Gaano Kagrabe ang AIDS sa Aprika?
Gaano Kagrabe ang AIDS sa Aprika?
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Aprika
MALAMANG na narinig mo na ang mga hula. Nakatatakot ang mga iyon. Milyun-milyon sa kontinente ng Aprika ay magkakaroon ng AIDS. Ang sistemang imunidad ng tao ay manghihina, iniiwan ang likas na mga depensa ng katawan na bukás sa pagsalakay ng nakapangingilabot na mga sakit. Gaya ng salot ng bubonic na dumapo sa Europa noong ika-14 na siglo, walang-katulad na lawak ng kamatayan at kapinsalaan ang susunod.
Pagkatapos ay pansamantalang huminto ang balita tungkol sa AIDS. Ang media ay natigmak na ng mga balita, at ang mga tao ay nagsawa na sa nakagigimbal na mga hula ng kawakasan. Talaga bang magiging ganoong kagrabe iyon? Ano bang talaga ang lawak ng epidemya ng AIDS sa Aprika?
“Walang nakaaalam kung gaano kalaki ang magiging bilang sa hinaharap,” sabi ng mananaliksik sa AIDS na si Dr. Andre Spier. Subalit siya ay hindi umaasa. “Ang bilang ay magiging napakalaki at lubhang mapangwasak sa buong lipunan.” Gayundin, noong 1988 sa isang internasyonal na kombensiyon sa AIDS sa Stockholm, Sweden, si Dr. Lars Kallings ay humula na “sa loob lamang ng dalawang taon . . . magkakaroon ng nakasisindak na bilang ng mamamatay.”
Higit ng “dalawang taon” ang nakalipas mula nang ihula iyan. Ngayon marami sa mga hula ay pinupuntirya nang may pagbabanta. Nagpapasimulang lumitaw sa estadistika ang bilang ng mga taong namamatay. At ang pinakagrabe ay darating pa.
Ang Namatay at ang Malapit Nang Mamatay
Ang hampas ng kamatayan at kapinsalaan ay bumabagtas sa maraming bahagi ng sub-Sahara ng Aprika. “Sa ilang mga lungsod,” sabi ng isang kamakailang ulat sa siyentipikong magasin na Nature, “ang AIDS ngayon ang pangunahing sanhi ng kamatayan sa mga adulto at isa sa pangunahing mga salik ng kamatayan ng mga sanggol.” Sa isang lungsod sa Aprika, ang mga pari ay nahihirapan na pangasiwaan ang napakaraming libing na nauugnay sa AIDS na kailangan nilang isagawa.
Noong Oktubre 1991 ang mga pinuno ng mga pamahalaang Komonwelt na nagtipon sa Harare, Zimbabwe, ay nadulugan ng isang memorandum tungkol sa AIDS sa Aprika. Naisiwalat na sa pagitan ng 50 at 80 porsiyento ng lahat ng mga kama sa ospital sa ilang bansa sa Aprika ay okupado ng mga pasyenteng may AIDS. Tungkol sa Uganda na lubhang napinsala, ang espesiyalista sa AIDS na si Dr. Stan Houston ay nagsiwalat na higit na mga tao ang napatay ng AIDS sa Uganda kaysa napatay sa buong nakalipas na 15 taon ng gera sibil sa bansang iyan.
Nakababagabag din ang mga pagsusuri ng mga doktor at mga siyentipiko sa Abidjan, Côte d’Ivoire. Sa yugto ng ilang buwan, lahat ng mga bangkay sa mga morge ng dalawang pinakamalaking lungsod ay sinuri. Ang resulta? Isiniwalat ng magasing Science, na naghatid ng ulat, na nasumpungang ang AIDS “ang pangunahing sanhi ng kamatayan” sa gitna ng kalalakihan sa Abidjan. Isinusog pa ng magasin na ang siniping mga bilang ay “malamang na maling kalkula sa tunay na dami ng namatay sa HIV [Human Immunodeficiency Virus] na pagkahawa.”
Maging ang WHO (World Health Organization), na siyang sumusubaybay sa pambuong-daigdig
na paglaganap ng sakit, ay sumasang-ayon na ito ay maliit na bahagi lamang na nagpapakitang may higit pang bahagi ang natatago. Sang-ayon sa magasing New Scientist, ang WHO “ay kumbinsido na maraming bansa sa Silangan at Gitnang Aprika ay nag-ulat lamang ng ikasampu ng mga kaso ng AIDS . . . Ang pag-uulat ay hindi kumpleto at di-wasto sapagkat ang pangangasiwa ay bago pa lamang.”Nakatagong Impeksiyon
Ang isang nakapanghihilakbot na bagay sa AIDS ay ang mahabang panahon ng impeksiyon na nauuna sa tunay na pisikal na sintoma ng ganap nang AIDS. Hanggang sa sampung taon, ang may impeksiyon ay makapagtatago ng nakamamatay na HIV sa kaniyang katawan. Siya’y maaaring magmukha at makadamang malusog. Maliban ang biktima ay sumailalim sa isang pagsusuri sa sakit, hindi niya malalaman na siya’y napapaharap sa isang nakamamatay na sakit—hanggang sa ang mga sintoma ay magsimula! Itong waring malusog, subalit nahawang, bahagi ng populasyon na walang kamalay-malay ay siyang nagpapalaganap ng AIDS.
Isiniwalat ng mga pagsusuri sa mga antas ng impeksiyon ng HIV ang lawak kung saan ang nakamamatay na salot ay kumakalat na may epekto sa Aprika. Ang magasing African Affairs, halimbawa, ay nagpapakita na ang “may makapal na populasyong rehiyon sa Lawa ng Victoria . . . ay nag-uulat ng mataas [HIV] na paglaganap . . ., umaabot sa pagitan ng 10 hanggang 18 porsiyento sa mga adulto na tinatayang mababa o sa katamtamang panganib hanggang sa 67 porsiyento para sa may napakaraming bilang ng seksuwal na kapareha.” Gayundin, tinaya ng magasing Nature na “sa pangkalahatang populasyon ng adulto, ang impeksiyon ay patuloy na kumalat simula noong 1984, umaabot sa 20-30% sa pinakamalalang-sinalot na mga lungsod.” Isip-isipin—halos sangkatlo ng populasyon ng adulto ay nasa ilalim ng sentensiyang kamatayan sa loob ng sampung taon!
Ang mga pamahalaan at mga pinuno, atubili noong una na isiwalat ang lawak ng paglaganap ng AIDS, ay nakababatid na sa talagang lagim ng epidemya. Isang dating presidente ng Aprika ay nagbigay ng kaniyang pahintulot sa pagsugpo laban sa AIDS—pagkatapos na ang kaniya mismong anak na lalaki ay mamatay dahil sa AIDS. Isa pang lider sa gobyerno ay nagbabala kamakailan na may 500,000 katao sa kaniyang bansa ang may nakahahawang HIV. Karamihan sa mga ito ay hindi nakaaalam na sila’y may sakit na nakamamatay at naikakalat ang salot sa pamamagitan ng kanilang mahalay na paggawi.
“Sabihin Mo sa Kanila Kung Ano ang Nangyari Rito”
Habang patuloy na tumataas ang porsiyento ng mga taong sinasalot ng nakahahawang HIV, ang bilang sa wakas ng lubhang nagkakasakit at namamatay ay tataas nang bigla. Bilang resulta sila’y mag-iiwan ng di-maisaysay na dalamhati at pagdurusa. Sa napinsala ng AIDS na hangganan ng Uganda-Tanzania, nangyari ito sa 59-taóng-gulang na si Khamlua. Simula noong 1987 kaniyang nailibing ang 11 niyang anak at mga apo—lahat ay biktima ng AIDS. “Ibulalas ninyo sa daigdig ang aking mga hinanakit,” kaniyang paghihimutok, nasiraan ng loob dahil sa kapahamakan. “Sabihin ninyo sa kanila kung ano ang nangyari rito.”
Dahil sa mga pamamaraan kung paano lumalaganap ang AIDS, ang nangyari kay Khamlua sa Aprika ay nagbabantang mangyari sa maraming ibang bahagi ng daigdig. ‘Subalit,’ maaaring itanong mo, ‘bakit ang Aprika ang nagdadala ng bigat ng labis na pagdurusa at paghihirap ng tao?’
[Blurb sa pahina 3]
Sa ilang umuunlad na mga bansa, “sa 1993, ang AIDS ay magiging tanging pinakamalaking sanhi ng kamatayan.”—The World Today, Inglatera