Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sino ang Gustong Maging Milyunaryo?

Sino ang Gustong Maging Milyunaryo?

Sino ang Gustong Maging Milyunaryo?

ANG sagot ay waring: halos lahat. At ang pinakamadaling paraan upang maging milyunaryo​—ayon sa popular na opinyon—​ay sa pamamagitan ng biglang yaman sa isang loterya o sa isang soccer pool. a

Dala ng popularidad​—at ng pagnanais ng karagdagang kita na nililikha ng mga loterya—​itinataguyod ng mga pamahalaan mula sa Moscow hanggang sa Madrid, mula sa Manila hanggang sa Mexico City, ang mga loteryang pang-Estado na nag-aalok ng mga premyong kasintaas ng sandaang milyong dolyar.

Kakaunting tao ang nagiging mga milyunaryo. Sinagutan ng isang Ingles na lalaki ang mga kupon sa soccer sa loob ng 25 taon bago niya napanalunan sa wakas ang malaking halagang jackpot. Sa pustang 50 sentimos, siya ay nanalo ng halos $1.5 milyon. Mas kagila-gilalas pa nga ang napanalunan ng isang babae mula sa New York, na naging isa sa pinakamalaking nanalo sa buong daigdig nang manalo siya ng $55 milyon sa loterya sa Estado ng Florida.

Subalit sila’y mga eksepsiyon. Mas karaniwan ang kawaning Kastila na nasa kalagitnaang-gulang na bumibili ng mga tiket sa loterya linggu-linggo sa loob ng 30 taon. Bagaman hindi pa siya nanalo kailanman ng anumang malaking halaga, siya’y hindi nawawalan ng pag-asa. “Sa tuwina’y inaasahan kong mananalo,” sabi niya. Gayundin naman, ganito binuod ng isang lalaki sa Montreal, na ginagasta ang lahat ng sahod niya sa isang linggo sa isang loterya sa Canada, ang pangmalas ng marami nang kaniyang sabihin: “Ang mga premyong gaya nito ang tanging paraan kung saan ang maliliit na tao ay maaaring mangarap tungkol sa mas mabuting buhay.” Gayunman ay hindi siya nanalo.

Sa kabila ng pansansinukob na pang-akit ng mga loterya, isa pang anyo ng pagsusugal ay higit at higit na nagiging popular: ang paglalaro sa mga slot machine. Bagaman ang tinatawag na isang-kamay na bandidong ito ay hindi nag-aalok ng kayaman sa magdamag, ang mga ito ay nagbibigay sa manlalaro ng kagyat na pagkakataong manalo ng jackpot​—na maaaring malaki-laking halaga rin naman. At ang mga ito ay hindi lamang makikita sa mga pasugalan. Ang may tugmang mga awit, kumikislap na mga ilaw, at ang manaka-nakang ingay ng nahuhulog na mga barya ay nag-aanunsiyo ng kanilang pagkanaroroon sa maraming Europeong kapihan, klab, restauran, at mga otel.

Si Frances ay isang may edad nang biyuda na nakatira sa New York City. Dalawa o tatlong beses sa bawat linggo, siya ay nagbibiyahe ng dalawa-at-kalahating-oras sakay ng bus patungo sa Atlantic City, New Jersey. Pagdating niya roon ay pumapasok siya sa isa sa mga pasugalan ng lungsod, at doon siya ay maglalaro sa mga slot machine sa loob ng anim na oras o higit pa bago umuwi. “Hindi ko alam kong ano na lamang ang gagawin ko kung wala ang Atlantic City,” aniya. “Ito ang aming katuwaan, alam mo, ito ang ginagawa namin.”

Para sa iba, ang pagsusugal ay higit pa sa libangan lamang, isang pagtakas mula sa araw-araw na rutina, o isang pagsisikap na yumaman. Sa kanilang kaso ito ay isang mahalaga​—kung hindi man kailangang-kailangang—​bahagi ng buhay.

“Ako’y isang sugarol sapagkat naiibigan ko ang panganib na nasasangkot,” paliwanag ni Luciano, buhat sa Córdoba, Espanya. “Hindi ako nagdadahilan para sa aking sarili,” susog pa niya, “subalit ang totoo ako ay nanlulumo, at iyan ang dahilan kung bakit ako nagsimulang maglaro ng bingo. Pagkatapos ay sinubok ko ang iba pang sapalarang laro. Kay inam ng pakiramdam mo kung ikaw ay maraming pera at handang maglaro.” Isa pang palasugal, na naiwala ang kaniyang trabaho bilang patnugot ng isang kompaniya, ay tinanong kung naisip na ba niyang ihinto ang kaniyang bisyo. “Ihinto ito?” tugon niya. “Hindi ko magagawa iyan. Ito na ang buhay ko.”

Bagaman maaaring iba-iba ang mga motibo, ang mga sugarol ay tiyak na hindi isang minoridad. Humigit-kumulang, 3 sa 4 na adultong Amerikano ay nagsusugal; ang katumbasan sa Espanya, isa pang bansa kung saan laganap ang pagsusugal, ay nahahawig. At ang pagsusugal ay malaking negosyo. Tanging iilang korporasyon lamang ng industriya sa daigdig ang may taunang benta na nakahihigit sa nagagawa ng mga loterya sa 39 na bansa.

Maliwanag, malakas ang panghalina ng pagsusugal. Ngunit ito ba’y hindi nakapipinsalang pagkahalina, o ito ba’y nagtataglay ng natatagong mga panganib? Isang sinaunang kawikaan ay nagbababala: “Siyang nagmamadali sa pagyaman ay hindi mananatiling walang-sala.” (Kawikaan 28:20) Totoo ba ito sa kaso niyaong maaaring yumaman sa pamamagitan ng pagsusugal?

[Talababa]

a Pagsusugal batay sa mga resulta ng labanan sa soccer.