . . ay nauunawaan na yaong uri ng sulat-kamay na ang direksiyon ay kabaligtaran ng normal na pagsulat, ang bawat letra ay baligtad din. Ang pagsulat ay mababasa lamang kapag ito ay iniharap sa isang salamin; isang pamilyar na halimbawa ng pagsulat-sa-salamin ay makikita sa mga marka sa isang blotting-pad.”
Maliwanag na angkop ito sa isang pluma na tangan sa kaliwang kamay, kaya ang nakaiintrigang anyong ito ng pagsulat ay ginagawa halos ng mga kaliwete lamang. Ang isang naunang report tungkol dito ay yaong sa isang sundalo na nawalan ng kaniyang kanang kamay mula sa mga pinsala ng digmaan. Nang siya’y magsimulang sumulat sa kaniyang kaliwang kamay, kusa siyang sumulat sa paraang pagsulat sa salamin. Ginagawa ito ng ilang bata sa isahang mga letra na gaya ng b, d, p, at q kapag nag-aaral sumulat.
Marahil ang isa sa pinakakilala sa pagsulat sa salamin sa larangan ng literatura ay si Lewis Carroll, ang kaliweteng awtor ng Alice in Wonderland. Waring ito ang naging inspirasyon para sa kaniyang akda na Through the Looking Glass, kung saan ang lahat ay baligtad, paatras, o sinasalamin.
Isang Pagpapala o Isang Disbentaha?
Kaya kung ikaw ay kaliwete, magagalak kang malaman na sa maraming lugar ikaw ay higit na nauunawaan kaysa mga kapuwa mo kaliwete noong una. Ngayon, maraming kagamitan, kasangkapan, at mga gamit sa bahay—gaya ng gunting, abrelata, pantalop ng patatas, at mga kutsara sa paglalagay ng mga ladrilyo—ay pantanging idinisenyo para sa iyo. Makabibili ka pa nga ng isang pluma na may pantanging hugis na asero na nagpapangyari ng mas madaling pagsulat sa kaliwang kamay.
Tiyak na hindi mo kinakailangang ihingi ng paumanhin ang pagiging kaliwete. Maaaring ang ilan sa iyong mga replekso ay mas mabilis at mas tama kaysa mga hindi kaliwete. Maaaring ikaw ay may talino sa musika o sining na natutulog sa iyong kaliwang kamay.
Ano, kung gayon, ang iyong konklusyon? Ang pagiging kaliwete ba ay isang pagpapala o isang disbentaha sa isang daigdig ng mga hindi kaliwete? Bagaman maaaring hindi aktuwal na tawagin ito ng iba na isang pagpapala, ito ay unti-unting hindi na nagiging isang disbentaha, at kung minsan ito ay maaari pa ngang maging isang bentaha.