Saan Kinuha ni Moises ang Impormasyon na Isinama Niya sa Genesis?
Saan Kinuha ni Moises ang Impormasyon na Isinama Niya sa Genesis?
Lahat ng impormasyon na nilalaman sa aklat ng Genesis ay patungkol sa mga pangyayari na naganap bago ang kapanganakan ni Moises. Maaaring ito ay tuwirang tinanggap niya sa pamamagitan ng paghahayag ng Diyos. Maliwanag na mayroong tumanggap ng impormasyon may kaugnayan sa mga pangyayari bago ang paglalang sa tao sa paraang iyon, ito man ay si Moises o iba bago siya. (Genesis 1:1-27; 2:7, 8) Gayunman, ang impormasyong ito at ang natitirang mga detalye ay maaaring naipasa kay Moises sa pamamagitan ng bibigang tradisyon. Dahil sa mahabang buhay ng mga tao noong panahong iyon, ang impormasyon ay maaaring naipasa mula kay Adan hanggang kay Moises sa pamamagitan lamang ng limang tao, yaon ay, si Matusalem, Sem, Isaac, Levi, at Amram. Ang pangatlong posibilidad ay na nakuha ni Moises ang maraming impormasyon para sa Genesis mula sa dati nang umiiral na mga akda o dokumento. Noon pa mang ika-18 siglo, ay ganito ang palagay ng iskolar na Olandes na si Campegius Vitringa, ibinabatay ang kaniyang konklusyon sa madalas na paglitaw sa Genesis (sampung ulit) ng mga pananalitang (sa KJ) “ito ang mga salinlahi ni,” at minsan “ito ang aklat ng mga salinlahi ni.” (Genesis 2:4; 5:1; 6:9; 10:1; 11:10, 27; 25:12, 19; 36:1, 9; 37:2) Sa pananalitang ito ang salitang Hebreo para sa “mga salinlahi” ay toh·le·dhohthʹ, at ito ay mas mabuting isinasalin bilang “mga kasaysayan” o “pinagmulan.” Halimbawa, “ang mga salinlahi ng mga langit at ng lupa” ay hindi angkop, samantalang ang “kasaysayan ng mga langit at ng lupa” ay makahulugan. (Genesis 2:4) Kasuwato nito, ang Alemang Elberfelder, ang Pranses na Crampon, at ang Kastilang Bover-Cantera ay pawang gumagamit sa terminong “kasaysayan,” gayundin ang New World Translation. Walang alinlangan na kung paanong ang mga tao ngayon ay interesado sa isang tumpak na makasaysayang ulat, gayundin sila sa simula.
Sa mga kadahilanang ito, naunawaan ni Vitringa at ng mga iba pa mula noon na ang bawat gamit ng toh·le·dhohthʹ sa Genesis ay tumutukoy sa isang umiiral nang nasusulat na makasaysayang dokumento na taglay ni Moises at na pinagbatayan niya ng karamihan ng impormasyon na nakaulat sa Genesis. Sila’y naniniwala na ang mga taong tuwirang iniuugnay sa gayong ‘mga kasaysayan’ (sina Adan, Noe, mga anak na lalaki ni Noe, Sem, Terah, Ismael, Isaac, Esau, at Jacob) ay alin sa mga manunulat o orihinal na nagtataglay ng nasusulat na mga dokumentong iyon. Mangyari pa, hindi ipinaliliwanag nito kung paano napunta ang lahat ng mga dokumentong iyon kay Moises. Hindi rin nito ipinaliliwanag kung bakit ginamit ng mga dokumento ang maraming impormasyon mula sa mga taong hindi nakilala bilang tapat na mga mananamba ni Jehova (gaya ni Ismael at ni Esau). Posibleng ang pananalitang “Ito ang kasaysayan ng” ay isa lamang panimulang parirala upang hatiin ang iba’t ibang bahagi ng mahabang kasaysayan. Ihambing ang paggamit ni Mateo ng kahawig na pananalita upang simulan ang ulat niya ng Ebanghelyo.—Mateo 1:1.
Samakatuwid, walang tiyak na konklusyon tungkol sa kung saan kinuha ni Moises ang impormasyon na iniulat niya. Sa halip na sa pamamagitan ng isa lamang sa natalakay na pamamaraan, ang impormasyon ay maaaring tinanggap sa pamamagitan ng tatlong paraan, ang ilan ay sa pamamagitan ng tuwirang paghahayag, ang ilan ay sa pamamagitan ng bibigang pagkukuwento, ang ilan ay sa pamamagitan ng nasusulat na mga ulat. Ang mahalagang punto ay na pinatnubayan ng Diyos na Jehova ang propetang si Moises anupat siya ay sumulat sa pamamagitan ng pagkasi ng Diyos.—2 Pedro 1:21.
Ang materyal ay magsisilbing isang kinasihang patnubay sa hinaharap na salinlahi. Ito ay dapat na basahin sa bayan nang madalas (Deuteronomio 31:10-12; 2 Hari 23:2, 3; Nehemias 8:2, 3, 18), at ang mga hari ng Israel ay dapat na kumuha ng mga tagubilin mula rito.—Deuteronomio 17:18, 19.