Ang Ating Kahanga-hangang mga Kamay
Ang Ating Kahanga-hangang mga Kamay
SA ISANG nakabibinging sigaw, nabitiwan ng binata ang kaniyang martilyo at hinawakan nang napakahigpit ang kaniyang hinlalaki na para bang pinipiga ang sakit. Sa halip na pukpukin ang pako, napukpok niya ang kaniyang hinlalaki—muli.
Sa sandaling iyon ang magiging karpintero ay malamang na nakadarama na mas mabuti pa sa kaniya kung wala ang hinlalaking iyon. Subalit ang kadalasang “nakaaasiwa” na hinlalaki ay bahagi ng isang napakahusay na kagamitan na taglay ng bawat isa sa atin—ang mga kamay.
Dahil pangkaraniwan na sa atin ang ating mga kamay—ang maliliksing daliri, malalambot na hugpungan, ang sensitibong mga nerbiyo, at iba pa—madaling ipagwalang-bahala ang mga ito. Subalit walang anumang gawain ang ating maisasagawa malibang gamitin ang ating mga kamay. “Lahat ng masumpungang gawin ng iyong mga kamay, gawin mo nang iyong buong kapangyarihan,” himok ng pantas na si Haring Solomon. (Eclesiastes 9:10) Mabuti ang kaniyang pagpili sa kamay bilang sagisag sa mga gawain ng tao, sapagkat ito’y isang tunay na maselan na kasangkapang hindi mapapantayan.
Kahanga-hangang Ginawa
Ang ating mga daliri ay maaaring kumilos nang mabilis sa tipaan ng isang makinilya marahil sa bilis na mahigit na isandaang mga salita bawat minuto. Sila’y maaaring sumayaw sa 88 teklado ng isang piyano at makasulat ng mga nota upang maging kasiya-siyang musika. Subalit kumusta naman ang hinlalaki? Bueno, subukan ito: Buksan mo ang iyong palad, at panatilihing nakaturo sa itaas ang iyong mga daliri. Ibaluktot ang bawat daliri, simula
sa iyong kalingkingan. Napansin mo bang mahirap din na huwag pagalawin ang ibang mga daliri? Ngayon ibaluktot ang iyong hinlalaki, galawin ito nang paibaba’t paitaas, paikutin. Maaari mong gawin ito na talagang hindi gumagalaw ang ibang mga daliri. Ang pambihirang pagsasariling ito ng hinlalaki—ginawang posible ng malambot na hugpungan sa puno nito at sa pagkakaroon nito ng sariling katipunan ng mga kalamnan—ay nagbibigay ng maraming pantanging kakayahan.Isa sa mga ito ay na maaaring hipuin ng ating salungat na hinlalaki ang balat ng bawat ibang mga daliri, o mapipisil ang alinman sa mga ito. Isa bang walang halagang bahagi? Subukin mong pumulot ng isang barya na hindi ginagamit ang hinlalaki, o magbukas ng isang garapon, o pumihit ng hawakan ng pinto. Maging ang ating kaibigang karpintero ay nangangailangan niyaong “nakaaasiwa” na mga hinlalaki upang kaniyang mahawakan ang pako o maipukpok ang martilyo. Sa katunayan, upang baldahin ang bihag na kalabang mga kawal, sinunod ng ilang sinaunang mga bansa ang malupit na kaugalian ng pagpuputol ng kanilang mga hinlalaki.—Hukom 1:6, 7.
Sa lahat na maaaring gawin ng mga daliri, kamangha-mangha na iyon ay may kakaunting kalamnan. Sa panlabas, maaaring ito’y waring maging isang disbentaha, yamang ang higit na kalamnan ay nangangahulugan ng higit na lakas. Gayunman, ang mga kalamnan ay lumalaki pagka patuloy na ginagamit. Ano kaya ang mangyayari kung ang ating mga daliri ay pagkalooban ng malalakas na kalamnan? Sa dami ng gawa ng mga daliri, di-magtatagal ang ating mga kamay ay magmumukhang makakapal na sagwan, na pinapangyaring mahirap o imposibleng gawin ang maselan na gawain. Anong laking pasasalamat natin na inilagay nang may katalinuhan ng ating Maylikha ang karamihan ng mga kalamnan sa mga bisig, iniuugnay ang mga ito sa mga daliri sa pamamagitan ng mga litid!
Isang Hustung-hustong Guwantes
Ang balat na bumabalot sa iyong kamay ay higit pa sa balot lamang. Kurutin ang balat sa likod ng iyong kamay. Makikita mo na iyon ay maluwag at magalaw. Hinahayaan nito na maitikom ang kamao. Ngayon, kumusta naman ang palad? Ang balat doon ay di-gaanong nahihigit mula sa palad. Isip-isipin kung gaano kahirap na panatilihin ang hawak sa anumang bagay kung ang balat ay gumagalaw pabalik-balik. Upang mahigpitan ang hawak, ang palad ay nasasapnan. Ang mga taba na lalo nang makapal sa ibaba mismo ng mga daliri at sa pinakasakong ng palad—ang karaniwang mga lugar ng puwersa pagka tayo’y humahawak o dumiriin sa anumang bagay.
Kung titingnan mong mabuti ang gilid ng palad ng iyong kamay, mapapansin mo na ang balat ay hindi lubusang makinis. Bukod pa sa litaw na litaw na mga guhit sa palad, ang kamay ay nababalutan ng maraming maliit na magkakaparis na guhit at mga silo na tinatawag na papillary ridges. Gaya ng mga tread sa ilalim ng iyong sapatos, ang mga uka na ito ay naglalaan ng mas magaling na pagkapit at mabuting paghawak.
Sa dulo ng mga uka ay may mga butas para sa maliliit na glandula ng pawis na bumabasa sa palad. Walang alinlangang nakakita ka na ng isang manggagawa na ikinikiskis nang mabilis ang kaniyang mga kamay bago magsagawa ng isang mabigat na trabaho. Ito ay hindi nakagawian lamang. Ang pagkiskis ay lumilikha ng init, anupat pinasisigla ang mga glandula ng pawis. Ang pawis ay lumilikha ng friction para sa mas mabuting paghawak. Ano ang iyong ginagawa pagka nahihirapan kang ilipat ang mga pahina ng isang aklat na may maninipis na papel? Marahil ay sa gayunding paraan—ikinikiskis mo ang dulo ng iyong mga daliri sa hinlalaki upang gawing mas madali ang paglilipat ng mga pahina.
Ang mga silo at ikot ng mga uka sa dulo ng iyong mga daliri ay may iba pang gamit—ang mga ito ang nag-aanyo sa walang katulad na bakas ng iyong daliri. Waring kagila-gilalas nga, sa loob ng maliit na puwang sa dulo ng daliri matatagpuan ang isang anyo ng mga guhit na hindi makokopya sa mahigit na 50 bilyong iba pang mga daliri at mga hinlalaki na umiiral. Kahit na maaaring magkahawig ang kambal, nakikilala sila sa kanilang mga bakas sa daliri. Kawili-wili, noong nakalipas na ikatlong siglo B.C.E., nakikilala ng mga negosyanteng Intsik ang kanilang mga parokyano sa pamamagitan ng mga bakas ng daliri, na napatunayang kasing kapani-paniwala ng isang pirma. Sa katunayan, maging ang mga sugat sa daliri ay hindi magpapabago ng iyong bakas. Iyon ay tutubong muli nang walang pagbabago kung ang pinsala ay di-gaanong malalim.
Libu-libong mga Nerbiyo
Bagaman ang ating kamay ay hindi nakakakita, nakaririnig, nakaaamoy, gayunman ang mga ito ay isa sa pangunahing paraan ng pagdama sa ating
paligid. Halimbawa, ano ang iyong ginagawa pagka ikaw ay nasa isang napakadilim na silid? Iniuunat mo ang iyong mga kamay, nakabuka ang mga daliri, nangangapa sa palibot ng silid. Oo, ang ating mga kamay ay hindi lamang mahusay na mga kagamitan kundi maseselan na pandamdam din. Ang mga ito ay naglalaan sa atin ng patuloy na daloy ng impormasyon—ang kalan ay mainit, ang tuwalya ay basa, ang bestida ay malasutla, ang balahibo ng pusa ay malambot, at iba pa. Ang ating ikalimang pandamdam, ang pandama, ay nagsisimula sa mga kamay.Ang dulo ng ating mga daliri ay napakasensitibo sapagkat ang mga ito ay may napakaraming sensory receptor—mga 1,400 ng mga ito sa sentimetro kuwadrado. Kung iyong hawak ang dalawang aspili na anim na milimetro ang layo at itinusok ang mga ito sa iyong mukha, makararamdam ito na parang iisang tusok lamang. Subalit itusok ang mga aspili ring iyon sa dulo ng isang daliri, at ang masisinsing nerbiyo roon ay dagling magsasabi sa iyo na dalawang aspili ang naramdaman ng mga ito. Ito ang nagpapaging posible para sa isang taong bulag na makabasa ng Braille. Sino ang may sabi na hindi nakakakita ang mga kamay?
Ang tanging bahagi ng kamay na walang mga nerbiyo ay ang mga kuko. Subalit hindi ibig sabihin niyan na ang mga ito ay walang silbi. Sa kabaligtaran, ang mga kuko ay naglalaan ng suporta at proteksiyon sa sensitibo at maselan na dulo ng mga daliri. Ang mga ito ay magagamit pagka kailangan mong magbalat ng isang kahel, kutkutin ang kaunting mantsa, o pulutin ang isang maliit na butil. Naisip mo na ba kung gaano kabilis humaba ang kuko? Iyan ay depende sa maraming salik. Ang ating mga kuko ay mas mabilis humaba kung tag-init kaysa kung taglamig. Ang mga ito ay pinakamabilis na humahaba sa hinlalaki at pinakamabagal sa kalingkingan. Ang mga ito ay mas mabilis na humahaba sa mas ginagamit na kamay. At ang kabuuang bilis ay tinatayang nasa mga 0.1 milimetro bawat araw.
Ang mga ito ay Nangungusap Para sa Atin
Ang ating mga kamay ay maaaring labis na makapagsiwalat tungkol sa isang tao. Ang isang masiglang pagkamay, banayad na haplos, nakakuyom na kamao, nandudurong daliri—lahat ng ito ay may sinasabi tungkol sa atin. Sa katunayan, ang karamihan sa atin ay nahihirapang magsalita nang hindi pinagaganda ang ating mga sinasabi sa pamamagitan ng ilang pagdiriin o deskriptibong pagkumpas. Para sa bingi, ang makahulugang kakayahang ito ay nagiging napakahalaga. Kung ang mga salita ay di-sapat, maaaring pangasiwaan ito ng kamay sa pamamagitan ng sign language. Lahat ng mga Amerikanong Indian, Hawayano, at African Bushmen ay may sarili nilang magandang anyo ng sign language.
Higit pa sa basta pagsasabi lamang tungkol sa atin, ang ating mga kamay ay may sinasabi pa rin sa atin. “Sa lawak na ang mga ito ay nagagamit sa pakikipag-usap, hindi lamang mga salita kundi mga damdamin at idea, ang mga kamay ng tao ay natatangi,” sulat ni John Napier sa kaniyang aklat na Hands. Kahit na ang maraming “mga kamay” ng hayop ay waring mahalaga gaya ng sa atin, ang pambihirang kayarian at kakayahan ng kamay ng tao ay hindi maaaring maliitin ng walang kabuluhang ebolusyon. Bagkus, ang mahusay na disenyo nito ay maliwanag na nagpapakita ng karunungan ng Disenyador nito, ang Disenyador at Maylikha ng lahat ng bagay, ang Diyos na Jehova.—Apocalipsis 4:11.
Kaya ang ating kabataang karpintero, may hawak na martilyo sa kamay, minsan pa ay inilagay ang pako sa pagitan ng kaniyang hinlalaki at hintuturo, maaaring nasumpungan niya ang isang bagong paggalang sa kaniyang mahalagang mga kamay. Totoo, tayo’y nasasangkapan na gawin ang lahat na masumpungang gawin ng ating mga kamay.
[Larawan sa pahina 20]
Walang dalawang daliri o mga hinlalaki sa mahigit na 50 bilyon na umiiral ang natagpuang may kaparehong bakas