AIDS sa Aprika—Isang Babala sa Daigdig!
AIDS sa Aprika—Isang Babala sa Daigdig!
“KUNG ikaw ay may 1 mangingibig sa bawat taon sa loob ng 6 na taon, at gayundin ang lahat ng iyong mangingibig, para ka na ring nakipagtalik sa 45 000 tao.” Ang simpleng kalkulasyong ito ni Dr. K. E. Sapire, sinipi sa magasin ng Timog Aprika na Continuing Medical Education ay naglalarawan ng napakalaking potensiyal ng pagkahawa sa AIDS na umiiral sa mga gahaman sa sekso.
Kaya bakit magtutuon ng pansin sa Aprika?
Sapagkat ang nangyayari roon ay isang babala sa daigdig. Hindi lamang ang Aprika ang tanging lugar kung saan palasak ang pagkagahaman sa sekso. Ito ay isang pangglobong aktuwal na pangyayari. “Sa wakas,” sabi ng eksperto sa AIDS na si Dr. Dennis Sifris, “bawat taong mahilig sa sekso sa daigdig na may higit sa isang kapareha ay may posibilidad na manganib.” Gayundin, sang-ayon sa magasing U.S.News & World Report, sa mga pamantayan ngayon maging ang “pag-aasawa ay hindi kasiguruhan ng heteroseksuwalidad—o ng pagiging tapat—at sa gayo’y hindi ganap na pananggalang laban sa AIDS.”
Kaya naman, sa mabubuting dahilan, nagbabala ang magasing African Affairs: “Ang epidemya ay maaaring maulit kahit saan.” Ang lahat ng tanda ay nagpapakita na ang krisis sa Aprika ay nauulit na sa maraming iba pang lugar sa daigdig.
Nag-ulat ang magasing Newsweek na sa Brazil, halimbawa, “ang tumataas na bilang ng heteroseksuwal ay nagkaroon ng AIDS mula sa kanilang nahawang mga mangingibig.” Tinataya ng kagawaran ng kalusugan ng bansang iyan na kalahating milyon na ang positibong may HIV. “Kung walang magagawa,” sabi ni Dr. Carlos Alberto Morais de Sá, patnugot ng pananaliksik sa AIDS ng Gaffrée e Guinle University Hospital sa Rio de Janeiro, “tayo’y mapapaharap sa isang pangmadlang kalamidad sa pangkalusugan.”
Ang Estados Unidos din ay binabalaan. “Samantalang ang bilang ng heteroseksuwal ay kakaunti,” ulat ng magasing Time, “ito ay tumaas sa 40% noong nakaraang taon [1990], mas mabilis kaysa anumang ibang kategorya.” Isang linggo pagkatapos isiwalat na ang kilalang manlalarong si Magic Johnson ay nagkaroon ng AIDS sa pamamagitan ng pakikipagtalik, napakaraming tawag sa telepono sa medikal na mga paglilingkod ng mga taong takot na takot na nagkakagulo sa paghingi ng higit pang impormasyon tungkol sa sakit.
Ang Asia ay nagpapakita ng gayunding kalagayan ng nagbabantang kapahamakan. Ang bahaging iyan ng mundo ay nakaranas ng pagtaas sa pagkakaroon ng HIV mula sa halos wala noong 1988 hanggang sa mahigit sa isang milyon sa ngayon! “Ang antas ng pagkahawa sa Aprika ay waring magiging katamtaman kung ihahambing,” hula ni Dr. Jim McDermott, nag-uulat pagkatapos ng isang misyong pagsisiyasat sa Asia. Isinusog niya: “Ako’y kumbinsido na ang Asia ang magiging lugar na may pinakamalaking bilang ng mga biktima ng epidemya ng AIDS sa buong daigdig.”
Ang pagpapapanagot sa pinagmulan at paglaganap ng AIDS sa alinmang kontinente o pambansang grupo ay walang-saysay at walang kabuluhan. Tahasang nagsabi si Dr. June Osborn, dean ng Paaralan ng Pampublikong Kalusugan sa University of Michigan, E.U.A.: “Hindi sa kung sino ka kundi kung ano ang iyong ginagawa.”
Magpapatuloy ba ang AIDS na magpahirap sa pinsala niyaon saanman? Mayroon bang lunas, o sa wakas ay uubusin ba ng AIDS ang populasyon ng malalawak na lugar ng Aprika at iba pang bahagi ng daigdig?
[Picture Credit Line sa pahina 8]
Larawan ng WHO ni H. Anenden; likuran: Larawan ng NASA