Inalis ang Tibo ng Kamatayan
Inalis ang Tibo ng Kamatayan
KARANIWAN nang makabasa ng tungkol sa kamatayan bilang natural o normal. Sa katunayan, hindi ito natural, ayon sa ulat ng Bibliya. Ang kamatayan ay isang kaaway na bunga ng kasalanan. “Sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa ganoon lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala,” sabi ng Bibliya sa Roma 5:12.
Yamang ang kamatayan ay hindi layunin ng Diyos para sa sangkatauhan, siya ay maibiging gumawa ng paraan upang malunasan ito. Sa pagpapahintulot sa kaniyang Anak na mamatay alang-alang sa atin, siya ay naglaan ng isang katumbas na pantubos upang pawiin ang parusang kamatayan. (Mateo 20:28; 1 Juan 2:2) Siya rin ay nangako ng isang makalupang paraiso na may isang ganap na bagong pamahalaang magpupuno sa lahat ng tao. Lubusang papawiin ng pamahalaang iyon ang mga epekto ng kasalanan at kamatayan. (Lucas 18:30) Ang Bibliya ay nagsasabi sa Apocalipsis 21:3, 4: “Ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati o ng pananambitan o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.” Ngunit kumusta naman yaong mga namatay na?
Mayroon silang pag-asa ng pagkabuhay-muli—ang pag-asa na mabuhay muli bilang mga tao sa lupang Paraiso na iyon, taglay ang sakdal na malulusog na katawan at isipan. Oo, “dumarating ang oras na lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at magsisilabas.” (Juan 5:28, 29) Ang isa na isinugo ng Diyos upang tubusin ang sangkatauhan, si Jesu-Kristo, ay tumitiyak pa sa atin: “Ito ang kalooban ng aking Ama, na ang bawat nakakakita sa Anak at sumasampalataya sa kaniya ay magkaroon ng walang-hanggang buhay, at akin siyang ibabangon sa huling araw.”—Juan 6:40.
Ang pag-asang ito tungkol sa pagkabuhay-muli ang nagbigay-lakas sa marami na namatayan ng isang mahal sa buhay. Natanto nila na ang kanilang mga minamahal ay “natutulog [lamang] sa kamatayan,” at samakatuwid sila ay “hindi nagdadalamhati na gaya ng iba, na walang pag-asa.” (1 Tesalonica 4:13, The New English Bible) Inaasam-asam nila na makasama silang muli sa bagong sistemang iyon na ipinangako ng Diyos. Sila’y may pananampalataya sa Diyos na nagbibigay ng kaaliwan at pag-asa.—Roma 15:4, 13; 2 Corinto 1:3; 2 Tesalonica 2:16.
Iyan ang dahilan kung bakit ang mga serbisyo sa libing ng mga Saksi ni Jehova ay naiiba sa iba. Upang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, iniiwasan ng mga Saksi ang anumang gawain na salungat sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Ang mga kaugalian at mga gayak na ang saligan ng mga paniwalang ito ay hindi itinuturo sa Bibliya ay iniiwasan. Yamang sinasamba lamang nila ang tunay na Diyos, si Jehova, sila’y hindi nagbibigay ng labis-labis na pagpipitagan sa kanilang mga patay. At hindi nila pinagpaparangalan ang kayamanan o katayuan sa buhay, yamang batid nila na ito’y hindi nakalulugod sa Diyos. (1 Juan 2:16) Ang kanilang mga libing ay simple at marangal at tumutulong upang pahinahunin ang mga puso ng naulila. Isang pahayag ang ibinibigay sa alaala ng namatay, binabanggit ang pag-asang masusumpungan sa Bibliya. Sila’y nagdadalamhati, ngunit hindi labis-labis.
Batid ng mga Saksi ni Jehova na hindi na magtatagal “ang huling kaaway, ang kamatayan,” ay aalisin. Sa panahong iyon ang inihulang mga salita ay magkakatotoo: “Ang kamatayan ay naparam na magpakailanman. Kamatayan, nasaan ang iyong tagumpay? Kamatayan, nasaan ang iyong tibo?”—1 Corinto 15:26, 54, 55.