Radyaktibidad—Paano Ka Isinasapanganib Nito?
Radyaktibidad—Paano Ka Isinasapanganib Nito?
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Britaniya
“RADYAKTIBO!” Ano ang pumapasok sa isip mo kapag narinig mo ang salitang iyan? Para sa maraming tao, ang radyasyon ay “hindi maipaliwanag, hindi nakikita, hindi nahahawakan at halos mahiwagang masama,” sabi ng komite sa kapaligiran ng Mababang Kapulungan sa Britaniya. Gayon din ba ang palagay mo?
ISANG dantaon lamang ang nakalipas, ang radyaktibidad ay hindi kilala. Ngayon, ang radyaktibong mga materyales ay malawakang ginagamit anupat mapapansin mo ang tanda na nagpapahiwatig na may radyaktibidad sa mga ospital, sa mga trak na naghahatid ng radyaktibong mga materyales, sa mga pagawaan, gayundin sa mga instalasyong nuklear. Ang mga ito ay gumaganap ng isang mahalagang papel sa modernong buhay.
Sa kabilang panig, noong mga huling araw ng Digmaan Pandaigdig II, ang mga pagsabog ng bomba-atomika sa Hiroshima at Nagasaki ay naglabas ng napakaraming dosis ng radyasyon nuklear at nagdala ng walang-katulad na kapinsalaan at pagkawasak. Kamakailan lamang, ang mga aksidente ng plantang nuklear sa Three Mile Island (E.U.A.), Chernobyl (Ukraine), at sa malapit sa St. Petersburg (Russia) ay nakaragdag pa sa takot ng mga tao tungkol sa radyaktibidad.
Ano, kung gayon, ang radyaktibidad? Paano ka maisasapanganib nito?
Isang Malakas na Palatandaan
Lahat ng bagay ay binubuo ng mga atomo, at karamihan ng mga atomo ay matatag. Ang mga eksepsiyon, na may di-matatag na mga nukleo, ay tinatawag na “radyaktibo.” Kilalang-kilala sa mga ito ang uranyum. Upang makamit ang katatagan, ang di-matatag na nukleo ay nagbabago at, sa proseso, ay naglalabas ng radyasyon sa anyo na mumunting mga butil at rayos o sinag. Sa ganitong paraan ang uranyum ay nababago tungo sa sunud-sunod na ibang elemento at sa wakas ay nagiging isang matatag na elementong tingga.
Lahat ng radyasyon ay nakapapasok subalit sa iba’t ibang antas. Ang pinakamabigat (alpha) na mga butil ay karaniwang naglalakbay nang wala pang limang centimetro sa himpapawid. Pinipigil ito ng iyong mga damit o pang-ibabaw na sapin ng iyong balat. Ang mumunting elektron na nag-aanyong radyasyong beta ay lumalampas ng ilang metro sa himpapawid, subalit hinahadlangan ng isang manipis na piraso ng aluminyo o salamin ang kanilang pagsulong. Mas nakapapasok ang ikatlong uri, ang mga gamma ray. Ang makakapal na halang ng tingga o kongkreto ay maaaring magsanggalang sa atin mula sa uring ito ng radyasyon. Kung walang proteksiyon, tayo ay naisasapanganib. Paano?
Kung Paano Pumipinsala ang Radyasyon
Kapag ang radyasyon ng nabanggit na mga uri ay pumapasok sa katawan ng tao, binabago nito ang ilang mga atomo sa mga selula na madaanan nito. Ito ay maaaring magpangyari ng kemikal na mga pagbabago na maaaring puminsala o pumatay pa nga sa mga selula. Ang kabuuang epekto sa katawan ay depende sa lawak ng pinsala at sa dami ng mga selulang napatay. Kung ang pinsala ay nangyayari sa mga molekulang DNA sa mga chromosome, ang resulta ay maaaring maging napakagrabe sapagkat sinusupil nila ang normal na paglaki at gawain ng mga selula. Ang mga siyentipiko ay naniniwala na ang pinsalang ito ay nauugnay sa kanser.
Pinipinsala ng maraming radyasyon sa maikling panahon kapuwa ang mga himaymay ng buto at ang mga selula ng dugo, na sanhi ng sakit at kamatayan dahil sa radyasyon. Noong Setyembre 1987 nasaksihan ng bayan ng Goiânia sa Brazil ang isang trahedya na iniulat na inilarawan ni Dr. Gerald Hansen ng World Health Organization bilang “ang pinakagrabeng aksidenteng [nuklear] sa Kanlurang hemispero, ikalawa lamang sa Chernobyl.” Nahawakan ng isang negosyante ng patapong mga piraso ng metal ang masyadong radyaktibong pulbos na cesium mula sa isang itinapong makinang gamit sa radiotherapy. Siya at ang iba pa sa karatig na pook ay tumanggap ng napakaraming dosis ng radyasyon. Kumalat ang takot habang ang bangkay ng unang mga biktimang namatay ay inilagay sa mga kabaong na tingga at inilibing sa mga libingang selyado ng kongkreto. Ayon sa The Times ng London, nakakaharap ng mga nabubuhay pa na tumanggap ng maraming dosis ng radyasyon ang “halos tiyak na kanser o pagkabaog.”
Ang mas kaunting dosis ng radyasyon na lumaganap sa isang yugto ng panahon ay humantong din sa bahagyang pagdami ng panganib na magkaroon ng kanser. Kung minsan maaaring matagumpay na kumpunihin ng katawan ng tao ang mga selulang tinamaan ng radyasyon. Gayunman, kung hindi makumpuni ay maaaring magkaroon ng kanser. Balintuna nga, ang radyaktibidad ay ginagamit sa radiotherapy upang patamaan at sirain ang mga selulang may kanser.
Kung Paano Natin Nakukuha Ito
Pagkaraan ng malaking sakuna sa Chernobyl noong 1986, ipinatupad ng ilang pamahalaan ang
pagbabawal sa ilang pagkain na sinasabing mapanganib na nahawahan ng radyaktibidad. Sa Sweden, halimbawa, ang pagkain ng karne ng reindeer (isang uri ng usa) na may mataas na antas ng radyaktibong cesium ay ipinagbawal. Gayundin naman, muling ipinag-utos ang pagbabawal sa pagtitinda ng mga tupa mula sa maraming bukid sa Wales at Scotland nang ang radyasyon na mas mataas sa sinasabing ligtas na takda ay makita sa mga kawan ng tupa na pinalaki noong 1987.Bagaman nauunawaan ang pagkabahala ng publiko sa mga panganib ng nahawahang mga pagkain at radyaktibong kakambal na mga produkto, bihira, kung mayroon man, na nababahala tungkol sa radyaktibong mga gamot at mga X ray. Gayunman, ang mga ito ay nagbibigay ng humigit-kumulang 12 porsiyento ng ating kabuuang taunang dosis. Di-palak na ang pinakamaraming dosis ng ating radyasyon ay nanggagaling sa likas na mga pinagmumulan. Ang mga rayos kosmiko mula sa kalawakan ay nagdadala ng 14 na porsiyento. a Habang tayo ay kumakain at umiinom, tayo ay nagpapasok ng karagdagang 17 porsiyento. Kahit na ang likas na radyaktibong mga bato at lupa sa planetang lupa ay nagdaragdag ng malaki-laking bahagi, yaon ay, 19 na porsiyento. Kaya saan nanggagaling ang natitirang bahagi?
Panganib—Radon!
‘Sa gilid ng Dartmoor sa timog-kanluran ng Inglatera ay ang nayon ng Chagford. Ang isa sa mga gusali nito, na ginagamit bilang isang sentrong pangkalusugan, ang kinaroroonan ng tinatawag na pinakaradyaktibong kasilyas sa daigdig. Kung ikaw ay pumupunta sa dakong ito apat na beses isang araw sa loob ng 15 minuto sa isang panahon, ikaw ay malalantad sa mas marami kaysa inirerekomendang pambansang taunang antas ng radyaktibong gas na tinatawag na radon, marahil ang pinakamalaking sanhi ng kanser sa Britaniya kasunod ng paninigarilyo.’—New Scientist, Pebrero 5, 1987.
Bagaman ang report na iyan ay maaaring kahindik-hindik, sa katamtaman, halos sangkatlo hanggang kalahati ng ating taunang dosis ng radyasyon ay nanggagaling sa radon at sa kasama nitong radyaktibong gas, ang thoron. Bilang isang gas, ang radon ay kakaiba sa radyaktibong serye ng pagkabulok na nagsisimula sa uranyum. Bumubulubok pataas sa mga bitak ng bato, ito ay tumatagos sa pundasyon at sa loob ng bahay at dinudumhan ang hangin ng radyaktibidad.
Natuklasan ng mga pag-aaral ng National Radiological Protection Board ng Britaniya ang mga dako kung saan ang hangin ay lubhang narumhan ng radon anupat ito ay “hindi papayagan sa loob ng isang plantang nuklear,” ulat ng magasing New Scientist. Oo, tinataya ng lupon na 20,000 mga tahanan sa Britaniya ang may konsentrasyon ng radyaktibidad na sampung ulit na mas mataas sa karaniwang taunang dosis ng radyasyon. Dahil sa maraming modernong tahanan ang itinayo kung saan ang hangin ay hindi makatakas o makapasok, kinukulong nito ang radyaktibong mga gas sa loob at pinararami ang pagkakaroon ng kanser sa bagà.
Bagaman ang mga panganib ay maaaring maliit, ito ay mahalaga. Sang-ayon sa kasalukuyang tantiya, halos 2,500 katao sa isang taon sa Britaniya ang nagkakaroon ng kanser sa bagà mula sa radyaktibidad ng radon. Sa Estados Unidos, kung saan isiniwalat ng isang surbey sa sampung-estado na sangkalima ng lahat ng tahanan ay may mga antas ng radon na ipinalalagay na di-ligtas, tinatayang mula sa 2,000 hanggang 20,000 kamatayan isang taon ay dahil sa kanser sa bagà na dulot ng gas na radon. Mula sa Sweden ay iniulat ng mga mananaliksik na dahil sa gas na radon na nakulong sa graba, ang mga antas ng radyaktibidad sa ilang mga bahay ay tinatayang apat na beses kaysa mga bahay sa Britaniya.
Gaano Katotoo ang mga Panganib?
“Sa nalalaman natin,” komento ng The Economist, “ang bawat sinag ng [gamma] ay maaaring pagmulan ng kanser at mientras mas maraming sinag na nagtutungo sa ating katawan, mas malaki ang tsansang may isang gumagawa ng pinsala.” Subalit idinaragdag pa nito: “Ang probabilidad ng isa na gumagawa niyaon ay napakaliit.”
Ang panganib na ang isang tao ay magkaroon ng nakamamatay na kanser dahil sa pagkalantad sa isang dosis ng millisievert (sobra at mahigit sa dosis na mula sa natural na pinagmulan) ay, sang-ayon sa ICRP (International Commission on Radiological Protection), isa sa 80,000. b Kaya, ang ICRP ay nagpapayo na “walang gawain na kinasasangkutan ng pagkalantad sa radyasyon ang dapat itaguyod maliban na kung ang pagpapakilala nito ay gumagawa sa wakas ng positibong pakinabang.” Inirerekomenda nito na “lahat ng pagkalantad ay dapat na panatilihing mababa hangga’t maaari, samantalang isinasaalang-alang ang mga salik na pangkabuhayan at panlipunan.”
Ang United Kingdom Atomic Energy Authority ay naniniwala na ang panganib na magkaroon ng kanser na dala ng radyasyon mula sa gayong dosis ay maaaring mas mababa pa. Sa kabilang panig, ang mga pangkat na pangkapaligiran, na suportado ng maraming mananaliksik, ay nagsasabi na ang inirerekomendang ligtas na mga antas ay dapat bawasan. Iminumungkahi ng isa na ang tuntunin ng ICRP ay dapat baguhin na ang lahat ng mga pagkalantad ay dapat na panatilihing “mababa hangga’t magagawa sa teknikal na paraan.”
Samantala, may magagawa ka ba upang pangalagaan ang iyong sarili mula sa panganib ng radyasyon? Oo, tiyak na may magagawa ka.
Mga Pag-iingat na Magagawa Mo
Kung paanong makapag-iingat ka upang pangalagaan ang iyong sarili mula sa labis na pagkalantad sa araw at sa gayo’y iwasan ang kanser sa balat, makapag-iingat ka rin upang pangalagaan ang iyong sarili mula sa mga pinsala ng radyaktibidad. Kaya alamin at sundin ang mga babala.
Kung ikaw ay nakatira sa isang dako na kung saan may mga batong lumilikha-radon, maaari kang maglagay ng bentilasyon para sa pundasyon ng iyong bahay na tutulong upang hadlangan ang pagdami ng mapanganib na gas sa loob ng bahay. Kapag ikaw ay niresetahan ng medikal na pagsusuri na gumagamit ng radyaktibong mga materyales o mga X ray, tanungin ang iyong doktor kung gaano kahalaga ang mga ito. Marahil makapagmumungkahi siya ng hindi gaanong mapanganib na mapagpipilian. At kapag nakita mo ang tanda na naghuhudyat ng panganib-sa-radyasyon, kumuha ng sapat na pag-iingat upang sundin ang pangkaligtasang pamamaraan na nakabalangkas para sa dakong iyon.
Di-nakikita at di-nahahawakan, ang radyaktibidad ay totoo. Subalit kung ito ay mapananatili sa kaniyang dako, ang panganib ng radyaktibidad ay nababawasan. Sa ilalim ng sakdal na mga kalagayan, hindi ka na isasapanganib nito.
[Mga talababa]
a Ang radyasyon kosmiko ay naiiba sa radyasyon nuklear na inilalabas ng radyaktibong mga materyales.
b Ang sievert ay isang panukat sa dami ng enerhiya na ibinibigay ng radyasyon sa mga himaymay ng katawan. Ang isang millisievert (mSv) ay isang ikasanlibo ng isang sievert. Ang katamtamang taunang dosis sa Britaniya ay halos 2 mSv, at ang isang X ray sa dibdib ay nagbibigay ng halos 0.1 mSv.
[Dayagram/Larawan sa pahina 13]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
A
B
C
D
E
F
A—Pagkain at inumin
B—Radon and thoron
C—Bato at lupa
D—Kosmiko
E—Medikal
F—Nuclear fallout
[Credit Line]
Larawan D: Holiday Films
[Picture Credit Lines sa pahina 11]
Mga Larawan: Sa itaas sa kaliwa at sa ibaba sa kanan, Larawan ng U.S. National Archives; sa ibaba sa kaliwa, Larawan ng USAF; sa ibaba ikalawa mula sa kaliwa; Holiday Films