Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
“Bagong mga Salik ng Kawalang-katatagan”
Ang bagong-sumpong na kalayaan ba ng relihiyon sa Silangang Europa ay nagdala ng isang antas ng kapayapaan at pagkakaisa sa pulitikal na kaguluhan sa lugar na iyan? “Ang Romanong Katoliko at Ortodoksong klero sa Romania, Ukraine, at sa kahabaan ng silangang hangganan ng Polandiya ay nag-aaway-away sa pagmamay-ari ng mga simbahan,” puna ng pahayagang Pranses na Le Monde. Isinusog pa ng pahayagan: “Subalit may di-makatuwiran tungkol sa pagtatalo . . . Ang mga ito ay nagpapahiwatig ng isang alitan sa relihiyon na muling lumilitaw sa Europa at sa Caucasus, na nangingibabaw pa sa lahat ng makabansang mga kaguluhan, ay lumilikha ng bagong mga salik ng kawalang-katatagan at nagbababala ng masama.”
1991—Taóng Rekord Para sa Bibliya
Sang-ayon sa Ecumenical Press Service, ang taunang-aklat ng United Bible Societies na Scripture Language Report ay nagpapakita na noong 1991 “sa unang pagkakataon . . . , tatlumpu’t dalawang mga wika ay tumanggap ng di-kukulangin sa isang aklat ng Bibliya,” pinatataas ang kabuuang bilang ng mga wika na kung saan di-kukulangin sa isang aklat ng Bibliya ang naisalin na sa 1,978. Sa taon ding iyon, sabi ng magasing Olandes na Vandaar, ang mahigit na isandaang pambansang samahan sa Bibliya ay nagbili sa isang rekord na 16 milyong Bibliya sa buong mundo, isang 3.5-porsiyentong pagtaas sa nakaraang 1990. Ang mga pag-aangkat ng Bibliya sa dating Unyon Sobyet (mahigit na 700,000 kopya), Romania (halos 340,000), at Bulgaria (140,000) ay nagbunga ng 34-porsiyentong pagtaas sa pamamahagi ng Bibliya sa Europa, samantalang ang mga pag-aangkat sa Tsina (halos isang milyong kopya) at Republika ng Korea (1.8 milyon) ay humantong sa 13-porsiyentong pagtaas sa Asia. Gayunman, magkasabay ang pagbaba sa pamamahagi ng Bibliya sa mahigit na 10 porsiyento sa Aprika at 11 porsiyento sa Amerika. Isinusog pa ng Vandaar na ipinagbili ang mga Bibliya sa umuunlad na mga bansa sa halagang katumbas ng isang araw na katamtamang sahod.
Mga Komunidad na Pinasama ng Droga
Sa Espanya, kung saan ang halos 100,000 katao ay sugapa sa heroin, ang negosyo sa droga ay nakapasok na sa maraming komunidad sa lungsod—na may mapangwasak na mga resulta. Sang-ayon sa Cambio 16, isang magasin sa Madrid, “alam ng lahat” ang tungkol sa lumalalang kalagayan, “lahat ay nagdurusa, at lahat ay naghihintay ng kalutasan na hindi naman dumarating.” Sa lungsod ng Valencia, lantarang nagkalat ang mga sugapa sa droga at mga nagbebenta anupat libu-libong mga naninirahan ay nagdemostrasyon gabi-gabi upang tutulan ang pagpaparuming ito sa kanilang mga komunidad. Isang residente ang nagsabi sa Cambio 16: “Hindi namin maipasyal ang aming mga anak sa mga parke upang maglaro, sapagkat iyon ay puno ng mga heringgilya. May mga gulo araw-araw.” Gayundin, nag-ulat ang pahayagang El País na sa isang looban sa labas ng Madrid, halos may barilan araw-araw.
Paghahanap ng Mangkukulam
Maraming tao sa Venda, sa hilaga ng Timog Aprika, ay naniniwala na hindi namamatay ang mga tao sa mga likas na kadahilanan lamang. Gaya sa pag-uulat ng pahayagang Indicator South Africa, inaakala nila na ang kamatayan ay bunga ng pangkukulam o pakikialam ng mga espiritu ng ninuno. Sa kabilang dako, maraming kabataan sa Venda, na sabik sa pagbabago, ay desididong alisin ang tradisyunal na mga paniniwala. Sila’y nagpasimula ng isang panawagan ng paghahanap sa mga mangkukulam. Sinabi ng Indicator South Africa: “Sa lumalagong saloobin ng pagkatakot, sinuman na inakusahan ng pagiging mangkukulam ay agad na pinapatay na lamang sa kabila ng pagsumpa sa kawalang-sala. . . . Ang Marso 1990 ay buwan na napuno ng gabi-gabing mga pagsunog niyaong mga inakusahang nagsasagawa ng pangkukulam. Sa ilang nayon, umabot sa lima o higit pa ang inakusahang mga mangkukulam ang alinman sa sinunog o pinalayas sa kanilang mga tahanan bawat gabi.”
Negosyo sa Armas Lumalago
“Ang mga nagbibili ng mga armas sa buong mundo ay nasisiyahan sa isang paglago sa negosyo,” ulat ng magasing New Scientist ng Britanya. Ano ang nagpapasigla sa umuunlad na negosyo? Ang mananaliksik sa internasyonal na pangangalakal ng mga armas na si Chris Smith ay nagsasabi na ang pagbagsak ng Unyon Sobyet at ang kawalang-katatagan na nagaganap kamakailan sa digmaan sa Persian Gulf ay nagpapasigla sa supply at demand ng maraming mura, segundamanong mga armas sa ibayo ng Gitnang Silangan at Silangang Europa. Sang-ayon kina Smith at Andrew Ross ng U.S. Naval War College, ang nakababahalang kausuhan ay na “ang mga bansa sa Umuunlad na mga Bansa ay siyang nagiging pangunahing mga tagatustos ng mga armas.”
Paghahanap sa Namamalaging Kabataan
Ang maraming produkto sa pamilihan ay inaakalang nagpapabagal sa pagtanda. Nakalulungkot, may kakaunting katibayan upang patunayan ang gayong pag-aangkin, sang-ayon sa magasing Consumer Reports. Isa pa, ang mamahaling mga produktong ito ay maaaring nagdudulot ng mapanganib na mga epekto. Si Caleb Finch, propesor ng pag-aaral sa sistema ng nerbiyo sa pagtanda sa University of Southern California, ay nagsabi: “Mangyayari ang mga kakatuwang bagay pagka ikaw ay nagtambak ng kemikal sa iyong katawan. Bawat isa
ay mayroong kaniyang sariling epekto, at walang paraan upang mahulaan ang mga reaksiyon o ang nagtatagal na mga resulta.” Sinabi ng Consumer Reports: “Kakaunting mga mananaliksik ang umaasa na sa malapit na hinaharap ay mapalalawig ang haba ng buhay ng tao.” Ang magasin ay nagkomento na ang tamang pagkain, regular na pag-eehersisyo, pag-iwas sa tabako at labis na alkohol, at pagpapanatili ng tamang timbang ay maaaring “magbigay ng katulad na mga epekto na inaangkin ng mga produktong nagpapahaba ng buhay.”Pinabayaang mga Sanggol
“Ang mga inang nawalan ng pag-asa ay pinabayaan ang kanilang mga anak—ilang buwan pa lamang ang ilan—sa mga ospital sa buong Timog Aprika,” sabi ng Saturday Star, isang pahayagan sa Johannesburg. “Nalipos ng pagkakasama ng karukhaan, kawalan ng trabaho, kawalan ng tirahan at kawalan ng pag-asa, parami nang paraming ina ay nagpapalista na lamang ng mga bata sa mga ospital, na ginagamit ang huwad na mga pangalan at wala namang mga sakit, at iniiwan sila roon.” Ang ilang mga bata ay napipilitang manatili sa mga ospital ng mahigit sa isang taon at hindi naman mailipat sa mga bahay ampunan, yamang ang mga ito ay puno na. Sa ilang mga ospital karamihan sa mga abandonadong mga bata ay mga sanggol. “Ang tagabukid na mga lalaki ay nakikisiping (sa mga lungsod), iniiwang nagdadalang-tao ang mga babaing kabataan, at nagbabalik sa kanilang mga pamilya sa bukid. Ang mga babae ay naiiwang may kaunting pagpipilian kundi pabayaan ang sanggol,” ayon sa siniping sinabi ni Dr. Adele Thomas na patnugot ng pangangalaga sa bata sa Johannesburg. Ang kaguluhan sa lipunan ay isa pang dahilan. “Aming nakita ang pagdami noong nakaraang taon nang ang kalagayan ay lalo nang naging marahas at iniwan ng karamihan sa mga tao ang kanilang mga tahanan,” sabi ng isang tagapamanihala sa ospital.
Katapatan sa Europa
Ang pangmamamayang asal ba sa Europa ay nagbabago mula sa isang bansa tungo sa iba? Ang European Value Systems Study Group ay nagsurbey sa 19,000 katao mula sa 13 bansa upang tuklasin. Bawat isa ay tinanong kung ang mga bagay na gaya ng pandaraya sa buwis, pagsusuhol, pagkakalat, at pag-aangkin ng mga pakinabang sa Estado na walang karapatan ay makatuwiran. Nag-uulat ang The European na ang mga Scandinavian ang pinakamatapat. Bakit? Inaakala ng mga tao roon na kanilang mapagkakatiwalaan ang pampamahalaang mga institusyon, samantalang sa ibang mga lupain, ang mababang pangmamamayang asal ay nagpapamalas ng mabuway na pangmalas sa Estado. Sa gayon, waring ang katapatan ay nagpapakita ng saloobin ng isa sa lipunan. “Pagka ang mga tao ay negatibo tungkol sa estado, sila ay negatibo sa lahat ng may kinalaman sa lipunan,” sabi ni Jan Kerkhofs, retiradong propesor sa panlipunang agham sa Leuven University, Belgium.
Ang Mataas na Halaga ng Alkoholismo
Ang alkoholismo ay magastos. Ito ay kapuwa magastos para sa alkoholiko at sa lipunan sa maraming paraan, kasama na ang tumataas na gastos sa kalusugan, wasak na mga tahanan, aksidente, at kamatayan. Gayunman, ang gastos na kadalasang nakaliligtaan ay ang tunay na halaga ng salapi na gugugulin ng alkoholiko sa pagsuporta sa kaniyang pagkasugapa. Sang-ayon sa pahayagan ng Pransiya na Le Figaro, ipinakikita ng isang pagsusuri na isinagawa sa Pransiya na ang isang alkoholiko ay gumugugol sa katamtamang higit sa 3,000 francs ($540, U.S.) isang buwan sa kaniyang pag-inom. Isa pa, isinisiwalat ng pagsusuri na ang konsumo sa alak ay karaniwang kumukuha ng 50 porsiyento sa badyet ng pamilya ng alkoholiko—halos 80 porsiyento para sa mga namumuhay mag-isa. Paglipas ng isang taon ng lubusang pag-iwas, halos lahat ng alkoholiko na nakibahagi sa pagsusuri ay napasulong ang kanilang pangkalahatang pamantayan ng pamumuhay. Sila’y higit na nakakakain at mas mahusay ang kanilang pananamit. Kalahati sa kanila ay nakapag-ipon pa man din ng salapi.
Mas Mabilis na Pagsusuri ng Malaria
Isang mas mabilis at mas wastong paraan ng pag-alam sa malaria ay nagagamit na may tagumpay sa bansang Aprika na Kenya. Ang magasing Panoscope ay nag-uulat na sa paggamit ng “isang makinang naghihiwalay sa mga sangkap, manipis na tubo, polystyrene float at ultraviolet na sinag, ang mga parasito ay makikita sa 45 segundo, kung ihahambing sa apat na minuto ng kasalukuyang paraan.” Ang bagong paraan na ito, sabi ng magasin, ay makababawas sa pagod ng mga teknisyan at sa gayo’y magpapaunti sa bilang ng mga pagkakamali sa pagrekunusi. Mahigit sa 150 milyon katao sa buong mundo ay nagdurusa mula sa malaria. Sa bawat taon, ang sakit ay pumapatay ng mahigit sa isang milyong katao—karamihan ay mga bata.
Mapanganib na Pangingisda
Ipinaalam kamakailan ng U.S. National Research Council sa publiko ang mga resulta ng isang pagsusuri kung saan ang komersiyal na pangingisda ay naibilang sa mga industriyang pinakamapanganib sa bansa. Sang-ayon sa The New York Times, nasumpungan sa pagsusuri na “sa 47 kamatayan sa bawat 100,000 manggagawa, ang komersiyal na pangingisda ay kapantay ng pagmimina bilang pinakamapanganib na hanapbuhay sa Estados Unidos.” Sa Maine lamang, may katamtamang anim na kamatayang may kaugnayan sa trabaho sa mga mangingisda bawat taon. Noong 1991 ang bilang na iyan ay halos nadoble. Sa pagbaba ng halaga ng ulang (lobster), ang ilang mga mangingisda na karaniwan nang hindi nanghuhuli ng ulang sa taglamig ngayon ay nasumpungang kailangang gawin iyon. Sinabi ng The Times na sa taglamig ang “nagyeyelong mga bangka, maunos na dagat at malalakas na hangin ay ginagawa ang isang mapanganib na negosyo na lalong maging mapanganib.”