Ang Cuscus na, Masarap-yapusin
Ang Cuscus na Masarap Yapusin
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Papua New Guinea
PALIBHASA’Y nagulat dahil sa napagtuunan siya ng pansin, ang munting masarap-yapusing nilalang ay buong kainosentehang tumitig sa amin na may nagniningning na mga mata. Ang bilugang mukha nito ay napangibabawan ng isang nakausling nguso, at ang mga tainga nito ay halos nakatago na sa balahibo. Ang pambihirang bolang ito ng magkahalong dilaw at puting balahibo na may mahabang walang buhok na buntot ay isang cuscus.
Nang kami’y lumapit upang makitang mabuti, bumalik itong paakyat sa mga puno, kumakapit sa mga sanga sa pamamagitan ng apat na mga paa at kung minsan ay sa pamamagitan ng buntot nito, upang magmukmok sa kaniyang pag-iisa.
Pinsan ng Koala
Ang cuscus ay isa sa pambihirang mga hayop na matatagpuan lamang sa isla ng New Guinea, sa hilagang Australia, at sa karatig na mga isla. Bagaman hindi kasing kilala ng tanyag na pinsan nito ang koala, marami itong mga pagkakahawig.
Tulad ng koala, ang cuscus ay isang marsupial, na ang ibig sabihin ay na pagkatapos magsilang, kinakalong nito at pinasususo ang anak nito—mula sa dalawa hanggang apat na anak—sa isang lukbutan. Ang cuscus ay mahiyain din at mabagal-kumilos na nakatira sa punungkahoy. Ang pang-araw-araw na rutina nito ay matulog nang matulog. Habang nakasiksik sa sanga sa itaas ng punungkahoy, na ang kulay rosas na buntot ay nakabitin na mistulang binaligtad na question mark, pinalilipas nito ang araw nang hindi inaalintana ang kaguluhan sa ibaba. Dahil ito’y panggabing hayop, nagiging mas aktibo ito sa gabi.
Sa likas na tinitirhan nito, ang cuscus ay pangunahin nang nabubuhay sa pagkain ng mga dahon ng punungkahoy, usbong, at malalambot na balat ng prutas, bukod sa maliliit na ibon at mga insekto. Ang siyentipikong pangalan nito, na Phalanger, nangangahulugang “ang Madaliring isa.” Aming nakita ang isang cuscus na nakaupo
habang buong-kaselangang binabalatan ang isang saging at dinidilaan ito gaya ng kasiyahan natin sa pagdila sa sorbetes na nasa apa.Isang Kahali-halinang Alaga
Marahil dahil sa likas na kaamuan nito, ang cuscus ay lubos na kilala bilang isang alagang hayop. At ang halina nito ay hindi matatanggihan. Una sa lahat, ito ay makulay. Ang balahibo mismo nito ay maaaring mula sa manilaw-nilaw na puti, kalawanging pula, o iba’t ibang klase ng kulay abo hanggang sa halos itim na. Ang iba ay may batik, samantalang ang iba ay may matingkad na guhit pababa sa likod. Ang mabalahibo, bilugang hitsura nito, ang palagian at nag-uusisang pagtitig nito, ang mabagal at banayad na mga pagkilos—lahat ng ito ay gumagawang kahali-halinang alagang hayop ang cuscus.
Kung ikaw ay magiging maingat lamang sa tulad-ibong mga kuko nito, makakalong mo ang cuscus na parang isang pusa. Ang cuscus ay maaaring lumaki ng hanggang animnapung sentimetro ang taas hindi kasama ang buntot, na mga tatlumpung sentimetro o higit pa ang haba. Ang dulong bahagi ng buntot ay walang buhok at nababalutan ng magagaspang na kaliskis, na mistulang pinong liha sa tingin at hipo—isang tulong sa pagkapit.
Kami’y pinatawa ng isang uri sa pamamagitan ng pagpapakita kung paano kumain ng mais. Hawak ang mais ng dalawang paa, nginuya nito ang isang hilera ng mga butil ng mais at bago magpatuloy sa susunod na hilera sinisinghot na mabuti ang nauna upang tiyakin na walang butil ang nakaligtaan. Pagka ubos nang lahat, hinihimuran ang mga paa nito upang linisin at iniuunat sa sanga ng puno, busog at nasiyahan.
Ang cuscus ay may kaunting kaaway liban pa sa tao. Hinuhuli ng mga katutubo ang hayop dahil sa karne at ginagamit ang magandang balahibo para sa mga kapa at mga sumbrero. Sa ngayon, ang panghihimasok ng tao sa likas na tirahan ng cuscus, ang kagubatan, sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng lupain, pagmimina, turismo, at iba pa, ay lubusang pumipinsala sa kaligtasan nito. Ito ay isa pang pangyayari sa pagsira ng tao sa ipinagkatiwala ng Diyos na kaniyang pangalagaan.—Genesis 1:26; Apocalipsis 11:18.