Tulungan Silang May Katalinuhang Pumili ng Kabiyak
Tulungan Silang May Katalinuhang Pumili ng Kabiyak
NALALAMAN ba ng inyong mga anak kung ano ang hahanapin sa isang kabiyak at kung paano may katalinuhang pipili? Mahalagang pag-isipan ang tungkol sa bagay na ito at tulungan silang gumawa ng matalinong pagpili, yamang ito ay mahalaga sa kanilang kaligayahan sa hinaharap.
Sa mga lupain kung saan ang pakikipag-date ay kaugalian, may tumitinding panggigipit sa mga kabataan na magpares-pares nang napakaaga. “Sinasabi sa akin ng mga magulang ng mga 10-anyos na sila ay nasa ilalim ng matinding panggigipit na pahintulutan ang kanilang mga anak na makipag-date,” sabi ni Dr. Ronald W. Taffel, isang clinical psychologist sa New York. “Biglang nasusumpungan ng mga magulang ang kanilang mga sarili na nakikipagpunyagi sa mga isyu na hindi nila inaasahang makakaharap hanggang sa pagbibinata o pagdadalaga [ng kanilang mga anak].”
Ano ang malamang na maging resulta kung kayo ay susuko at papayagan ninyo ang iyong mga anak na makipag-date sa maagang gulang? Ang The Journal of the American Medical Association ay nagkomento: “Ang maaga at madalas na pakikipag-date ay nauugnay sa pagsisimula ng [pagtatalik].” Oo, marahil ay nabasa ninyo ang mga report tungkol “sa dumaraming mga batang babae na ang edad ay 10 hanggang 14 na nanganganak.”
Kaya, ano ang magagawa ninyo upang matulungan ang inyong mga anak?
Turuan Sila Mula sa Maagang Gulang
Dapat ikintal ng mga magulang sa kanilang mga anak ang positibong mga katangiang Kristiyano at tulungan silang linangin ang mga ito. At kailangan ding tulungan nila sila na makilala ang mga katangiang ito sa isang mapapangasawa. Kapag binanggit ng inyong anak ang paksa tungkol sa pakikipag-date, ipaliwanag na ito ay hindi wastong malasin bilang isang sosyal na libangan para sa mga bata o
kahit na para sa mga tin-edyer. Bagkus, ipaliwanag sa kanila na ang pakikipag-date ay para sa mga tao na may sapat nang gulang upang seryosong maghanap ng isa na mapapangasawa.Ang mga bata ay walang-karanasan sa pagtasa ng pagkatao, gaya ng dapat nilang tanggapin. Isang babaing Indian ang minsa’y nagpaliwanag sa isang tagapayo sa pag-aasawa: “Ang aming mga magulang ay mas matanda at mas matalino, at sila’y hindi madaling madaya na gaya namin. . . . Mahalaga na ang lalaking aking mapapangasawa ay dapat na isa na karapat-dapat. Napakadali kong magkamali kung ako ang maghahanap para sa aking sarili.” Tiyak na makikinabang ang mga kabataan sa tulong ng mga nakatatanda!
Karaniwan nang hinahatulan ng mga kabataan ang magiging kabiyak ayon sa mga pamantayan na walang gaanong kaugnayan kung baga sila ay magiging mabuting asawang lalaki o babae. Ang mga lalaki ay maaaring maakit ng isang magandang mukha at isang kaakit-akit na katawan—ngunit kumusta naman sa dakong huli? Ang mga katawan at mukha ay nagbabago, at sa dakong huli tiyak na nanaisin ng lalaki ang mga katangian ng isang maygulang na babae, pati na ang talino at kakayahang pumasan ng mga pananagutan. Kadalasan nang unang napapansin ng mga babae ang pagiging makisig ng lalaki, ang mahusay manamit, at ang alisto sa halip na ang mas mahalagang mga katangian ng kaniyang pagiging mabait at pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa-tao.
Kaya, ano ang magagawa ninyo? Bakit hindi itawag-pansin sa inyong mga anak ang mga taong nakikilala nila at na may mabubuting pag-aasawa. Maaaring banggitin ninyo na pinili ng ilang taong ito, hindi naman ang pinakamaganda o ang pinakamakisig sa bayan, kundi ang isa na may mahuhusay na katangian at isa na may katulad na kagustuhan, interes, at mga tunguhin na taglay nila.
Bakit hindi ipakipag-usap ang mga bagay na ito sa inyong mga anak? Nang si Ann ay 13 anyos, siya ay tinanong ng kaniyang nanay kung anong mga katangian ang nais niya sa isang asawa. Pinag-usapan nila ito, at si Ann ay gumawa ng isang listahan ng mga katangian na hihintayin niya hanggang sa masumpungan niya ang isang iyon na may gayong mga katangian. Ito ay hindi isang di-makatotohanang listahan. Kasali rito na siya ay isa na igagalang niya at na ang kaniyang mga kagustuhan at mga interes ay dapat na katulad ng kaniyang kagustuhan at interes. Ngayon ay isang maligayang lola, inirerekomenda pa rin ni Ann na sundin ng iba ang halimbawang ito.
Para sa isang Kristiyano, ang utos ng Bibliya na mag-asawa “lamang sa Panginoon” ay mahalagang isaalang-alang. (1 Corinto 7:39) Ang isang tao na ‘nasa Panginoon’ ay isa na nag-alay, bautismadong Kristiyano na taimtim na nakikibahagi sa katulad na gawain na isinagawa ni Jesus. Kadalasang nararanasan niyaong hindi sinusunod ang utos na ito na mag-asawa lamang sa Panginoon ang kalunus-lunos na mga resulta. Kaya tiyaking ipakita sa inyong mga anak ang kahalagahan ng paghanap ng isang mapapangasawa sa isa lamang na sumusunod sa katulad na moral at espirituwal na mga simulain na sinusunod nila at sa gayo’y maipapasa ang mga simulaing ito sa magiging anak nila.
Ihanda Sila na Harapin ang mga Problema
Kung matiyak na ninyo na ang inyong mga anak ay may edad na upang makipag-date, ikintal sa kanila ang karunungan na makilala ang kanilang
kasama sa mga dakong publiko, makibahagi sa mga gawain, gaya ng pagtungo sa mga restauran, museo, zoo, o mga galerya ng sining, na nagpapahintulot sa kanila na mag-usap at makilala ang isa’t isa nang hindi nabubukod sa ibang tao. Tulungan silang maunawaan kung bakit ito ay mas matalino kaysa paggugol ng panahon nang sila-sila lamang sa isang nakaparadang kotse o sa anumang ibang lugar na walang tao. Mahalaga rin na ituro sa kanila na kapag sila’y umuuwi ng bahay mula sa isang date, angkop lamang na magpaalaman sa pinto at huwag na siyang papasukin maliban na lamang, mangyari pa, kung kayo ay gising o naroroon.Babalaan ang inyong mga anak ng kung ano ang maaaring mangyari. Isang balita, halimbawa, ang nagsasabi tungkol sa isang estudyante na niyaya ang kaniyang ka-date sa kaniyang silid pagkatapos ng hapunan upang magsayaw at mag-usap. Bagaman ang lalaki ay nagpasaring, hindi iginiit ng babae na ang lalaki ay umalis. Bagkus, nang tumutol ang babae, ang lalaki ay hihingi ng paumanhin sa kaniyang kilos, subalit sisikapin niyang muli na akitin siyang gumawa ng masama. Ang report ay nagsasabi: “Sa wakas ay ipinilit niya ang isyu hanggang sa punto” ng paghalay sa kaniya. Anong kalunus-lunos na pangyayari!
Kaya tiyakin na nalalaman ng inyong mga anak kung paano kikilos kung may magmungkahi sa kanila ng imoral na mga gawa. Dapat silang tumakas sa kalagayan na gaya ng pagtakas ng kabataang si Jose sa mapilit na asawa ni Potiphar. (Genesis 39:7-12) Dapat na malaman nila na ang sinaunang-panahong pakiusap na, “Kung mahal mo ako ay papayag kang makipagtalik sa akin,” ay napakadalas na sinasabi ng isang manlilinlang. Malamang na palagi itong ginagamit ng sinumang gumagamit nito, pagkatapos ay iniiwan ang kaniyang biktima at nagtutungo sa isang bagong biktima. Dapat malaman ng inyong anak na lalaki o babae na ang matatag, positibong hindi ang pinakamagaling na sagot sa isang imoral na mungkahi.
Tiyaking ituro sa inyong anak na babae na iwasan ang mga kalagayan kung saan siya ay maaaring halayin. Idiin ang pangangailangan na talagang makilala nang husto ang sinumang binata na maaaring i-date niya at na para sa inyo, na kaniyang mga magulang, na makilala rin nang husto ang taong iyon. Kung ang inyong mga anak ay hindi na nakatira sa lugar na malapit sa inyo, kung gayon ay tiyakin na kanilang tanungin ang isang tagapangasiwang Kristiyano tungkol sa kanilang magiging kabiyak. Tandaan, may mga manlilinlang na nag-aangking Kristiyano at nakapapasok sa kongregasyon, kung paanong mayroong gayon noong unang siglo.—2 Pedro 2:13-15, 17, 18.
Karagdagan pa, kailangang turuan ninyo ang inyong mga anak na lalaki na ang tunay na lalaki ay hindi1 Timoteo 5:1, 2.
sinasadyang manakit ng ibang tao. Kanilang ipinagsasanggalang at ipinagtatanggol sila. Ang mga tunay na lalaki ay mga panginoon, hindi alipin, ng kanilang mga impulso. Dapat nilang pakitunguhan nang wasto ang mga babae na gaya ng pakikitungo nila sa kanilang sariling ina o mga kapatid na babae, na may paggalang at respeto.—Huwag kailanman hayaang makalimutan ng inyong mga anak ang mahalagang simulain ng Bibliya: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng mabubuting asal.” (1 Corinto 15:33, Revised Standard Version) Kaya, dapat matanto ng inyong mga anak ang pangangailangan na iwasan ang pakikisama sa sinuman na hindi namumuhay ng malinis na moral na buhay. Mula sa kanilang pagkasanggol, dapat ninyong ipaliwanag sa kanila na bagaman hindi nakikita ng iba ang kanilang ginagawa, laging nakikita iyon ng Diyos, at na gagantihin niya ang bawat isa sa atin ayon sa ating gawa.—Roma 2:6.
Pamumuhay Nang Moral sa Isang Imoral na Daigdig
Bagaman ang makasanlibutang mga awtoridad ay nananangis na “wala silang gaanong nalalaman tungkol sa kung paano hahadlangan ang mga tin-edyer na walang asawa sa pagtatalik,” nalalaman ng Kristiyanong mga magulang na ito ay maaaring gawin. Sa pagkikintal ng pag-ibig sa Diyos at ng tunay na paggalang sa kaniyang mga kautusan sa kanilang mga anak, sinasangkapan ng mga magulang ang kanilang mga anak na labanan ang mga tukso ng imoral na daigdig na ito at mamuhay nang matuwid, moral na buhay. Isang malaking lipunan ng angaw-angaw na mga Saksi ni Jehova ay kapansin-pansin sa kanilang pagsunod sa mataas na mga pamantayang moral ng Salita ng Diyos. Kahit na ang New Catholic Encyclopedia ay nagsasabi na ang “pangmag-asawa at seksuwal na moralidad [ng grupong ito] ay totoong mahigpit.”—Tomo 7, pahina 864.
Nalalaman ng mga kabataang Saksi ni Jehova na namumuhay nang moral na buhay na sila’y naiibigan at pinahahalagahan hindi lamang ng kanilang mga magulang kundi ng kanilang kapuwa mga Kristiyano sa buong daigdig. Mayroong silang pagtitiwala-sa-sarili dahilan sa isang malinis na budhi, may mga bahagi sila sa mga pulong sa kongregasyon, nalilinang nila ang mga kasanayan sa pagtuturo, at nakikibahagi sila sa edukasyon ng Bibliya. Sila’y nagpapakita ng maka-Diyos na asal, nagtatamasa ng positibong mga damdamin ng pagpapahalaga-sa-sarili, at mayroon silang pag-asa tungkol sa isang maaliwalas na kinabukasan sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos.—1 Juan 2:17; Apocalipsis 21:3, 4.
[Kahon sa pahina 9]
Sino ang Pakakasalan Mo?
Ang aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas ay nagbibigay ng ekselenteng mga mungkahi kung paano makikilala ng kabataan ang isa na maaaring interesado siyang mapangasawa. a Ipinakikita nito ang pangangailangan na makilala ang malalakas na punto ng isa gayundin ang kaniyang mahihinang punto, o kung ano ba siyang talaga. Paano mo magagawa iyan?
Una, maaari mong obserbahan ang isa. Paano ba siya gumagawi? Paano ba niya pinakikitunguhan ang ibang tao? Paano ba siya nakikipag-usap sa kaniyang mga magulang o sa ibang miyembro ng pamilya? Mahalaga ang mga bagay na ito sapagkat ipinahihiwatig nito kung paano ka niya maaaring pakitunguhan sa dakong huli.
Sa pamamagitan ng di-pormal na pag-uusap, masusumpungan mo kung ang kaniya bang mga interes at tunguhin ay katulad ng sa iyo. Maaari mo ring masumpungan kung ano ang palagay ng ibang tao tungkol sa taong ito.
Nanaisin mong malaman kung anong uri ng tao ito, ang tungkol sa kaniyang mga kaisipan, mga idea, at panloob na pagkatao. Paano siya kumikilos sa ilalim ng panggigipit? Sinu-sino ang kaniyang mga kaibigan? Anong klase ng pamilya mayroon siya, at paano ba nila pinakikitunguhan ang isa’t isa?
Ang paggawang magkasama ay maaaring magbigay sa iyo ng mas mabuting pang-unawa sa mga katangian ng taong iyon. Bigyan mo ng panahon na lumitaw ang di-kaayaayang mga ugali na maaaring taglay ng isa. Pagkatapos, gaya ng sabi ng ekselenteng aklat na ito tungkol sa mga kabataan na sinunod ang gayong matinong payo: “Bukás ang mga mata, maaari nilang pasukin ang pag-aasawa nang buong pagtitiwala na maaayos nila ang mga di-pagkakasundo na babangon. Ang matagumpay na pagliligawan ay naghanda sa kanila para sa isang matagumpay at maligayang pag-aasawa.”—Mga kabanata 29-32.
[Talababa]
a Ang aklat na ito ay inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., ang mga tagapaglathala ng magasing ito.
[Larawan sa pahina 7]
Ang kaakit-akit na mga bahagi ng katawan ay maaaring maging kahanga-hanga, subalit mas mahalaga ang mainam na panloob na mga katangian
[Larawan sa pahina 8]
Mas mabuting makilala ang isa’t isa sa mga dakong publiko kaysa gumugol ng panahon sa bukod na lugar na kayong dalawa lamang