Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Edukasyon sa Sekso Ako’y sumusulat upang taimtim kayong pasalamatan sa inyong mga artikulo tungkol sa “Edukasyon sa Sekso​—Sino ang Dapat Magturo Nito?” (Pebrero 22, 1992) May dalawa akong anak at kailanman ay hindi ko ipinakipag-usap sa kanila ang tungkol sa bagay na ito. Kailanman ay hindi ako tumanggap ng gayong edukasyon, at hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa kanila at kung paano ko gagawin ito. Subalit pagkatapos kong basahin ang mga artikulong iyon, magkahiwalay kong kinausap ang bawat bata. Ito’y isang kasiya-siyang karanasan, isang karanasan na dapat maranasan ng mga magulang.

M. A. P., Espanya

Ang artikulong ito ay hindi nakasisindak kundi malinaw at magalang na ipinaliliwanag nito kung paano natin matuturuan ang ating mga anak. Salamat sa pagtulong ninyo sa akin na pahalagahan na nakaligtaan kong gawin iyon. Itinuwid ko ang mga bagay, dahil sa kahanga-hangang artikulong ito.

V. B., Pransiya

Ako’y 25-anyos na babae na ngayo’y nagpapahalaga sa pangmalas ng Bibliya tungkol sa moralidad sa sekso. Ang tinatawag na kasiyahan ng pakikiapid ay hindi sulit sa di-maiiwasang kawalan ng kapayapaan ng isip. Kahit na hindi na ako bata o tin-edyer, inaakala kong natuto ako ng mahahalagang aral mula sa mga artikulo.

S. H., Estados Unidos

Wala pa akong nabasang gaya nito sa buong buhay ko. Kahanga-hanga na kayo’y nagtuturo kung paano ituturo ang edukasyon sa sekso sa mga bata at, kasabay nito, tinutulungan silang magkaroon ng mataas na mga pamantayang moral.

N. C., Italya

Ako’y ina ng dalawang tin-edyer na babae. Kahanga-hangang natalakay ko sa kanila ang tungkol sa lahat ng aspekto ng sekso. Subalit ako ay ina rin ng dalawang batang lalaki, edad 11 at 9 anyos. Bagaman natalakay ko na sa kanila ang tungkol sa sekso sa panlahat na paraan, hindi ko pa natalakay sa kanila ang tungkol sa mga pagbabago sa katawan na mararanasan nila. Nitong hapon lamang ay dumating ang inyong kahanga-hangang magasin mula sa koreo. Tutulungan ako nito sa pakikipag-usap ko tungkol dito sa dalawa kong anak na lalaki.

P. W., Australia

Bilang isang batang babae, ako po’y nakinabang nang husto mula sa pagbabasa ng magasing ito. Hindi ho alam ng mga magulang ko kung paano kami bibigyan ng angkop na edukasyon sa sekso. Sa tulong ni Jehova, naiwasan ko pong lumayo sa mga pamantayang moral ng Diyos. At, inaasahan kong tutulungan ng artikulong ito ang mga magulang na hindi pa nakikipag-usap sa kanilang mga anak tungkol sa mga bagay na may kaugnayan sa sekso.

A. M., Mexico

Ang inyong mungkahi na ang edukasyon sa sekso ay dapat ituring na isang “sekreto ng pamilya” ay maaaring di-sinasadyang magbunga ng malaking problema sa ilan sa inyong mga mambabasa. Ang mga social worker, mga guro, mga nars, at iba pang propesyonal ay sinasanay na ngayon na bantayan ang mga palatandaan ng pag-abuso sa bata. Ang salitang “sekreto” kapag ginamit ng isang bata ay isa sa gayong palatandaan, yamang maraming mang-aabuso sa sekso ang nagsasabi sa mga bata na ilihim ang pag-abuso.

E. R. N., Estados Unidos

Itinawag-pansin ito sa amin ng ilang mambabasa, at ikinalulungkot namin kung kami’y nakagawa ng anumang pinsala sa aming mga mambabasa na sensitibo sa isyu ng pag-abuso sa bata. Naniniwala kami na ito’y isang magaling na punto. Upang maiwasan ang posibleng di-pagkakaunawaan, makabubuti kung ilalarawan ng mga magulang ang seksuwal na mga bagay bilang “pribado” sa halip na “sekreto.”​—ED.