Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Babae—Iginagalang ba sa Tahanan?

Mga Babae—Iginagalang ba sa Tahanan?

Mga Babae​—Iginagalang ba sa Tahanan?

“Isa-isa, ang mga babae ay dumanas ng kakila-kilabot na mga kamatayan. . . . At bagaman ang paraan ng kanilang kamatayan ay nagkakaiba, ang saligang kalagayan ay hindi nagkakaiba: Sinasabi ng pulisya sa Quebec [Canada] na ang bawat babae ay pinatay ng isang dati o kasalukuyang asawa o mangingibig. Lahat-lahat, 21 babae sa Quebec ang napatay sa taóng ito [1990], mga biktima ng isang daluyong ng karahasan ng mag-asawa.”​—Maclean’s, Oktubre 22, 1990.

ANG karahasang pangmag-anak, tinatawag ng ilan na “ang madilim na bahagi ng buhay pampamilya,” ay naghahasik ng isang ani ng wasak na mga pamilya at nagkakaroon ng mga anak na may pilipit na pangmalas sa kung ano nga ba ang nararapat na maging kaugnayan sa pagitan ng mag-asawa. Ang mga bata ay nalilito kung sino sa kanilang magulang ang kanilang kakampihan habang inuunawa nila kung bakit sinasaktan ni itay si inay. (Kung minsan, ang tanong ay, bakit napakalupit ni inay kay itay?) Karaniwang kasali sa bunga ng karahasan sa sambahayan ang mga anak na lalaki na lumalaki at nambubugbog din ng asawa. Ang impresyon ng kanilang ama ay nag-iwan sa kanila ng malubhang mga suliraning saykolohikal at gayundin sa personalidad.

Ang publikasyon ng UN na The World’s Women​—1970-1990 ay nagsasabi: “Ang mga pagsalakay ng mga lalaki sa mga babae sa kanilang tahanan ay ipinalalagay na siyang hindi gaanong iniuulat na krimen​—sa bahagi ay dahilan sa ang gayong karahasan ay nakikita bilang isang sakit ng lipunan, hindi isang krimen.”

Gaano kasama ang pag-abuso ng asawa sa Estados Unidos? Ang report ng Senado na sinipi sa naunang artikulo ay nagsasabi: “Ang terminong ‘karahasang pangmag-anak’ ay maaaring suwabe ang dating, subalit ang paggawi na inilalarawan nito ay malayo sa pagiging suwabe. Ipinakikita ng mga estadistika ang isang nakatatakot na larawan kung gaano kaseryoso​—nakamamatay pa nga—​ang pag-abuso ng asawa. Sa pagitan ng 2,000 at 4,000 babae ang namamatay taun-taon dahil sa pag-abuso. . . . Di-gaya ng ibang krimen, ang pag-abuso ng asawa ay ‘talamak’ na karahasan. Ito ay walang lubay na pananakot at paulit-ulit na pamiminsala sa katawan.”

Ang magasing World Health ay nagsasabi: “Ang karahasan laban sa mga babae ay nangyayari sa bawat bansa at sa bawat uri ng lipunan at kabuhayan. Sa maraming kultura, ang pambubugbog-sa-babae ay ipinalalagay na karapatan ng lalaki. Kadalasan, ang rutinang pambubugbog at panghahalay sa mga babae at batang babae ay itinuturing na ‘personal na mga bagay’ na walang kinalaman ang iba​—maging ang legal na mga awtoridad o ang mga kawani sa kalusugan.” Ang karahasang ito sa tahanan ay maaaring madaling kumalat sa kapaligiran sa paaralan.

Ito ay inilarawan sa kung ano ang nangyari sa isang estudyanteng babae sa isang boarding school sa Kenya noong Hulyo 1991. Ang The New York Times ay nag-ulat na “71 tin-edyer na mga babae ay hinalay ng mga estudyanteng lalaki at 19 pa ang namatay sa isang gabi dahil sa karahasan sa dormitoryo na iniulat na . . . patuloy na hindi siniyasat ng lokal na pulisya o ng mga guro.” Paano maipaliliwanag ang pandadaluhong na ito ng seksuwal na karahasan? “Binigyang-diin ng trahedyang ito ang kasuklam-suklam na pagmamataas ng mga lalaki na nangingibabaw sa sosyal na buhay sa Kenya,” sulat ni Hilary Ng’Weno, punong editor ng The Weekly Review, ang pinakamabiling magasin ng Kenya. “Ang kalagayan sa buhay ng ating mga babae at mga batang babae ay nakalulungkot. . . . Pinalalaki natin ang ating mga anak na lalaki na magkaroon ng kaunti o walang paggalang sa mga babae.”

Nariyan ang ugat ng problema sa buong daigdig​—ang mga batang lalaki ay kadalasang pinalalaki taglay ang palagay na ang mga batang babae at ang mga babae ay nakabababa, mga nilalang na maaaring pagsamantalahan. Ang mga babae ay nakikita bilang mahihina at madaling pangibabawan. Mula roon ay maikling hakbang na lamang upang hindi igalang ang babae at ang tahasang pagmamataas ng lalaki at ang maikling hakbang tungo sa paghalay sa kakilala o paghalay sa ka-date. At tungkol sa panghahalay, huwag kaligtaan na “ang isang pagsalakay ay maaaring matapos sa loob ng ilang sandali, subalit ang damdamin ay apektado habang-buhay.”​—Report ng Senado.

Maraming lalaki, bagaman hindi naman pisikal na marahas laban sa mga babae, ay maaaring ilarawan bilang mga napopoot sa mga babae. Sa halip na pisikal na karahasan, sila’y gumagamit ng saykolohikal na pag-abuso o pambubugbog. Sa kaniyang aklat na Men Who Hate Women & the Women Who Love Them, ganito ang sabi ni Dr. Susan Forward: “Gaya ng paglalarawan sa kanila ng kanilang mga kabiyak, [ang mga lalaking ito] ay kadalasang kahali-halina at maibigin pa nga, subalit sila ay biglang nagiging malupit, mapunahin, at mapaghamak. Malawak ang saklaw ng kanilang paggawi, mula sa maliwanag na pananakot at pagbabanta hanggang sa mas tuso, palihim na mga pagsalakay sa anyong madalas na pagpapahiya o nakaaagnas na kritisismo. Anuman ang istilo, ang mga resulta ay pareho. Ang lalaki ay nagkakaroon ng pangangasiwa sa pamamagitan ng panliligalig sa babae. Maaari ring tanggihan ng lalaki na kumuha ng anumang pananagutan sa kung ano ang nadarama ng kanilang mga kabiyak sa kanilang mga pagsalakay.”

Sinabi ni Yasuko, a isang maliit na Haponesa, ngayo’y 15 taon nang kasal, ang karanasan ng kaniyang pamilya sa Gumising!: “Palaging ginugulpe at minamaltrato ng aking tatay ang aking nanay. Sinisipa at sinusuntok niya siya, kinakaladkad sa kaniyang buhok, at binabato pa nga siya ng mga bato. At alam mo ba kung bakit? Sapagkat siya’y nangahas na hamunin siya tungkol sa kaniyang pambababae. Alam mo, sa kulturang Hapones, ipinalalagay na normal lamang para sa ilang lalaki na magkaroon ng kerida. Kung ihahambing sa kaniyang mga kapanahon, ang aking ina ay adelantado sa kaniyang pag-iisip at hindi niya tinanggap ito. Pagkaraan ng 16 na taon ng pag-aasawa at apat na mga anak, siya ay nakipagdiborsiyo. Siya ay walang nakuhang suporta para sa kaniyang mga anak mula sa aking ama.”

Gayunman, kahit na kung saan ang pambubugbog sa asawang babae ay iniulat sa mga awtoridad, kadalasan nang hindi nahadlangan ang isang mapaghiganting asawang lalaki sa pagpatay sa kaniyang asawa. Kadalasan, sa mga bansang gaya ng Estados Unidos, ang batas ay hindi sapat upang pangalagaan ang isang pinagbabantaan at tinatakot na asawa. “Ipinakikita ng isang pag-aaral na mahigit na kalahati ng lahat ng mga pagpatay sa mga babae ng kani-kanilang mga asawa, ang pulisya ay tinawag sa tahanan limang beses noong nakaraang taon upang siyasatin ang isang reklamo tungkol sa karahasang pangmag-anak.” (Report ng Senado) Sa ilang grabeng mga kaso, upang iligtas ang kaniyang sarili buhat sa higit pang mga pag-abuso, pinaslang ng babae ang kaniyang asawa.

Ang karahasang pangmag-anak, kung saan ang babae ang karaniwang biktima, ay makikilala mismo sa maraming iba’t ibang paraan. Sa India ang iniulat na bilang ng tinatawag na doteng kamatayan (mga asawang lalaki na pinapatay ang mga babae dahil sa hindi nasisiyahan sa dote na ibinayad ng pamilya ng babae) ay dumami mula 2,209 noong 1988 tungo sa 4,835 noong 1990. Gayunman, ang bilang na ito ay hindi maituturing na kumpleto o ganap, yamang maraming kamatayan ng mga asawang babae ang maling inilalarawan bilang mga aksidenteng pangmag-anak​—karaniwan nang sa pamamagitan ng sadyang pagsusunog sa pamamagitan ng kerosene na gamit sa pagluluto. Idagdag pa rito ang mga pagpapatiwakal ng mga babae na hindi na makayanan ang hirap ng pamilya.

Kapag ang Pagpili ay mga Anak na Lalaki o Babae

Ang mga babae ay pinakikitunguhan nang masama mula sa pagsilang at kahit na bago pa ang pagsilang. Papaano? Kinapanayam ng Gumising! si Madhu mula sa Bombay, India, para sa isang kasagutan: “Kapag isang anak na lalaki ang isinisilang sa isang sambahayang Indian, may kasiyahan. Tapos na ang mga problema ng ina. Ngayon ang mga magulang ay may anak na lalaking mangangalaga sa kanila sa kanilang pagtanda. Garantisado na ang kanilang ‘social security’. Subalit kung siya ay magsisilang ng isang anak na babae, siya ay itinuturing na bigo. Para bang siya ay nagdala ng isa pang pasanin sa mundo. Ang mga magulang ay maglalaan ng magastos na dote upang siya ay maipakasal. At kung ang isang ina ay patuloy na manganganak ng mga babae, kung gayon siya ay isang talunan.” b

Ang babasahin na Indian Express ay nag-ulat tungkol sa mga batang babae sa India: “Ang kanilang kaligtasan ay hindi ipinalalagay na talagang mahalaga sa kaligtasan ng pamilya.” Binabanggit ng babasahing iyon ang isang surbey sa Bombay na “nagsiwalat na sa 8,000 ipinagbubuntis na sanggol na ipinalaglag pagkatapos ng mga pagsubok kung ano ang sekso ng sanggol, 7,999 ay mga babae.”

Si Elisabeth Bumiller ay sumulat: “Ang kalagayan ng ilang babaing taga-India ay kaawa-awa anupat ang kanilang problema ay binigyan ng pansin na ibinibigay sa etniko at panlahing mga minoridad sa ibang bahagi ng daigdig, sila ay tutulungan ng mga pangkat na tumitingin sa mga karapatang pantao.”​—May You Be the Mother of a Hundred Sons.

“Ang Trabaho ng Babae ay Hindi Natatapos”

“Ang trabaho ng babae ay hindi natatapos” ay maaaring isang kasabihan. Subalit binabanggit nito ang isang katotohanan na madalas makaligtaan ng mga lalaki. Ang isang babae na may mga anak ay walang luho ng isang takdang iskedyul ng trabaho, mula alas otso hanggang alas singko, gaya ng mga lalaki. Kung ang bata ay umiiyak sa gabi, sino ang malamang na babangon? Sino ang naglilinis, naglalaba, at namamalantsa? Sino ang naghahanda at naghahain ng mga pagkain kapag ang asawang lalaki ay dumarating buhat sa trabaho? Sino ang nagliligpit ng kinanan pagkatapos kumain at saka nagpapatulog sa mga bata? At sa maraming bansa, karagdagan pa sa lahat ng ito, sino ang inaasahang mag-iigib ng tubig mula sa malayo at magtatrabaho pa nga sa bukid na pasan-pasan ang bata sa kaniyang likod? Karaniwan na ang ina. Ang kaniyang iskedyul ay hindi lamang 8 o 9 na oras isang araw; kadalasang ito’y 12 hanggang 14 o higit pa. Gayunman, wala siyang tinatanggap na sahod para sa overtime​—at kadalasan ay hindi pa nga pinasasalamatan!

Sang-ayon sa magasing World Health, sa Ethiopia maraming “babae ang inaasahang magtrabaho ng 16 hanggang 18 oras isang araw, [at] ang antas ng kanilang kita ay napakababa anupat hindi nila maitaguyod ang kanilang sarili at ang kanilang mga pamilya. . . . Ang gutom ang karaniwang palatandaan; sa karamihan ng mga kaso, sila [ang mga babae ang tagatipon at tagabuhat ng mga kahoy na panggatong] ay nakakukuha lamang ng isang di-kumpletong pagkain sa isang araw at karaniwang umaalis ng kanilang mga tahanan nang hindi nag-aagahan.”

Si Siu, orihinal na mula sa Hong Kong, 20 taon nang kasal, ay nagsabi: “Sa mga Intsik, waring minamaliit ng mga lalaki ang mga babae, ipinalalagay sila bilang mga katulong sa bahay at mga tagapagdala ng anak o, sa sukdulang kaso naman, bilang mga idolo, laruan, o mga bagay na may kaugnayan sa sekso. Subalit sa totoo, nais naming mga babae na kami’y tratuhin bilang intelihenteng mga nilalang. Nais naming pakinggan kami ng mga lalaki kapag kami’y nagsasalita at hindi lamang kumilos na para bang kami’y mga tau-tauhan!”

Hindi kataka-taka na ang aklat na Men and Women ay nagsasabi: “Saanman, kahit na kung ang mga babae ay lubhang pinahahalagahan, ang mga gawain ng mga lalaki ay mas pinahahalagahan kaysa mga babae. Hindi mahalaga kung anong papel o atas ang italaga ng lipunan sa pagitan ng mga sekso; yaong sa mga lalaki ay tiyak na mahalaga sa paningin ng buong pamayanan.”

Ang totoo ay na ang papel ng babae sa tahanan ay karaniwang ipinagwawalang-bahala. Kaya, ang paunang-salita sa The World’s Women​—1970-1990 ay nagsasabi: “Ang kalagayan sa buhay ng mga babae​—at ang kanilang tulong sa pamilya, sa ekonomiya at sa sambahayan—​ay pangkalahatang di-nakikita. Maraming estadistika ang binigyang-kahulugan sa mga terminong naglalarawan sa mga kalagayan at mga nagawa ng mga lalaki, hindi ng mga babae, o na basta hindi pinapansin ang kasarian. . . . Karamihan ng trabahong ginagawa ng mga babae ay hindi pa rin itinuturing na may anumang halaga sa ekonomiya​—at hindi man lamang ito sinusukat.”

Noong 1934, ang manunulat sa Hilagang Amerika na si Gerald W. Johnson ay nagpahayag ng mga opinyon tungkol sa mga babae sa dako ng trabaho: “Madalas na nakukuha ng isang babae ang trabaho ng isang lalaki subalit bihira niyang makuha ang sahod na tinatanggap ng isang lalaki. Ang dahilan ay sapagkat walang maisip na anyo ng araw-araw na trabaho na hindi mas mabuting magagawa ng ilang lalaki kaysa magagawa ng sinumang babae. Ang pinakamagaling na mananahi ng damit at tagagawa ng sombrero ay mga lalaki . . . Ang pinakamahuhusay na kusinero ay walang salang mga lalaki. . . . Isang katotohanan ngayon na ang sinumang maypatrabaho ay handang magbigay sa isang lalaki ng higit na pera kaysa ibibigay niya sa isang babae para sa parehong trabaho sapagkat naniniwala siyang mas mabuting magagawa ito ng lalaki.” Ang komentong iyan, bagaman ito ay maaaring isang kalabisan, ay nagpapabanaag ng pagkiling ng panahon, na nasa isipan pa rin ng maraming lalaki.

Kawalan ng Paggalang​—Isang Pambuong-Daigdig na Problema

Ang bawat kultura ay nagkaroon ng mga saloobin, mga pagkiling, at mga masamang opinyon kung tungkol sa papel ng mga babae sa lipunan. Subalit ang tanong na dapat sagutin ay, Ang mga saloobin bang ito ay nagpapakita ng nararapat na paggalang sa dignidad ng mga babae? O, bagkus, ipinababanaag ba nito ang pangingibabaw ng lalaki sa loob ng mga dantaon dahil sa nakahihigit na pisikal na lakas ng lalaki? Kung ang mga babae ay tinatrato bilang mga alipin o mga bagay na maaaring pagsamantalahan, kung gayon nasaan ang paggalang sa kanilang dignidad? Sa paano man, pinasamâ ng karamihan ng mga kultura ang papel ng babae at pinababa ang kaniyang pagpapahalaga-sa-sarili.

Ang isang halimbawa ng marami mula sa buong daigdig ay nanggagaling sa Aprika: “Ang mga babaing Yoruba [Nigeria] ay dapat magkunwang walang-alam at walang-imik sa harap ng kanilang mga asawa, at kapag naghahain ng pagkain, sila ay hinihiling na lumuhod sa paanan ng kanilang mga asawa.” (Men and Women) Sa iba pang bahagi ng daigdig, ang pagiging sunud-sunurang ito ay maaaring ipakita sa iba’t ibang paraan​—ang babae ay kailangang lumakad nang ilang distansiya sa likuran ng kaniyang asawa, o siya ay kailangang maglakad samantalang ang lalaki ay nakasakay sa kabayo o sa mula, o ang babae ang nagpapasan ng mga dalahin samantalang ang asawang lalaki ay walang dala, o ang pagkain nang hiwalay, at iba pa.

Sa kaniyang aklat na The Japanese, si Edwin Reischauer, ipinanganak at lumaki sa Hapón, ay sumulat: “Ang mga saloobin ng kahigitan ng mga lalaki ay kitang-kita sa Hapón. . . . Isang dobleng pamantayan sa sekso, na nag-iiwan sa lalaki na malaya at sa babae na natatakdaan, ay karaniwan pa rin. . . . Isa pa, ang mga babaing may asawa ay inaasahang maging mas tapat kaysa mga lalaki.”

Gaya sa maraming bansa, ang seksuwal na panliligalig ay problema rin sa Hapón, lalo na sa siksikang mga kotse ng tren sa subway kung apurahang oras. Si Yasuko, mula sa Hino City, isang arabal ng Tokyo, ay nagsabi sa Gumising!: “Bilang isang dalaga, ako’y sumasakay ng tren patungong Tokyo. Talagang nakakahiya sapagkat sinasamantala ng ilang mga lalaki ang kalagayan upang mangurot at manghipo kailanma’t magagawa nila. Ano ang magagawa ng mga babae tungkol dito? Kailangang pagtiisan namin ito. Subalit ito’y nakahihiya. Sa apurahang oras sa umaga, may bukod na kotse ng tren para sa mga babae, sa paano man ay naliligtasan ng ilan ang mga paghamak na iyon.”

Si Sue, isang dating residente sa Hapón, ay may kaniyang paraan upang maiwasan ang mga atensiyong ito. Sasabihin niya sa malakas na tinig, “Fuzakenai de kudasai!” na ang ibig sabihin “Walang lokohan!” Aniya: “Iyan ay agad na nakatatawag ng pansin at pagkilos. Walang sinuman ang may gustong mapahiya sa harap ng iba. Kapagdaka walang ni isang lalaki man ang humipo sa akin!”

Ang kawalan ng paggalang sa mga babae sa sambahayan ay maliwanag na isang pambuong-daigdig na problema. Subalit kumusta naman ang tungkol sa papel ng mga babae sa dako ng trabaho? Sila ba ay higit na iginagalang at kinikilala roon?

[Mga talababa]

a Ang mga kinapanayam ay humiling na huwag banggitin ang kanilang pangalan. Ang kahaliling pangalan ang ginamit sa lahat ng mga artikulong ito.

b Halos laging isinisisi ng mga asawang lalaki sa babae ang pagkakaroon ng mga anak na babae. Hindi nila pinag-iisipan ang tungkol sa genetikong mga dahilan sa pagsilang ng isang babae. (Tingnan ang kahon, sa pahinang ito.)

[Kahon sa pahina 6]

Paano ba Nalalaman ang Sekso ng Bata?

“Ang sekso ng ipinagbubuntis na sanggol ay natitiyak sa sandali ng pertilisasyon, at ang similya buhat sa ama ang siyang nagpapasiya. Ang bawat obum, o itlog, na ginagawa ng babae ay babae sa diwa na ito ay naglalaman ng isang X, o isang babae, na sex chromosome. Sa lalaki, kalahati lamang ng similya ang nagdadala ng isang X na chromosome, samantalang ang natitira pang kalahati ay nagdadala ng isang Y, na lalaking sex chromosome.” Samakatuwid, kung dalawang X na chromosome ang magsama, ang resulta ay magiging isang babae; kung isang lalaking Y ay sumama sa babaing X, ang sanggol ay magiging lalaki. Kaya, kung baga ang isang babae ay magkakaanak ng mga lalaki o babae ay tinitiyak ng chromosome sa similya ng lalaki. (ABC’s of the Human Body, isang publikasyon ng Reader’s Digest) Hindi nga makatuwiran na sisihin ng lalaki ang kaniyang asawa sa pag-aanak ng mga babae lamang. Walang dapat sisihin. Ito ay isa lamang loterya ng pag-aanak.

[Kahon/Larawan sa pahina 8]

Isang Napakalaking Trahedya

Sa kaniyang aklat na Feminism Without Illusions, si Elizabeth Fox-Genovese ay sumulat: “May mabuting dahilang maniwala na maraming lalaki . . . ay unti-unting natutuksong gamitin ang [kanilang] lakas sa isang kalagayan na maliwanag na nagbibigay pa rin sa kanila ng bentaha​—ang kanilang personal na relasyon sa mga babae. Kung ako’y tama sa hinala kong ito, ating minamasdan kung gayon ang napakalaking trahedya.” At saklaw ng napakalaking trahedyang ito ang milyun-milyong kababaihan na nagdurusa araw-araw sa mga kamay ng isang maton na asawa, isang ama, o sinumang ibang lalaki​—isang lalaki na hindi “nakatutugon sa mga pagsubok ng pagkamakatao at katarungan.”

“Sa tatlumpung estado [ng Estados Unidos], legal pa rin sa mga asawang lalaki na halayin ang kanilang mga asawa; at sampung estado lamang ang may mga batas na nag-uutos ng pagdakip sa karahasang pangmag-anak . . . Nasusumpungan ng mga babaing walang mapagpilian kundi ang lumayas na ito man ay hindi rin nakatulong. . . . Sangkatlo ng 1 milyong binugbog na mga babae na naghahanap ng emergency na tirahan sa bawat taon ay walang masumpungang tirahan.”​—Pambungad sa Backlash​—The Undeclared War Against American Women, ni Susan Faludi.

[Larawan]

Para sa milyun-milyon, ang karahasang pangmag-anak ang madilim na panig ng buhay pampamilya

[Larawan sa pahina 7]

Daan-daang angaw ang namumuhay nang walang tubig sa gripo, alkantarilya, o kuryente sa kanilang mga tahanan ​—kung may tahanan man sila