Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paggalang sa mga Babae sa Kongregasyon

Paggalang sa mga Babae sa Kongregasyon

Paggalang sa mga Babae sa Kongregasyon

PARA sa mga Kristiyano itinatatag ng Bibliya ang teokratikong kawing ng pagkaulo, na ang Diyos ang ulo ni Kristo, si Kristo naman ang ulo ng lalaki, at ang lalaki ang ulo ng babae. (1 Corinto 11:3) Gayunman, ang pagpapasakop na ito ay hindi nangangahulugan ng diktadura. Ang pagkaulo sa pamilya ay hindi kailanman itinatag sa pamamagitan ng karahasan, ito man ay pisikal, sikolohikal, o bibigan. Isa pa, ang pagkaulong Kristiyano ay may pasubali at hindi nangangahulugan na ang asawang lalaki ay maaaring maging hari-harian na itinuturing ang kaniyang sarili na hindi nagkakamali. a Ang kabatiran kung paano at kailan magsasabi ng “Ikinalulungkot ko, tama ka” ay maaaring tumulong sa maraming pag-aasawa na maging nakagiginhawa sa isa’t isa at nagtatagal. Gayunman, anong dali nga na ang mga pananalitang iyon ng kapakumbabaan ay hindi mabigkas-bigkas!​—Colosas 3:12-14, 18.

Sa kanilang payo tungkol sa pag-aasawa, lagi tayong ibinabalik ng Kristiyanong mga apostol na sina Pablo at Pedro sa halimbawa ni Kristo. Ang paggalang ay nakakamit dahil sa nakagiginhawang halimbawa ng asawang lalaki habang tinutularan niya ang huwarang ipinakita ni Kristo, yamang “ang lalaki ang ulo ng kaniyang asawa gaya ng Kristo na siya ring ulo ng kongregasyon, yamang siya ang tagapagligtas ng katawang ito.”​—Efeso 5:23.

Ang payo ni Pedro sa mga asawang lalaki ay maliwanag: “Gayundin naman kayong mga lalaki, patuloy na makipamahay kayong kasama [ng inyu-inyong asawa] ayon sa pagkakilala.” (1 Pedro 3:7) Ganito ang pakahulugan sa ibang pangungusap ng modernong salin sa Kastila ng kaisipang ito, na ang sabi: “Tungkol sa mga asawang lalaki: magpakita kayo ng taktika sa inyong pagsasama, nagpapakita ng konsiderasyon sa asawang babae.” Ang mga pananalitang ito ay nagpapahiwatig ng maraming salik, kasali na ang pagiging sensitibo sa ugnayang mag-asawa. Hindi dapat malasin ng lalaki ang kaniyang asawa na para bang isa lamang sasakyan para sa kasiyahan sa sekso. Isang asawang babae na dumanas ng pag-abuso noong kaniyang kabataan ay sumulat: “Sana’y marami pa ang masabi ninyo tungkol sa alalay na maibibigay ng asawang lalaki sa isang asawang babae na nakaranas nito. Ang kailangan naming mga asawang babae ay na malaman na kami ay talagang minamahal at pinangangalagaan, hindi yaong kami’y naroroon lamang upang sapatan ang ilang pisikal na mga pagnanasa o bilang isang tagapangalaga ng tahanan, na walang kaamor-amor.” b Ang pag-aasawa ay itinatag ng Diyos upang ang mga asawang lalaki at babae ay maging magkasama at magtulungan sa isa’t isa. Sila’y kikilos na parang isang team sa ikatatagumpay at sa pagpapahalaga sa isa’t isa.​—Genesis 2:18; Kawikaan 31:28, 29.

Paano Isang “Marupok na Sisidlan”?

Pinapayuhan din ni Pedro ang mga asawang lalaki na pakundanganan ang kani-kanilang asawa “na gaya ng marupok na sisidlan, ang babae.” (1 Pedro 3:7) Ano ang ibig sabihin ni Pedro sa pagsasabing ang babae ay “isang marupok na sisidlan”? Tiyak, sa katamtaman, ang babae ay mas mahina sa pisikal kaysa lalaki. Iyan ay dahil sa kaibhan sa kayarian ng buto at kalamnan. Subalit kung ang pag-uusapan nati’y ang panloob na lakas sa moral, kung gayon ang babae ay hindi mas mahina kaysa lalaki. Tiniis ng mga babae sa loob ng mga taon ang mga kalagayan na marahil ay hindi matitiis ng mga lalaki kahit na sandaling panahon​—pati na ang pag-abuso ng isang marahas o alkoholikong asawa. At isipin lamang kung anong hirap ang pinagtitiisan ng babae upang magkaanak, pati na ang mga oras ng pagdaramdam sa panganganak sa panahon ng pagsilang! Ang sinumang sensitibong asawang lalaki na nakasaksi sa hiwaga ng pagsilang ay dapat makadama ng higit na paggalang sa kaniyang asawa at sa kaniyang panloob na lakas.

Tungkol sa panloob na moral na lakas na ito, si Hannah Levy-Haas, isang Judiong bilanggo sa Nazing piitang kampo ng Ravensbrück ay sumulat sa kaniyang talaarawan noong 1944: “Isang bagay rito ang lubhang nakababalisa sa akin, at yaon ay makita na ang mga lalaki ay mas mahina at hindi gaanong nakatatayo sa kahirapan kaysa mga babae​—sa pisikal at kadalasan ay gayundin sa moral. Hindi masupil ang kanilang sarili, sila’y nagpapakita ng kawalan ng moral na lakas anupat maaawa ka sa kanila.”​—Mothers in the Fatherland, ni Claudia Koonz.

Ipinakikita ng karanasang ito na walang matibay na saligan upang itangi ang mga babae dahilan lamang sa sila ay maaaring mas mahina sa pisikal. Si Edwin Reischauer ay sumulat: “Sa modernong panahon, karaniwang tinatanggap na ang mga babae ay mayroong mas malakas na kalooban at sikolohikal na lakas kaysa mga lalaki.” (The Japanese) Ang lakas na ito ay maaaring gamitin sa kongregasyong Kristiyano kapag ang maygulang na mga babae ay maaaring tumulong sa ibang kababaihan na pinahihirapan ng matinding kaigtingan ng damdamin. Tiyak, sa ilang kalagayan mas madali para sa isang inabusong babae na humingi ng tulong sa isang maygulang na babae para sa kagyat na ginhawa kaysa humingi ng tulong sa isang lalaki. Kung bumangon ang pangangailangan, ang Kristiyanong hinirang na matanda ay maaaring sangguniin para sa higit pang patnubay.​—1 Timoteo 5:9, 10; Santiago 5:14, 15.

Ang basta pagsasabi sa mga reaksiyon ng babae na pagiging emosyonal, ipinalalagay ang mga ito sa “buwanang siklo” ay nakaiinis sa maraming babae. Si Betty, isang Kristiyano, ay nagsabi: “Alam namin, gaya ng isinulat ni apostol Pedro, na sa ilang bagay kami ay ‘marupok na sisidlan,’ ang babae, taglay ang mas delikadong kayarian ng katawan. Subalit hindi ito nangangahulugan na ang isang kapatas o superbisor ay kailangan maging mapagpakababa at makaama, ipinalalagay ang bawat reaksiyon ng babae sa aming buwanang siklo. Kami ay matalino at nais naming kami’y pakinggan nang may paggalang.”

Hindi lahat ng mga babae ay maramdamin, kung paanong hindi lahat ng mga lalaki ay walang pakiramdam. Ang bawat tao ay dapat pakitunguhan bilang isang indibiduwal. Si Betty, sinipi kanina, ay nagsabi sa Gumising!: “Ayaw kong ako’y uriin batay sa kasarian. Nakakita na ako ng mga lalaking umiiyak at sumpungin. At may mga babae naman na sintigas ng bakal. Kaya hayaang makatuwirang pakinggan kami ng mga lalaki nang hindi iniintindi ang kasarian.”

Ano ang Kailangan Upang Magbago?

Kung magkakaroon ng pagbabago sa ikabubuti, sinasabi ng ilan na hindi sapat na ang mga babae ay magkampaniya para sa kanilang mga karapatan at para sa katarungan; ni sapat na kaya na ang mga lalaki ay magsagawa ng pakitang paggalang sa mga babae. Sa bawat kultura at kapaligiran, dapat suriin ng mga lalaki ang kanilang papel sa kalagayan at tanungin ang kanilang mga sarili kung ano ang magagawa nila upang gawing mas maligaya at mas maginhawa ang buhay para sa mga babae.​—Mateo 11:28, 29.

Ang manunulat at makatang si Katha Pollitt ay sumulat sa Time: “Mangyari pa, karamihan ng mga lalaki ay hindi nanghahalay o nambubugbog o pumapatay. Subalit hindi iyan nangangahulugan, gaya ng akala ng marami sa kanila, na wala silang kaugnayan sa karahasan laban sa mga babae. Bawat isa sa atin sa ating pang-araw-araw na buhay ay tumutulong sa paghubog sa kultural na mga idea at mga palagay na nagtatakda sa mga maaaring gawin. . . . Tinutukoy ko ang tungkol sa mga lalaking nagsasagawa ng ilang seryosong pagsusuri-sa-sarili, hinahamon ang kanilang mga maling opinyon at mga pribilehiyo, inaako ang kanilang bahagi ng pananagutan sa masamang kalagayan na kinabubuhayan natin.”

Subalit kahit na kung ang mga lalaki sa buong daigdig ay gagawa ng malaking pagbabago ng kanilang mga saloobin sa mga babae, hindi pa rin ito ang magiging ganap na lunas sa mga kawalang-katarungan na nagpapahirap sa sangkatauhan. Bakit? Sapagkat ang mga lalaki ang nagdadala ng kawalang-katarungan at kalupitan hindi lamang sa mga kababaihan kundi sa kanilang kapuwa lalaki. Ang digmaan, karahasan, pagpatay, armadong mga lalaki upang patayin ang pulitikal na mga kaaway, at terorismo ay umiiral pa rin sa maraming bansa. Ang kailangan ay isang bagong sistema ng pamamahala sa buong lupa. At isang bagong edukasyon para sa lahat ng tao. At iyan ang ipinangako ng Diyos sa pamamagitan ng pamamahala ng kaniyang Kaharian mula sa langit sa buong lupa. Saka lamang iiral ang tunay na katarungan at pagkakapantay-pantay para sa lahat​—mga lalaki, mga babae, at mga bata. Saka lamang iiral ang tunay na paggalang sa isa’t isa sa pagitan ng mga lalaki at mga babae. Ganito ang pagkakasabi rito ng Bibliya sa Isaias 54:13: “Lahat mong mga anak na lalaki [at mga anak na babae] ay tuturuan ni Jehova, at ang kapayapaan ng iyong mga anak na lalaki [at mga anak na babae] ay magiging sagana.” Oo, ang tamang edukasyon sa matuwid na mga simulain ni Jehova ay tutulong sa isang bagong sanlibutan kung saan may paggalang sa isa’t isa.

[Mga talababa]

a Tingnan ang “Ano ba ang Kahulugan ng Pagpapasakop Kung Tungkol sa Pag-aasawa?” Ang Bantayan, Disyembre 15, 1991, mga pahina 19-21.

[Larawan sa pahina 16]

Kadalasan nang ang isang maygulang na babae ay maaaring magbigay ng kapaki-pakinabang na payo

[Larawan sa pahina 17]

Ang pagtulong sa mga gawain sa bahay ay isang paraan upang maipakita ng asawang lalaki ang paggalang sa kaniyang asawa