Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Mga Ulila Dahil sa AIDS

Ang mga bahay-ampunan sa lalawigan ng Manicaland, Zimbabwe, ay nagiging siksikan dahil sa dami ng mga ulila dahil sa AIDS. Sa lalawigan lamang na ito, may ‘halos 47,000 bata na wala pang 14 anyos ang naulila sapagkat ang kanilang mga magulang ay namatay dahil sa mga sakit na nauugnay-sa-AIDS,’ ulat ng The Star ng Johannesburg, Timog Aprika. Sa mga batang ito, halos 10 porsiyento ang naulila sa ama at ina. Iniulat ng pahayagan na sang-ayon sa isang pag-aaral na isinagawa ng Ministri ng Kalusugan, ‘sa 294 na mga sambahayan sa lalawigan na ala-suwerte ang pagpili, 29.9 porsiyento ay may mga ulila dahil sa AIDS.’

Nababagot sa Malayang Panahon

Sang-ayon sa isang pag-aaral ng BAT Leisure Research Institute, nasusumpungan ng ilang tao sa Alemanya na pahirap nang pahirap na magpasiya kung ano ang gagawin sa kanilang natitirang panahon. Nasumpungan ng pag-aaral na nakalilimutan ng maraming namumuhay nang sagana at may maraming malayang panahon kung paano masisiyahan sa buhay. Marami ang nababagot o nagiging sugapa sa pakikipagsapalaran. Ang iba ay naging masyadong agresibo, o marahas pa nga. Ito ang uri ng tao na karaniwang gumagawa ng hindi kinakailangang panganib sa kaniyang paghahanap ng katuwaan at kasayahan. Binanggit ng mga mananaliksik na ang isyu sa kung paano gagamitin nang wasto ang malayang panahon ay magiging isa sa malaking problema ng susunod na dekada.

Mapanganib na Pagkaantala

Ang mga manggagawa sa opisina na araw-araw ay gumugugol ng ilang oras na nakatitig sa mga iskrin ng computer ay “isang panganib sa kanila mismong sarili at sa iba kapag nagmamaneho sa gabi,” sabi ni Propesor Paul Cook ng Brunel University sa London. Ang The Daily Telegraph ng London ay nag-uulat na pagkatapos ng sampung-taóng pagsusuri tungkol sa pagkabulag sa gabi, nasumpungan ni Dr. Cook na ang mga mata ng mga taong nakatingin nang mahahabang oras sa iskrin ng computer ay nangangailangan ng 120 milisegundo upang ihatid ang impormasyon sa utak. Iyan ay siyam na ulit na mas matagal kaysa normal! Bagaman ang pag-antalang ito ay nag-iingat sa utak mula sa anumang labis na impormasyon na makikita sa mga iskrin ng computer, sa gabi, sa kaunting liwanag, maaari nitong pabagalin ang mga reaksiyon ng tsuper.

Tagumpay sa mga Insekto

Sa loob ng pitong buwan, sunud-sunod na eruplano ang lumipad tungo sa Libya, binuksan ang kanilang mga lalagyan ng kargamento, at pinakawalan ang malakas na biyolohikal na sandata: baog na mga lalaking screwworm flies (isang uri ng langaw). Ito ay “isang kampaniyang pangkagipitan upang lipulin ang New World Screwworm, isang pesteng nagsasapanganib sa mga hayop at sa mga tao sa Aprika at sa ibayo nito,” sabi ng magasing New African. Ngayon, pagkalipas ng 1.3 bilyong langaw, ang tagumpay ay ipinahayag ng Food and Agriculture Organization ng United Nations, sa halagang $65 milyon​—mahigit lamang sa kalahati ng kung ano ang orihinal na tantiya. Nang ang mga babaing langaw ay nakipagtalik sa pinakawalang baog na mga lalaking langaw, walang nailuwal na mga anak. Dahil dito, ang mga langaw sa wakas ay mamamatay. Ang pagmamatyag ay magpapatuloy hanggang sa tag-araw ng 1992.

Umupa-ng-Pamilya

Mayroon na ngayong paglilingkod na makukuha sa Hapón na naglalaan ng huwad na mga pamilya para sa mga may edad na tao na nangungulila. Ang pahayagang Asahi Shimbun ay nag-uulat tungkol sa isang ahensiya ng entertainment na nagpapadala ng mga aktor na, sa isang halaga, ay gumaganap sa papel ng mga miyembro ng pamilya. Ang mga aktor ay inuuri mula sa ikapito hanggang sa primera klase, depende sa kanilang kakayahang umarte. May higit na pangangailangan para sa mga aktres na gaganap ng papel na mga anak na babae kaysa mga aktor na gaganap bilang mga anak na lalaki. Ipinaliliwanag ng pahayagan na ang dahilan sa paggawa nito ay sapagkat gusto ng mga may edad na “mayroon magpapalayaw sa kanila at makikinig sa kanilang mga hinanakit.” Ang tatlong-oras na pagdalaw buhat sa huwad na mga miyembro ng pamilya, pati na ang isang tatlong-taóng-gulang na apong babae, ay maaaring magkahalaga ng hanggang 150,000 yen ($1,200, U.S.).

Pagkabagot sa Paaralan

Ang The Toronto Star ay nag-uulat na sa isang pambansang surbey ng mga 9,000 dropout sa high school sa Canada, “tatlo sa bawat 10 dropout ay humihinto ng pag-aaral dahil sa pagkabagot.” Ang matataas na grado ay hindi nagpapahiwatig na ang mga estudyante ay mananatili sa paaralan, yamang mahigit na 30 porsiyento ng mga sinurbey ay may matataas na marka. Si Jim Livermore, bise presidente ng Ontario Secondary School Teachers’ Federation ay hindi nagtaka. Sabi niya: “Ang pagkabagot ay isang salik ngayon kaysa noong nakalipas na 20 taon dahil sa telebisyon. Upang makuha mo ang interes ng mga bata ngayon ang lahat ay kailangang maging kumikinang, modernong teknolohiya at marangya.” Inaakala ni Mr. Livermore na ang ilan sa matatalinong isipan ay hindi nahahamon sa paaralan. Sinabi pa niya na ang “dating paraan ng pagtuturo ay hindi na mabisa ngayon. Sa halip na istilong-lektyur na pagtuturo, kailangang higit na masangkot ang mga estudyante sa pagkatuto.”

Mga Aksidenteng Kinasasangkutan ng mga Bata

Sa kauna-unahang pagkakataon, ang mga mananaliksik sa Argentina ay nakapagtipon ng impormasyon tungkol sa mga aksidenteng kinasangkutan ng mga bata sa bansang iyon. Isinisiwalat ng pag-aaral na 41 porsiyento ng lahat ng mga batang naospital sa Argentina ay naaksidente sa kanila mismong mga tahanan. Marami ang naaksidente dahil sa pagkahulog. Pagkatapos ilarawan ang mapanganib na kapaligiran na masusumpungan sa maraming tahanan, tinukoy ng pahayagan sa Buenos Aires na Clarín ang karaniwang bahay sa Argentina bilang isang “patibong para sa mga bata.” Ang isa pang dako kung saan nagaganap ang marami sa mga aksidente ay sa loob ng kotse. Idinagdag pa ng pahayagan na sa karamihan ng mga kaso ang mga adulto ang may pananagutan sa kalunus-lunos, at kadalasa’y nakamamatay, na mga aksidenteng ito.

Iwasan ang mga Aksidente sa Pamamagitan ng Ilaw

Sa Finland, Denmark, at Sweden, lahat ng mga tsuper ay hinihiling na gamitin ang pang-araw na ilaw ng kanilang mga kotse bilang isang paraan upang maiwasan ang mga aksidente. Ang pag-iingat na ito ay mabisa lalo na sa mga bansa kung saan madilim kahit araw kung mga buwan ng taglamig. Isinisiwalat ng isang pag-aaral kamakailan sa Finland na sa panahon ng anim na taglamig, ang pagmamaneho na may ilaw sa araw ay nakabawas sa mga banggaan ng 21 porsiyento. Ikinapit ng ilang estado sa Estados Unidos ang mga batas na humihiling sa paggamit ng mga ilaw sa unahan ng kotse kapag madilim, tulad halimbawa bago lumubog ang araw at pagsikat ng araw, at kapag umuulan ng tubig o yelo. Noong 1990 may mahigit na 44,000 kamatayan at 5,000,000 mga sugatan na nauugnay sa mga banggaan ng kotse sa Estados Unidos lamang.

Mapanganib na Dugo

Ang mga tao sa Hapón na tumanggap ng pagsasalin ng dugo noon ay hindi na puwedeng magkaloob ng dugo para sa mga pagsasalin. Bakit? Binanggit ng Red Cross Society ng Hapón ang “mataas na persentahe ng impeksiyon dahil sa C-type na virus ng hepatitis” bilang dahilan, ulat ng The Daily Yomiuri. Sang-ayon sa pahayagan, ang bilis na makahawa ng C-type na hepatitis mula sa mga tao na nagpasalin ng dugo ay 8.31 porsiyento, halos 12 ulit na mas mataas kaysa roon sa hindi kailanman tumanggap ng dugo. Kaya ang Hapón ang naging unang bansa na nagkapit ng patakaran na pagtanggi sa dugo bilang mapanganib dahil lamang sa ito ay nanggaling sa isang taong dating sinalinan ng dugo.

Hinigpitan ng Singapore ang Pagsawata sa Gam

Dapat ipahayag ngayon ng mga dumadalaw sa islang republika ng Singapore sa kanilang mga porma ng adwana ang anumang tsuwing gam na dala nila. Bagaman ang ilang stick para sa personal na gamit ay ipinahihintulot, ang mas marami nito ay kinukumpiska. Mula noong simula ng taon, ipinagbawal ng gobyerno ang paggawa, pagbibili, at pag-aangkat ng tsuwing gam. Ang mga nagbibili ay magmumulta ng hanggang $1,200, samantalang ang mga nag-aangkat ay maaaring makulong sa loob ng isang taon at magmulta ng $6,100. Hanggang sa ngayon, ang pagkakaroon nito ay hindi isang paglabag. Ang gam “ay nakarurumi sa ating pampublikong mga pasilidad,” sabi ng isang tagapagsalita ng pamahalaan. Ang mga tren sa subwey ay ilang beses na pinahinto noong nakaraang taon nang ang maliliit na bilo ng gam ay humarang sa mga pinto at nagpangyari na ang mga ito ay huwag magsara. Ang benta ng gam ay $5 milyon sa isang taon, bagaman ang pag-aanunsiyo ng gam ay ipinagbawal sa Singapore mula noong 1984. Sang-ayon sa Asiaweek, ipinahayag din ng gobyerno ang mga balak “para sa pagsasabatas na humihiling sa mga nahuling nagkakalat na linisin ang mga dakong pampubliko.”

Lutong Babiloniko

Ang magasing Pranses na Science Illustrée ay nag-uulat na pagkatapos ng sampung taóng paggawa, nabasa ng isang pangkat ng mga mananaliksik mula sa Yale University kung ano sa wari’y ilan sa pinakamatandang resipe sa daigdig. Ang mga resipe ay bahagi ng isang tekstong cuneiform na nakasulat sa ilang tabletang luwad na natuklasan sa lugar ng sinaunang lungsod ng Babilonya. Kabilang sa mga tabletang luwad ang mga menu at 25 resipe ng mga pagkaing inirereserba sa mga handaan at pantanging mga okasyon. Bagaman ang araw-araw na pagkain ay simple lamang, isinisiwalat ng mga resipe na kung minsan ang panlasa ng sinaunang mga Babiloniko ay kinabibilangan ng lahat ng uri ng karne at panpalasa at ng “mga piling pagkain” na gaya ng tupa na nilagyan ng pampalasang bawang at sibuyas, iniluluto sa taba, nagkultang gatas, at dugo.

Mga Sugarol sa Lansangan ng Alemanya

Ang mga kotse ng pulisya ay nagpapatrolya kamakailan sa mga lansangan ng Berlin, Alemanya, iniaanunsiyo ang pambihirang mensahe sa mga laudispiker: “Huwag kayong maglalaro ng Hütchenspiel. Hindi kayo mananalo. Ito ay may daya.” Sa Hütchenspiel, na literal na nangangahulugang “isang munting laro ng sombrero” (dati nang kilala bilang laro ng kabibi), huhulaan ng manlalaro kung alin sa tatlong maliliit na tasa ang nagtatago ng isang dais, samantalang mabilis na minamaeobra naman ng bangkero ang mga tasa. Isang lihim na kasama ang karaniwang nag-uudyok sa mga tao sa pamamagitan ng kunway pananalo, samantalang ang iba pang kasama ay nagbabantay naman sa mga pulis. Ang pulisya ay naniniwala na ang mga pangkat na iyon ay kumikita ng mga DM10,000 ($6,000, U.S.) isang araw. Hanggang sa ngayon ang batas ay hindi gaanong matagumpay sa pagpapahinto sa mga ito. Ang pahayagang Nürnberger Nachrichten ay nag-uulat na sa unang hati ng 1991, may 1,500 sugarol sa lansangan na nadakip, subalit dahil sa kakulangan ng matibay na ebidensiya, 25 lamang ang naipagsakdal sa salang panlilinlang.