Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Ako Magkakalakas-loob na Maging Iba?

Paano Ako Magkakalakas-loob na Maging Iba?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ako Magkakalakas-loob na Maging Iba?

“Minsan ang panggigipit ng mga kasama ay pumipilit sa akin na gawin ang inaakala kong mali, ngunit yamang iyon ay hindi magugustuhan ng aking mga kasama kung hindi ko gagawin, ako’y pumapayag na lamang.”​—John.

“ANG panggigipit ng mga kasama ay lumalaganap sa bawat aspekto ng ating mga buhay.” Gayon ang sinabi ng manunulat na si Lesley Jane Nonkin. Dinidiktahan ka ng mga kasama mo kung paano ka mananamit. Sila ang nagtatakda ng tuntunin kung paano ka lalakad, magsasalita, at magsusuklay ng iyong buhok. Ang kakanyahan ay hindi ipinahihintulot. Sumunod ka—​o kung hindi ay itatakwil ka!

Gayunman, ang mga kabataang Kristiyano ay hindi napaaalipin sa pagtulad. Sumusunod sa utos ni Jesus na nasa Juan 15:19, sila ay “hindi bahagi ng sanlibutan” ng masasamang tao. a Gayunman, ang pagiging nasa sanlibutan ngunit hindi bahagi niyaon ay isang malaking hamon. Gaya iyon ng pagsasagwan ng isang bangka sa isang maalon na dagat. Ikaw ay nasa tubig at napalilibutan ng tubig, ngunit upang manatiling buháy sinisikap mo hangga’t maaari na huwag itong makapasok sa iyong bangka! Gayundin, ang mga kabataan sa gitna ng mga Saksi ni Jehova ay nagsisikap na huwag makapasok ang kasamaan ng sanlibutan sa kanilang mga buhay.

Gayunman, ito’y hindi laging madali. Isaalang-alang ang isang kabataang Saksi sa Hapón na nagngangalang Eiichiro. Ang panggigipit sa bansang iyan na tumulad ay napakalakas, sa gitna ng mga kabataan gayundin ng mga adulto. Ang gunita ni Eiichiro: “Sa paaralan ay hindi ko maatim na makibahagi sa mga seremonyang nagsasangkot ng pambansang mga sagisag at mga awitin. Higit pa, hindi ako makapag-aral ng martial arts, yamang ang mga ito ay labag sa mga simulain ng Bibliya.” (Tingnan ang Exodo 20:4, 5 at Lucas 4:8; Isaias 2:4 at Lucas 10:27.) Ginawa nitong kapansin-pansin si Eiichiro​—marahil kahiya-hiya pa nga—​sa kaniyang mga kasama.

Ang mga kabataang Saksi sa buong mundo ay napapaharap sa kahawig na mga kalagayan. “Ang mga pista ang pinakamahirap,” sabi ng isang kabataang Kristiyano. “Lahat ng mga kabataan ay nagtatanong, ‘Bakit hindi ka nagdiriwang?’ ” Para sa isang tin-edyer na babae ang pinakamahirap na isyu ay “kung maaaring makipag-date.” Subalit isa pang tin-edyer na Kristiyano ang nagrereklamo tungkol sa mga panggigipit na makihalubilo. Ang sabi niya: “Lagi kang tinatanong ng mga tao, ‘Hindi ka ba pupunta sa parti?’ ” Ang iba pang mga kabataang Saksi ay nililibak dahil sa pagtanggi na lumiban sa mga klase o mandaya sa mga pagsusulit. Kung gayon, madaling makita na ang pagiging naiiba ay nangangailangan ng matinding lakas ng loob, at hindi lahat ng mga kabataan ay nakadarama na mayroon sila nito.

Isang kabataan ang sumulat: “Ako ay may dalawang pamumuhay​—isa sa paaralan at isa sa tahanan. Sa paaralan ako’y nakikisama sa mga kabataang tagasanlibutan. Ngunit ang mga kabataang ito ay nagmumura sa halos bawat pagkakataon na sila’y magsasalita, at ako’y nagiging gaya na nila. Ano ang dapat kong gawin?” Ang sagot ay maliwanag: Lakasan mo ang iyong loob na maging iba! Ngunit paano?

Ang Pinagmumulan ng Tunay na Lakas ng Loob

Ang lakas ng loob ay mental o moral na kalakasan na mapagpunyagian ang panganib, pagkatakot, o kahirapan. Hindi lahat ay nagtataglay niyaon, ngunit maaaring matamo iyon. “Sapagkat hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng kaduwagan,” sabi ni apostol Pablo, “kundi ng kapangyarihan at ng pag-ibig at ng katinuan ng isip.” (2 Timoteo 1:7) Oo, ikaw ay pagkakalooban ng Diyos ng lakas na kinakailangan upang tanggihan ang iyong mga kasama.​—Filipos 4:13.

Ngunit paano mo matatamo ang lakas na ito? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng basta paghingi niyaon. “Kayo’y magsihingi at kayo’y tatanggap,” ipinangako ni Jesus sa Juan 16:24. Lalo nang dapat kang manalangin kung ikaw ay napapaharap sa tukso na magkompromiso. “Ako’y nananalangin kay Jehova upang mapigil ko ang aking isip at puso,” sabi ng isang kabataang Kristiyano.

Mga Kabataang May Lakas ng Loob Noong Unang Panahon

Ang pagbabasa at pagbubulay-bulay sa mga ulat sa Bibliya na nagsasaad tungkol sa mga lingkod ng Diyos na may tibay ng loob ay isang paraan upang matulungan ka na magkalakas-loob. Halimbawa, nahihiya ka bang ipaalam sa iba na ikaw ay isa sa mga Saksi ni Jehova? Kung gayon ay pag-aralan ang ulat sa 2 Hari 5:1-5. Ito ay nagsasabi tungkol sa isang dinukot na batang Israelita na may katapangang ipinahayag ang kaniyang pananampalataya sa harap ng iba. Isa pang kapana-panabik na kasaysayan ay nakaulat sa Gawa 4:20. Doon ay may katapangang sinabi ng mga apostol sa mga sumasalansang: “Hindi kami makatitigil sa pagsasalita sa mga bagay na aming nakita at narinig.” Ang pagsusuri sa mga ulat na ito ay makapagpapasigla sa iyo na magpakita ng gayunding tibay ng loob sa pagsasalita.

Ang isa pang nakasasabik na salaysay ay yaong kay Daniel at sa kaniyang tatlong kasamang mga tin-edyer, sina Sadrach, Mesach, at Abednego. Ang mga kabataang ito ay kabilang sa maraming piling Judiong mga kabataan na binihag at dinala sa Babilonya. Nasa isip ng hari ng Babilonya na sanayin ang mga kabataang ito para sa responsableng mga tungkulin sa pamahalaan. Upang tulungan sila na unawain ang paraan ng pamumuhay sa Babilonya, ang mga kabataang ito ay inalisan ng kanilang Judiong mga pangalan at tinuruan ng wika at paggawi ng mga taga-Babilonya. Ang mga bumihag sa kanila ay inawat pa nga sila sa mga Judiong kaugalian sa pamamagitan ng pagpapakain sa kanila “ng mga pagkain ng hari.”​—Daniel 1:7, 8.

Sa palagay ng mga taga-Babilonya, ang gayong mga pagkain ay ubod ng sarap. Sa mga Judiong may-takot sa Diyos, ang mga pagkain ng taga-Babilonya ay makarelihiyosong kasuklam-suklam. Subalit, karamihan sa binihag na mga kabataan ay waring napadala sa gayong tukso​—lahat maliban kay Daniel at sa kaniyang mga kasama. Isip-isipin ang panggigipit na kanilang naranasan mula sa kanilang mga kasamang Judio! Paano tumugon ang mga kabataang ito sa gayong panggigipit? Basahin mo ang nakapagpapatibay-pananampalatayang ulat sa Daniel kabanata 1. Marahil ito ay tutulong sa iyo na maglakas-loob na tanggihan ang sinuman na mag-alok sa iyo ng droga o alak!

Maging Matapang”

Hindi sapat na basahin lamang ang tungkol sa katapangan. Upang magkaroon ng lakas ng loob na tutulong sa iyo na harapin ang panggigipit ng mga kasama, kailangan mong sundin araw-araw ang payong ibinigay ni Pablo sa mga lalaki at babae sa kongregasyon sa Corinto: “Magpakatibay kayo sa pananampalataya; maging matapang at maging matatag.”​—1 Corinto 16:13, The Jerusalem Bible.

Halimbawa, pagka hindi ka nakikita ng iyong mga magulang at mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano, ikaw ba’y nagpapalit ng iyong damit at istilo ng buhok upang maging gaya ng mga kabataang tagasanlibutan? O ikaw ba ay sumusunod nang walang pagkokompromiso sa mga pamantayang Kristiyano? “Ako’y tumatangging sumunod sa bawat nauusong istilo,” sabi ng isang malakas ang loob na babaing Kristiyano.

Isa pang tanong: Ikaw ba ay may sapat na lakas ng loob na sabihin sa iyong mga kaklase na ikaw ay isa sa mga Saksi ni Jehova? Kung pinahihintulutan ka sa inyong paaralan na mangaral, ikaw ba ay nagdadala ng Bibliya at mga literatura sa Bibliya? Kung ang mga usapin hinggil sa ebolusyon, pambansang mga pagdiriwang, o pagpapasalin ng dugo ay mapag-usapan sa klase, ikaw ba ay “handang magtanggol sa harap ng sinuman na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pag-asang nasa inyo”? (1 Pedro 3:15) O ikaw ba ay nauupo na lamang sa iyong desk na balisang nananahimik? Sabi ni Jesu-Kristo: ‘Sinuman ang magmakahiya sa akin at sa aking mga salita, ay ikahihiya ko rin naman siya.’​—Marcos 8:38.

Hindi nahihiya, ang isang malakas ang loob na Kristiyano ay ipinagmamalaki ang kaniyang salig-Bibliyang pag-asa! (Ihambing ang Hebreo 3:6.) Si Eiichiro, ang kabataang taga-Hapón na sinipi kanina, ay natutong gawin iyan. Siya ay kadalasang tinatanong kung bakit hindi siya nakikisali sa mga pambansang pagdiriwang o martial arts. Siya ba ay nasa disbentaha dahil sa pagiging naiiba? “Hindi,” sabi niya, “minamalas ko ang lahat ng ito bilang isang hamon. Alam mo, kailangan kong maghanda ng mga sagot upang ipagtanggol ang aking mga pagkilos at kailangan kong magtiwala sa tulong ni Jehova. Sa wakas, ang mga disbentaha ay naging mga bentaha.”

Matuto ring magsalita pagka napapaharap sa tukso. Ang Kawikaan 1:10-15 ay nagsasabi: “Anak ko kung ikaw ay hikayatin ng mga makasalanan, huwag mong tulutan. Kung kanilang sabihin: ‘Sumama ka sa amin . . .’ anak ko, huwag kang makilakad sa kanila. Pigilin mo ang iyong paa sa kanilang landas.” Mangyari pa, hindi ito nangangahulugan na mangangaral ka ng isang sermon. Sa kaniyang aklat na How to Say No And Keep Your Friends, ang tagapayo na si Sharon Scott ay nagsabi na kung minsan nais mo na lamang na lumisan, tanggihan ang paanyaya​—o ipagwalang-bahala iyon. Ngunit kung minsan, wala kang mapagpilian kundi ang magpaliwanag at ipaalam sa iba kung bakit hindi ka makakasama sa kanila. Nagmungkahi ang tagapayo na maging matatag: “Sikaping huwag magmukhang walang-kibo . . . Manatiling nakatitig sa mata. . . . Magsalita sa isang matatag at walang-tigatig na tinig.”

Maaaring ikaw ay tuksuhin o kutyain sa iyong paninindigan. Subalit, marami ang hahanga sa iyo nang may pagkainggit. Si Mike, isa pang tin-edyer, ang nagsabi: “Maraming kabataan ang nakaaalam na ako’y isang Saksi, at ako’y iginagalang nila. Kung sila’y may pag-uusapang masama, sasabihin nila, ‘Mike, kami’y mag-uusap-usap, kaya kung gusto mong umalis, makaaalis ka na.’ ” Hindi lahat ng mga kabataan ay mag-uukol sa iyo ng gayong paggalang. Ngunit ang Diyos ay tiyak na malulugod sa iyong landasin. (1 Pedro 4:3-6) Sa gayon isang kabataang Kristiyano ang nagsabi: “Huwag kang mag-alala sa iisipin sa iyo ng ibang kabataan!” Ang opinyon ng Diyos ang mahalaga. At kaniyang pagpapalain ka sa iyong pagkakaroon ng lakas ng loob na maging iba.

[Talababa]

[Larawan sa pahina 16]

Pagka ang mga pagkakataon na ipaliwanag ang iyong pananam-​palataya ay bumabangon, ikaw ba ay nagpa-​paliwanag?