Pinagagaang ang mga Dalamhati ng Kamatayan
Pinagagaang ang mga Dalamhati ng Kamatayan
ANG mga kaugalian at mga gawain sa libing ay iba-iba sa bansa at bansa at sa kultura at kultura. Ang mga batas ng pamahalaan ay maaaring magtakda ng ilang pamamaraan na dapat sundin. Gayunman, ang pinakamahalagang salik ay karaniwan nang ang relihiyosong mga paniwala ng pamilya at ng pamayanan. “Ang pag-aaral tungkol sa mga ritwal at mga kaugalian sa patay ay lubhang naglalarawan sa kaugnayan sa pagitan ng relihiyosong paniwala at popular na gawain sa harap ng patay,” sabi ng The New Encyclopædia Britannica.
Isaalang-alang ang isang libing na Hindu sa India. Ang katawan ay inihahanda para sa pagsusunog sa bangkay ayon sa mga ritwal ng partikular na sekta. Ang “banal na tubig,” mas mabuti kung galing sa Ilog Ganges, ay iniwiwisik sa sahig. Pagkatapos isang puting kumot ang inilalagay sa dakong ito, at ang bangkay ay inilalagay rito. Ang mabangong-samyo na insenso ay sinusunog sa paniwalang ito ay magdadala ng malilinis na espiritu sa dakong iyon. Ang pandikit ng pinulbos na sandalwood at pulang pulbos ay ipinapahid sa mukha. Ang katawan ay pinaliliguan at saka tinatakpan ng puting tela na binubudburan ng mga bulaklak. Ang bangkay ay saka bubuhatin na ang ulo ay sa unahan ng isang kalandra na kawayan sa nagliliyab na ghat (dakong pagsusunugan). Doon ang kalandra ay ibinabaligtad upang ipuwesto ang katawan na una ang paa, tungo sa nagliliyab na ghat, upang ipahiwatig na ito ay tumatanaw sa hinaharap na buhay. Ang pansigâ sa patay ay sinisindihan ng panganay na anak na lalaki, sapagkat pinaniniwalaan nila na tanging sa ganitong paraan lamang na ang “kaluluwa” ng namatay ay makasusumpong ng kapayapaan. Pagkatapos, ang mga abo ay tinitipon at dinadala sa isa sa “banal” na mga ilog ng India.
Sa Papua New Guinea, ugali na para sa mga kamag-anak na manatiling malapit sa bangkay, hinahalikan ito, iniiyakan ito, nangangako rito, at humihingi ng kapatawaran sa mga kasalanang nagawa sa taong namatay. Ang pananangis ay matindi, at ang paghimig ng mga panambitan ay nakadaragdag pa sa kalungkutan. Kaugalian nang magkaroon ng hindi kukulanging dalawang labis-labis na handaan pagkatapos ng kamatayan upang parangalan ang “espiritu” ng namatay at sanggahin ang anumang paghihiganti na maaaring dalhin nito.
Sa Aprika, ang mga gawain at mga tradisyon sa libing ay nagdiriin sa paniwala sa pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa. Nadarama nila ang pangangailangan na payapain ang mga patay, upang sila’y huwag magdala ng kapinsalaan sa kanilang mga kamag-anak. Maraming salapi ang ginugugol at maraming hain ang inihahandog sa pag-asang ang mga patay ay magpapakita ng pabor sa mga
buháy. Marami ang naniniwala sa reinkarnasyon, na ang namatay ay magbabalik bilang isang hayop na dapat may pagpipitagang igalang o bilang ibang miyembro ng pamilya sa pamamagitan ng isang babaing nagdadalang-tao sa panahong iyon. “Kaya,” ganito ang sabi ng isang report mula sa Nigeria, “pantanging pangangalaga ang ginagawa habang binibihisan ang bangkay upang matiyak na ang lahat ay maayos. Halimbawa, pinaniniwalaan na kung ang kamay ng bangkay ay hindi tuwid sa kabaong, ito ay lilitaw bilang isang depekto sa pagsilang sa reinkarnasyon ng tao. O ang bangkay na hindi nabihisan nang wasto ay maaaring maging baliw sa reinkarnasyon.” Ang takot sa mga patay at sa inaakalang pagsupil nila sa mga buháy ang kadalasang mga salik sa paggawi sa mga libing sa Aprika.Sa maraming rural na dako sa Gresya, ang matagal at masalimuot na mga seremonya ay nagaganap din pagkatapos ng isang kamatayan. “Sa susunod na limang taon, ang babaing mga kamag-anak ng namatay ay naghahanda at nangangasiwa ng maraming serbisyo bilang alaala sa namatay,” sabi ng magasing Science. “Para sa mga asawang babae, mga ina, at mga anak na babae, ang pagdadalamhati ay nagiging isang katangiang bahagi. Dadalawin nila ang puntod gabi-gabi upang magsindi ng kandila, linisin ang lapida, kausapin ang patay, umawit ng mga panaghoy, at tumangis. Ang sakdal na pagtatanghal ng mga ritwal na ito, sa paniwala nila, ay tutulong sa kaluluwa ng minamahal na namatay na magtungo sa langit.” Sa wakas, ang mga buto ng namatay ay hinuhukay at inilalagay sa isang karaniwang nitso sa nayon.
Karamihan ng mga libing sa Hapón ay kasuwato ng mga ritwal na Budista. Pagkatapos na mahugasan at maramtan ang bangkay, ito ay tinatakpan ng isang puting kumot, at isang kutsilyo ang inilalagay sa dibdib upang itaboy ang masasamang espiritu. Habang nasusunog ang mga kandila at insenso, isang pari ang bibigkas ng mga sutra (mga sipi buhat sa kanonikal na literaturang Budista) sa tabi ng higaan at binibigyan ang namatay ng isang Budistang pangalan pagkamatay niya na, depende sa dami ng karakter na ginamit, isang malaki-laking halaga ng pera ang dapat ibayad. Ang bangkay ay saka inilalagay sa isang kabaong na kahoy na walang pintura. Ang magdamag na paglalamay o mas maikling paglalamay ay ginaganap upang tangisan ang patay at manalangin para sa pamamahinga ng kaluluwa. Habang binibigkas ng pari ang mga sutra, ang mga nagdadalamhati ay nagkakaniya-kaniyang turno sa pagsusunog ng isang karampot na insenso. Gayunding ritwal ang nangyayari sa susunod na araw sa panahon ng serbisyo sa libing sa harap ng isang altar kung saan ang kabaong, ang larawan ng namatay, at ang iba pang mga gamit sa Budistang ritwal ay inilalagay. Ang pagsusunog sa bangkay, na kahilingan ng batas, ay saka nagaganap. Gayunman, mga ilang panahon pagkatapos nito ang insenso ay susunugin na salit-salit at isang pari ang bibigkas ng mga sutra hanggang sa inaakalang ang kaluluwa ay nawalan na ng impluwensiya nito sa mga gawain ng tao at lumalakip sa kaluluwa ng ninuno ng pansansinukob na kalikasan.
Ipaalam ang Iyong mga Kagustuhan
Sa halip na pagaanin ang kaigtingan na kasama sa pagkamatay ng isang minamahal, ang mga gawain sa libing na gaya nito ay kadalasang nakadaragdag
ng higit na mga pasanin. Ang isang pasanin ay ang gastos. Ang maringal na mga libing ay magastos. Ang mga pari ay karaniwang umaasa ng malalaking donasyon o bayad para sa kanilang mga serbisyo. Ang labis-labis na mga handaan at mga seremonya ay magastos din. Maaari pa ngang magkaroon ng panggigipit na lumabis pa sa kahilingan ng namatay o magsagawa ng mga ritwal na hindi niya pinaniniwalaan. Maaaring makarinig ng maraming reklamo mula sa pamilya o sa mga kaibigan na ang namatay ay hindi mabibigyan ng wasto at disenteng libing ayon sa mga pamantayan ng pamayanan. Kung mayroon kang anumang kagustuhan sa kung paano dapat isagawa ang iyong libing, makabubuting isulat mo ito at magkaroon ng mga saksi sa dokumento.Natutuhan ng isang maybahay na Hapones ang leksiyong ito nang mamatay ang kaniyang 85-anyos na ama. Hiniling ng kaniyang ama ang isang simpleng serbisyo bilang alaala sa patay na kinabibilangan lamang ng mga miyembro ng pamilya. Gayunman, ito’y pinagmulan ng maraming pagpuna mula roon sa mga pabor sa kombensyunal na programa sa libing. Pagkatapos, ang kaniyang anak na babae ay sumulat sa pahayagan ng Tokyo na Asahi Shimbun: “Kung nais ng isa na magkaroon ng isang libing na kakaiba sa iba, gaano man waring makatuwiran iyon sa isa, makabubuting talakayin ito sa araw-araw na usapan ng pamilya at kunin ang kanilang pagsang-ayon sa ideang ito. Mahalaga rin na mag-iwan ng nasusulat na kahilingan upang mapakitunguhan ng naulilang mga miyembro ng pamilya ang pagpuna.”
Lalong mahalaga nga na gawin ito kung ikaw ay may matibay na relihiyosong paniniwala na salungat sa lokal na gawain. Halimbawa, maaaring ikatakot ng isang Kristiyano sa Hapón na kung siya ay mamatay, ang kaniyang di-Kristiyanong mga kamag-anak ay mapitagang yuyukod sa harap ng kaniyang kabaong o larawan sa panahon ng libing na gaya ng pagyukod nila sa harap ng isang Budistang altar. Kaya maitatakda niya nang patiuna sa kaniyang nasusulat na mga tagubilin na pagkatapos makapagpaalam sa kaniya ang mga tao sa tahanan, ang kaniyang bangkay ay dapat sunugin at pagkatapos isang simpleng serbisyo sa alaala ng patay ang ganapin kung saan walang kabaong o larawan ang naroroon. Upang iwasan ang mga problema, ang mga kamag-anak ay maaaring patiunang pagsabihan tungkol sa pamamaraan.
Pakikitungo sa Negosyo na May Kaugnayan sa Patay
Nito lamang halos sandaang taong nakalipas, karamihan sa mga tao ay namamatay sa bahay, napaliligiran ng mga kaibigan at ng pamilya. Ang mga anak ay naroroon sa higaan ng namatay at nalalaman nila ang tungkol sa kamatayan sa ganitong paraan. Subalit lahat ng ito ay nagbago sa maunlad, industriyal na mga bansa sa daigdig. Ang maraming naghihingalo ay isinusugod sa mga ospital, at ang mga pagsisikap ay ginagawa upang pahabain ang kanilang buhay. “Sa halip na unawain ang kamatayan bilang isang likas na bagay, inuunawa ito ng makabagong mga manggagamot bilang masama o hindi likas, isang pagkatalo ng lahat ng kanilang terapeutikong pagsisikap, kung minsan ay halos bilang isang personal na pagkatalo,” sabi ng The New Encyclopædia Britannica. “Ang sakit ay ginagamot sa pamamagitan ng lahat ng posibleng sandata, kadalasan nang hindi gaanong pinag-iisipan ang taong maysakit—kung minsan ay hindi man lamang iniisip kung baga may ‘tao’ pa nga.”
Ang katamtamang libing sa Estados Unidos ngayon ay nagkakahalaga ng mahigit na $3,000—at hindi pa kasali riyan ang lote sa sementeryo. Ang kaugalian sa pakikitungo sa isang madamaying nangangasiwa sa libing ay kalimutan na siya ay nasa negosyo upang kumita. “Ang motibong tumubo ay buháy na buháy sa industriya ng mga kaayusan sa libing,” sabi ng magasing Changing Times. “At katulad sa anumang komersiyal na kapaligiran, ang bumibili ng mga kaayusan sa libing ay nanganganib na gipiting gumasta, madaya, singilin nang labis o suklian nang kulang ng isang magdarayang negosyante. Sa katunayan, ang panganib ay mas malaki sapagkat karamihan ng mga tao ay bumibili sa unang pagkakataon, sila ay nangungulila at dapat silang kumilos nang mabilis.”
Gayunman, may ibang mapagpipilian. Ang isa ay magtabi ng pera para sa iyo mismong libing. Ito ay maaaring gawin sa pamamagitan ng isang pantanging deposito sa bangko sa pangalan mo na ipagkakatiwala sa isang tao na itinalaga mo pagkamatay mo. Ayon sa batas sa pagbabangko sa E.U., ang pera sa gayong kuwenta (tinatawag na Totten trust) ay maaaring kunin ng benipisyari kung ipakikita niya ang pagkakakilanlan sa kaniya at legal na dokumento na nagpapatunay na ang tao ay namatay na. Samantala, ang pera ay maaaring manatili sa iyong pangangasiwa. Ang mga polisa sa seguro sa isang matatag, marangal na kompanya ay
isa pang mapagpipilian. Kung may asawa, tiyakin na nalalaman ito ng iyong kabiyak, lalo na tungkol sa pinansiyal na mga bagay. Ang paggawa ng testamento ay kapaki-pakinabang din. Malamang na hindi naman kayo sabay na mamamatay. Sa karamihan ng mga kaso ang mga lalaki ay unang namamatay kaysa kanilang asawa. Kadalasang nasusumpungan ng mga babae ang kanilang sarili na walang kaalam-alam tungkol sa mga bagay na ito, na nakadaragdag pa sa kanilang dalamhati at kirot. Yamang ang kamatayan ay maaaring dumating nang di-inaasahan, huwag ipagpaliban ang pagtalakay sa mga bagay na ito sa inyong pamilya.Pakikitungo sa Dalamhati
Ang isang tao na tinitiis ang pagkamatay ng isang minamahal ay dumaranas ng matinding sakit ng damdamin. Ang pangangailangang umiyak at tumangis ay laging naririyan hanggang sa matanggap ang kamatayan. Ang tagal ng pagdadalamhati ay iba-iba sa bawat indibiduwal. Ang ilan ay madaling nakakayanan ang pagkamatay ng isang minamahal, samantalang ang iba ay kumukuha ng isang taon o higit pa. Ang ilan ay hindi humihinto sa pagdadalamhati. Paano matutuhan ng isa na makayanan ang pagdadalamhati?
Mahalaga na huwag mong ibukod ang iyong sarili at lumayo sa lipunan. Ang pagbalik sa rutina ng buhay at pakikipag-usap sa mga kaibigan at mga kamag-anak sa pamamagitan ng tawag sa telepono o sa pagdalaw ay mahalaga upang makabawi sa dalamhati. Bagaman kung minsan may mga panahon na kailangan mong mapag-isa, ito ay hindi dapat na maging isang ugali. Tulungan ang mga tao na makipagtalastasan sa iyo sa pamamagitan ng pakikipagtalastasan sa kanila.
Ang ilang mabuting payo ay ibinigay ng isang taong namatayan ng limang malapit na kamag-
anak sa loob lamang ng tatlong-taon singkad, kasali na ang kaniyang ina at ang kaniyang minamahal na maybahay sa loob ng 41 taon, na may matagal na pakikipagbaka sa kanser. Sabi niya: “Ako ay nagdalamhati. Kung minsan ako’y umiiyak. Subalit kailangan mong malasin ang buhay nang makatotohanan. Dapat mong tanggapin ang buhay kung ano ito, hindi kung ano ang gusto mong kalabasan nito. Kailangan mong makibagay sa kahirapan at tanggapin ang kamatayan, sa halip na walang-katapusang magdalamhati.”Mahalagang alalayan at patibayin-loob ang nagdadalamhati. Nakalulungkot nga, karamihan sa atin ay nag-aakalang hindi tayo kuwalipikado na gawin iyon at hindi natin alam kung ano ang sasabihin. Maaari pa nga tayong mahiya kung tayo o ang naulila ay umiyak. Kaya ang kaugalian ay iwasan ang isa na nagdadalamhati—kung kailan kailangang-kailangan tayo ng isang iyon. Ang ilan ay inakusahan pa nga ng pagtawid sa kalye at paglakad sa kabilang daan upang huwag lamang makausap ang isa na naulila! Sabi ng isang biyuda: “Ako’y nag-iisang nagdalamhati. Kailangang-kailangan ko ang may makausap subalit walang may ibig makinig.”
Ang iba naman na sumusugod at nagbibigay ng alalay sa panahon ng kamatayan ay kadalasang mabilis ding humihinto sa pagtulong. “Pagkatapos ng isang kamatayan, kung minsan ay kumukuha ng ilang linggo o buwan bago mapagtagumpayan ng naulila ang panimulang sindak. Iyan ang panahon na napakahalaga ng alalay at bihira namang nakukuha ang kailangang alalay,” sabi ng propesor sa sikolohiya na si Patricia Minnes. At isang pagkakamaling maghinuha na yaong hindi nagpapakita ng matinding hapis ay alin sa malamig o hindi maibigin, ikinakaila ang kawalan, o tapos nang magdalamhati. Ang iba ay maaaring may higit na panloob na lakas na batahin ang kanilang dalamhati, ngunit kailangan din nila ng kaaliwan at alalay.
Kahanga-hanga, kung gayon, kung ang mga kaibigan ay tumulong sa naulila sa pangangalaga sa mga bagay at pagsikapang makuha ang kinakailangang mga dokumento! Anong laking ginhawa nga na may matatag, umaalalay na kamay at matinong isip na tutulong sa iyo kapag gumagawa ng mga kaayusan sa libing! Anong laking pagpapahalaga kapag may tumutulong sa mga anak at tumitingin sa mga pangangailangan ng dumadalaw na mga kamag-anak at mga kaibigan! Anong pagkamaalalahanin kapag ang mga kaibigan at mga kapitbahay ay magdala ng pagkain sa araw-araw at mag-alok na gawin ang mga gawain sa bahay o dalhin ang mga nagdadalamhati kung saan nila gustong pumunta! Anong laking ginhawa nga na may isa na mahihingahan ang mga nagdadalamhati ng kanilang mga damdamin! Anong laking ginhawa na marinig ang nakaaaliw na mga salita at madama ang mainit na paghipo sa kamay bilang tanda ng pagmamahal at kaaliwan! Anong inam nga kapag, kahit na pagkalipas ng mga buwan, ay may nagtatanong kung ano na ba ang kalagayan ng mga nagdadalamhati at maibiging salita ang binibigkas!
Subalit ang pagkakaroon ng pag-asa sa hinaharap ay lubhang nakatutulong. Mayroon bang gayong pag-asa?
[Blurb sa pahina 5]
“Dapat mong tanggapin ang buhay kung ano ito, hindi kung ano ang gusto mong kalabasan nito”
[Kahon/Larawan sa pahina 7]
Ano ang Sasabihin Natin sa mga Bata?
Sabihin sa kanila ang totoo, ayon sa antas ng kanilang pagkaunawa. Banggitin ang tungkol sa kamatayan at pagkamatay na gaya ng kung ano ito, at iwasan ang malabong pananalita. Kung sasabihin mo, “Umalis na si Lolo” o, “Wala na si Lolo,” maaaring asahan ng bata ang Lolo na magbalik o “masumpungan.” Tulungan ang bata na maunawaan ang katotohanan ng kamatayan, at sagutin ang mga tanong ayon sa Kasulatan. Maaaring ipakilala sa bata ang kamatayan sa pamamagitan ng kalikasan. Maaaring ipaliwanag mo ang kamatayan ng mga hayop, ng mga ibon, o ng mga insekto. Maging matiyaga, at ituwid ang maling mga kaisipan na maaaring nakuha ng bata mula sa sine o TV. Ang lubusang pagtatabing ng kamatayan sa mga bata ay maaaring lumikha ng galit o takot sa di-kilala.
Ang isang bata ay maaaring makadama ng pananagutan sa kamatayan, lalo na kung siya’y galit sa isa na namatay. Tulungan ang bata na maunawaan na hindi niya kasalanan ito, upang maiwasan ang mga pagkadama ng pagkakasala.
Ang takot na maiwan ay tunay na tunay sa mga bata na namatayan ng isang magulang. Hangga’t maaari’y pahinahunin sila, at ipaalam sa kanila na sila’y mamahalin at pangangalagaan. Ang isang bata ay maaari ring magalit. Kung siya’y sinabihan na kinuha ng Diyos ang kaniyang magulang, maaari siyang makadama ng galit sa Diyos. Ang pagkaalam ng mga katotohanan sa Bibliya ay tutulong sa mga bagay na ito. Bigyan ng katiyakan ang bata, at bigyan siya ng pag-ibig at alalay.
[Larawan sa pahina 8]
Magbigay ng alalay at pampatibay-loob sa mga nagdadalamhati