Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Relihiyon? Hindi Mahalaga

Ang relihiyon ay hindi gaanong mahalaga sa buhay ng karamihan ng mga Europeo gaya ng kanilang mga pamilya, karera, kaibigan, at libangan. Gayon ang sabi ng pahayagang Katoliko sa Paris na La Croix, nag-uulat tungkol sa mga tuklas ng isang pag-aaral kamakailan na isinagawa sa mahigit na 20 bansa sa Europa at na sumuri sa mga pamantayan at mga paniwala ng mga Europeo ngayon. “Ang tradisyunal na relihiyosong mga paniwala, gayundin ang impluwensiya ng Simbahan sa araw-araw na buhay, ay di-matututulang humihina,” sabi ng artikulo. Sang-ayon sa mga mananaliksik, “ang paghina sa kahalagahan ng relihiyon ay maaaring ipaliwanag sa pamamagitan ng maliwanag na kabiguan ng mga simbahan na tulungan ang mga tao na harapin ang kanilang araw-araw na mga problema.” Ang La Croix ay nag-uulat na bagaman tinatanggihan ng karamihan ng mga tao ang tradisyunal na mga turo ng simbahan, “maliban sa Sweden, mahigit na 50 porsiyento ng mga tinanong ay nagsabi na sila ay naniniwala sa Diyos.”

Mga Epekto ng AIDS

Ikinatatakot ng patnugot ng pangglobong programa tungkol sa AIDS ng World Health Organization, si Dr. Michael Merson, na ang epidemya ng AIDS ay maaaring magkaroon ng malubhang epekto sa lipunan at ekonomiya, sabi ng magasing Pranses na La Presse Médicale. Nagsasalita sa pantanging sesyon ng World Bank tungkol sa AIDS na ginanap sa Bangkok, Thailand, si Dr. Merson ay nagbabala na “ang kamatayan ng hindi kukulanging sangkalima ng mga bata at kalagitnaang-gulang na mga adulto sa loob ng maikling panahon ay magdadala ng kaguluhang panlipunan, pagkalansag ng ekonomiya, at pulitikal na pagkamabuway sa maraming bansa.” Ngayon pa, marami sa pinakamabungang mga miyembro ng populasyon ng Aprika ang namatay na mula sa sakit na ito, at ang buong mga sambahayan ay namatay dahil dito sa maraming rural na nayon. Mahigit na anim na milyong Aprikano ang inaasahang mamamatay dahil sa AIDS sa susunod na dekada. Ang konserbatibong mga tantiya ay na mga 9 hanggang 11 milyong katao sa buong daigdig ang nahawahan ng HIV, na nagiging sanhi ng AIDS​—isang bilang na sinasabi ng mga eksperto ay magiging triple sa susunod na walong taon.

Kaayusan sa Sansinukob

Para sa isang siyentipiko, si Paul Davies, isang propesor ng theoretical physics sa University of Newcastle sa Tyne, Inglatera, ay gumawa ng ilang lubhang kontrobersiyal na mga pahayag sa kaniyang bagong aklat na The Mind of God. Siya’y naghihinuha na ang pag-iral ng tao ay hindi pihit lamang ng tadhana kundi na “tayo ay talagang nilayong mabuhay rito.” Sulat niya: “Sa pamamagitan ng aking siyentipikong gawain, higit at higit akong naniniwala na ang pisikal na sansinukob ay may katalinuhang pinagsama-sama nang kagila-gilalas anupat hindi ko maaaring tanggapin na ito ay nagkataon lamang. Sa wari ko, mayroong mas malalim na antas ng paliwanag. Kung ‘Diyos’ ang gustong itawag ng isa sa mas malalim na antas na iyan ay depende na sa panlasa at kahulugan.”

Inamin ang Kabiguan ng Simbahan

Labinlimang Romano Katolikong obispo mula sa mga bansa sa Aprika na Burundi, Rwanda, Tanzania, Uganda, at Zaire ay umamin kamakailan na sa kabila ng pagkakaroon ng maraming bautismadong “mga Kristiyano” sa rehiyon, “ang panloob na mga alitan ay humantong sa mga pagpapatayan, pagwasak at sapilitang pagpapaalis sa mga tao.” Ang etniko at pantribong mga hidwaan, sabi nila, ay lumikha ng “isang masamang siklo ng takot, paghihinala at manipulasyon na nag-uugat sa mga ideolohiya ukol sa lahi . . . na hindi kasuwato ng pananampalatayang Kristiyano.” Gaya ng iniulat sa Ecumenical Press Service, ang tagapaghatid-balita ng World Council of Churches, inamin ng mga obispo na ang ugat ng problema “ay na ang pananampalatayang Kristiyano ay hindi sapat na nakapasok sa kaisipan ng mga tao.”

“Pinakamalawak ang Gamit na Droga”

“Ang caffeine ang pinakamalawak ang gamit na droga sa daigdig,” sabi ng isang labas kamakailan ng The American Journal of Psychiatry. “Ipinakikita ng pag-aaral na ang hindi pag-inom ng caffeine ay pinagmumulan ng tinatawag na withdrawal syndrome ng sakit ng ulo, pagod, at antok na nagsisimula sa loob ng 12-24 oras at tumatagal ng halos 1 linggo. Ang palatandaan ay maaaring maging matindi at waring isang dahilan ng patuloy na paggamit ng kape.” Gayunman, ang kape ay hindi siyang tanging pinagmumulan ng caffeine. Ang tsa, mga soft drink (gaya ng mga cola), at maraming nabibiling gamot (sa pagpapapayat, pampaihi, pampasigla, pamawi ng kirot, lunas para sa sipon at alerdyi) ay naglalaman din ng maraming caffeine. Bunga nito, maraming tao na nag-aakalang naalis na nila ang caffeine sa kanilang pagkain ay maaari pa ring makaranas ng withdrawal symptoms sa ilalim ng ilang kalagayan, halimbawa kapag sila’y naospital.

Mag-ingat sa Tingga

“Ang pagkalason sa tingga ang pinakakaraniwan at sosyal na mapangwasak na sakit na pangkapaligiran ng mga bata,” sabi ni Dr. Vernon N. Houk, patnugot ng National Center for Environmental Health and Injury Control ng U.S. Centers for Disease Control. Sa ilalim ng bagong mga pamantayan, mula sa tatlo hanggang apat na milyong bata sa Estados Unidos na wala pang anim na taóng gulang ang may mataas na antas ng tingga sa dugo na maaaring nakasasama sa kalusugan, gaya ng kapansanan sa pagkatuto at mga diperensiya sa paggawi. Ang pangunahing pinagmumulan ng pagkalason sa tingga ng mga bata ay mula sa mga piraso at alabok ng mga pinturang may tingga na ginamit sa mga lumang bahay. Bagaman ang tingga ay totoong nakapipinsala sa lumalaking mga bata, ito ay nakalalason din sa mga adulto. Kamakailan, ang mga mahilig sa alak ay pinayuhan na huwag uminom mula sa mga basong kristal na may tingga, yamang ang tingga ay maaaring sumama sa alak. Lumabas din ang mga babala tungkol sa mga lead-foil na mga pambalot na tumatakip sa mga tapón ng bote ng alak. Ang mga umiinom ng alak ay sinabihan na pagkatapos alisin ang balot, dapat nilang punasan ang natirang tingga sa labì ng mga bote sa pamamagitan ng mamasa-masang tuwalya​—binasa ng isang bagay na maasido, gaya ng katas ng kalamansi o suka—​bago alisin ang tapón.

Mga Sistema ng Patubig sa Ilalim ng Lupa sa Jerusalem

“Sa loob ng mahigit na 100 taon, ang mga arkeologo at mga mananalaysay ay nalilito sa palambáng na mga ruta, dalisdis at mga sukat ng dalawang sistema ng panustos na tubig sa ilalim ng lupa na natuklasan sa ilalim ng mga labì ng sinaunang Jerusalem,” sabi ng magasing Science News. “Bagaman itinuturing ng karamihan ng mga mananaliksik ang mga sistema ng patubig sa ilalim ng lupa na gawa ng sinauna, mahilig-magkamaling mga inhinyero at mga manggagawa sa konstruksiyon, ipinakikita ng isang bagong pagsusuri na buong kahusayang binago ng mga residente sa banal na lungsod ang likas na network ng mga lagusan at tunèl sa ilalim ng lupa upang tiyakin ang maaasahang panustos ng tubig.” Sang-ayon sa Bibliya, ang kaalaman tungkol sa mga daanan sa ilalim ng lupa ang nagpangyari kay David na matagumpay na masakop ang lungsod mga 3,000 taon na. (2 Samuel 5:8) Ipinakikita ng bagong pag-aaral na may dalawang butas sa ilalim ng lupa na lumitaw sa labas ng pader ng sinaunang lungsod.

Umuunti ang mga Tagasubaybay

“Kung hindi tayo maingat, . . . maaaring mawala na ang tradisyunal na mga tagasubaybay (trackers) sa gawing timog ng Aprika,” sulat ni Louis Liebenberg sa African Wildlife. Ang awtor, isang eksperto sa paksang ito, ay natatakot na ang sining ng pagsubaybay sa mga hayop ay mamamatay. Ang ilan sa pinakamagaling na tagasubaybay ay umabot na sa edad kung saan ang kanilang paningin ay malabo na. Ang mga tagasubaybay ay mayroon lang katayuan ng obrerong walang kasanayan at sila ay tumatanggap ng mababang sahod, na siyang pangunahing dahilang binanggit kung bakit ang propesyong ito ay humihina. Ang mga bagay-bagay ay malamang na hindi bumuti “habang ang mga tagasubaybay ay minamata ng mga nakababatang salinlahi, na naghahangad marating ang ‘mas mabuting’ kalagayan kaysa narating ng kanilang matatanda.” Subalit ang may karanasang mga tagasubaybay ay mahalaga sa pagsugpo sa ilegal na pangangaso ng mga hayop at sa pamamahala sa mga reserbasyon ng mga hayop, kaya ang “pagsubaybay ay dapat kilalanin bilang isang propesyon sa pagdadalubhasa,” sabi ni Liebenberg. “Upang maging isang ekspertong tagasubaybay ay nangangailangan ng higit-sa-kainamang talino.”

Hindi Pa Napakatanda

Ang dalawang pinakabagong modelo ng Hapón ay sina Kin (ibig sabihi’y “Ginto”) Narita at Gin (ibig sabihi’y “Pilak”) Kanie. Ang kanilang pang-akit ay na sila ay isang daang taòng gulang at sila’y kambal. Sila’y malulusog, alisto, at nakatatawang prangka. Sila’y “natuklasan” ng alkalde ng Nagoya noong Setyembre 1991 nang dalawin niya sila noong “Araw ng Paggalang sa Matanda.” Mula noon, ang dalawa ay laging nakikita sa telebisyon gayundin sa mga komersiyal at mga magasin. Noong Pebrero, sina Kin at Gin ay nagsimula sa isang karera ng pagrerekording sa paggawa ng isang compact disc. Noong buwan na iyon dinalaw rin nila ang tanggapan ng bayaran ng buwis upang magbayad ng buwis sa unang pagkakataon sa kanilang buhay. Ang kanilang biglang tagumpay at kayamanan ay hindi nagpabago sa kanila. Hindi nila kailangan ang pera, sabi nila, at ibinibigay nila ang karamihan nito sa kawanggawa.

Hindi Naiibigan ang mga Babae

Ginagamit ng mga babae sa India ang teknolohiya ng ultrasound upang tiyakin kung ang kanilang ipinagbubuntis na sanggol ay lalaki o babae. Kung babae, ang ipinagbubuntis ay kadalasang ipinalalaglag. Ito ay nagbunga ng madulang pagbabago sa tumbasan sa sekso. Sa Estado ng Haryana, halimbawa, mayroon lamang 874 na mga babae sa bawat 1,000 lalaki. Ang “malubhang tumbasan sa sekso ay nangyayari hindi dahilan sa mas kaunting mga babae ang isinisilang (o ipinaglilihi) kundi dahilan sa mas kaunti ang pinapayagang isilang o mabuhay,” sabi ng isang report ng UN. Ang mga babae ay itinuturing na mga sagabal. Ang mga dote ay dapat ibigay sa panahon ng pag-aasawa at mga regalo kapag ang anak na babae ay nanganak. Ang pagsilang ng isang lalaki ay ipinagdiriwang, ngunit hindi ang pagsilang ng isang babae. Maaaring iwan ng lalaki ang isang asawa na hindi makapagbibigay ng anak na lalaki, o maaari pa ngang kumuha ng pangalawang asawa ang lalaki. Ang problema ay umiiral din sa mga Indian na nakatira sa ibang bansa. Ang The Medical Post ng Canada ay nag-ulat kamakailan tungkol sa isang reklamo na “ang mga doktor sa pamayanan ng East Indian Sikh ng British Columbia ay tumutulong sa mga babae na magpalaglag kung ang kanilang ipinagbubuntis na sanggol ay masumpungang babae upang masubukan naman nila ang batang lalaki sa susunod na pagkakataon.” Yamang ang sekso ng ipinagbubuntis na sanggol ay matitiyak lamang nang may kawastuan pagkatapos ng 16 na linggo, kadalasang ang mga lalaki ay naipalalaglag. Ang ina ay hindi kailanman sinasabihan.