“Death Metal”—Ano ang Mensahe?
“Death Metal”—Ano ang Mensahe?
ISANG mabalasik-mata, mahabang-buhok na binata ang nakatayo sa harap ng nagpapalakpakan, nagsisigawang mga tagahanga. Siya ay kumuha ng isang timba na punô ng dugo at mga lamang-loob ng hayop at ibinuhos ito sa mga nakaupo sa mga unang hanay. Ang mga tagahanga ay nagtawanan, ipinahid ang nabuhos na bagay sa kanilang sarili, at nagbatuhan ng mga tipak. Ang tanawing ito, sang-ayon sa St. Petersburg Times ng Florida, ay naganap sa isang konsiyertong rock ng isang banda na tinatawag na Deicide, na ang ibig sabihin ay ‘ang pagpatay sa isang diyos.’ Ang uring ito ng musika ay tinatawag na death metal, ipinalalagay na ang sukdulang anyo ng napakaingay na musikang rock (heavy-metal rock). Nitong nakalipas na mga taon ito ay naging mas popular sa Florida at sa buong daigdig, mula nang magtagumpay ang isang album na pinamagatang Scream Bloody Gore, ng isang banda na tinatawag na Death.
Ang bandang Deicide ay pinangungunahan ng isang kilalang Satanista na nagsasabing kinapootan niya ang Diyos mula nang siya’y maaksidente sa kotse na nag-iwan sa kaniya ng pilat na hugis-J, na natitiyak niyang kumakatawan daw alin kay Jesus o kay Jehova. Sinasabi niyang siya’y nakaririnig ng mga tinig na humihimok sa kaniya na magpakamatay, at sinunog niya ang isang satanikong sagisag sa kaniya mismong noo.
Kahit ang kasalukuyang heavy-metal na mga pangkat ay naghahatid ng mga mensahe na lubhang kakatuwa. Iniulat ng magasing Time na ang dalawang rekord album ng heavy-metal na pangkat na Guns N’ Roses ay nagbenta ng mahigit na 1.5 milyong kopya sa loob ng tatlong araw. Gayunman, ipinagpapatuloy ng mga album ang tinatawag ng Time na “walang tigil na pagpapasamâ [ng banda] sa mga babae at mararahas na mga liriko” at “ang kanilang pagtalakay sa takot at pagkapoot sa mga estranghero o dayuhan, pagtatangi ng lahi at pagkakaroon ng kasiyahan sa pagpapahirap sa iba o sa sarili.” Itinatampok din nila ang mga paksang gaya ng oral sex, pagpatay, at labis-labis na kalapastanganan. Ang ilang magkakaugnay na mga tindahan ay tumangging ibenta ang mga rekord.
Ang heavy-metal rock, gayundin ang ilang musikang rap, ay higit at higit na pinupulaan—at hindi lamang mula sa relihiyosong mga pundamentalista at sa masyadong konserbatibong pulitikal na mga grupo; ang American Medical Association (AMA) at ang American Academy of Pediatrics ay nagsalita rin laban sa pangunahing mga panganib ng liriko sa kapuwa istilo ng musika. Sang-ayon sa magasing American Health, sabi ng AMA: “Ang mga mensaheng inilalarawan ng ilang uri ng musikang rock ay maaaring magharap ng isang tunay na panganib sa pisikal na kalusugan at emosyonal na kapakanan lalo na ng mahinang mga bata at mga tin-edyer.”
Talaga bang mapanganib ang mga uring ito ng musika? Bueno, isaalang-alang ang anim na karaniwang paksa ng rap at heavy-metal na musika na sinasabi ng AMA na mapanganib: pag-abuso sa droga at alkohol, pagpapakamatay, karahasan, pagsamba kay Satanas, seksuwal na pagsasamantala, at pagtatangi ng lahi. Ang mga paksa bang iyon ay nakapagpapatibay?—Ihambing ang Kawikaan 6:27, 28; Filipos 4:8.