Ang Hangad Kong Maging Sikat na Mananayaw
Ang Hangad Kong Maging Sikat na Mananayaw
KATUTUNTONG ko pa lamang ng 12 anyos nang gawin ko ang aking pasinaya bilang isang mananayaw sa aking bayan ng Roma, Italya. Iyon ay noong 1945, pagkatapos na pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig.
Gunigunihin kung ano ang katulad nito sa isang bata na nakasaksi at nadama ang mga epekto ng nakatatakot na pagpapatayang iyon na umakyat sa entablado at gawin ang gustung-gusto niyang gawin—magsayaw! Tuwang-tuwa ako!
Mula sa pagsasayaw sa isang pangkat, ako ay unti-unting naging solong mananayaw. Ako’y nagpakadalubhasa sa mga istilong Afro-Cubano, Oryental, at Hawayano, ngunit isinayaw ko rin ang iba’t ibang uri ng rumba, cha-cha, tango, boogie-woogie, at iba pang sayaw na uso noong panahong iyon.
Ang pagsasayaw ang nagbukas sa mga pinto ng kaakit-akit na bagong mga daigdig para sa akin. Noong mga taon ng 1950, halimbawa, ako’y lumabas sa kilalang mga pelikula, kasali na ang War and Peace at Quo Vadis. Kapana-panabik na magtrabahong kasama ng mga kilalang artistang gaya nina Elizabeth Taylor, May Britt, Eleanora Rossi Drago, Robert Taylor, Valentina Cortese, at Gabriele Ferzetti.
Pagtatamo ng “Tagumpay”
Sa hangad kong magtagumpay, ako’y naglakbay mula sa isang dulo ng daigdig tungo sa kabilang dulo, dinadalaw ang Aden, Yemen; Cape Town, Timog Aprika; London, Inglatera; Bangkok, Thailand; Tehran, Iran; at iba’t ibang lungsod sa Australia. Sa wakas ay dumating ang tagumpay. Samantalang ako noon ay 19 lamang, tinatamasa ko ang tinatawag na magandang daigdig.
Ang nakapapagod na pagsasanay at malupit na pagtrato na naranasan ko upang manatiling maganda at kaakit-akit ang pangangatawan ay napakahirap. Gayunman, kapag iniisip ko ang tagumpay na natamo ko na at ang aking tunguhin na lalo pang maging tanyag, kusa kong tinanggap ang gayong mahirap na trabaho.
Sa sosyal na mga pangkat na nakakasalamuha ko, ang mayayaman at iginagalang na mga tao ay kasa-kasama ng mga magnanakaw, mga taong nagbibili ng ipinagbabawal na gamot, at mga miyembro ng mafia. Ito’y isang imoral na daigdig na hindi mo maiisip, isang daigdig na tigmak ng droga,
alak, imoralidad, at karahasan. Subalit hindi ko iniintindi iyan noong panahong iyon. Ang aking buhay ay nakasentro sa pagsasayaw at sa maluhong istilo ng buhay ng mamahaling mga kotse, alahas, damit, at kilalang mga otel.Bagaman kumikita ako ng maraming pera, ang karamihan nito ay napupunta sa bulsa ng aking mga manedyer. Upang mapanatili ang pamantayan ng pamumuhay na kinasanayan ko, nagtrabaho ako bilang isang kahera sa umaga. At nakalulungkot sabihin, ibinaba ko ang aking sarili sa paglabag sa mga simulain ko at gumawa ako ng imoral na gawain.
Ang Pagbabalik Ko
Noong 1965, pagkatapos tamasahin ang di-mumunting tagumpay sa aking propesyon sa ibang bansa, ako’y nagpasiyang bumalik sa Italya upang italaga ang aking sarili sa pagiging isang tunay na dakilang mananayaw ng ating panahon. Inaakala ko na ang aking karanasan at reputasyon sa ibang bansa ay magdadala ng bagong mga pagkakataon para sa akin sa aking sariling bayan. Sa halip, naranasan ko ang napakasakit na kabiguan. Ang daan tungo sa tagumpay ay wari bang biglang naharangan.
Nang maglaon, ako’y nagsasayaw sa hamak na mga nightclub at disco. Ako’y nag-iisa, nasilo sa isang bulok na kapaligiran at napilitang sumuko sa lahat ng uri ng pagbabanta at karahasan. Nakaranas ako ng dalawang aborsiyon at ako ay halos mamatay. Anong laking kabayaran sa aking hangal na paghahangad ng tagumpay! Nang marating ko ang ilalim, mayroon akong nasumpungan na gumawa sa buhay ko na isang tunay na tagumpay.
Isang Mahalagang Araw sa Aking Buhay
Isang hapon ng tag-araw noong 1980, ako ay patungo sa swimming pool na malapit sa apartment ko sa lalawigan ng Alessandria. Doon ay nakatagpo ko ang isang kaibigan, na humiling ng naiibang bagay sa akin. “Maaari mo ba akong samahan sa isang pag-aaral ng Bibliya na gagawin ko sa isa sa mga Saksi ni Jehova?” tanong niya.
“Jehova? At sino naman si Jehova?” nais kong malaman.
“Jehova ang pangalan ng Diyos,” sagot niya.
Isang masiglang usapan ang sumunod anupat nakalimutan ko ang tungkol sa paglangoy. Isinakay ko ang aking kaibigan upang dalawin ang babaing Saksi, at ako’y nagtanong kung maaari ba akong sumali sa pag-aaral ng Bibliya. Naguniguni ko na masusumpungan ko ang isang misteryosong kapaligiran, marahil ilang guru o banal na tao na nagsasagawa ng kakatuwa at nakatatakot na mga ritwal sa kalat na liwanag. Sa halip, nasumpungan ko ang aking sarili sa isang normal na bahay sa harap ng isang karaniwang babae na magalang na nagpapasok sa amin. Ang pag-aaral ay nasa ikatlong kabanata ng aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan, na pinamagatang “Sino ang Diyos?”
Ang pagkaalam na ang Diyos ay may personal na pangalan at na ang pangalan ng Diyos ay “Jehova” ay isang pambihirang pagsisiwalat sa akin. (Awit 83:18) Naisip ko, ‘Kung itinago ng mga relihiyon ang pangalan ng Diyos, sino ang nakaaalam kung ano pang katotohanan ang itinatago nila!’ Tinanong ko ang Saksi kung magkano ang halaga ng bawat leksiyon niya at gulat na gulat akong malaman na ito ay walang bayad. Sa daigdig na aking kinabubuhayan, walang gumagawa ng anumang bagay nang libre. Ako’y napatibay-loob na mag-aral ng Bibliya.
Paggawa ng mga Pagbabago
Kakaunti ang aking libreng panahon dahil sa iskedyul ng trabaho ko—ako ay nagsasayaw pa rin sa iba’t ibang lungsod. Gayunman, sabik na sabik ako sa pagdating at pagdalaw ng babaing ito upang ako’y matuto nang higit pa tungkol sa tunay na Diyos, si Jehova. Bukod sa pagkaalam na ang Diyos ay may pangalan, napag-alaman ko na si Jesus at ang Diyos ay hindi iisang persona. Hindi sila bahagi ng isang Trinidad. Napag-alaman ko rin na anong laking pagkakamaling isipin na ang Diyos ay patay! Sa halip, nakilala ko ngayon ang isang tunay na Persona, isang Diyos na buháy at na gumagawa ng mga bagay-bagay!
Sa wakas ay nasumpungan ko ang pagnanais naAwit 133:1.
mabuhay! Anong laki ng pasasalamat ko kay Jehova! Ako’y nagsimulang dumalo sa lahat ng mga pulong ng mga Saksi ni Jehova. Doon ay nagkaroon ako ng higit na pagkaunawa tungkol sa kahanga-hangang mga katangian ng maibigin at maawaing Diyos na ito. Ito’y totoong nakaaaliw sa akin, kung isasaalang-alang ang uri ng buhay na pinagdaanan ko. Sa pagkakita sa mahinahong kapayapaan sa mga mukha niyaong nasa mga pulong sa Kingdom Hall, natanto ko na nasumpungan ko ang isang tunay na magandang daigdig, at ako’y desididong hinding-hindi iiwan ito.—Gayunman, natanto ko na kung nais kong mabuhay sa daigdig na iyon, kailangan kong gumawa ng malaking pagbabago sa aking buhay. Pagkatapos dumalo sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova at marinig ang malinaw na pagpapaliwanag ng mga simulain ng Bibliya, matatag akong nagpasiya na babaguhin ko ang aking buhay. Inihinto ko ang pagsasayaw, na hanggang noong panahong iyon ay naging malaking kagalakan sa aking buhay. Iniwan ko ang lalaking kinakasama ko sa nakalipas na anim na taon at lubusang pinutol ko ang lahat ng mga kaugnayan ko sa aking nakaraang buhay at sa bulok na kapaligiran ng show-business. Sinira ko rin ang mga direksiyon at mga alaala ng mga manedyer at ng mga tinatawag na kaibigan.
Isang Bagong Buhay
Sa puntong ito, wala akong trabaho at wala akong tirahan, gayunman natutuhan kong maglagak ng aking buong pagtitiwala kay Jehova. Yamang ako’y nangangailangan ng pera, ipinagbili ko ang aking mahahalagang bagay—kotse, fur coats, alahas—ang mga bagay na akala ko’y sumasagisag sa tunay na tagumpay sa buhay. Para sa sekular na trabaho, aking kinukuskos ang mga hagdan ng mga apartment at naglilinis ako ng bahay ng mga pamilya. Natuklasan ko na ang tunay na tagumpay sa buhay ay sinusukat, hindi sa mga pag-aari o posisyon, kundi tangi lamang kung ang isa ay may pagpapala ni Jehova.
Noong Abril 23, 1983, ako ay nabautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. Walang mga litratista na nakapaligid sa akin noong araw na iyon, mga kapuwa Saksi lamang na maligayang tumanggap sa isang bagong tagapuri ni Jehova sa gitna nila. Hindi nagtagal ako’y nagtungo sa Australia upang tulungan ang aking kapatid na lalaki na matuto ng kamangha-manghang mga bagay na natutuhan ko. Bagaman siya at ang kaniyang mga anak ay hindi nakikibahagi sa kasiglahan ko sa katotohanan ng Bibliya, ang aking pagtira sa Australia ay naging mabunga.
Ako ay agad na nakapasok sa buong-panahong ministeryo bilang isang payunir at nakasumpong ako ng maraming Italyano na nakatira sa Australia na nagpakita ng interes sa Bibliya. Nang maglaon, ako ay nagdaraos ng maraming progresibong mga pag-aaral sa Bibliya. Pagkatapos, noong 1985, ako ay bumalik sa Italya. Sa umpisa ay nahirapan ako, subalit ngayon ako ay may maliit na apartment at nabubuhay sa isang pensiyon, na nagpapahintulot sa akin na maglingkod bilang isang buong-panahong ministro at dumalo sa lahat ng mga pulong sa kongregasyon.
Sa loob ng maraming taon ay hinangad ko ang tagumpay sa pagsasayaw nang higit sa anumang bagay. Inaakala ko na ang kaluwalhatian at katanyagan ang lahat ng bagay. Sinikap kong tularan ang mga taong labis-labis na hinahangaan. Anong laking pagkakaiba ng lahat ng bagay ngayon! Mangyari pa, ang pagsasayaw ay isang bagay na kahanga-hanga, subalit ngayon natuklasan ko na ang tunay na tagumpay sa buhay ay nanggagaling sa pagtulong sa iba na matuto tungkol sa kamangha-manghang mga pangako ng Diyos na Jehova, hindi sa pamumuhay para sa personal na kaluwalhatian.
Buong pagtitiwalang hinihintay ko ang katuparan ng kamangha-manghang pangako na: “Umasa kay Jehova at ingatan mo ang kaniyang daan, at ibubunyi ka niya upang manahin mo ang lupain. Pagka nahiwalay ang masama, iyong makikita.” (Awit 37:34; 2 Pedro 3:13)—Gaya ng inilahad ni Edvige Sordelli.
[Blurb sa pahina 13]
Ako’y lumabas sa kilalang mga pelikula, kasali na ang War and Peace at Quo Vadis