Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Cybernetics—Isang Dati Nang Idea na Umuunlad

Cybernetics—Isang Dati Nang Idea na Umuunlad

Cybernetics​—Isang Dati Nang Idea na Umuunlad

MAHILIG ka bang pumunta sa zoo? Doon ay mapapatawa kang makita ang isang inang baboon (isang uri ng unggoy) na inaayusan ang kaniyang anak, hinihingutuhan ito. O marahil ay mas hilig mo ang pagdalaw sa isang plantang bumubuo ng kotse. Inaasahan mo ba na may makikita kang anumang pagkakatulad doon?

Wala, maaari mong isagot. Subalit, sa makabagong mga paggawaan ng kotse, ikaw ay makakakita ng mga makinang braso na kumukuha at naglilipat ng mga piyesa at mga materyales sa pagbuo. Totoo, ang gayong mga planta ay gumagamit ng gayon ding mga simulain na matagal nang ginagamit ng mga baboon sa pag-aayos sa isa’t isa. Ang tawag sa gayong pag-aaral ng simulain ay cybernetics.

Ang siyensiyang ito ay maaaring bago, subalit ang salita ay hindi. Mga ilang libong taon na ang nakaraan, isinulat ni Homer ang ky·ber·neʹtes pagka tinutukoy ang piloto na umuugit ng barko. At pagkatapos ay ikinapit ni Plato ang salita sa taong umuugit ng isang pamahalaan. Kaya, ano bang talaga ang cybernetics? Ang The World Book Encyclopedia ay nagsasabi na ito ay “isang sangay ng agham na may kaugnayan sa kontrol ng mekanismo at paghahatid ng impormasyon,” kapuwa sa mga bagay na buháy at sa mga makina. Ang paraan sa panloob na kontrol ng hayop​—ang sistema ng nerbiyo—​ay katulad niyaong nasa makabagong makinarya. Ang panloob na sistema ay gumagana sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga utos, pagbibigay-alam sa impormasyon na nasa progreso, at pagkontrol sa pamamagitan ng pagbabago kung kinakailangan.

Suriin natin ang inang baboon sa kaniyang pag-aayos. Ating makikita na siya’y halos may pagkakatulad sa makabagong mga makinarya. Una ay hahanapin nito ang garapata sa pamamagitan ng kaniyang mata. Pagkatapos ay mag-uutos ang utak nito sa kamay na kunin ang insekto sa balahibo. Ang utak ay patuloy na sumusubaybay sa ginagawa, maingat na tinitiyak na makuha ng kamay nito ang insekto at hindi ang bungkos ng buhok. Paano kung ang batang baboon ay hindi mapakali habang ginagawa ito? Walang problema, sapagkat kayang pangasiwaan ng utak ng ina ang gawain, magpapalabas ng bagong utos upang tumbasan ang kaniyang pagliligalig. Ang baboon sa gayon ay may napakasalimuot na katutubong sistema ng pag-uutos, pagbibigay-alam sa impormasyon, at kontrol. Ang mga cybernetician ay nag-aaral ng gayong automatikong mga sistema ng kontrol sa mga buháy na organismo at sa mga makina. Subalit anong uri ng mga makina?

Ang modernong mga kagamitan sa paggawa ng kotse ay halos automatiko nang lahat. Kanilang ginagamit hindi lamang mga makina kundi nag-aayos-sa-sariling mga makina, kung minsa’y tinatawag na mga robot.

Ang mga robot ay isang praktikal na paggamit ng cybernetics na sa mga ito ikinapit ang parehong mga simulain ng pag-uutos, pagbibigay-alam sa impormasyon, at kontrol na nasa inang baboon. Ang mga simulaing ito ay nagpapangyari sa robot na isaayos ang sariling mga gawa nito at sa gayo’y maulusan ang ibang mga kasangkapang makina. Subalit paano nga ba nakaabot ang cybernetics sa yugto ng robot, sa gayo’y umuunlad bilang isang larangan na karapat-dapat hangaan?

Mula sa mga Kalo Tungo sa mga Robot

Sa buong kasaysayan ang tao ay nagsusumikap alisin ang pagkabagot at rutina sa buhay sa pamamagitan ng paglilingkod ng mga makina para sa kaniya. Mangyari pa, ang pinakalumang mga kasangkapan ay nangangailangan pa rin ng isang magpapatakbo at magkokontrol ng mga iyon, isa na mag-iisip. Sa gayon, ang mga gulong, pingga, o kalo ay nagparami sa kakayahang gumawa subalit kailangan ang maingat na pangangasiwa ng tao. Unti-unti, ang mapupuwersang makina ay naimbento, pinatatakbo ng tubig, hangin, o singaw. Subalit ang mga tao ay kailangang nagbabantay pa rin upang tayahin ang nagagawa ng kagamitan, upang magsaayos at magkontrol nito. Kaya ang isang sistema ay kinailangan upang sumubaybay sa gawain ng makina. Maaari bang magawa ng makina na kontrolin ang sarili nito, kahit bahagya man lamang?

Ang utak ng inang baboon ay hindi lamang naglalabas ng mga utos sa kamay kundi nagtatala rin ng isang progresibong pag-uulat salig sa mga bagay-bagay na ibinigay ng mata nito. Ang ating masipag na primate ay hindi na nangangailangang may magsabi pa sa kaniya kung nasaan ang susunod na insekto at kung paano aalisin iyon. Ito’y may katutubong sistema ng pag-uutos, pagbibigay-alam sa impormasyon, at kontrol na gumagawang ito’y nag-aayos-sa-sarili. Ang isang makina na sumusubaybay sa sariling gawa nito ay dapat ding magkaroon ng ganitong mga elemento na nakakabit sa automatikong sistema nito.

Ang pagbabago sa industriya na nagpasimula sa dakong huli ng ika-18 siglo ay naglaan ng isang pangganyak para sa pagpapaunlad ng automatikong mga makina. Halimbawa, ang steam engine ay pinasulong ng centrifugal governor na imbensiyon ni Watt. Sa pagkadama ng bilis ng makina (pagbibigay-alam sa impormasyon) at pagsasaayos ng balbulang daanan ng singaw (kontrol), ang output ng kaniyang makina ay napanatili sa isang itinalagang antas (utos). Ang bilis ng makinang ito sa gayon ay kusang nakontrol, nag-aayos-sa-sarili.

Ngunit ang inang baboon ay higit pa ang nagagawa kaysa ayusan lamang ang anak nito; mapakakain niya ito at maipapasyal din ito. Ang automatikong sistema ng kontrol nito ay madaling umangkop anupat ang batang baboon ay makaaasa na ang inang baboon ang pinakamagaling sa lahat. Maaari kayang maidisenyo ang isang makina na may gayong kakayahang umangkop? Iyon ay nangangailangan ng isang sistema ng kontrol na kayang gumawa ng sarisaring di-magkakaugnay na mga gawain. Mula noong 1950 ang siyensiya ng cybernetics ay sumusubok na matugunan ang pangangailangang ito. Isa sa mga pagsulong na bunga ng kanilang pagsisikap ay ang makabagong robot.

Robot​—ang Bunga ng Cybernetics

Ang salitang “robot” ay nanggaling sa salitang Czech na nangangahulugang “sapilitang paggawa.” Sa siglong ito, ang “robot” ay nangangahulugang “isang naipoprograma-muli, maraming-gamit na makina na dinisenyo [para] sa sarisaring mga gawain.” Maraming robot sa industriya ang nasasangkapan ng mga computer. Ang mga ito ay nakaprograma para sa maraming gawain at pagkatapos ay naipoprograma-muli minsang magbago ang iskedyul ng gawain. Sinasabi na hanggang sa 80 porsiyento ng robot ay maaaring magamit muli sa ibang gawain minsang ang computer nito ay magawan ng makabagong mga programa para sa isang bagong atas.

Paano gumagana ang isang robot na pang-industriya? Ang mga cybernetician ay gumagamit ng parehong taglay-sa-sariling sistema ng kontrol sa mga robot na ating nakita sa inang baboon, na may mga elemento ng pag-uutos, pagbibigay-alam sa impormasyon, at kontrol. Upang pasimulan, isang rutina ng gawain ang inilalagay sa memorya ng robot. Pagkatapos, kailanma’t gumagana ang makina, ang hudyat ng utos mula sa memorya nito ay nagtuturo rito kung ano ang dapat gawin. Ang isang waring may isip na instrumento na nasa makina ay nagbibigay-alam ng isang ulat sa nagaganap. Sa memorya nito, ang isang paghahambing ng nagaganap ayon sa dating iniutos ay gumagawa ng isang utos upang pasimulan ang susunod na trabaho. Ang gayong mga makina ay maaaring tumulak, humila, pumilipit, magtaas, magbaba, mag-ikot, o mag-spray-paint pa man din, maghinang, magkarga, magsalansan, at maglipat.

Ang paggawa ng kotse ay isang industriya, sa marami, na gumagamit ng cybernetics at napakikinabangan ang robot. Inalis nito ang mga manggagawa mula sa mapanganib na kalagayang sanhi ng init, usok, o ingay. Nagunita ng isang mekaniko sa isang planta ng kotse ang kalagayan noong nakalipas na 30 taon, na nagsasabi: “Ako pa ang kailangang bumuo ng mga kahon ng enggranahe at nanakit ang aking likod sa paggawa niyaon. Iyan [gawain] ay ginagawa na ngayon ng isang robot.”

Pinakadakilang Cybernetician

Gayunman, ang pagsulong sa larangan ng cybernetics ay hindi dapat bumulag sa atin sa katotohanan na maging ang pinakamasalimuot na ginagabayan-ng-computer na robot ay makagagawa lamang ng kung ano ang nakaprograma roon. Kapuwa ang makina at programa ay dinisenyo ng tao. Kung gayon, ano ang ating maipapasiya tungkol sa sistema ng nerbiyo ng tao? Maliwanag na ito ay may nakahihigit na katangian.

Si Norbert Wiener, isang tagabunsod sa cybernetics, ay nagsabi: “Walang ibang computer ang nakapantay sa kaayusan ng kakayahan ng utak. . . . [Ang tao] ang may pinakamaunlad na sistema ng nerbiyo” sa alinmang bagay na buháy sa lupa. Maliwanag, ang tao ang nag-aalok ng mahusay na halimbawa ng maaaring gawin ng sistema sa pag-utos, pagbibigay-alam sa impormasyon, at pagkontrol. “Ang paghahatid ng impormasyon sa loob ng sistema ng nerbiyo ay mas masalimuot kaysa pinakamalaking opisina ng telepono,” ulat ng The New Encyclopœdia Britannica, na nagsusog pa: “Ang paglutas ng problema sa pamamagitan ng utak ng tao ay higit sa kakayahan ng pinakamagagaling na computer.”

Kung gayon, ang lahat ng karangalan ay sa Disenyador ng tao, ang Diyos na Jehova, na siyang karapat-dapat na maging pinakamatalinong cybernetician higit kailanman. “Sapagkat kagila-gilalas ang paggawa sa akin sa kakila-kilabot na paraan,” sulat ni David sa Awit 139:14. Bawat malusog na tao ay nasangkapan sa pagsilang ng isang sistema ng nerbiyo na magpapangyari sa kaniya na maging tagasupil ng sarili niyang gawain. Ang ilang katalinuhan ay madaling mapasulong. Ang pagpulot ng mga bagay at paglipat ng mga ito ay literal na laro ng bata. Ang ibang kakayahan, gaya ng pagbibisikleta o pagtugtog ng piyano, ay nangangailangan ng pagsasanay.

Ang sistema ng kontrol ng tao ay lubhang madaling umangkop. Maaari pa nga itong magamit upang magbigay ng patnubay sa paggawi. Sa Efeso 6:4 hinihimok ng Bibliya ang mga magulang na punuin ng matuwid na moral na kagalingan ang utak ng kanilang anak, ang paraan na tinatawag na “pangkaisipang-patnubay.” Ang maraming pag-iimbak ng mga pamantayang moral ay maaaring pumatnubay sa bata sa pagpapasiya at tutulong sa kaniyang pagsubaybay sa sarili niyang gawain.

Ang salitang ky·berʹne·sis ay masusumpungan sa 1 Corinto 12:28. Doon ang salita ay nangangahulugang “mga kakayahan na pumatnubay,” o gaya ng sabi ng Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words, sinasabi na “yaong mga kumikilos bilang mga tagapatnubay” sa loob ng kongregasyon. Maging ang Kristiyanong kongregasyon ay makakikilos bilang sistema ng cybernetics, na may teokratikong mga tunguhin at pamantayan. Bawat indibiduwal na miyembro ay may pagkakataon na sumubaybay sa sarili niyang gawa salig sa kagalingang nakasulat sa Bibliya.

Kaya ang cybernetics ay talagang kasintagal na ng paglalang. Mangyari pa, hindi iyan alam ng inang baboon, o ni ito man ay nababahala. Subalit bilang matatalinong nilikha ng Diyos, ating pahalagahan ang kamangha-manghang kaloob ng ating likas na sistema ng kontrol. Sa paggamit niyaon nang wasto, magagamit natin ang ating kaloob sa kapurihan ng Pinakadakilang Cybernetician, ang Diyos na Jehova.

[Picture Credit Line sa pahina 21]

BMW Werkfoto Nr. 88090