Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Napakapopular ng Golf?

Bakit Napakapopular ng Golf?

Bakit Napakapopular ng Golf?

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Hawaii

MARAMING manlalaro ng golf mula sa Hapón na nagtutungo rito sa Hawaii sa paghahanap ng tinatawag na “perfect swing.” Sa Hapón ang pagiging miyembro sa pinakapiling samahan sa golf ay maaaring magkahalaga ng $1.5 milyon, hindi pa kasali riyan ang taunang butaw. Ang katamtamang butaw sa pagiging miyembro ngayon ay halos $188,500! Kaya, 15 porsiyento lamang ng mga manlalaro ng golf sa Hapón ang nakapaglalaro sa isang tunay na golf course. Hindi kontento sa pagpalo sa mga bola sa mga driving range doon, sila ay nagtutungo sa Hawaii, kung saan handa silang magbayad ng hanggang $100 para sa isang laro ng golf​—at itinuturing ito na isang baratilyo.

Sinuman ang unang pumalo ng isang bola sa pamamagitan ng isang patpat na ang layon ay ilagay ito sa loob ng isang maliit na butas nang ilang hampas lamang hangga’t maaari ay malamang na hindi niya naisip kailanman ang popularidad at pagkahumaling na lilikhain ng larong ito. Sa Hawaii lamang, may 64 na mga golf course, kabilang dito ang Ala Wai, marahil ang pinakaabala sa buong daigdig. Sa Estados Unidos, kung saan ang golf ay isang $20-bilyon-isang-taon na industriya, 1 tao sa 10 ang naglalaro nang hindi kukulanging isang laro sa isang taon, at may 5.5 milyon katao na naglalaro nang hindi kukulanging minsan sa bawat ikalawang linggo. Hindi isang kalabisang tawagin itong biglang popular, ngunit bakit? Ano ang dahilan ng popularidad nito?

Kung Paano Ito Nagsimula

Bagaman walang nakatitiyak kung kailan o saan nag-umpisa ang golf, nalalaman na maraming larong katulad ng golf ang nilaro sa Europa at Gran Britaniya mahigit na 500 taon na. Gayunman, noong 1457 unang binanggit ang golf bilang isang laro na nilaro sa Scotland. Ang laro, sa wari, ay naging napakapopular anupat inaakala ni Haring James II na kailangang magpasa ng isang utos upang ipagbawal ito upang ang kaniyang mga sakop ay gumugol ng higit na panahon ng pagsasanay sa pagpana, isang kasanayan na kailangan upang ipagtanggol ang kaniyang kaharian.

Noong 1744 isang pangkat ng mga lalaking taga-Scotland ang nagpasiya na panahon na upang organisahin ang larong ito, bigyan ito ng isang set ng nasusulat na tuntunin, at magtatag ng isang samahan sa golf. Gayon umiral ang Honourable Company of Edinburgh Golfers. Pagkaraan ng sampung taon, isa pang pangkat ng mga manlalaro sa St. Andrews, Scotland, ang nagtatag ng kanilang sariling samahan, na nang dakong huli’y naging kilala bilang ang Royal and Ancient Club of St. Andrews, o basta R. and A. Ito ang itinuturing ng marami na nagpapasiya sa mga tuntunin at mga regulasyon ng laro.

Noon, ang golf ay nilalaro sa mga burol at mga burol ng buhangin sa tabing-dagat. Ito ay ginagawa sa praktikal na mga kadahilanan. Pinananatili ng mga tupa at ng mga kuneho ang damo na maikli. Ang natural na mga sand trap ay nag-aanyo dahil sa inuuka ng nanganganlong na tupa ang ibabaw ng lupa hanggang sa buhangin sa ilalim. Tanging ang mga maharlika at mayayaman lamang ang makakakaya sa gastos at panahon na magtungo sa mga link na ito, gaya ng tawag dito. Tiyak na hindi ito isang laro para sa karaniwang tao. Sa katunayan, ang isa ay kailangang maging mayaman upang makaya niyang bayaran ang mga bola sa golf.

Ang pinakaunang mga bola sa golf ay yari mula sa balat ng toro, na siksik na nilamnan ng mga balahibo ng manok o gansa at tinahi sa kamay. Ang mga ito ay magastos at hindi nagtatagal. Ang pagkatuklas ng dagta mula sa puno ng Palaquium gutta sa Malaysia noong 1848 ang nagpangyari sa paggawa ng bago, mas murang bola. Ginawa nito ang golf na makakaya ng bulsa, at ang laro na di-nagtagal ay naging popular.

Lumalawak na Pang-akit

Karagdagan pa sa bumababang halaga ng mga bola at mga samahan sa golf, maraming iba pang salik ang nakatulong sa lumalawak na pang-akit ng laro. Ang pagbabago sa industriya ay nagpahintulot sa karaniwang mga tao ng higit na panahon at salapi upang gugulin sa paglilibang. Ang pagkakaroon ng mga riles ng tren ay gumawa sa paglalakbay sa mga golf course na mas madali at mas mura, at ang mga manlalaro ng golf ay maaari pa ngang maglakbay at maglaro sa iba’t ibang courses. Ginawang posible ng imbensiyon ng lawn mower (pantabas ng damo) na ang mga golf course ay maitayo sa mga lugar kung saan dating inaakalang di-praktikal dahil sa matataas na damo.

Ang mga tao ay naaakit sa golf sa iba’t ibang kadahilanan. Ito’y nagbibigay sa kanila ng ilang pagkakataon upang masiyahan sa labas ng bahay at kasabay nito ay magkaroon ng kaunting ehersisyo. Para sa iba ito ang pagkakataon upang makalayo sa mga kaigtingan at problema ng kanilang araw-araw na mga rutina at makasumpong ng kaunting kapayapaan at katahimikan sa natabas at luntiang damuhan. Ang iba naman ay nasisiyahan sa sosyal na aspekto ng golf​—isa itong laro kung saan ang mga tao ng iba’t ibang gulang, pinagmulan, at mga abilidad ay maaaring maglaro nang sama-sama. At walang karahasang nauugnay rito.

Isa pa, bahagi ng pang-akit ng golf ay nasa palakaibigang kompetisyon na posible sa pamamagitan ng pagtatala ng iskor. Salungat sa paraan ng paglaro sa karamihan ng ibang laro, sa golf mientras mas mababa ang iskor mas mabuti. May ilang paraan upang magtala ng iskor. Sa match play, ang manlalaro na makapaglalagay ng bola sa butas nang may pinakakaunting palo ang nananalo sa butas na iyon, at ang manlalaro na nananalo sa pinakamaraming butas sa buong laro ang nananalo sa laban. Sa score play, ang manlalaro na may pinakamababang kabuuang bilang ng palo sa buong laro ang panalo.

Yamang parami nang paraming tao ang naglalaro sa mga golf course, nagsimula ang mga torneo upang tiyakin kung sino ang pinakamagaling na mga manlalaro. Sa simula, ang mga nagwagi sa torneo ay ginantimpalaan ng isang medalya. Nang maglaon, idinagdag ang premyong salapi. Hindi nagtagal nagkaroon ng mga propesyonal sa golf, na ginagawang kanilang kabuhayan ang paglalaro ng golf mula sa isang torneo tungo sa isang torneo at sa pamamagitan ng pagkatawan sa isang samahan ng golf bilang propesyonal na manlalaro ng golf na kasapi ng isang samahan ng golf.

Lumaganap ang Interes sa Golf

Noong 1894 ang U.S. Golf Association ay natatag, at ang popularidad ng golf sa Amerika ay biglang tumaas. Sa pagdating ng internasyonal na paglalakbay, ang interes sa golf ay lumaganap sa ibang bahagi ng daigdig. Nang maglaon, ginawang posible ng paglalakbay sa himpapawid na magdaos ng mga torneo sa buong daigdig, at dinala ngayon ng pagsaklaw ng satelayt na telebisyon ang katuwaan, gayundin ang magandang tanawin ng bantog sa daigdig na mga golf course, sa sala. Ang biglang popularidad ng golf ay mabilis na lumalago. Gayundin ang masasabi sa premyong pera; ito ay lumaki mula sa wala pang $10,000 sa bawat torneo noong 1930’s at 1940’s tungo sa mahigit na $1,000,000 ngayon.

Yamang ang larong golf ay malapit na nauugnay sa isang magandang tanawin, di-nagtagal ito ay naging sentro ng maraming popular na mga bakasyunan. Upang akitin ang mga turista na pumunta at gumasta, ipinagmamalaki ng karamihan ng eksotikong mga bakasyunan ng daigdig ang mga golf course na idinisenyo ng mga arkitekto. Kinikilala rin ng mga nagpapaunlad ng lupa ang potensiyal na pakinabang sa pagsasama ng primera-klaseng mga golf course bilang pangunahing atraksiyon sa kanilang ginagawang mga residensiyal. Iniuulat ng magasing Business Week na 70 porsiyento ng mga golf course na itinatayo ngayon ay bahagi ng isang real-estate development.

Golf na Istilong Hawayano

Ngayon, ang Hawaii ay isang paraiso para sa mga manlalaro ng golf na may 61 na mga course pang binabalak. Gayon man, maaaring hindi pa rin iyan sapat upang matugunan ang pangangailangan, sapagkat habang ang kasalukuyang salinlahing palaisip sa kalusugan ng katawan ay nagkakaedad at nasusumpungan nila na ang isports na gaya ng jogging, tennis, at racquetball na medyo napakasigla, marami sa kanila ang sa halip ay naglalaro ng golf.

Para sa iba ang golf ay isang mabuting paraan ng paggawa ng negosyo. Ang mahahabang lakad o sakay sa pagitan ng mga butas ay nagpapahintulot ng maraming pagkakataon para sa mga negosyante na gawin ang kanilang mga deal. “Binigyan ako nito ng limang oras na kasama ng mga kliyente na hindi ko kailanman nagawa noon,” sabi ng isang manedyer ng isang pinansiyal na institusyon, na ginagawa ang karamihan ng kaniyang negosyo sa golf course. Inaakala pa nga ng iba na mahalagang maglaro ng golf nang mahusay upang umasenso at tanggapin ka sa daigdig ng negosyo.

Bagaman iniuugnay ng karamihan ng mga tao ang golf sa mayayaman at mga kilalá, binago ng mga course na pampubliko ang larawang iyan. Pinahihintulutan nito yaong mga hindi kayang sumali sa isang samahán na masiyahan sa laro. Ipinakikita ng pambansang estadistika na halos kalahati ng mga manlalaro ng golf sa Estados Unidos ay mga eskribiyente o manggagawa sa pabrika. Ang mga residente sa Hawaii, halimbawa, ay makapaglalaro sa isang pampublikong golf course nang wala pang sampung dolyar.

Bagaman may hindi gaanong magastos na paraan ng pagpapalipas ng isang araw kaysa sa isang golf course, para sa isang manlalaro ng golf wala nang kasiyahan na makakatulad ang pagpalo sa bola sa pamamagitan ng isang mahusay na unday at makita itong lumipad pababa sa natabas na damuhan. Ang tahimik na kapaligiran, ang amoy ng bagong-tabas na damo, ang magandang tanawin, at ang mga kaibigan ay pawang kalugud-lugod na karagdagang mga pakinabang na nagpapaganda sa nalalapit na negosyo​—ang paghahanap ng “perfect swing.”

[Picture Credit Lines sa pahina 23]

Ang Larawan sa Kagandahang-loob ng Mauna Kea Beach Hotel

Ang Larawan sa Kagandahang-loob ng Mauna Kea Beach Hotel