Bakit Lubhang Nagdurusa ang Aprika?
Bakit Lubhang Nagdurusa ang Aprika?
SI Jacob, 42 anyos, ay maysakit. Siya’y may AIDS. Kaniya ring nahawahan ang kaniyang asawa ng AIDS. “Alam ng aking asawa na nakuha niya ito mula sa akin,” inaamin ni Jacob.
Ngunit paano nakuha ni Jacob ang nakamamatay na virus? Nagpaliwanag siya: “Ako’y namumuhay mag-isa sa Harare, nagmamaneho mula Zambia, patungo sa Zimbabwe, hanggang sa Botswana at Swaziland. Kasama ng aking asawa ang aming mga anak sa Manicaland [sa Zimbabwe]. At kaming mga tsuper, kami’y may mga bagay na ginawa na dapat sana kami’y naging maingat.”
Ang Imoral na Salot
Sa ngayon, ang paggawi na may pagkagahaman sa sekso ay ang pangunahing nagpapalaganap ng AIDS sa Aprika. Sa madaling sabi, “ang mga pamantayan sa sekso ay pangunahin nang nilabag,” paliwanag ng mananaliksik sa AIDS na si Dawn Mokhobo. Ang magasing African Affairs ay nagsabi na “ang sub-Sahara ng Aprika ay nagbibigay ng napakalaking pagpapahalaga sa mga bata subalit napakaliit na pagpapahalaga sa pag-aasawa. Ang pagtatalik nang di-kasal, maging . . . iyon man ay umakay sa pagdadalang-tao, ay hindi lubusang tinatanggihan.” Sang-ayon sa Nature, ang karaniwang ruta na tinatalunton ng impeksiyon ay nagsisimula sa mga patutot. Sabi ng ulat: “Ang mga babaing patutot ay nagsisilbing tagapunla ng epidemya sa karamihan ng monogamong babae sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa kani-kanilang asawang gahaman sa sekso.”
Hindi lahat ay handang magbago sa kanilang paggawi. Naglalahad ang Panos Document tungkol sa AIDS sa Aprika ng sumusunod na karanasan ng isang mananaliksik sa panggagamot sa Zaire: “Isang gabi, pagkatapos kong gawin ang pagsusuri sa dugo sa isang bukiring lugar kasama ang ilang kasamahan sa panggagamot na taga-Zaire, sila ay lumabas na may kasamang mga babaing tagaroon. Sila’y natulog kapiling ng mga babae, at isa lamang sa kanila ang gumamit ng kondom.” Nang kaniyang tanungin sila tungkol sa panganib, “sila’y nagtawa, na nagsasabing hindi mo maaaring isuko ang kasiyahan sa buhay dahilan lamang sa baka magkasakit ka.” Oo, ang pakikipagtalik sa kaninumang gustuhin ng isa ay inaakala ng marami bilang “kasiyahan sa buhay”—katuwaan, paglilibang.
Gaya sa maraming ibang bahagi ng daigdig, ang mga kabataan ang lalo nang nahihilig sa pagkagahaman sa sekso. Isang kamakailang surbey na isinagawa sa gitna ng 377 kabataan sa Aprika ang nagsiwalat na mahigit na 75 porsiyento ang nakipagtalik na. Gayundin, nagsabi ang isang misyonero sa timog-sentral Aprika na may “iilan lamang kabataang babae na edad 15 ang hindi pa nagdadalang-tao.” Kaniyang isinusog: “Makakakita ka ng
isang bata pa, walang asawang babae, at sasabihin mo sa iyong sarili, ‘Sa susunod na taon sa ganitong oras, siya’y magdadalang-tao.’ ”Gayunman, sa kaso ng Aprika, may ibang mga salik na nagpabilis sa paglaganap ng AIDS.
Hiwalay na mga Pamilya
“Hangga’t ang malaking bilang ng mga lalaking nasa kanilang ikadalawampu at ikatatlumpung taon ay mapilitang magtrabaho na malayo sa kanilang mga asawa at pamilya—maging iyon man ay sa mga pabrika sa lungsod, minahan, taniman o pagmamaneho ng mga trak sa malalayong lugar—ang paglaganap ng AIDS ay patuloy na hindi mababawasan,” sabi ng magasing Africa South. Ang mga mandarayuhan sa Aprika ay nagtitiis ng mahirap na buhay. Hiwalay sa kanilang mga asawa at pamilya, marami ang nagpupunyagi na makasumpong ng matitirhan at mapapasukan sa mga lungsod. Sang-ayon sa magasing African Affairs, ang kaigtingan ng pagsisikap na masuportahan ang kaniyang sarili at isang pamilya sa kanilang lugar ay nagpapangyari sa mandarayuhan na makaranas ng “pagkabigo at pagkadama ng kakulangan.” Isinusog pa ng magasin na ito’y karaniwang humihikayat sa mandarayuhan na “lubusang talikdan ang kaniyang pananagutan.”
Ang mga ruta ng trak ang napili bilang ang nakamamatay na daluyan sa paglaganap ng AIDS. Gaya ng sabi ng isang tsuper ng trak, “tinitiyak ko na saanman ako mapunta, mayroon akong girlfriend na mag-aalaga sa akin.” Ang isang karaniwang pinanggagalingan ng AIDS ay ang isang looban sa Silangang Aprika kung saan ang 600 patutot ay walang-tigil sa kanilang hanapbuhay. Marami sa kanilang mga parokyano ay mga tsuper ng trak na dumaraan para sa kanilang tinatawag na meryenda. Ang dami ng pagkahawa sa HIV sa mga patutot na ito ay tinatayang mahigit sa 80 porsiyento. Samantala, ang nahawahang mga tsuper ay patungo sa kanilang susunod na “meryenda” at sa wakas pabalik sa kanilang mga tahanan—habang ikinakalat ang nakamamatay na salot na kanilang dala.
Nariyan din ang gera sibil at ang alitan sa pulitika—ang mga kalagayang lumilikha ng milyun-milyong takas. “Kung saan may pulitikal at gera sibil,” sabi ng eksperto sa AIDS na si Alan Whiteside, “naroon ang pagbagsak ng karaniwang paggawi sa lipunan. . . . Ang mga takas na lumilipat sa iba’t ibang lugar ay magkakasamang naglilipat ng impeksiyon sa iba at malamang na sila rin ay magkaroon ng mas maraming seksuwal na kapareha.”
Sakuna sa Medisina
Dahil sa kakulangan sa pondo hindi malunasan ng Aprika ang mga suliranin niyaon sa medisina. “Sa maraming bansa sa Aprika ang halaga na nakalaan sa bawat tao sa taun-taon para sa pangangalaga sa kalusugan ay mas mababa sa halaga ng isang pagsusuri sa dugo para sa virus ng AIDS,” paliwanag ng brosyur na Understanding & Preventing AIDS. Gayundin, nagpaliwanag si Keith Edelston, awtor ng aklat na AIDS—Countdown to Doomsday, na “kahit ang sabon upang linisin ang gamit, o ang ordinaryong disimpektante upang linisin ang mga natapon, ay kadalasang walang mabili.”
Ang gawain sa ilang bansa sa Aprika ng muling paggamit ng heringgilya sa maraming pasyente ay nag-udyok kay Edelston na magbabala: “Mag-ingat kung nangangailangang magpainiksiyon . . . sa Aprika . . . Humingi ng isang bagong heringgilya at karayom na kinuha sa mga isterilisadong pambalot habang ikaw ay nakatingin.”
Ang panganib sa di-inaasahang pagkahawa ay nagpapababa sa bilang ng mga manggagamot. Dalawang doktor na nakatalaga sa isang ospital sa Timog Aprika ang nakaranas magurlisan ng karayom habang ginagamot ang mga pasyente ng AIDS. Sila’y nahawa at namatay. Bilang resulta, anim na banyagang mga doktor ang nagbitiw sa ospital na iyon.
Sa ilalim ng ganitong mga kalagayan, hindi kataka-taka na marami ang nag-iisip-isip kung tungkol sa kaugalian ng pagsasalin ng isa sa pinakamapanganib na tagapagpalaganap ng AIDS—dugo! “Ang nahawahang dugo ay nananatiling pangunahing paraan ng paglaganap,” sabi ng South African Medical Journal, nagdaragdag na “totoong wala pa ring sistematikong pagsusuri sa sentral Aprika at di-kukulangin sa 60% ng ipinagkaloob na dugo ang nahawahan.”
Kaya naman, sinalakay na nga ng napakaraming sakuna, ang Aprika ay nagdurusang muli. At kabilang sa pinakakalunus-lunos na mga kapinsalaan ng salot ng AIDS ay ang nangyayari sa kababaihan at sa mga bata.
Ang Walang-malay na Nagdurusa
Si Lucy ay isang walang-malay na biktima ng AIDS. Siya ay nahawa ng kaniyang imoral na asawa. Ngayon, isang balo sa gulang na 23, si Lucy ay
nakikipagpunyagi sa kaniyang damdamin. “Ako ay nagsisikap pa ring mangatuwiran kung mamahalin ang kaniyang alaala o kamumuhian siya sapagkat ako’y nahawahan niya,” sabi niya. Ang damdamin ni Lucy ay ang karaniwang matinding hapdi at paghihirap na idinudulot ng AIDS sa walang-malay na mga biktima niyaon.“Bagaman ang HIV sa umuunlad na mga bansa ay nakaaapekto sa mga babae at lalaki sa halos magkaparehong bilang,” sabi ng magasing The World Today, “ang epekto sa mga babae ay malamang na . . . mas masakit.” Ito ay lalo nang totoo sa Aprika, kung saan ang mga babae—lubhang nasa disbentahang kalagayan dahil sa kamangmangan, kahirapan, at nandarayuhang mga asawa—ay tahimik na nagdurusa.
Subalit ang kalunus-lunos na iniwang epekto ng AIDS ay nasa mga bata. Tinataya ng UNICEF (United Nations Children’s Fund) na pagka 2.9 milyong babae ang mamatay dahil sa AIDS sa Aprika sa dekadang ito, hanggang 5.5 milyong bata ang mauulila. Isang opisyal mula sa isang bansa na may di-kukulangin sa 40,000 ulila dahil sa AIDS ang nag-ulat na “may mga nayon [na] . . . ng pawang mga bata lamang.”
Karaniwan nang nasa mahirap na kalagayan ay ang nahawang mga ina at ang kanilang nahawang mga anak. Ang South African Medical Journal ay nagpapaliwanag na “ang karaniwang ibinabangong tanong ng isang ina ng sanggol na positibong may HIV ay na ‘kung sino ang mauunang mamatay?’ ”
Walang alinlangan na nadarama ng maraming babae na sila’y madaling mahawahan ng AIDS. Ang doktor na taga-Zambia na si M. Phiri ay nagsasabi: “Ang mga babae ay pumaparito na nagtatanong kung may anumang gamot na maaari nilang inumin upang kanilang maiwasan na mahawa ng sakit na ito . . . Naroon ang pagkatakot na ito na habang sila ay nag-iingat mismo sa kanilang sarili, ang kani-kanilang kapareha, ang kani-kanilang asawa, ay maaaring hindi naman ganoong katapat. Ito’y nagpapabalisa sa kanila.”
Kaya, ano ang maaaring gawin ng isang taong may asawa kung kaniyang natuklasan na ang kaniyang asawa ay naging gahaman sa sekso? Kung ang pagpapatawad at pagkakasundo ng mag-asawa ay sinunod, ang nagkasalang kapareha ay dapat sumang-ayon na magpasuri para sa posibilidad ng pagtataglay ng HIV. (Ihambing ang Mateo 19:9; 1 Corinto 7:1-5.) Hanggang sa malaman ang resulta, ang mag-asawa na napapaharap sa ganiyang kalagayan ay maaaring magpasiya na umiwas muna sa pagtatalik o sa papaano man ay gumawa ng pananggalang na mga hakbang upang hindi mahawa.
Yamang mahabang panahon pa bago mapatunayang may AIDS, ang mga kabataang nagbabalak mag-asawa ay dapat na maging maingat bago sila makipagkasundong pakasal sa isa na may nakapag-aalinlangang nakalipas kung tungkol sa moral, kahit na siya sa kasalukuyan ay namumuhay ayon sa Kristiyanong mga pamantayan. Tungkol sa grupong ito na nanganganib, isang eksperto sa AIDS na taga-Tanzania, si Dr. S. M. Tibangayuka, ay nagmumungkahi na ang mga kabataan ay kumuha ng hakbang ng pag-iingat na “magpasuri muna para sa HIV bago magpakasal.”
Ang totoo, habang may AIDS sa Aprika at, sa katunayan, sa natitira pang bahagi ng daigdig, ang walang-malay na mga biktima, kasali na ang mga asawa at mga bata, ay magdurusa.
[Larawan sa pahina 7]
Napakaraming dahilan kung bakit ang AIDS ay pumapatay nang gayon na lamang sa Aprika
[Credit Line]
WHO/E.Hooper