Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dapat Bang Gumamit ng Relihiyosong mga Titulo ang mga Kristiyano?

Dapat Bang Gumamit ng Relihiyosong mga Titulo ang mga Kristiyano?

Ang Pangmalas ng Bibliya

Dapat Bang Gumamit ng Relihiyosong mga Titulo ang mga Kristiyano?

MARAMI ang masasabi tungkol sa kakapusan ng mga klero sa Sangkakristiyanuhan sa ngayon, subalit hindi kinakapos ng relihiyosong mga titulo sa gitna nila. Ang ilang titulo ay simple; ang iba ay mapagpasikat. Narito ang ilang mga halimbawa:

Klero: “Reberendo.”

Anglicanong obispo: “Kapita-pitagang Kabunyian ang Kamahalang Obispo.”

Romano Katolikong obispo (sa Italya): “Ang Kaniyang Kamahalan, ang Pinakamarangal at Kapita-pitagang Monsenyor.”

Kardinal: “Ang Kaniyang Kabunyian.”

Ang papa: “Kabanal-banalang Ama.”

Ang mga titulong “reberendo” at “obispo” ay napakatagal nang ginagamit anupat di na maganda sa pakinig ng karamihan ng mga miyembro ng iglesya. Subalit ang gayon bang mga titulo ay sinang-ayunan ng Bibliya?

“Reberendo,” “Obispo,” at “Kardinal”

Sa King James Version, ang salitang “reberendo” ay lumilitaw nang minsan lamang, sa Awit 111:9, na nagsasabi: “Banal at kagalang-galang ang kaniyang pangalan.” Kaninong pangalan? Ang sumunod na talata ay nagsasabi: “Ang pagkatakot sa PANGINOON ay pasimula ng karunungan.” (Awit 111:10) Sa isang salin sa Katoliko, ang dalawang talatang ito ay nagsasabi: “Banal at kamangha-mangha ang kaniyang pangalan. Ang pinagmulan ng karunungan ay ang pagkatakot kay Yahweh [Jehova].” (The New Jerusalem Bible) Kaya nga, sang-ayon sa Salita ng Diyos, ang maka-Diyos na pagkatakot, o pagpipitagan, ay tanging para kay Jehova lamang, ang Makapangyarihan-sa-lahat. Tama bang itawag iyan sa mga tao?

“Kung ang sinuman ay magsisikap na maging obispo, siya’y naghahangad ng isang mabuting gawain,” sulat ni Pablo kay Timoteo. (1 Timoteo 3:1, KJ) Gayunman, sang-ayon sa The New Jerusalem Bible, nagsasabi ang talata: “Ang magnais na maging isang nangangasiwang matanda ay paghahangad ng isang dakilang tungkulin.” Ang sinaunang mga Kristiyano na may mga pananagutan ay tinutukoy bilang “matatanda” at “mga tagapangasiwa”. Ginamit ba ang mga salitang iyon bilang mga titulo? Hindi. Ang gayong mga lalaki ay hindi kailanman tinawag na “Obispo Pedro” o “Matandang Santiago.” Iyan ang dahilan kung bakit ang mga Kristiyanong lalaki sa gitna ng mga Saksi ni Jehova na naglilingkod sa kongregasyon bilang matatanda ay hindi gumamit kailanman ng terminong “matanda” bilang titulo. Ang mga salitang “matanda” at “tagapangasiwa” (obispo) ay kumakapit doon sa nanunungkulan sa isang posisyon ng awtoridad at pananagutan. Ang mga salita ay naglalarawan din ng mga katangian ng mga lalaking inatasan at ang gawaing kanilang ginagawa.

Kumusta naman ang titulong “kardinal”? Iyon ba ay matatagpuan sa Bibliya? Hindi. Wala iyon sa anumang salin. Sa katunayan, inaamin ng Iglesya Katolika Romana na ang titulong ito ay wala sa Bibliya. Nagsasabi ang New Catholic Encyclopedia: “Ang salita ay hango mula sa salitang Latin na cardo nangangahulugang ‘bisagra,’ at sa sinabi ni Papa Eugene IV, ‘kung paanong ang pinto ng bahay ay bumubukas dahil sa mga bisagra nito, gayundin ang Apostolikong Sede, na siyang pinto ng buong iglesya, ay nakasalalay at nakasumpong ng suporta sa kardinal.’ ” Ang pinagkunan nito ay nagsasabi rin sa atin na ang “kardinal ay nagtatamasa ng pribilehiyo na tuwirang tukuyin bilang ‘Kamahalan.’ ” Ang kanilang kalagayan ay nagpapahintulot din sa kanila na magsuot ng pulang sutana at pulang kap. Ang mga apostol ba ay may gayong ‘mga pribilehiyo’? Wala ang sagot ng Bibliya.

“Panginoon,” “Monsenyor,” at “Ama”

Ang mga miyembro ba ng klero ay dapat na tawaging mga panginoon? Ang Anglicanong mga obispo ay tinatawag na “panginoon.” Ang Katolikong mga prelado ay kadalasang tinatawag na “monsenyor,” na nangangahulugang “aking Panginoon.” Sa ilang bansa, ang mga ministro ng Dutch Reformed Church ay tinatawag na dominee, isang titulo na hango sa salitang Latin na dominus, ang ibig sabihin ay “panginoon.” Subalit si Jesus ay nag-utos sa kaniyang mga alagad: “Nalalaman ninyo na sa sanlibutan, ang mga namumuno ay namamanginoon sa kanilang mga sakop, . . . subalit hindi dapat maging gayon sa inyo.” (Mateo 20:25, 26, The New English Bible) Gayundin, sumulat si apostol Pedro: “Huwag mamanginoon sa pangkat na inyong pinangangasiwaan, subalit maging halimbawa sa pulutong.” (1 Pedro 5:3, NJB) Sa isang pagkakataon nang hugasan ni Jesus na may kapakumbabaan ang paa ng kaniyang mga alagad, sinabi niya sa kanila: “Tinawag ninyo akong Guro at Panginoon, at mabuti iyon; sapagkat ako nga.” (Juan 13:13, NJB) Tama bang gamitin ng mga tao ang isang relihiyosong titulo na para lamang sa Diyos at sa kaniyang Anak?

Tama ba ang relihiyosong titulo na “ama”? Ito ay malawakang ginagamit ng mga Romanong Katoliko at mga Anglicano. Karaniwan ding ginagamit ang “Padre” na nangangahulugang “ama.” Subalit itinuro ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Huwag ninyong tawagin ang sinumang tao sa lupa na inyong ama, yamang iisa lamang ang inyong Ama, at siya ay nasa langit.” (Mateo 23:9, NJB) Ang The New English Bible ay nagsasabi rin: “Huwag ninyong tawagin ang sinumang tao na ‘ama.’ ” Bakit ang mga klero at ang kanilang mga tagasunod ay sumusuway sa utos na ito ng Panginoong Jesu-Kristo?

Ang papa ng Roma ay karaniwan nang tinatawag na “Amang Banal.” Subalit siya’y kadalasang tinatawag ng kaniyang Italyanong mga tauhan bilang Santissimo Padre, na nangangahulugang “Kabanal-banalang Ama.” Ang “Amang Banal” ay isang titulo na lumilitaw nang minsan lamang sa Bibliya. (Juan 17:11) Ito ang pantanging titulo ng Diyos. Wasto ba para sa mga nilalang, na makalupa at di-sakdal, na tawagin sa ganiyang titulo?

Relihiyosong Paglabag

Pakisuyong basahin at pansinin ang konteksto ng Mateo 23:1-12. Si Jesus ay nagsasalita tungkol sa mga Fariseo, na isang kilalang sekta ng Judaismo. Sila’y masugid na mga tagasunod ng batas, mahihigpit sa pangingilin sa bawat detalye ng Kautusang Mosaico. Nais nilang magdamit at kumilos sa isang paraan na makatatawag-pansin sa kanilang sarili. Ang kanilang relihiyon ay isang pagpapakitang-tao​—ang kanilang istilo ng pananamit, ang kanilang pangunahing mga upuan sa kainan, ang kanilang mga upuang nasa harapan sa mga sinagoga, at ang kanilang titulo ng paggalang. Sila pa man din ay humihiling ng higit na paggalang kaysa yaong maibibigay sa mga magulang. Nais nilang sila’y tawaging ama. Gayumpaman, ipinakikita ni Jesus na ang lahat ng kaniyang mga alagad ay pantay-pantay bilang mga anak ng Diyos. Ang anumang titulo na nagpapahiwatig sa kabaligtaran ng pagkakapantay-pantay ay isang kapalaluang pang-aagaw ng isang bagay na para sa Diyos. Sa gayon, ipinagbabawal ni Jesus ang paggamit ng salitang “ama” bilang titulo ng paggalang sa isang makarelihiyosong diwa. Idiniriin ni Jesus na ang kaniyang mga alagad ay mayroon lamang iisang Ama sa pananampalataya, si Jehova.

Hindi ba maliwanag na ang maraming klero ay nakatayo sa ‘banal na dako’ na nakalaan para sa Diyos at sa kaniyang Anak, at na ang labis na paggalang ay nalilihis mula sa Diyos at kay Kristo tungo sa di-sakdal na mga tao? Ang tunay na mga Kristiyano sa ngayon ay umiiwas na gumamit ng mapamuring relihiyosong mga titulo, at kanilang iniiwasan ang gawain ng pagsamba sa mga klero. Sa gitna ng mga Saksi ni Jehova ang tanging anyo ng pagtawag sa mga ministro ay “kapatid.” (2 Pedro 3:15) Iyan ay kasuwato ng sinabi ni Jesus: “Kayong lahat ay magkakapatid.”​—Mateo 23:8, NJB.

[Picture Credit Line sa pahina 12]

The Three Bishops, ni Albrecht Dürer, c. 1507