Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tubig na Pumapatay

Tubig na Pumapatay

Tubig na Pumapatay

SINURI ng mga mananaliksik sa Mayor de San Marcos National University sa Peru ang 30 sampol ng tubig mula sa pampublikong mga pasilidad at mga tirahan sa lungsod ng Lima. Ayon sa Visión, isang magasin sa Latin-Amerika, 29 na sampol ay napakarumi na may mga baktirya at mga labí ng dumi. Isang sampol lamang ng tubig ang angkop para inumin ng tao.

Ang Ministri ng Kalusugan sa Peru ay naghinuha na 50 porsiyento ng tubig na iniinom ng mga tao sa Lima ay maaaring magdala ng “disintirya, tipus, hepatitis, kolera, at iba pang gastrointestinal na mga sakit.” Kilalang-kilala ang epidemya ng kolera sa Peru, kung saan nahawahan ang 150,000 katao at naging sanhi ng 1,100 kamatayan sa pagitan lamang ng Enero at Abril ng 1991.

Ang malawakang inirekomendang lunas sa problema ay pakuluan ang tubig nang husto upang mapatay ang nakahahawang mga organismo. Gayunman, hindi ito laging madaling gawin. Binabanggit ng Visión na para sa “maraming pamilya halos isang luho ang magpakulo ng tubig sa loob ng sampung minuto sapagkat ang kerosene ay nagkakahalaga ng mahigit na isang dolyar ang isang galon,” na malaking porsiyento ng katamtamang lingguhang sahod.

Ang problema ng maruming inuming tubig ay hindi natatangi sa mahihirap na bansa. Halimbawa, ayon sa The New York Times, sa Estados Unidos, “tinatayang sa bawat taon mahigit na 250,000 mga bata ang nalalantad sa tingga sa iniinom na tubig sa antas na mataas upang sirain ang kanilang mental at pisikal na paglaki.” At sa Europa ay may lumalaking pagkabahala sa maruming daanan ng tubig. Ang magasing New Scientist ay nag-uulat na “marami sa suplay ng tubig sa Europa ay nanggagaling sa mga balon ng tubig (aquifer), na malamang na mahawahan ng kemikal at metalikong mga bagay.”

Sa Apocalipsis 14:7, binabanggit ng Bibliya si Jehova bilang “ang Isa na gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at ng mga bukal ng tubig.” Mayroon din siyang kapangyarihan na gawing masarap at malinis na tubig ang mapait at maruming tubig. (Exodo 15:22-25; 2 Hari 2:19-22) Ito’y gagawin niya sa pambuong-daigdig na lawak pagkatapos ipahamak yaong mga nagpapahamak sa lupa.​—Apocalipsis 11:18.