Kamatayan—Ang Pansansinukob na Salot
Kamatayan—Ang Pansansinukob na Salot
TAUN-TAON mga 50 milyon katao ang namamatay sa buong daigdig. Iyan ay nangangahulugan na 137,000 ang namamatay sa isang araw, 5,700 sa isang oras, halos 100 sa isang minuto, o mahigit na 3 katao sa bawat dalawang segundo. Walang pamilya ang di-saklaw ng salot ng kamatayan. Hari o karaniwang-tao, mayaman o mahirap, lalaki o babae—ay pawang namamatay.
“Sa daigdig na ito ang kamatayan at ang buwis lamang ang tiyak,” sulat ng kilalang Amerikanong tagapaglathala, imbentor, at diplomatikong si Benjamin Franklin sa isang kaibigan noong 1789. Gayunman, ang kaniyang obserbasyon ay hindi natatangi. Halos 2,800 taon bago nito, ganito ang sabi ng matalinong Haring Solomon ng sinaunang bansa ng Israel: “Nalalaman ng mga buháy na sila’y mamamatay.” Gayunman, pinatunayan niya lamang kung ano ang sinabi mga 3,000 taon bago nito sa unang tao sa lupa: “Ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi.”—Eclesiastes 9:5; Genesis 3:19.
Bagaman ang kamatayan ay hindi maiiwasan sa buong kasaysayan ng tao, ito ay pinagmumulan pa rin ng malaking dalamhati. Angkop ang pagkakasabing ang ating normal na naisin ay ang mabuhay, hindi ang mamatay. Nais nating magpatuloy ang ating kaugnayan sa ating pamilya at mga kaibigan. Subalit isa-isa, habang lumalakad ang mga taon, ang mga buklod na ito ay pinuputol ng kamatayan. Ang ating mga nuno, mga magulang, at mga kaibigan ay namamatay.
“Ang totoo ay na bihira na sa mga sentenaryo ang lumalampas pa ng kanilang ika-113 taon at ang kasalukuyang sukdulang hangganan ng haba ng buhay ng tao ay hindi na lalampas pa sa kanilang ika-120 taon,” sabi ng Guinness Book of World Records. Kaya nga, wala nang nabubuhay ngayon ang nakasaksi sa pagsilang ni Winston Churchill (1874) o niyaong kay Mohandas Gandhi (1869), sa pagbenta ng Alaska sa Estados Unidos ng Russia noong 1867, o ang pataksil na pagpatay kay Abraham Lincoln noong 1865—huwag nang banggitin pa ang lahat ng mga pangyayari sa kasaysayan na nauna rito noong ika-19 na siglo.
Sa katunayan, sa kabila ng lahat ng modernong pagsulong sa medisina at siyensiya, ang haba ng buhay ng tao ay katulad pa rin ng binabanggit ng sinaunang tao na si Moises: “Sa ganang sarili ang mga araw ng aming mga taon ay pitumpung taon; at kung dahilan sa natatanging kalakasan ay umaabot sa walumpung taon, gayunma’y laging may kabagabagan at nakasasamang mga bagay; sapagkat ito’y dagling napapawi, at kami’y nagsisilipad.” (Awit 90:10) Ito’y isang paglalahat. Si Moises mismo ay nabuhay na 120 taon.
Bagaman ang buhay ay maaaring may kabagabagan, ang pangungulila ay nagdadala ng pambihirang kirot at dalamhati. Kadalasang ito’y may masamang epekto sa kalusugan niyaong mga naiwan at ito pa nga ang ikinadali ng karamdaman at kamatayan. Alinman sa miyembro ng pamilya ang namatay, nakadarama ng matinding kawalan. Gaya ng pagkakasabi rito ng isang saykayatris, “kapag ang magulang mo ang namatay, naiwala mo ang iyong nakaraan. Kapag ang anak mo ang namatay, naiwala mo ang iyong kinabukasan.” Ang hapis at hirap ng damdamin na kasunod nito ay mahirap ilarawan. Ang pangungulila ay kadalasang nagpapangyari ng mabigat na pinansiyal na mga pasanin, na nagpapalubha pa sa mga bagay-bagay. Ang panggigipit na sumunod sa ilang gawain at kaugalian sa libing ay nakadaragdag pa sa dalamhati.
Gayunman, may magagawa ba upang maibsan ang ilan sa mga kaigtingan at mga pasanin na nangyayari sa atin kapag isang minamahal ang namatay?